Isang Banal na Gawain
Nakinig siya sa lahat ng itinuro namin. Kaya’t bakit hindi niya kinuha ang Aklat ni Mormon nang iabot ko ito sa kanya?
Isang gabi kumatok kami ng kompanyon ko sa pintuan ng isang binata na isang international student na nag-aaral sa isa sa maraming unibersidad sa London. Pinapasok niya kami, at ipinaliwanag namin na kami ay mga misyonero ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tila sabik siyang malaman pa ang tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo, kaya nagpatotoo kami tungkol kay Propetang Joseph Smith at ikinuwento sa kanya ang tungkol sa isang sagradong aklat mula sa ating Ama sa Langit na tinatawag na Aklat ni Mormon. Binigyang-diin namin na sagrado ito dahil nagpapatotoo ito tungkol kay Jesucristo.
Ipinaliwanag namin na maaari niyang malaman sa kanyang sarili ang katotohanan nito at sinabi namin na bibigyan namin siya ng kopya. Nang iniaabot ko sa kanya ang Aklat ni Mormon, tumayo siya sa kanyang kinauupuan at umalis sa silid nang walang anumang sinabi. Sandali kong hinawakan ang Aklat ni Mormon, at nagkatinginan kaming magkompanyon na nagtataka, na iniisip kung ano ang gagawin namin. Inilapag ko ang aklat sa ibabaw ng mesa.
Nakikita namin ang bata naming kaibigan na naghuhugas ng kanyang mga kamay sa kusina at pinunasan ang mga ito ng malinis na tuwalya. Bumalik siya sa silid at dinampot ang Aklat ni Mormon sa mesa at simpleng sinabi, “Palaging naghuhugas ng mga kamay ang mga kababayan ko bago nila hawakan ang isang bagay na sagrado.” Naluha ako nang makita kong buksan ng binatilyong ito ang Aklat ni Mormon sa kauna-unahang pagkakataon at buklatin ang mga sagradong pahina nito ng kanyang malilinis na kamay.
Itinuro ni Alma na ang mga banal na kasulatan ay sagrado at iningatan para makapagdala ng mga kaluluwa tungo sa kaligtasan. Ipinahayag niya sa kanyang anak na si Helaman, “Ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo ang mga bagay na ito, na mga banal, na pinanatili niyang banal, at kanya ring iingatan at pangangalagaan para sa isang matalinong layunin sa kanya, upang maipakita niya ang kanyang kapangyarihan sa mga darating na salinlahi” (Alma 37:14).
Ako ay isinugo sa misyon para ituro ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, subalit ako ang siyang naturuan ng binatang ito na may malilinis na kamay. Sa maraming kultura—kabilang ang sa akin—hindi na kinakailangang maghugas ng ating mga kamay bago magbasa ng mga banal na kasulatan, gayunman ang simpleng paggalang ay isang mapitagan at matinding paalala ng kasagraduhan ng Aklat ni Mormon.