Nakadama Ako ng Pag-aalab sa Aking Puso
Claudia Williams, Florida, USA
Kinalakihan ko na ang pagdalo sa Sunday School sa isang simbahan sa tabi ng bahay namin noong bata pa ako sa Michigan, USA. Nagkaroon ako ng isang guro na nagpadama sa akin ng pagmamahal kay Jesucristo.
Bawat linggo ay nagpapasa siya ng mga kard na naglalarawan ng mga kaganapan sa mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, pati na ng mga alituntuning itinuro Niya at mga himalang ginawa Niya. Bawat linggo ay idinidikit ko ang mga kard sa isang scrapbook at paulit-ulit na binasa ang mga kuwento sa Biblia. Habang lumalaki ako, patuloy kong pinag-aralan ang mga Evangelio sa Bagong Tipan.
Pagkaraan ng ilang taon, noong tag-init ng 1968, bumisita ang mga misyonero ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa bahay ng isang kapamilya ko. Tinanggihan niya ang imbitasyon ng mga elder na alamin pa ang tungkol sa Simbahan ngunit pinapunta niya sila sa bahay ko.
Sa unang pagkikita namin itinuro sa akin ng mga misyonero na “ang pagtaliwakas” ay naganap mula sa Simbahang itinatag ni Jesucristo (tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:3). Ang itinuro nila ay umayon sa personal kong pag-aaral, kaya nang itanong nila kung maaari nila akong bisitahing muli, pumayag ako.
Nang muli silang bumisita, may listahan na ako ng mga tanong. Nagbibinyag ba ang mga Banal sa mga Huling Araw sa pamamagitan ng paglulubog? Naniniwala ba sila sa awtoridad ng priesthood? Naniniwala ba sila sa pagpapagaling ng maysakit? Ang kanilang mga sagot ay sumuporta sa napag-aralan ko sa Bagong Tipan. Sa katapusan ng pagbisita, iniwan nila sa akin ang isang aklat na sinabi nilang nagpapatotoo kay Jesucristo.
Inilapag ko ang aklat sa ibabaw ng TV at natulog na ako. Ngunit pagsapit ng hatinggabi, ginising ako ng isang matinding damdamin na kalaunan ay natuklasan ko na iyon ang Espiritu Santo. Nahikayat akong simulan ang pagbabasa, kaya nagbasa ako nang isang oras at kalahati bago ako nagbalik sa higaan. Hindi nagtagal, muli akong nagising na gayon pa rin ang damdamin, kaya nagbasa pa ako.
Naulit ito nang sumunod na dalawang gabi. Gustung-gusto ko ang binabasa ko at naunawaan ko na nagpapatotoo ang Aklat ni Mormon tungkol kay Jesucristo.
Nagpasiya akong humingi ng patnubay sa Diyos. Sa kauna-unahang pagkakataon simula noong bata ako, lumuhod ako para manalangin. Hiniling ko sa Ama sa Langit na tulungan akong malaman ang aking gagawin sa nadarama kong pag-aalab sa aking puso. Pagkatapos kong manalangin, nahikayat akong muling basahin ang kuwento tungkol sa pagbabalik-loob ng mga Lamanita sa 3 Nephi 9. Nabasa ko na sila “ay nabinyagan ng apoy at ng Espiritu Santo, at hindi nila nalalaman ito” (talata 20).
Nangusap sa akin ang mga salitang “hindi nila nalalaman ito.” Naisip ko: “Talagang narito sa mundo ang Simbahan ni Jesucristo!” Nasabik akong kausapin ang mga misyonero tungkol sa nabasa at nalaman ko. Ngunit nang sagutin nila ang mga tanong ko kasama ang paanyayang magpabinyag, hindi ako pumayag. Hindi iyon mauunawaan ng asawa ko.
Gayunman, habang patuloy kong pinag-iisipan ang talatang iyon, natanto ko na naroon ang malinaw na utos sa akin na mag-alay ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu.” Nanalangin ako at hiniling ko sa aking Ama sa Langit na tulungan ako, na ginawa naman Niya. Matapos makinig ang aking asawa sa mga talakayan ng misyonero, pumayag na siyang mabinyagan ako.
Napakalaki ng pasasalamat ko sa mapagmahal na Ama sa Langit sa napakahalaga at napakagandang karanasan kong iyon bilang bata pang ina na mabasa ang Aklat ni Mormon. Inakay ako nito sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Dahil dito, ang impluwensya ng Espiritu Santo na nadama ko sa mga gabing iyon noong 1968 ay isa na ngayong palagiang kaloob—isang bagay na pumatnubay sa akin sa loob ng mahigit 40 taon ko bilang miyembro ng Simbahan.