Sinubukan Ko ang Pangako ni Moroni
Francesco Ferraresi, Lombardy, Italy
Ilang taon na ang nakararaan nasa bahay ako ng isang kaibigan nang makilala ko ang dalawang binatang nakadamit nang disente na nagpakilalang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw. Para sa akin kakatwa na nagpunta pa sila sa Italy para turuan ang mga taong naniniwala na sa Tagapagligtas.
Maya-maya pa ay inanyayahan ko silang pumunta sa bahay ko. “Kung gusto ninyo, bisitahin ninyo ako at pag-usapan natin ang kani-kanyang kultura natin,” sabi ko. “Pero huwag ninyong isiping magpapalit ako ng relihiyon.”
Nang magkita kaming muli nang sumunod na gabi, binanggit ng mga misyonero ang Aklat ni Mormon. Nagtaka ako na noon ko lamang narinig iyon. Inanyayahan ko silang magbalik, pero pagkatapos ng ikalawang pagbisita, nagpasiya ang asawa kong si Anna Maria na nahihibang sila at umaalis siya ng bahay kapag nagtuturo sila. Ako man ay medyo nahiwagaan sa mga misyonero, pero interesado akong malaman ang sasabihin nila at patuloy ko silang kinausap.
Isang gabi pag-uwi ni Anna Maria, narinig niya kaming nag-uusap tungkol sa kasal na walang-hanggan. Masyado siyang naging interesado rito, at nagpasiya kami na magkasama naming sisimulang muli ang mga talakayan. Marami siyang alam sa mga banal na kasulatan at lagi siyang maraming tanong. Nasagot kaagad ng mga elder ang ilan sa mga ito, pero ang iba ay kinailangan pa nilang saliksikin. Bawat linggo ay walang palya silang nagbalik na may mga sagot, at bawat linggo ay may panibagong listahan ng mga tanong si Anna Maria.
Hindi nagtagal nang matapos namin ang lahat ng talakayan, ginulat ako ni Anna Maria nang hingin niya ang pahintulot kong magpabinyag siya. Sinabi ko sa kanya na wala akong tutol kung talagang naniniwala siya. Dumalo ako sa kanyang binyag noong Marso 5, 1995, at maganda ang pakiramdam ko habang idinaraos iyon.
Patuloy akong nagbasa tungkol sa Simbahan, at patuloy akong hinikayat ng mga misyonero. Sa wakas ay nagpasiya akong subukan ang pangako ni Moroni (tingnan sa Moroni 10:4–5). Gusto kong malaman kung totoong nagmula sa Diyos ang Aklat ni Mormon o kung isa lamang itong magandang nobela.
Isang araw ng Hunyo 1995 habang nag-iisa ako sa bahay, lumuhod ako sa dulo ng kama ko at tinanong ko ang Ama sa Langit, “Totoo po ba ang Aklat ni Mormon, at kung totoo, kailan ako dapat magpabinyag?” Bigla kong nadama sa aking puso’t isipan ang malinaw na tinig na nagsabi sa akin, “Totoo ang Aklat ni Mormon.” Pagkatapos ay malinaw kong naisip kung kailan ako magpapabinyag. Pagkaraan ng isang linggo muli akong nagdasal at iyon din ang natanggap kong sagot. Umapaw sa galak ang puso ko. Alam ko na ngayon na nangusap sa akin ang Diyos: ang Aklat ni Mormon ay binigyang-inspirasyon ng Diyos at si Joseph Smith ay isang tunay na propeta.
Sa wakas, noong Setyembre 17, 1995, nabinyagan ako, isang taon at kalahati simula nang makilala ko ang mga misyonero. Hindi nagtagal ang aming anak na si Aba Chiara ay naging interesado sa Simbahan at nabinyagan din siya. Noong Enero 1997 nabuklod ang aming pamilya sa Bern Switzerland Temple.
Alam namin na ito ang totoong Simbahan, na pinamamahalaan ni Jesucristo sa pamamagitan ng isang propeta at ng priesthood. Nagpapasalamat kami sa Panginoon sa Kanyang pagmamahal, sa pag-akay Niya sa amin sa mga misyonero, at sa aming kaalaman tungkol sa ebanghelyo.