Mensahe sa Visiting Teaching
Kung Hindi Tayo Nag-aalinlangan
Pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dadalawin ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang kababaihan sa inyong lugar at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Sa Aklat ni Mormon mababasa natin ang tungkol sa mga ulirang kabataang lalaki na lubhang magigiting, matatapang, at matatatag. “Oo, sila’y mga lalaki ng katotohanan at maunawain, sapagkat sila ay naturuang sumunod sa mga kautusan ng Diyos at lumakad nang matwid sa kanyang harapan” (Alma 53:21). Pinuri ng matatapat na kabataang lalaking ito ang kanilang mga ina—na kanilang mga halimbawa at guro.
Ang mga ina ng mga mandirigma ni Helaman ay nabuhay sa mga panahong hindi naiiba sa atin. Mahirap at mapanganib ang kanilang kalagayan, at ang mga kabataan ay tinawag upang ipagtanggol ang pisikal at espirituwal na kalayaan. Ngayon ay nabubuhay tayo sa isang mundo kung saan tayo ay “[nakikibaka] hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan” (Mga Taga Efeso 6:12).
Sa mga panahong puno ng hamon ay kailangan ang matatag na mga magulang at halimbawa na nagtuturo ng katotohanang batid ng mga mandirigma ni Helaman: “Kung hindi sila mag-aalinlangan, sila ay ililigtas ng Diyos” (Alma 56:47). Ang pagtuturo at pagpapakita ng halimbawa ng katotohanang ito ngayon ay nangangailangan ng pag-iingat. Gayunman, hindi tayo dapat matakot. Kapag alam natin kung sino tayo at sino ang Diyos at nakipagtipan tayo sa Kanya, tayo—tulad ng mga inang ito ng mga mandirigma—ay magkakaroon ng malaking impluwensya sa kabutihan.
Malamang, bawat isa sa 2,060 mandirigma ni Helaman ay naimpluwensyahan ng isang ina. Ngunit ang mga inang ito ay hindi mag-isang kumilos. Kasama ang iba pang mabubuting lalaki at babae, pinagkaisa ng mga inang ito ang kanilang pananampalataya at halimbawa para ituro ang kapangyarihan ng mga tipan. Naunawaan ng mga kabataan sa panahong ito ang tipan na ginawa ng kanilang mga magulang na huwag makidigma. At kahit tila imposible, nagbukas ng daan ang isang mapagmahal na Ama sa Langit para matupad ng mga magulang na ito ang kanilang tipan—at mapangalagaan ang kanilang kalayaan (tingnan sa Alma 56:5–9). Dapat din nating igalang ang ating mga tipan para ang mga bata at kabataan—ang sarili nating mga anak at ang nasa ating mga ward, branch, sambayanan, at komunidad—ay maunawaan at maigalang ang pagtupad sa mga tipan.
Kapag iginalang natin ang ating mga tipan, maihahanda ng Ama sa Langit ang daan para sa atin. Kailangan nating ipamuhay nang lubusan ang ating mga tipan. Halimbawa, magagawa natin na taimtim na magdasal, palaging mag-aral ng mga banal na kasulatan, magkaroon ng current temple recommend, magdamit nang disente, igalang ang araw ng Sabbath. Kapag ginawa natin ito, malalaman at masasabi ng ating mga anak, “Hindi kami nag-aalinlangan, nalalaman ito ng aming mga ina” (Alma 56:48).
Ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw na nakauunawa na nagmumula ang kanilang lakas sa Pagbabayad-sala ng Panginoon ay hindi sumusuko sa mahihirap at nakapanlulumong panahon. Bilang mga taong tumutupad sa tipan, tayo ay nangunguna sa pagsuporta, pangangalaga, at pagprotekta sa mga bata at kabataan upang balang-araw ay masabi natin sa susunod na henerasyon na ito, “Hindi pa ako nakakikita ng labis na katapangan, hindi pa, ni sa lahat” (Alma 56:45).
Julie B. Beck, Relief Society general president.