2011
Pag-aalab sa Aking Puso
Oktubre 2011


Pag-aalab sa Aking Puso

Ang araw na natuto siyang bumasa ang siya ring araw na nagkaroon si Eduardo ng patotoo sa Aklat ni Mormon at sa kapangyarihan nito.

“Laging sinasabi noon ng lolo ko, ‘Kung nais nating may marating, kailangan tayong matutong bumasa,’” sabi ni Eduardo Contreras. “Tama ang lolo ko.”

Gayunman, para kay Eduardo, mahabang panahon ang kailangan para matutong magbasa. Bilang isa sa limang anak na pinalaki ng kanyang balong ina sa lungsod ng Córdoba, Argentina, tumigil siya sa pag-aaral noong walong taong gulang siya at nagtrabaho para tumulong sa pagsuporta sa kanyang pamilya.

“Mahirap na mahirap kami noon,” paggunita niya. Upang mapagkasya ang kinikita, si Eduardo ay nag-shine ng mga sapatos, gumawa ng hollowblocks, namitas ng patatas, nagtinda ng diyaryo, at nagkaroon ng iba pang panandaliang trabaho hanggang sa permanente siyang nakapagtrabaho sa pamahalaang lungsod noong siya ay binata na.

Sa paglipas ng mga taon, si Eduardo ay nag-asawa at nagsimula na ng sarili niyang pamilya. Nang magsimula nang mag-alisan sa tahanan ang kanyang limang anak, hindi pa rin siya marunong magbasa at kakaunti lamang ang posibilidad niyang matutong bumasa. Nagbago iyan isang araw nang paalisin niya ang ilang batang lalaki sa kanilang lugar na nangangantiyaw sa mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw sa tapat ng kanyang tahanan. Pinapasok niya ang mga misyonero, at hindi nagtagal ay tinuturuan na siya at ang kanyang asawang si María.

“Hirap akong maunawaan ang kahit anong sabihin nila dahil hindi sila gaanong makapagsalita ng wikang Espanyol,” paggunita ni Eduardo, “ngunit may ipinakita sila sa aking polyeto na may mga larawan ng Tagapagligtas at ni Propetang Joseph Smith na nasa Sagradong Kakahuyan. Nagandahan ako sa mga larawang ipinakita nila at sa mga bagay na itinuro nila sa amin.”

Hindi nagtagal napalitan ang mga misyonerong iyon, at mayroon nang isang marunong magsalita ng Espanyol. Sina Eduardo at María, na namatayan ng sanggol na anak na babae ilang taon na ang nakalilipas, ay naantig sa pelikula ng Simbahan na Ang Pamilya ay Magsasama Magpakailanman. Hindi nagtagal, sila, kasama ang bunso nilang anak na si Osvaldo ay nabinyagan.

Nang mabinyagan si Eduardo noong 1987, hinangad din niyang palakasin ang kanyang patotoo sa pamamagitan ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon. “Paano ako matututong magbasa?” tanong niya sa kanyang asawa. Sinabihan siya ni María na tumingin sa mga letra, pagsamahin ang mga ito sa kanyang isipan, sikaping bigkasin ang tunog ng mga salita, at pagkatapos ay sikaping basahin ito nang malakas. Sa pamamagitan ng pagsasanay, tiniyak niya sa kanya, siya ay matututo ring bumasa.

Alam ni Eduardo, na noon ay 45 anyos, ang mga tunog ng maraming letra, ngunit hindi niya sinubukang magbasa mula nang matigil sa pag-aaral halos apat na dekada na ang nakalilipas.

May Pag-aalab sa Aking Puso

May panalangin sa kanyang puso na naupo si Eduardo isang araw ng tag-init sa malilim na lugar sa bakuran ng kanyang tahanan. “Doon,” sabi niya, “nagpasiya akong subukan ang pagbabasa.”

Sinabi ni María na hindi niya akalain ang sumunod na nangyari. Habang may ginagawa siya sa kusina, paminsan-minsan niyang pinakinggan si Eduardo na nagtatangkang bigkasin ang mga letra at salita. “Bigla ko na lang siyang narinig na nagsasalita nang mabilis,” sabi niya. “Nakinig ako at natanto ko na nakakabasa na siya—nang mahusay. Wala pang kalahating oras ang nakalipas ay nakakabasa na siya!”

Marubdob ang pagsisikap ni Eduardo kaya’t hindi niya natanto na nagbabasa na siya. Ngunit habang nagbabasa siya, “Nakadama ako ng pag-aalab sa aking puso,” paggunita niya. Gulat na gulat na tinawag ni Eduardo ang kanyang asawa, “Mami, anong nangyayari sa akin?”

“Iyan ang Espiritu ng Panginoon,” sagot ni María. “Mahusay ka nang magbasa!”

Sa paggunita sa nangyari, sinabi ni María, “Isang bagay iyon na hindi namin maikakaila.”

Dagdag pa ni Eduardo, “Ang araw na natuto akong bumasa ang siya ring araw na nagkaroon ako ng patotoo sa Aklat ni Mormon at sa kapangyarihan nito.”

Magmula noon, nagsimula nang gumising si Eduardo nang alas-4:00 n.u. para basahin ang Aklat ni Mormon bago pumasok sa trabaho. Pagkatapos ay binasa niya ang Doktrina at mga Tipan, at sumunod ang Biblia. May aklatan na ngayon ang tahanan ng mga Contreras, kung saan iilang aklat lang ang naroon bago ang taong 1987.

Habang lumalago ang kaalaman nina Eduardo at María sa ebanghelyo, lumalago rin ang kanilang patotoo. Nang mamatay ang kanilang anak na si Osvaldo sa isang aksidente noong 2001, ang kanilang patotoo—lakip ang matinding espirituwal na mga karanasan habang nagdarasal sa Buenos Aires Argentina Temple, kung saan nabuklod sila at si Osvaldo—ang tumulong sa kanila na makayanan ang pagkawala ng kanilang anak.

“Kung ibang magulang iyon, baka nabaliw na sila,” sabi ni Eduardo, “ngunit nakadama kami ng kapanatagan na nagsasabing, ‘Maganda ang kalagayan ng inyong anak.’Siyempre umiyak kami. Siya ay mabuting anak, at nangungulila kami sa kanya. Ngunit nabuklod kami sa templo, at alam namin kung nasaan siya ngayon.”

Ang Liwanag na Hatid ng Pagkatutong Bumasa at Sumulat

Salamat sa pagtuturo ng isang miyembro ng kanyang ward, si Eduardo ay natuto ring sumulat. “Noon,” sabi niya, “ni hindi ko mailagda ang pangalan ko.”

Sa liwanag na hatid ng pagkatutong bumasa at sumulat, naunawaan ni Eduardo ang katotohanan ng mga salita ng kanyang lolo.

“Narito tayo sa lupa upang unti-unti tayong umunlad sa bawat araw,” sabi niya. Sa pagkatutong bumasa at sumulat, dagdag pa niya, ipinakikita niya sa kanyang mga anak at apo na hindi pa huli ang lahat para matuto, humusay, at marating ang nais ng Diyos na marating natin. “Dahil nakakabasa ako, may natututuhan akong bago sa bawat araw,” sabi niya.

Ngayon ay nababasa na ni Brother Contreras ang anumang gusto niyang basahin, kabilang na ang mga diyaryo na itininda niya noong bata pa siya at hindi pa marunong bumasa at sumulat. Ang mga banal na kasulatan pa rin ang mga paborito niyang aklat, lalo na ang Aklat ni Mormon. Walong beses na niya itong nabasa mula sa simula hanggang wakas.

“Para sa akin ang Aklat ni Mormon ang naging daan,” sabi niya, na nagpapasalamat pa rin sa pagbabagong idinulot sa kanyang buhay ng kaalaman sa pagbasa at pagsulat at ng ebanghelyo. “Ang Aklat ni Mormon ang lahat para sa akin. Ito ang lahat-lahat para sa akin. Nadarama ko ang Espiritu sa tuwing bubuklatin ko ito para basahin.”

Para kay Eduardo Contreras, na nasa retrato sa itaas kasama ang kanyang asawang si María, ang Aklat ni Mormon ang naging daan para siya matutong bumasa at sumulat. “Nadarama ko ang Espiritu sa tuwing bubuklatin ko ito para basahin,” sabi niya.

Larawang kuha ni Michael R. Morris