Ang Itinuturo ng Aklat ni Mormon Tungkol sa Pag-ibig ng Diyos
Ang ilan sa pinakamagagandang halimbawa ng pag-ibig ng Panginoon ay nakatala sa Aklat ni Mormon.
Karamihan sa mga Kristiyano ay pamilyar sa mga katangian ni Jesucristo na nakalahad sa Biblia. Namamangha sila sa pag-ibig na ipinakita Niya sa mga maralita, maysakit, at naaapi. Ang mga nagtuturing sa kanilang sarili na Kanyang mga disipulo ay nagsisikap ding pamarisan ang Kanyang halimbawa at sundin ang payo ng Kanyang pinakamamahal na Apostol: “Mangagibigan tayo sa isa’t isa: sapagka’t ang pagibig ay sa Dios; at ang bawa’t umiibig ay ipinanganak ng Dios, at nakakakilala sa Dios. … Sapagka’t ang Dios ay pagibig” (I Ni Juan 4:7–8).
Ang konseptong ito ay nilinaw ng Aklat ni Mormon. Inilalarawan nito kung paano isinisilang sa Diyos ang isang tao at paano nagkakaroon ang isang tao ng kapangyarihan na magmahal nang tulad Niya. Tumutukoy ito sa tatlong pangunahing alituntunin na naghahatid ng kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos sa ating buhay.
Una, itinuturo ng Aklat ni Mormon na ang pananampalataya kay Cristo at ang pagpasok sa tipan sa Kanya na susundin ang Kanyang mga kautusan ang susi sa espirituwal na pagkasilang na muli. Sa mga tao sa Aklat ni Mormon na gumawa nang gayong tipan, sinabi ni Haring Benjamin, “At ngayon, dahil sa tipang inyong ginawa kayo ay tatawaging mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae; sapagkat masdan, sa araw na ito kayo ay kanyang espirituwal na isinilang; sapagkat sinasabi ninyo na ang inyong mga puso ay nagbago sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan; anupa’t kayo ay isinilang sa kanya at naging kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae” (Mosias 5:7).
Ikalawa, itinuturo mismo ng Tagapagligtas na ang kapangyarihang maging katulad Niya ay nagmumula sa pagtanggap ng mga ordenansa ng ebanghelyo: “Ngayon, ito ang kautusan: Magsisi, lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay pabanalin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan sa huling araw” (3 Nephi 27:20).
Ikatlo, hinihikayat Niya tayong sundan ang Kanyang halimbawa: “Anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” ang makahulugan Niyang tanong. Ang Kanyang sagot: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” (3 Nephi 27:27). Tunay na gusto Niya tayong maging higit na katulad Niya.
Ang ilan sa pinakamagagandang halimbawa ng Kanyang pag-ibig ay nakatala sa Aklat ni Mormon. Ang mga halimbawang ito ay maiaakma sa ating buhay habang sinisikap nating maging higit na katulad ng Panginoon.
Ang Kanyang pagmamahal kay Lehi at sa pamilya ni Lehi—at ang kanilang pagmamahal sa Kanya—ang naghatid sa kanila sa lupain ng Amerika, na kanilang lupang pangako, kung saan sila naging masagana.1
Ang pag-ibig ng Diyos sa atin ang nagtulak sa Kanya daan-daang taon na ang nakalilipas upang atasan ang mga propetang Nephita na mag-ingat ng sagradong tala ng kanilang mga tao. Ang mga aral mula sa talaang iyon ay may kinalaman sa ating kaligtasan at kadakilaan. Ang mga aral na ito ay nasa Aklat ni Mormon ngayon. Ang sagradong tekstong ito ay nakikita at nahahawakang katibayan ng pag-ibig ng Diyos para sa ating lahat na Kanyang mga anak sa buong mundo.2
Ang pag-ibig ni Cristo sa Kanyang “iba pang tupa” ang dahilan ng pagpunta Niya sa Bagong Daigdig.3 Mula sa Aklat ni Mormon nalaman natin na nangyari ang malalaking kalamidad na dulot ng kalikasan at ang tatlong araw ng kadiliman sa Bagong Daigdig kasunod ng pagkamatay ng Panginoon sa Lumang Daigdig. Pagkatapos ang niluwalhati at nabuhay na mag-uling Panginoon ay bumaba mula sa langit at nagministeryo sa mga tao ng Bagong Daigdig.
“Ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan,” ang sabi Niya sa kanila, “at ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin, at niluwalhati ang Ama sa pagdadala ko ng mga kasalanan ng sanlibutan” (3 Nephi 11:11).
Pagkatapos ay ipinadama Niya ang isa sa mga pinakanakaaantig na karanasan sa piling Niya. Inanyayahan Niya silang hipuin ang sugat sa Kanyang tagiliran at ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa, upang malaman nila nang may katiyakan na Siya “ang Diyos ng Israel, at ang Diyos ng buong sangkatauhan, at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan” (3 Nephi 11:14).
Pagkatapos ay ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang awtoridad na magbinyag, igawad ang kaloob na Espiritu Santo, at pangasiwaan ang sakrament. Binigyan Niya sila ng kapangyarihang itatag ang Kanyang Simbahan sa kanilang kalipunan, sa pamumuno ng labindalawang disipulo.
Ibinigay Niya sa kanila ang ilan sa mga batayang doktrina na ibinigay Niya sa Kanyang mga disipulo sa Lumang Daigdig. Pinagaling Niya ang kanilang mga maysakit. Lumuhod Siya at nanalangin sa Ama sa mga salitang napakamakapangyarihan at sagrado kaya’t hindi maaaring itala ang mga ito. Lubhang makapangyarihan ang Kanyang panalangin kaya’t ang mga nakarinig sa Kanya ay napuspos ng kagalakan. Puspos ng Kanyang pag-ibig sa kanila at ng kanilang pananampalataya sa Kanya, si Jesus mismo ay tumangis. Ipinropesiya Niya ang gawain ng Diyos sa darating na mga siglo na hahantong sa ipinangakong pagsapit ng Kanyang Ikalawang Pagparito.4
Pagkatapos ay hiniling Niyang dalhin nila sa Kanya ang kanilang mga anak.
“At kinuha ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila.
“At nang magawa na niya ito, siya ay muling tumangis;
“At nangusap siya sa maraming tao, at sinabi sa kanila: Masdan ang inyong mga musmos.
“At nang sila ay tumingin upang pagmasdan ay itinuon nila ang kanilang mga paningin sa langit, at kanilang nakitang bumukas ang kalangitan, at nakita nila ang mga anghel na bumababa mula sa langit na parang ito ay nasa gitna ng apoy; at sila ay bumaba at pinalibutan yaong mga musmos, … at ang mga anghel ay naglingkod sa kanila” (3 Nephi 17:21–24).
Gayon ang kadalisayan at kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos, na inihayag sa Aklat ni Mormon.
Sa mga huling araw na ito, tayo na binigyan ng pribilehiyong magkaroon ng Aklat ni Mormon, maging mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon, tanggapin ang Kanyang ebanghelyo, at sundin ang Kanyang mga kautusan ay may alam tungkol sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos. Alam natin kung paano tataglayin ang Kanyang pag-ibig. Kapag tayo’y naging Kanyang mga tunay na disipulo, nagkakaroon tayo ng kapangyarihang magmahal nang tulad Niya. Kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan, tayo’y nagiging higit na katulad Niya. Pinalalawak natin ang ating pagmamahal sa pamamagitan ng pagtulong sa mga tao ng bawat bansa, lahi, at wika.
Taglay ang matinding pasasalamat sa Kanyang huwarang buhay, maaari nating gawing pamantayan ang talatang ito: “Manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang kayo ay maging mga anak [na lalaki at anak na babae] ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya” (Moroni 7:48).5