2011
Si Propetang Joseph Smith: Tagapagsalin ng Aklat ni Mormon
Oktubre 2011


Si Propetang Joseph Smith

Tagapagsalin ng Aklat ni Mormon

Ang Aklat ni Mormon ay isang natatanging aklat ng banal na kasulatan. Bagama’t mga sinaunang propeta ang sumulat nito, hindi ito napasaatin sa paraang katulad ng sa Biblia. Halos buong Biblia ay itinala sa mga scroll o rolyo ng pergamino (nakabalumbon na papel) sa Lumang Daigdig bilang magkakahiwalay na aklat at kinopya ng mga tagasulat sa loob ng maraming siglo. Noon lamang ikaapat na siglo pagkamatay ni Jesucristo pinagsama-sama ang magkakahiwalay na aklat na ito at naging isang aklat na tinatawag nating Banal na Biblia.

Ang Aklat ni Mormon, sa kabilang banda, ay itinala ng mga sinaunang propeta sa Bagong Daigdig sa mga laminang metal, na pinaikli ng isang propeta—si Mormon (kaya ipinangalan sa kanya ang aklat)—noong ikalimang siglo a.d. sa iisang talaan sa mga laminang ginto. Kalaunan ay ibinaon ng kanyang anak na si Moroni ang mga lamina, kung saan ito nanatili hanggang 1827, nang iabot ito ni Moroni, bilang nabuhay na mag-uling nilalang, sa isang binatang nagngangalang Joseph Smith.

Ang sumusunod ay kuwento kung paano tinanggap, isinalin, at inilathala ni Joseph ang talaan na pinamagatan na ngayong Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo. Ang Tagapagligtas mismo ay nagpatotoo na ang aklat ay totoo (tingnan sa D at T 17:6).

  1. Noong 1820 isang batang 14-na-taong-gulang na nagngangalang Joseph Smith ang nakatira malapit sa Palmyra, New York. Kahit bata pa, nag-alala siya tungkol sa katayuan niya sa harapan ng Diyos at nalito sa mga itinuturo ng iba’t ibang relihiyong Kristiyano na naghahanap noon ng mga mabibinyagan sa pamamagitan ng pagwawalang-bahala sa mga itinuturo ng iba. Dahil nahikayat sa pag-aaral niya ng Biblia, nagpasiya ni Joseph na humingi ng karunungan sa Diyos, na “nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat” (Santiago 1:5). Nagpunta siya sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan upang manalangin.

  2. Habang nakaluhod at nananalangin si Joseph, isang haligi ng liwanag ang tumapat sa kanya. Doon ay nakita niya ang dalawang Katauhan. Nagsalita ang Ama sa Langit at sinabi, “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17). Sinabi ng Panginoon kay Joseph na huwag sumapi sa alinmang simbahan dahil walang totoo sa mga ito, ngunit pinangakuan siya “na ang kabuuan ng Ebanghelyo ay ipaaalam sa [kanya] sa hinaharap.”1

  3. Makalipas ang tatlong taon, ikinuwento ni Joseph Smith ang kanyang karanasan sa iba—at inusig siya dahil dito. Iniulat niya: “Bagaman kinamuhian ako at inusig dahil sa pagsasabi na nakakita ako ng pangitain, gayon man ito’y totoo; at … dahil dito ay nasabi ko sa aking puso: Bakit ako inuusig sa pagsasabi ng katotohanan? Ako ay tunay na nakakita ng pangitain; at sino ako na aking kakalabanin ang Diyos, o bakit iniisip ng sanlibutan na ipagkakaila ko ang tunay kong nakita? Sapagkat nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:25).

  4. Noong Setyembre 21, 1823, nagdarasal si Joseph nang mapuno ng liwanag ang kanyang silid-tulugan at nagpakita ang isang anghel na nagngangalang Moroni. Sinabi ni Moroni kay Joseph ang tungkol sa mga isinulat ng ilang sinaunang propeta. Ang talaan, na nakaukit sa mga laminang ginto, ay nakabaon sa kalapit na burol. Sinabihan si Joseph na isasalin niya ang talaan.

  5. Sa huli, noong Setyembre 22, 1827, ipinagkatiwala kay Joseph ang mga lamina, na inilabas niya mula sa isang kahong bato na nakalagak sa ilalim ng isang malaking bato sa isang burol na malapit sa Palmyra, New York.

  6. Tulad ng karaniwan sa mga lalawigan noong panahong iyon, hindi gaanong nakapag-aral si Joseph Smith. Para matulungan siya sa pagsasalin, binigyan siya ng Diyos ng isang sinaunang kasangkapan sa pagsasaling-wika na tinatawag na Urim at Tummim. Mapalad din siya na natulungan siya ng mga tagasulat na nagsulat ng idinidikta niya habang siya ay nagsasalin. Kabilang sa mga tagasulat na ito ang kanyang asawang si Emma; si Martin Harris, isang mayamang magsasaka; at si Oliver Cowdery, na isang guro. Wala pang tatlong buwan ay tapos na ang karamihan sa pagsasalin nang magsilbing tagasulat si Oliver.

    Inilarawan ni Emma kung ano ang pakiramdam ng maging tagasulat ni Joseph: “Walang sinumang makapagdidikta ng nakasulat sa mga manuskrito maliban kung siya ay binigyang-inspirasyon; sapagkat, noong [ako ang] kanyang tagasulat, dinidiktahan ako [ni Joseph] nang ilang oras; at pagbalik namin mula sa pagkain, o matapos ang mga panggagambala, agad siyang nagsisimula kung saan siya tumigil, nang hindi tinitingnan ang manuskrito o ipinapabasa ang anumang bahagi.”2

    Ipinaliwanag ni Joseph ang kahalagahan ng paglabas ng Aklat ni Mormon: “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay isinalin ko ang Aklat ni Mormon mula sa hieroglyphics, na ang kaalaman tungkol dito ay nawala sa mundo, isang napakagandang kaganapang mag-isa kong naranasan, ako na isang kabataang walang pinag-aralan, upang daigin ang karunungan ng mundo at malaking kamangmangan ng labingwalong siglo, sa isang bagong paghahayag.”3

  7. Sa loob ng 18 buwan na nasa kanya ang mga lamina, hindi lamang si Joseph ang nakakita o nakahawak sa mga ito. Tatlong lalaki—sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris—ang pormal na nagpatotoo na ipinakita sa kanila ng anghel na si Moroni ang mga laminang ginto at alam nila na ang mga lamina ay “isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, dahil ipinahayag ito sa amin ng kanyang tinig.” Walo pang lalaki ang nagpatotoo na nakita at nahawakan nila ang mga laminang ginto.4

  8. Noong Agosto 1829, kinontrata ni Joseph ang tagalathalang si Egbert B. Grandin ng Palmyra, New York, para ilimbag ang aklat. Isinangla ni Martin Harris ang kanyang sakahan upang mabayaran ang paglilimbag ng aklat, at noong Marso 26, 1830, may nabibili nang Aklat ni Mormon.

  9. Noong Abril 6, 1830, mga 60 katao ang nagtipon sa isang bahay na troso sa Fayette, New York. Doon, ayon sa utos ng Panginoong Jesucristo, pormal na inorganisa ni Joseph Smith ang Simbahan ng Tagapagligtas, ipinanumbalik ito ayon sa orihinal na pagkaorganisa nito at pamumuno ng mga apostol at propeta, na awtorisadong mangusap para sa Diyos. Kalaunan ay ibinigay sa isang paghahayag kay Joseph Smith ang pangalan ng Simbahan: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa D at T 115:4).

Mga Tala

  1. Joseph Smith, sa History of the Church, 4:536.

  2. Interbyu kay Emma Smith ni Joseph Smith III, Peb. 1879, sa Saints’ Herald, Okt. 1, 1879, 290.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 71.

  4. Tingnan sa “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” at “Ang Patotoo ng Walong Saksi,” sa pambungad sa Aklat ni Mormon.

Mula kaliwa: Brother Joseph, ni David Lindsley © 1998; Naghangad ng Karunungan si Joseph Smith mula sa Biblia, ni Dale Kilbourn © 1975 IRI; Unang Pangitain ni Joseph Smith, ni Greg Olsen, hindi maaaring kopyahin; larawan ng tagpo mula sa Joseph Smith: Propeta ng Panunumbalik, ni Matthew Reier © IRI

Mula kaliwa: Nagpakita si Anghel Moroni kay Joseph Smith, ni Tom Lovell © 2003 IRI; larawan ng tagpo mula sa Joseph Smith: Propeta ng Panunumbalik, ni Matthew Reier © IRI; larawan ng tagpo mula sa Joseph Smith: Propeta ng Panunumbalik, ni John Luke © IRI; Sa pamamagitan ng Kaloob at Kapangyarihan ng Diyos, ni Simon Dewey; detalye ng larawang ipininta ni William Maughan © 1998; larawang kuha ni Craig Dimond © IRI; larawan ng tagpo mula sa Joseph Smith: Propeta ng Panunumbalik, ni Matthew Reier © IRI