Mensahe ng Unang Panguluhan
Mahahalagang Pangako ng Aklat ni Mormon
Maraming taon na ang nakararaan tumayo ako sa tabi ng kama ng isang bata pang ama na naghihingalo. Nakatayo sa malapit ang kanyang ligalig na kabiyak at kanilang dalawang anak. Hinawakan niya ang kamay ko at nagmamakaawang sinabi, “Bishop, alam kong mamamatay na ako. Sabihin mo sa akin ang mangyayari sa aking espiritu kapag namatay na ako.”
Nag-alay ako ng tahimik na panalangin para patnubayan ako ng langit at napansin ko ang isang kopya ng triple combination sa mesa sa tabi ng kanyang kama. Kinuha ko ang aklat at binuklat ang mga pahina. Bigla kong natanto na napatigil ako at walang kahirap-hirap na tumigil sa ika-40 kabanata ng Alma sa Aklat ni Mormon. Binasa ko ang mga salitang ito sa kanya:
“Masdan, ipinaalam sa akin ng isang anghel, na ang espiritu ng lahat ng tao matapos na sila ay lumisan sa katawang mortal na ito, … ay dadalhin pabalik sa Diyos na sa kanila ay nagbigay-buhay.
“At … ang mga espiritu ng yaong mabubuti ay tatanggapin sa kalagayan ng kaligayahan, na tinatawag na paraiso, isang kalagayan ng pamamahinga, isang kalagayan ng kapayapaan, kung saan sila ay mamamahinga mula sa kanilang mga suliranin at sa lahat ng alalahanin at kalungkutan” (Alma 40:11–12).
Habang patuloy akong nagbabasa tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli, sumigla ang mukha ng bata pang ama at siya’y ngumiti. Nang paalis na ako, nagpaalam ako sa magiliw na pamilyang ito.
Nakita kong muli ang asawa’t mga anak sa libing. Ginugunita ko ang gabing iyon nang magmakaawa ang bata pang ama para sa katotohanan at, mula sa Aklat ni Mormon ay narinig niya ang sagot sa kanyang tanong.
Mula sa Aklat ni Mormon dumarating ang iba pang mahahalagang pangako, pati ang mga pangako ng kapayapaan, kalayaan, at mga pagpapala kung “pagsisilbihan lamang [natin] ang Diyos ng lupain, na si Jesucristo” (Eter 2:12).
Mula sa mga pahina nito dumarating ang pangako ng “walang katapusang kaligayahan” sa “mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal” (Mosias 2:41).
Mula sa mga pahina nito ay ang pangako ng “hindi maunawaang kagalakan” sa mga taong nagiging “[mga] kasangkapan sa mga kamay ng Diyos” sa pagsagip sa Kanyang pinakamamahal na mga anak na lalaki’t babae (Alma 28:8; 29:9).
Mula sa mga pahina nito ay ang pangako na titipunin ang nakalat na Israel—isang gawaing sinisikap nating gawin sa pamamagitan ng ating malawakang gawaing-misyonero sa iba’t ibang panig ng mundo (tingnan sa 3 Nephi 16; 21–22).
Mula sa mga pahina nito ay ang pangako na kapag nanalangin tayo sa Ama sa sagradong pangalan ni Jesucristo, pagpapalain ang ating mga pamilya (tingnan sa 3 Nephi 18:21).
Sa pag-aaral ng mga pahina nito ay dumarating ang katuparan ng pangako ng propeta na “darating sa inyo at sa inyong tahanan ang Espiritu ng Panginoon, na lalong magpapalakas sa paninindigan ninyong sundin ang Kanyang mga utos, at lalong magpapatatag sa patotoo na tunay na buhay ang Anak ng Diyos.”1
At mula sa mga pahina ng Aklat ni Mormon dumarating ang pangako ni Moroni na sa pamamagitan ng panalangin, tunay na layunin, at pananampalataya kay Cristo, malalaman natin ang katotohanan ng mga pangakong ito “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (tingnan sa Moroni 10:4–5).
Katulad ng iba pang mga propeta sa mga huling araw, pinatutunayan ko ang katotohanan nitong “pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo,”2 maging ang Aklat ni Mormon, na isa pang tipan ni Jesucristo. Ang mensahe nito ay laganap sa buong mundo at inaakay ang mga mambabasa nito sa kaalaman ng katotohanan. Pinatototohanan ko na binabago ng Aklat ni Mormon ang mga buhay. Nawa’y basahin ito ng bawat isa sa atin at paulit-ulit itong basahin. At nawa’y masaya nating ibahagi sa lahat ng anak ng Diyos ang ating patotoo tungkol sa mahahalagang pangako nito.