Mga Karaniwang Itinatanong Tungkol sa Aklat ni Mormon
Mula man sa mga kaibigan, pamilya, sa mga talagang interesado, o kumakalaban, lahat tayo ay natatanong tungkol sa Aklat ni Mormon. Narito ang ilang posibleng sagot.
Ano ang Aklat ni Mormon, at paano ito inihahalintulad sa Biblia?
Ang Aklat ni Mormon ay isang aklat ng banal na kasulatan tulad ng Biblia. Ito ay isa pang tipan ni Jesucristo.1 Tinatalakay nang lubos sa Biblia ang buhay at mga turo ng sinaunang Israel. Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng mga isinulat ng ilang grupo ng mga tao na dumating sa lupain ng Amerika, kabilang ang isang pamilya na umalis sa Jerusalem noong 600 B.C. Ang mga taong iyon ay mga inapo rin ng sambahayan ni Israel. Kaya nga ang Biblia at Aklat ni Mormon ay isinulat ng mga taong may parehong pinagmulan ngunit nasa magkaibang panig ng mundo.
Tulad ng Biblia, ang Aklat ni Mormon ay higit pa sa kasaysayan. Ito ay naglalaman ng “kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo” (D at T 20:9): ang mga turo, doktrina, at propesiya na nagpapatotoo tungkol sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.
Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na “sinasabi sa atin [ng Aklat ni Mormon] na ang ating Tagapagligtas ay nagpakita sa kontinenteng ito [lupain ng Amerika] matapos Siyang mabuhay na mag-uli; na itinatag Niya ang kabuuan, at yaman, at kapangyarihan, at pagpapala ng Ebanghelyo rito; na sila ay mayroong mga Apostol, Propeta, Pastor, Guro, at Evangelista, sa gayon ding pagkakaayos, gayon ding priesthood, gayon ding mga ordenansa, kaloob, kapangyarihan, at pagpapala, na tulad ng tinamasa sa kontinente sa silangan; … na ang huli sa kanilang mga propeta na nakapiling nila ay inutusang paikliin ang mga propesiya, kasaysayan, at kung anu-ano pa, at ibaon ito sa lupa, at na ito ay ilalabas at magiging kaisa ng Biblia para maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos sa mga huling araw.”2
Parehong pinag-aaralan ng mga miyembro ng Simbahan ang Biblia at ang Aklat ni Mormon. Sa katunayan, dalawa sa apat na taon sa kurikulum ng ating Sunday School ang nakatuon sa pag-aaral ng Biblia. (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paksang ito, tingnan ang mga pahina 16, 24, at 52 sa isyung ito.)
Sino ang sumulat ng Aklat ni Mormon?
Ang mga sinaunang propeta, tulad nina Nephi, Jacob, Mormon, at anak ni Mormon na si Moroni, ang mga pangunahing may-akda nito. Tinipon at pinaikli ni Mormon ang mga talaang iningatan ng mga propeta tungkol sa kanilang kasaysayan, mga propesiya, at mga turo. Isinama rin niya ang ilan sa sarili niyang mga karanasan. Iniukit ni Mormon ang talaang ito sa pinagsama-samang piraso ng metal—kulay ginto—na madalas tukuying mga laminang ginto.
Nang mamatay ni Mormon, tinapos ni Moroni ang talaan at ibinaon ito sa isang burol upang maingatan para sa ating panahon. Noong 1823 nagpakita si Moroni bilang isang anghel kay Joseph Smith at ipinakita sa kanya kung saan nakabaon ang talaan. Makalipas ang apat na taon, pinayagan si Joseph na kunin ang mga talaan. Kanyang “isinalin ang talaan sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos” sa wikang Ingles mula sa sinaunang wikang nakasulat doon.3 Pagkatapos ay inilathala at ipinamahagi niya ang Aklat ni Mormon. (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paksang ito, tingnan ang mga pahina 22 at 72 sa isyung ito.)
Ano ang nangyari sa orihinal na talaan—ang mga laminang ginto?
Nakuha ni Joseph Smith ang mga lamina noong Setyembre 1827 at nasa kanya ang mga ito hanggang sa tagsibol ng 1829. Nang isulat niya ang kanyang kasaysayan noong 1838, ipinaliwanag niya ang nangyari sa mga lamina: “Alinsunod sa napagkasunduan, nang hingin ng sugo [na si Moroni] ang mga iyon ay ibinigay ko yaon sa kanya; at ang mga yaon ay nasa kanyang pag-iingat magpahanggang sa araw na ito, na ikalawang araw ng Mayo, isanlibo walong daan at tatlumpu’t walo” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:60).
Sino pa ang nakakita sa mga laminang ginto?
Bukod kay Joseph Smith, may ilan pang kalalakihan at kababaihan ang nakakita sa mga lamina at pinatotohanan na mayroon nga nito. Higit sa lahat ang labing-isang kalalakihan, na kilala bilang ang Tatlong Saksi at ang Walong Saksi, ay sumulat ng kanilang mga patotoo na nakita nila ang mga lamina at, sa Walong Saksi naman, nahawakan nila ang mga lamina. Ang kanilang mga patotoo ay nakalakip sa unahan ng bawat kopya ng Aklat ni Mormon.
Ang kalalakihang ito ay nagsisilbing matitibay na saksi sa Aklat ni Mormon, marahil ay higit pa rito dahil ang ilan sa kanila ay “[minsang] kumalaban kay Joseph,” pagpapatibay ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Gayunman, sila “ay nagpatotoo hanggang sa kanilang kamatayan na nakakita sila ng anghel na nag-abot sa kanila ng mga lamina. ‘Ang mga ito ay ipinakita sa amin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, at hindi ng tao,’ sabi nila. ‘Kung kaya’t nalalaman namin nang may katiyakan na ang gawa ay totoo.’”4
May nakikita at nahahawakan bang katibayan na totoo ang Aklat ni Mormon?
Bagama’t hindi natin ibinabatay ang ating pananampalataya sa nahahawakan at nakikitang katibayan, may katibayan sa lingguwistika, kasaysayan, at arkeolohiya para sa Aklat ni Mormon. Halimbawa, ang pagsusulat sa mga laminang metal ay pinagtatawanan noon, ngunit sa nakalipas lamang na mga taon napakaraming halimbawa ng mga sagradong tala na nasa mga laminang metal—ang ilan na nakatago sa kahon na yari sa bato—ay natagpuan.
Napansin ng mga lingguwista na ang mga salita at parirala sa Aklat ni Mormon na asiwang pakinggan sa Ingles ngunit may ganap na kabuluhan sa Hebreo at kaugnay na mga wika na alam ng mga tao sa Aklat ni Mormon—ay mga wikang hindi alam ng batang si Joseph Smith.
Ngunit hindi ang ganitong uri ng mga katibayan ang nakahihikayat sa atin na paniwalaan ang katotohanan ng Aklat ni Mormon. Ito ay ang pananampalataya at personal na paghahayag.
Paano ko malalaman na totoo ang Aklat ni Mormon?
Ang nag-iisang tiyak na paraan para malaman sa iyong sarili ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang huling kabanata sa Aklat ni Mormon ay nag-aanyaya sa sinuman na basahin ito, pagnilayan ito, at taos-pusong hangaring malaman kung ito ay totoo sa pamamagitan ng pagtatanong sa Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo. Malalaman ng mga taong gagawa sa hakbang na ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na ang aklat ay totoo (tingnan sa Moroni 10:3–5). Milyun-milyong miyembro ng Simbahan ang nanalangin at nalaman nila sa pamamagitan ng pagpapatotoo ng Espiritu Santo na ang Aklat ni Mormon ay totoo. (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paksang ito, tingnan ang mga pahina 4, 60, at 80 sa isyung ito.)
Naguguluhan ako sa Apocalipsis 22:18–19, na nagsasabi sa atin na huwag magdagdag ng anumang bagay sa salita ng Diyos.
Isa sa mahahalagang pinaniniwalaan natin ay na palaging inihahayag at ihahayag ng Diyos ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga anak sa mundo. Naniniwala tayo na ang Biblia ay salita ng Diyos ngunit hindi tayo naniniwala na taglay nito ang lahat ng paghahayag ng Diyos na ibinigay o ibibigay sa Kanyang mga propeta. Patuloy pa rin Niyang inihahayag ngayon ang kanyang kalooban sa pamamagitan ng mga buhay na propeta at apostol, ang saligan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:20).
Nang isulat ni Apostol Juan ang aklat ng Apocalipsis, hindi ito ang huling aklat ng Biblia. Ang Luma at Bagong Tipan ay hindi pinagsama sa iisang aklat ng mga banal na kasulatan—na tinatawag ngayong Biblia—hanggang sa ikatlong siglo A.D.
Sa gayon ding paraan, sinasabi sa atin ng Deuteronomio 4:2 na huwag dagdagan ang mga salita ni Moises. Mangyari pa, ang talatang ito, na nasa unang bahagi ng Lumang Tipan, ay hindi nagpawalang-kabuluhan sa buong Biblia. Hindi tutukuyin ni Moises o ni Juan na baguhin ang isang aklat na hindi pa nalilimbag; sa halip nagbabala sila laban sa pagbabagong gagawin sa mga totoong turo ng ebanghelyo.
Ang Aklat ni Mormon, na naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo, ay hindi binabago ang salita ng Diyos kundi pinagtitibay ito. (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paksang ito, tingnan ang mga pahina 24 at 38 sa isyung ito.)
Narinig ko na may mga pagbabagong ginawa sa Aklat ni Mormon mula noong una itong mailathala. Ano ang binago at bakit?
Ang sagot sa tanong na ito ay nakabatay sa pagkaunawa tungkol sa proseso ng pagsasalin at paglalathala ng Aklat ni Mormon.
1. Habang isinasalin ni Joseph Smith ang mga laminang ginto sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, idinidikta niya ang mga salita sa isang tagasulat. Paminsan-minsan nagkakamali sa pagbabaybay at gramatika ang mga tagasulat habang isinusulat nila ang kanyang mga sinasabi. Halimbawa, sa 1 Nephi 7:20 ang mga salitang “were sorrowful” ay naisulat nang “ware sarraful.” Ang mga tagasulat ay nakapag-aral naman, ngunit ang pagbabaybay sa panahong iyon ay hindi pa nakaayon sa pamantayan.
2. Ang orihinal na sulat-kamay na manuskrito ng pagkasalin ay kinopya para makagawa ng panibagong sulat-kamay na manuskrito para sa printer o mag-iimprenta. Sa bahaging ito, ang ilang pagkakamali sa baybay at gramatika ay naiwasto, at naidagdag ang pagbabantas. Ngunit nagkaroon ng panibagong pagkakamali sa hindi tamang pagkakopya sa mga salita.
3. Ginawa ng nag-imprenta ang lahat ng magagawa niya upang maging tumpak ang pagta-typeset. Gayunman, may mga pagkakataon na may nagagawa pa rin siyang pagkakamali. Halimbawa, sa Alma 57:25 mali ang pagkabasa niya sa salitang “joy” at sa halip nai-typeset ang salitang “foes.”
4. Sinuring mabuti ni Propetang Joseph Smith ang unang tatlong edisyon ng Aklat ni Mormon, at patuloy siyang tumulong sa pagsasaayos at pagbabago nito. Gayunman ang ilang pagkakamali ay sa mga huling edisyon lamang nakita. Noong 1981 ang pagkakamali ng nag-imprenta sa Alma 16:5 ay naiwasto na rin sa wakas, binago ang “whether” sa “whither”—na tumugma sa orihinal na manuskrito tulad ng pagkakasalin dito ng Propeta mula sa mga laminang ginto.
5. Ang iba pang mga pagbabago ay kinapalooban ng bagong kabanata at paghahati ng talata at mga talababa na may mga cross-reference.
Mamigay ng Kopya
Kahit ano pa ang itanong ng mga tao tungkol sa Aklat ni Mormon, ang aklat mismo ang mahusay na magtatanggol sa sarili nito. Maaari kayong magpatotoo tungkol sa aklat, mamigay ng kopya, at anyayahan ang iba na ipanalangin ito para sa kanilang sarili. Kung ang isang tao ay may tapat na puso at tunay na hangarin na malaman kung totoo ang aklat, ang Panginoon “ay ipaaalam ang katotohanan nito sa [taong iyon] sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4).