Mga Ordenansa sa Templo at ang Landas ng Tipan
“Ang templo ang sentro sa pagpapalakas ng ating pananampalataya at espirituwal na katatagan dahil ang Tagapagligtas at ang Kanyang doktrina ang pinakasentro ng templo. Ang lahat ng bagay na itinuturo sa templo, sa pamamagitan ng mga tagubilin at ng Espiritu, ay nakadaragdag sa nauunawaan natin tungkol kay Jesucristo. Ang Kanyang mahahalagang ordenansa ang nagbibigkis sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng mga sagradong tipan ng priesthood. Pagkatapos, kapag tinutupad natin ang ating mga tipan, pinagkakalooban Niya tayo ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan.” (Pangulong Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Pangkalahatang Kumperensiya, Oktubre 2021)
Ang pagtanggap ng mga ordenansa sa templo at pagtupad sa mga tipan ay mahalagang parte ng inyong pangako na tularan si Jesucristo. Tinutulungan din kayo nito na maghandang makabalik at mamuhay sa piling Niya at ng ating Ama sa Langit balang-araw. Marami kayong magagawa upang matiyak na magiging handa kayo. Dapat ibilang ang pag-aaral ng ebanghelyo ni Jesucristo at pagsasabuhay ng mga turong iyon sa inyong buhay. Ang pagtupad sa mga tipang ginawa na ninyo ay mahalaga sa inyong pagiging handa sa templo.
Itinuro ni Jesus, “Sapagkat makipot ang pintuan at masikip ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakatagpo niyon” (Mateo 7:14). Ang pasukan na pinapasok natin ay binyag at ang daan na tinatahak natin ay Kanyang ebanghelyo. Ang binyag ang unang ordenansa ng ebanghelyo at hakbang na kailangan sa landas ng tipan pabalik sa Diyos.
Kayo rin ay gagabayan ng iba pang mga ordenansa sa pagtahak ninyo sa landas. Kabilang dito ang pagtanggap sa Espiritu Santo, maordenan sa Melchizedek Priesthood (para sa kalalakihan), pagtanggap ng endowment sa templo, at mabuklod sa templo. Humahantong ang mga sagradong ordenansang ito ng priesthood sa mga pinakamalaking pagpapalang ibinibigay ng ating Ama sa Langit sa Kanyang mga anak—ang kagalakang makapiling Siya at ang ating pamilya pagkatapos ng buhay na ito sa mundo.
Maaaring mag-alangan kayo o madama na napakaraming gagawin sa inyong paghahanda para sa templo. Bago kayo bumisita sa unang pagkakataon, normal lamang na mag-isip kung paano kaya isinasagawa ang mga seremonya sa templo. May ilang bagay na bago sa inyo, pero karamihan sa mga nangyayari sa templo ay madarama ninyo na napakapamilyar dahil lahat ng ito ay nakasentro sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Hindi kailangang alam o natatandaan ninyo ang lahat ng bagay kapag nagpupunta kayo sa templo. Ang mga temple worker ay laging naroon para tulungan kayo. Ang mga volunteer na ito ay mapagmahal at mababait. Nariyan sila para tulungan kayong madama na welcome kayo at komportable sa bahay ng Panginoon.
Dahil kayo ay nabinyagan na, alam na ninyo ang ilang mga bagay tungkol sa mga ordenansa at tipan. Alam ninyo na may simboliko at espirituwal na kahulugan ang mga ito. Halimbawa, nalaman ninyo na ang binyag ay sumasagisag sa paglilinis at muling pagsilang. Nagbihis kayo ng puting kasuotan at lumusong sa tubig. Isang priesthood holder ang nagtaas ng kanyang bisig at binigkas ang mga salita ng ordenansa. Pagkatapos, inilibing kayo (inilubog) sa tubig at bumangon bilang isang bagong tao. Kayo ay naging malinis at dalisay at handang mamuhay bilang tapat na disipulo ni Jesucristo. Matapos kayong mabinyagan, natanggap ninyo ang kaloob na Espiritu Santo nang ipinatong ang mga kamay sa inyong ulo.
Noong nabinyagan kayo, nakipagtipan kayo sa Diyos. Nangako kayo na handa ninyong taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Jesucristo, aalalahanin Siya sa tuwina, susundin ang Kanyang mga kautusan, at paglilingkuran Siya hanggang wakas. Bilang miyembro ng Kanyang Simbahan, simbolikong pinapanibago ninyo ang inyong tipan sa binyag at ang lahat ng iba pang mga tipan kapag tumatanggap kayo ng sakramento.
Ang mga ordenansa sa templo ay pareho nang sinusundang huwaran. Magbibihis kayo ng puting kasuotan, tuturuan ng tungkol sa plano ng Diyos, at makikibahagi sa mga seremonyang sagrado at simboliko. Pangangakuan din kayo ng mga pagpapala sa inyong pakikipagtipan na susundin ang mga turo at halimbawa ni Jesucristo.
Tandaan, lahat ng bagay sa templo ay itinutuon tayo sa Tagapagligtas at sa ating Ama sa Langit. Lahat ay layong magbigay ng sigla at inspirasyon.
Malilinis na Kamay at Dalisay na Puso
Tinanong tayo sa aklat ng Mga Awit, “Sinong aakyat sa bundok ng Panginoon? At sinong tatayo sa kanyang dakong banal? Siyang may malilinis na kamay at may pusong dalisay” (Mga Awit 24:3–4). Ang burol ng Panginoon ay templo Niya. Dalawang katangian ang nabanggit para makapasok—malilinis na kamay at dalisay na puso.
Sinabi ni Elder David A. Bednar patungkol sa talatang ito: “Hayaan ninyong imungkahi ko na nagiging malinis ang mga kamay sa paghuhubad ng likas na tao at sa pagdaig sa kasalanan at masasamang impluwensya sa buhay natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang mga puso ay napapadalisay kapag tinatanggap natin ang Kanyang nakapagpapatibay na kapangyarihang naghihikayat sa ating gumawa ng mabuti at maging mas mabuti. Lahat ng ating makabuluhang hangarin at magagandang gawain, kahit kinakailangan ito, ay hindi kailan man makapagbubunga ng malilinis na kamay at dalisay na puso. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang makapagbibigay ng kapwa nakalilinis at nakatutubos na kapangyarihan na tumutulong sa atin na makapanaig sa kasalanan at nakapagpapabanal at nakapagpapatibay na kapangyarihan na tumutulong sa atin na maging lalong mabuti kaysa sa makakaya nating gawin kung aasa lamang tayo sa sariling lakas natin. Ang walang katapusang Pagbabayad-sala ay para sa makasalanan at banal sa bawat isa sa atin” (“Malilinis na Kamay at Dalisay na Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 82).
Sa inyong paghahanda para sa templo, makikipag-usap kayo sa inyong bishop. Makikipag-usap din kayo sa inyong stake president, kung tatanggap kayo ng inyong endowment o ibubuklod. Bawat isa sa kanila ay magsasagawa ng interbyu para sa temple recommend. Maibabahagi ninyo sa kanila ang mga nasasaisip at saloobin ninyo, at magbibigay sila ng inspiradong payo. Sa pagsagot ninyo sa kanilang mga tanong, pagtitibayin din ninyo na mayroon kayong “malilinis na kamay at dalisay na puso.” Sa madaling salita, sasabihin ninyo na kayo ay karapat-dapat at handang pumasok sa templo, makibahagi sa mga sagradong ordenansa, at tumupad sa inyong mga tipan.
Ang mga Sagradong Tipan ay Personal at Makapangyarihan
Habang umuunlad kayo sa landas ng tipan patungo sa templo, magsisimula kayong mas lalong magpahalaga sa mga pagpapala ng mga sagradong tipan sa inyong buhay. Narito ang ilang bagay na maaaring pag-isipan tungkol sa kahalagahan ng mga tipan:
1. Pinalalalim ng mga tipan ang inyong kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Ang tipan ay kadalasang itinuturing na sagradong pangako sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga anak. Bagama’t tama ang pakahulugang ito, hindi ito kumpleto. Ang tipan ay higit pa sa isang kontrata. Ito ay pangako sa sarili na humuhubog at nagpapalalim sa ating kaugnayan sa Diyos. Ang mga tipan ang bumubuo ng sagradong ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga anak. Pinasisigla nito ang ating espiritu, binabago ang ating puso, at tinutulungan tayong maging kaisa Niya. Kapag tapat kayo sa inyong mga tipan, ang inyong pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay sisidhi. Ang nadarama ninyong pasasalamat ay mag-iibayo. Ang kakayahan ninyong magmahal at maglingkod sa kapwa ay lalago. At ang mga pagpapalang ipinangako sa templo ay dadaloy sa inyong buhay.
2. Tumutulong ang mga tipan na magtuon kayo sa mga bagay na pinakamahalaga.
Sa inyong buhay, mahaharap kayo sa mga pagpili na mangangailangan ng inyong oras, ng inyong lakas, at ng inyong kabuhayan. Maraming mabubuting pagpili ang makikipagpaligsahan sa iba pang makabuluhang mapagpipilian. Paano kayo pipili?
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Hindi sapat na dahilan ang pagiging maganda ng isang bagay para gawin ito. … May ilang bagay na mas maganda kaysa sa iba, at ito ang mga bagay na dapat nating unahin sa ating buhay. … May ilang paggamit ng oras ng indibiduwal at pamilya na mas maganda, at may ibang pinakamaganda. Dapat nating talikuran ang ilang magagandang bagay para mapili ang iba pang mas maganda o pinakamaganda dahil ang mga ito ay nagpapalakas sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at nagpapatatag sa ating mga pamilya” (“Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 104, 107).
Sa pamamagitan ng mga tipan, tinutulungan tayo ng Diyos na maunawaan ang mga alituntunin, gawain, at pangako na alam Niyang pinakamabuti para sa atin. Maaari tayong magtamo ng higit na kaalaman tungkol sa mga prayoridad at makagawa ng mas matatalinong pagpili kapag nagtutuon muna tayo sa mga sagradong pangakong iyon na ginawa natin sa Diyos.
3. Pinagpapala kayo at ang ibang tao ng mga ordenansa at tipan sa templo.
Kapag natanggap ninyo ang inyong endowment o nabuklod sa inyong asawa o pamilya, lilisanin ninyo ang templo na may mga pangako mula sa Panginoon na direktang para sa inyo. Hindi mga pangakong ginawa sa ilang sinaunang propeta o tao, kundi mga pangakong ibinigay sa inyo. Sikapin ninyong unawain at alamin ang kahulugan ng mga ito sa inyong buhay.
Matapos ninyong matanggap ang mga ordenansa para sa inyong sarili, maaari kayong bumalik sa templo upang tumanggap ng mga ordenansa para sa ibang tao na namatay na. May natatangi kayong responsibilidad na hanapin ang inyong mga ninuno at tiyaking natatanggap nila ang mga ordenansa sa templo. Pagpapalain ang kanilang buhay ng paglilingkod ninyong ito at ipapaalala nito sa inyo ang sarili ninyong mga pangako at pagpapala.
Sikaping Tandaan at Bumalik
Sa paghahanda ninyong makibahagi sa mga ordenansa sa templo, tandaan na ang Diyos ay inyong Amang Walang Hanggan at si Jesucristo ay inyong Manunubos. Kilala Nila kayo nang personal. Lubos Nila kayong minamahal. Kapag tumutupad kayo sa inyong mga tipan, pagpapalain kayo sa buhay na ito at sa kabilang-buhay.
May naaalala ba kayong pagkakataon na nadama ninyong napakalapit ninyo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Ang mga damdaming iyon ay lalago sa templo. Ang templo ay itinatalaga na malayo sa mga panggagambala, stress, at negatibong impluwensya ng buhay. Sa banal na lugar na ito, ipinapaalala sa inyo at sa inyong mga mahal sa buhay na narito kayo sa lupa dahil sa isang dakila at marangal na layunin. Makasusumpong kayo nang higit na kapayapaan, kapanatagan, patnubay, at pag-asa.
Matutuklasan din ninyo na ang mga pagpapala ng templo ay titimo sa inyong puso at pasisiglahin ang inyong kaluluwa. Bumalik sa templo nang madalas hangga’t kaya ninyo. Sa paggawa nito, higit ninyong mauunawaan ang tungkol sa pagmamahal ng Diyos at ni Jesucristo sa inyo at sa lahat ng tao. Kahit pa nakaalis na kayo sa templo, patuloy kayong tuturuan ng Espiritu Santo. Ipapaalala Niya sa inyo ang naranasan ninyo, ang nadama ninyo, at paano kayo mamumuhay ayon sa kagustuhan ng Diyos.
Sa paghahanda ninyo para sa templo, tandaan na nais ng Diyos na malapit kayo sa Kanya. Inilaan Niya ang Kanyang templo bilang isang espesyal na lugar para mas mapalapit sa Kanya. Ang inyong walang hanggang kagalakan ay Kanya ring kagalakan. Ibinigay Niya sa atin ang mga pagpapala ng templo upang akayin tayo pabalik sa Kanya. Hingin ang Kanyang tulong habang naghahanda kayo at isama Siya sa inyong paglalakbay. Gagabayan Niya kayo. Bibigyan Niya kayo ng inspirasyon. At tutulungan Niya kayo habang tinatahak ninyo ang landas.