Mahalaga ang Binyag at Kumpirmasyon
Nasasaad sa pang-apat sa Saligan ng Pananampalataya na ang pangunahing mga ordenansa ay “pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan” at ang “pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo.” Itinuro ni Jesus na kailangan ang binyag at kumpirmasyon para sa lahat ng nagnanais na sumunod sa Kanya at makabalik sa ating Ama sa Langit pagkatapos ng buhay na ito. Ang binyag ang pasukan patungo sa landas ng tipan na gagabay sa atin para matanggap ang lahat ng pagpapalang nais ipagkaloob sa atin ng ating Ama sa Langit. Ito rin ang pasukan sa pagiging “sakdal kay Cristo” (Moroni 10, 32, 33) kapag lubos nating niyayakap ang Kanyang ebanghelyo.
Sa simula ng Kanyang ministeryo, naglakbay si Jesus mula Galilea papunta sa Ilog Jordan sa Judea. Naroon si Juan Bautista, nagtuturo sa mga tao na magsisi at magpabinyag. Hiniling ni Jesus na binyagan Siya, pero nag-atubili si Juan dahil alam niyang walang sala si Jesus. Ipinaliwanag ng Tagapagligtas na kailangan Niyang mabinyagan upang “matupad ang buong katuwiran” (Mateo 3:15) at maging masunurin sa mga kautusan ng ating Ama sa Langit. Nagpakita ng halimbawa si Jesucristo sa ating lahat noong lumusong Siya sa tubig at binyagan Siya ni Juan (tingnan sa 2 Nephi 31:5).Nakatanggap din ng personal na patotoo si Juan tungkol sa sagradong karanasang iyon:
“At nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig, at nabuksan sa kanya ang kalangitan, at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kanya:
“Sinabi ng isang tinig mula sa langit, Ito ang minamahal kong Anak, sa kanya ako lubos na nalulugod” (Mateo 3:16–17).
Kalaunan, isang pinunong Judio na nagngangalang Nicodemo ang nagsadya kay Jesus sa gabi. Napagtanto niya na si Jesus ay “isang guro na mula sa Diyos” (Juan 3:2) at nagnais siyang matuto pa. Itinuro sa kanya ni Jesus na parehong kailangan ang binyag at pagtanggap ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng kumpirmasyon para sa kaligtasan:
“Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Malibang ang isang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos” (Juan 3:5).
Ang ipanganak ng tubig ay tumutukoy sa binyag. Ang ipanganak ng Espiritu ay tumutukoy sa pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo (na tinatawag ding Banal na Espiritu) sa pamamagitan ng kumpirmasyon. Sagrado ang mga ordenansang ito, at gumagawa tayo ng mga sagradong tipan kapag tinatanggap natin ang mga ito. Nangangako tayo na handa tayong taglayin ang pangalan ni Jesucristo sa ating sarili, aalalahanin Siya sa tuwina, at susundin ang mga kautusan ng Diyos. Sa pagtupad natin sa mga pangakong ito, ipinapakita natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo at na handa tayong sumunod sa Kanya.
Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, itinurong muli ng Tagapagligtas ang kahalagahan ng binyag. Kanyang isinugo ang mga Apostol para ipangaral ang Kanyang ebanghelyo sa lahat ng tao, sinasabing, “Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas” (Marcos 16:16).
Noong ipinanumbalik ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Joseph Smith, muli Niyang itinuro na kailangan pa rin ang binyag (Doktrina at mga Tipan 22:4). Inihayag din Niya ang wastong paraan ng pagbibinyag. Nilinaw Niya na kailangang isagawa ang binyag sa pamamagitan ng paglulubog at ng wastong awtoridad ng priesthood (Doktrina at mga Tipan 20:73–74).
Mahal ng Diyos ang Lahat ng Kanyang mga Anak
Bawat tao ay anak ng Diyos. Mahalaga silang lahat sa Kanya. Sila ay kilala Niya at Kanyang minamahal sila. Ipinahayag Niya, “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Naglaan Siya ng daan para makabalik sa Kanya ang lahat ng Kanyang mga anak matapos ang buhay na ito. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang daang iyon.
Maraming tao ang may pagkakataong matanggap ang ebanghelyo at mabinyagan sa buhay na ito. Pero paano naman ang mga taong namatay nang hindi nabinyagan o hindi man lang nakilala si Jesus? Paano rin sila maliligtas? Hindi sila nakakalimutan ng Diyos!
Ang kamatayan ay hindi katapusan ng buhay, kundi isang hakbang sa ating paglalakbay pabalik sa Diyos. Kapag tayo ay namatay, pansamantalang iniiwan ng ating espiritu ang ating katawan. Pumapasok tayo sa daigdig ng mga espiritu at sumasama sa mga kapamilya at sa iba pang tao na namatay na rin. Doon tayo naghahanda para sa napakagandang araw na iyon, kung kailan tayo mabubuhay na mag-uli at ang ating espiritu ay magbabalik sa isa nang perpektong katawan. Sa panahong iyon magiging malaya na tayo mula sa karamdaman, sakit, at lahat ng kapansanan at kahinaan na tinitiis natin ngayon. Sa daigdig ng mga espiritu, itinuturo sa mga namatay na hindi nagkaroon ng pagkakataong malaman ang ebanghelyo sa buhay na ito ang tungkol sa Tagapagligtas at ang plano ng kaligtasan (1 Pedro 3:18–20; Doktrina at mga Tipan 138:16–19).Maaari nilang piliing tanggapin ang ebanghelyo at magsisi.Pero hindi sila maaaring binyagan doon dahil wala sa kanila ang kanilang pisikal na katawan. Naglaan ng iba pang daan ang ating butihing Ama sa Langit para magkatanggap sila ng binyag.
Sa templo, maaari tayong binyagan at kumpirmahin para sa mga taong namatay nang hindi nagkaroon ng oportunidad. Sa madaling salita, maaari tayong kumatawan at kumilos para sa kanila. Ang mga ordenansang isinasagawa para sa iba ay tinatawag na mga proxy ordinance (o mga ordenansa sa ngalan ng iba na patay na). Itinuro ni Apostol Pablo sa mga taga-Corinto na nagsagawa ng binyag para sa mga patay dahil lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (1 Corinto 15:29, 55–57).
Ang doktrina tungkol sa mga ordenansa sa ngalan ng iba na patay na ay bahagi na noon pa man ng ebanghelyo ni Jesucristo. Sa katunayan, ang Kanyang Pagbabayad-sala ang pinakadakilang kaganapan sa ngalan ng iba na patay na sa kasaysayan ng mundo. Sa Kanyang pagsasakripisyo, ginawa Niya para sa lahat ng tao ang hindi natin kayang gawin para sa ating sarili. Dahil sa Kanya, ang lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli. Maririnig nang lahat ang ebanghelyo, at may pagkakataon ang lahat na makabalik sa ating mga Magulang sa Langit.
Ang mga binyag at kumpirmasyon sa templo na ginawa para sa mga namatay na ay mga kaloob na ibinigay nang may pagmamahal. At dahil naniniwala tayo na patuloy ang buhay pagkatapos ng buhay na ito, naniniwala rin tayo na alam ng mga namatay na ang tungkol sa mga ordenansa. Maaari nilang piliing tanggapin o hindi ang mga ito.
Makapaglilingkod Kayo sa Iba sa Templo
Bawat templo ay may baptistry sa loob na may malaking bautismuhan. Ang bautismuhan ay nakapatong sa likod ng labindalawang estatwa ng baka na sumasagisag sa labindalawang lipi ni Israel. Ito ay pagsunod sa tradisyon noong kapanahunan pa ng templo ni Solomon sa Lumang Tipan (tingnan sa 2 Cronica 4:2–4). Sumasagisag din ang mga baka sa lakas at kapangyarihan ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang matatapat na miyembro ng Simbahan ay maaari ding makakuha ng temple recommend para magsagawa ng mga binyag at kumpirmasyon mula sa Enero ng taon pagsapit nila sa gulang na 12. Para makatanggap ng recommend, magpaiskedyul ng “interbyu para sa temple recommend” sa inyong bishop o branch president. Pagkatapos, maaari na kayong magpunta sa templo para mabinyagan at makumpirma para sa mga namatay na.
Tulad noong bininyagan kayo, may pribadong lugar kung saan kayo makapagpapalit ng puting kasuotan para magsagawa ng mga binyag para sa mga namatay na. Pagkatapos ng mga binyag, babalik kayo sa lugar kung saan kayo nagbihis at magpapalit ng tuyong damit. Pagkatapos, pupunta kayo sa isang hiwalay na confirmation room sa baptistry. Ipapatong ng mga priesthood holder ang kanilang mga kamay sa inyong ulo at ipagkakaloob ang kaloob na Espiritu Santo sa mga namatay na. Kapag nagawa na ang mga ordenansang ito, maaari silang magpasiya kung nais nilang tanggapin ang mga ito. Ang mga proxy baptism at kumpirmasyon ay maaari lamang isagawa sa loob ng mga templo.
Sa templo, maaari din kayong magkaroon ng espesyal na oportunidad na mabinyagan para sa mga kapamilya na namatay na. Sa pagsasaliksik ninyo ng inyong family history, matatagpuan ninyo ang inyong mga ninuno. Isang napakagandang personal na karanasan ang makapunta sa templo, mabinyagan at makumpirma para sa kanila.
Maaari ninyong ilaan ang paglilingkod na ito sa mga magulang, lolo’t lola, kapatid, tita, tito, pinsan, at iba pa. Mapapalakas ang mga pamilya sa paggawa ng kabutihang ito. Madarama ninyo ang mas malalim na koneksyon sa inyong pamilya at na mas malapit kayo sa Diyos. Ang madamang kabilang kayo ay makapagbibigay sa inyo ng lakas, patnubay, at tiwala at pagpapalain kayo sa napakaraming paraan. Magkakaroon kayo ng kapayapaan at ideya para sa sarili ninyong buhay kapag nahanap at pinaglingkuran ninyo ang inyong mga ninuno. Mas mauunawaan at makikilala ninyo ang Tagapagligtas kapag gumagawa rin kayo ng mga bagay para sa iba na hindi nila kayang gawin para sa kanilang sarili.
Isang Espesyal na Pangako sa Inyo
Sinabi ni Elder David A. Bednar: “Hinihikayat ko kayong mag-aral, na saliksikin ang inyong mga ninuno, at ihanda ang inyong sarili na magpabinyag sa bahay ng Panginoon para sa inyong mga namatay na kaanak. … Sa pagtugon ninyo nang may pananampalataya sa paanyayang ito, ang inyong puso ay babaling sa mga ama. Ang mga pangako kina Abraham, Isaac, at Jacob ay matatanim sa inyong puso. … Ang pagmamahal at pasasalamat ninyo sa inyong mga ninuno ay mag-iibayo. Ang inyong patotoo at pananalig sa Tagapagligtas ay lalalim at mananatili. At ipinapangako ko na mapoprotektahan kayo laban sa tumitinding impluwensya ng kaaway. Sa pakikibahagi at pagmamahal ninyo sa banal na gawaing ito, kayo ay pangangalagaan sa … habambuhay” (“Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 26–27).