Ang Pamilya ang Sentro sa Plano ng Diyos
Nasasaad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” na “ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak” (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129).
Ang pinakamalalaking kagalakan sa buhay ay natatagpuan sa isang mapagmahal na pamilya. Ito ay totoo sa kabila ng maraming hadlang at pagsubok sa buhay. Ang pagbuo ng mga matatag na pamilya ay kailangan ng pagsisikap. Ang pagsisikap na ito ay makapagdudulot ng kagalakan sa buhay na ito at sa buong kawalang hanggan. Kahit pa sa mga pamilyang hindi maaayos ang relasyon, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay makapagbibigay ng pag-asa, kapanatagan, at paggaling.
Sa plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit, ang mag-asawa ay maaaring magkasama magpakailanman. Ang awtoridad na nagbibigkis sa mga pamilya magpakailanman ay tinatawag na kapangyarihang magbuklod. Ito rin ang kapangyarihang ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga Apostol noong nagministeryo Siya sa lupa (Mateo 16:19). Kaya nga, ang walang hanggang kasal ay tinatawag na pagbubuklod. Ang mga anak na isinilang o inampon sa gayong mga kasal na walang hanggan ay maaari ding mabuklod sa kanilang mga pamilya magpakailanman.
Hindi tulad ng mga kasal na tumatagal lamang “hanggang sa paghiwalayin kayo ng kamatayan,” tinitiyak ng mga pagbubuklod sa templo na hindi tayo maihihiwalay ng kamatayan sa ating mga mahal sa buhay. Para magpatuloy ang mga kasal hanggang sa kabilang-buhay, kailangan silang mabuklod sa tamang lugar at ng tamang awtoridad. Ang templo ang tamang lugar at ang priesthood ng Diyos ang tamang awtoridad (Doktrina at mga Tipan 132:7, 15–19).
Ang mag-asawang ibinubuklod sa templo ay gumagawa ng mga sagradong tipan sa Panginoon at sa isa’t isa. Tinitiyak sa kanila ng mga tipang ito na magpapatuloy ang kanilang relasyon hanggang sa kabilang-buhay kung magiging tapat sila sa kanilang mga pangako. Alam nila na walang makapaghihiwalay sa kanila, kahit kamatayan pa. Dapat ituring ng mga mag-asawa ang kanilang pagsasama bilang pinakamahalagang relasyon nila sa mundo. Kung tutuusin, ang asawa ang tanging tao bukod sa Panginoon, na iniutos sa ating mahalin nang buong puso natin (Doktrina at mga Tipan 42:22).
Mahalaga ang Walang Hanggang Kasal
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Ang pag-aasawa marahil ang pinakamahalaga sa lahat ng desisyon at may mga pinakamalaking epekto, dahil may kinalaman ito hindi lamang sa panandaliang kaligayahan, kundi maging sa kagalakang walang hanggan. Naaapektuhan nito hindi lamang ang mag-asawa, kundi pati ang kanilang [mga] pamilya at lalung-lalo na ang kanilang mga anak at mga anak ng kanilang mga anak sa paglipas ng maraming henerasyon” (“The Importance of Celestial Marriage,” Ensign, Okt. 1979, 3).
Ang tipan ng walang hanggang kasal ay kailangan din para sa kadakilaan. Ang kadakilaan ay buhay na walang hanggan—ang uri ng buhay na ipinamumuhay ng Diyos. Siya ay perpekto. Siya ay nabubuhay sa dakilang kaluwalhatian. Taglay Niya ang lahat ng kaalaman, lahat ng kapangyarihan, at lahat ng karunungan. Siya ay mapagmahal, mabait, at maawain. Siya ang Ama sa Langit ng bawat tao sa mundo. Balang-araw, tayo ay magiging katulad Niya. Ito ang kadakilaan.
Ang kadakilaan ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng Diyos sa Kanyang mga anak (Doktrina at mga Tipan 14:7). Ito ang gantimpala para sa lahat ng napatutunayang tapat sa Panginoon. Sila ay maninirahan sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal.
Inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith:
“Sa selestiyal na kaluwalhatian ay may tatlong kalangitan o antas; at upang matamo ang pinakamataas, ang isang tao ay kailangang pumasok sa orden na ito ng pagkasaserdote [ibig sabihin ang bago at walang hanggang tipan ng kasal]; at kung hindi niya gagawin, hindi niya ito matatamo” (Doktrina at mga Tipan 131:1–3).
Kapag tinutupad natin ang ating mga tipan, makatitiyak tayo na makakapiling natin ang ating mga mahal sa buhay magpakailanman. Ipinangako ng Panginoon:
“Kung ang isang lalaki ay nagpakasal sa isang babae sa pamamagitan ng aking salita, na siyang aking batas, at sa pamamagitan ng bago at walang hanggang tipan, at ito ay ibinuklod sa kanila ng Banal na Espiritu ng pangako, sa pamamagitan niya na siyang hinirang, kung kanino ko itinakda ang kapangyarihang ito at ang mga susi ng pagkasaserdoteng ito; … at kung [sila] ay susunod sa aking tipan, … ito ay magagawa sa kanila sa lahat ng bagay anuman ang ipataw sa kanila ng aking tagapaglingkod, sa panahon, at sa lahat ng kawalang-hanggan; at magkakaroon ng buong bisa kapag sila ay wala na sa daigdig” (Doktrina at mga Tipan 132:19).
Alam ng Panginoon na hindi magkakaroon ng pagkakataong makapag-asawa ang lahat ng Kanyang mga anak sa buhay na ito. Nangako Siya na lahat ng tumatanggap sa ebanghelyo at nagsisikap na tuparin ang kanilang mga tipan ay magkakaroon ng pagkakataong makapag-asawa at magkaroon ng mga anak sa buhay na ito o sa kabilang-buhay.
Lahat ng Henerasyon ay Konektado
Nasasaad sa pagpapahayag tungkol sa pamilya na “ang plano ng kaligayahan [ng Diyos] ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang-buhay. Ang mga banal na ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang hanggan.”
Ang kapangyarihang magbuklod ay naipagkakaloob din mula sa mga magulang hanggang sa mga anak, sa lahat ng mga henerasyon mula sa simula ng mundo. Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) na ang mga batang isinilang sa tipan—at ang mga ibinubuklod sa kanilang mga magulang sa templo—“ay may karapatang tumanggap ng mga pagpapala ng ebanghelyo nang higit pa sa mga hindi isinilang nang gayon. Maaari silang tumanggap ng higit na patnubay, higit na proteksyon, higit na inspirasyon mula sa Espiritu ng Panginoon; at sa gayon walang kapangyarihang makapaglalayo sa kanila sa kanilang mga magulang” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie [1955], 2:90).
Ang mga anak na isinilang sa mga magulang na nabuklod sa templo ay isinilang sa loob ng tipan. Samakatwid, bahagi sila ng isang walang hanggang pamilya, batay sa kanilang katapatan. Ang mga anak na hindi isinilang sa loob ng tipan ay maaari ding maging bahagi ng isang walang hanggang pamilya sa sandaling mabuklod ang kanilang mga magulang o ang mag-asawang umampon sa kanila. Ang ordenansa ng pagbubuklod ng mga anak sa mga magulang ay isinasagawa lamang sa loob ng templo. Para maipagkaloob ang mga pagpapalang ito sa lahat ng tao, maaari din tayong magsagawa ng mga proxy sealing para sa mga namatay na. Sa ganitong paraan, ang lahat ng pamilya ay maaaring magkasama-sama magpakailanman.
Ang pangako na maaaring magkasama-sama ang ating mga pamilya matapos mamatay ay nagbibigay nang higit na kahulugan sa buhay. Nakahihikayat ito sa atin na manampalataya at maging matapat. Napagbubuti at napagyayaman nito ang ating mga relasyon sa pamilya. Nakatutulong ito na mahanap natin ang kagalakan at pag-asa sa pagharap natin sa mga hamon ng buhay. At ang kaalaman na maaari tayong magkasama-samang muli ay nagbibigay ng kapanatagan at kapayapaan kapag nahaharap tayo sa pagdurusa o pagkamatay ng mga mahal sa buhay.
Ang ordenansa ng pagbubuklod ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak. Binibigyan tayo nito ng kakayahang makabalik sa piling Niya at ng lahat ng ating mga mahal sa buhay magpakailanman. Nagbibigay ito ng mga dakilang pagpapala sa buhay na ito at sa kabilang-buhay. Paalala ito sa tuwina na sentro sa plano ng Diyos ang mga pamilya at ang ating kaligayahan dito [sa lupa] at sa kawalang hanggan. Nagbibigay ito ng kapayapaan, pag-asa, at kagalakan sa lahat ng tapat na tumatanggap nito.