Personal na Kaloob sa Inyo na Mula sa Diyos
Pinaalalahanan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang lahat ng gawain, ang lahat ng aralin, ang lahat ng ginagawa natin sa Simbahan, ay nakatuon sa Panginoon at sa Kanyang banal na bahay. Patungkol lahat sa templo ang ating mga pagsisikap na ipahayag ang ebanghelyo, gawing [sakdal] ang mga Banal, at tubusin ang mga patay. Ang bawat banal na templo ay nagsisilbing sagisag ng pagiging miyembro natin sa Simbahan, bilang tanda ng ating pananampalataya sa buhay matapos ang kamatayan, at bilang sagradong hakbang tungo sa walang hanggang kaluwalhatian para sa atin at sa ating mga pamilya” (“Paghahanda ng Sarili para sa mga Pagpapala ng Templo,” Ensign, Mayo 2001, 32; Liahona, Hulyo 2001, 37).
Sa templo lamang tayo makagagawa ng mga sagradong tipan na kalakip ang pangakong buhay na walang hanggan sa kaharian ng Diyos, na “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 14:7). Ang mga ordenansa at tipan sa templo ay bahagi na noon pa man ng ebanghelyo ni Jesucristo. Pinalalakas nito ang isang banal na ugnayan at tinutulungan tayong magtuon sa Tagapagligtas, sa Kanyang Pagbabayad-sala, at sa ating pangakong susundin Siya.
Ang pagtanggap ng inyong sariling endowment sa templo ay isang napakapersonal na karanasan. Ang paghahanda para rito ay lalong nagbibigay ng kahulugan dito. Marami sa mga miyembro ng Simbahan ang tumatanggap ng kanilang endowment bago magmisyon o magpakasal. Ang iba naman ay may matinding hangaring sumulong sa landas ng tipan. Dapat hikayatin at payuhan ng mga bishop at branch president ang mga adult na miyembro na nais tumanggap ng kanilang endowment. Mahalagang malaman na higit pa sa isang hakbang lang ang inyong endowment; kinakailangan at maluwalhating bahagi ito ng inyong walang hanggang paglalakbay.
Ang endowment ay literal na isang “kaloob.” Sa kontekstong ito, ang endowment sa templo ay isang kaloob ng mga sagradong pagpapala mula sa Diyos para sa bawat isa sa atin. Ang endowment ay matatanggap lamang sa Kanyang paraan at sa Kanyang banal na templo. Ang ilan sa mga kaloob na natatanggap ninyo sa pamamagitan ng endowment sa templo ay kinabibilangan ng:
-
Higit na kaalaman tungkol sa mga layunin at turo ng Panginoon.
-
Kakayahang gawin ang lahat ng nais ng Diyos na gawin natin.
-
Banal na patnubay at proteksyon habang naglilingkod tayo sa Panginoon, sa ating mga pamilya, at sa iba.
-
Higit na pag-asa, kapanatagan, at kapayapaan.
-
Mga ipinangakong pagpapala ngayon at magpakailanman.
Ang mga miyembro ng Simbahan na mga 18 taong gulang (at hindi na dumadalo sa high school o secondary school) ay maaaring tumanggap ng kanilang endowment sa templo kung sila ay tapat at handa na. Dahil sagrado at walang hanggan ang kahalagahan ng mga ordenansa at tipan sa templo, ang Panginoon ay nagtakda ng mga pamantayan para sa mga nagnanais na matanggap ang mga ito. Kailangan ding maunawaan ng mga miyembro ang mga banal na tungkuling tatanggapin nila sa gagawin nilang pakikipagtipan sa Diyos.
Kabilang sa paghahandang tumanggap ng inyong endowment ang pagsunod sa mga turo ni Jesucristo at pagsisikap na tumupad sa mga tipang ginawa ninyo sa binyag. Nagpapanibago kayo ng inyong mga tipan sa tuwing nakikibahagi kayo ng sakramento. Magkakaroon kayo ng oportunidad na makausap ang inyong bishop at pagkatapos ang inyong stake president sa isang interbyu para sa temple recommend. Tatalakayin sa interbyu ang mga pamantayan sa pagpasok sa bahay ng Panginoon. Magtatanong sila sa inyo sa paraang maibabahagi ninyo ang inyong patotoo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, sa Kanyang mga buhay na propeta, at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Pagtitibayin ng mga sagot ninyo na nagsisikap kayong sumunod sa mga kautusan ng Diyos at tinutularan si Jesucristo. Pagkatapos, mag-iisyu ang stake president ninyo ng temple recommend na magpapahintulot sa inyo na makapasok sa templo at matanggap ang inyong endowment.
Isang Buod ng Endowment
Noong sumapi kayo sa Simbahan, nakatanggap kayo ng dalawang ordenansa—binyag at kumpirmasyon. Gayundin, ang endowment sa templo ay matatanggap din sa dalawang bahagi.
Sa unang bahagi, pribado at isa-isa kayong tatanggap ng tinatawag na initiatory o mga panimulang ordenansa. Napapaloob sa mga ordenansang ito ang mga espesyal na pagpapala tungkol sa inyong banal na pamana at potensyal. Bilang bahagi ng mga ordenansang ito, pagkakalooban kayo ng karapatang magsuot ng sagradong temple garment at aatasan kayong isuot ito sa habambuhay.
Sa pangalawang bahagi, tatanggapin ninyo ang nalalabi sa inyong endowment nang magkakasama sa isang grupo. Ginaganap ito sa isang instruction room na kasama ang iba pang dumadalo sa templo. Ang ilang bahagi ng endowment ay inilalahad sa pamamagitan ng video at ang ilang bahagi ay inilalahad ng mga temple officiator. Habang isinasagawa ang ordenansa, ang mga kaganapan na parte ng plano ng kaligtasan ay itinatanghal. Kabilang sa mga ito ang Paglikha ng mundo, ang Pagkahulog nina Eva at Adan, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang Apostasiya, at ang Pagpapanumbalik. Madaragdagan din ang inyong kaalaman kung paano makababalik ang lahat ng tao sa piling ng Panginoon.
Habang isinasagawa ang ordenansa ng endowment, aanyayahan kayong gumawa ng mga partikular na tipan sa Diyos. Ang mga tipang ito ay:
-
Batas ng Pagsunod, na kinabibilangan ng pagsisikap na sundin ang mga kautusan ng Diyos.
-
Batas ng Sakripisyo, na ibig sabihin ay ginagawa natin ang lahat ng makakaya natin para suportahan ang gawain ng Panginoon at nagsisisi nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu.
-
Batas ng Ebanghelyo, na siyang mas mataas na batas na itinuro Niya noong narito Siya sa lupa.
-
Batas ng Kalinisang-puri, na ibig sabihin ay magkakaroon tayo ng seksuwal na relasyon sa tao lamang kung kanino tayo ikinasal nang legal at naaayon sa batas alinsunod sa batas ng Diyos.
-
Batas ng Paglalaan, na ibig sabihin ay paglalaan ng ating oras, mga talento, at lahat ng naipagkaloob sa atin ng Panginoon sa pagtatayo ng Simbahan ni Jesucristo sa lupa.
Ang lahat ng mga tipan sa Diyos ay kailangang tuparin. Kapag tumutupad kayo sa inyong mga tipan at nagsisisi sa inyong mga pagkakamali, tumitibay ang inyong kaugnayan sa Kanya at pagpapalain Niya kayo nang mas lubusan. Nagiging mas malapit at makabuluhan ang inyong kaugnayan sa Tagapagligtas. Ang mga tumutupad sa tipan ay nagtatamo nang higit na kakayahang makamtan ang kapangyarihan ng Diyos at ang walang hanggang pagmamahal, kapayapaan, kapanatagan, at kagalakan. Nangangako ang Diyos sa kanila na mga tumutupad sa tipan na magkakaroon sila ng oportunidad na makabalik sa Kanya para makapiling Siya magpakailanman.
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson na “Ang pakikipagtipan sa Diyos ay nagpapabago sa ating ugnayan sa Kanya magpakailanman. Binibiyayaan tayo nito ng karagdagang pagmamahal at awa. Nakakaapekto ito sa kung sino tayo at kung paano tayo tutulungan ng Diyos na maging kung ano ang maaari nating kahinatnan.” Dahil sa mapagkalingang pagmamahal ng Diyos sa mga nakikipagtipan sa Kanya, “mamahalin Niya sila. Siya ay patuloy na makikipagtulungan sa kanila at magbibigay sa kanila ng mga pagkakataong magbago. Patatawarin Niya sila kapag nagsisisi sila. At kung maligaw sila, tutulungan Niya silang mahanap ang daan pabalik sa Kanya” (“Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Oktubre 2022).
Sa pagtatapos ng endowment, simbolikong magbabalik ang mga kalahok sa kinaroroonan ng Panginoon sa pagpasok nila sa celestial room. Doon ay maaari kayong gumugol ng oras upang magnilay-nilay, manalangin, magbasa ng mga banal na kasulatan, o tahimik na ibahagi ang inyong mga nasasaisip sa pamilya at mga kaibigan. Ito ay isang lugar ng kapayapaan, kung saan maaari din ninyong masumpungan ang kapanatagan at banal na patnubay.
Lahat ng nakikilahok sa seremonya ng endowment ay hinihikayat na magtuon ng pansin sa itinuturo doon. Magiging mas ganap na makabuluhan ang inyong karanasan kung paparoon kayo sa hangaring maturuan ng Espiritu Santo. Huwag mag-alala na hindi matandaan o maunawaan ang lahat sa unang pagkakataon. Ang mga temple worker ay laging nariyan para tulungan kayo. Hindi ito isang pagsusulit, kundi isang pagkakataon na madamang mas malapit kayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Magpokus sa kagalakan na naroon kayo sa bahay ng Panginoon at sa mga espirituwal na impresyong natatanggap ninyo.
Magsilapit Pa sa Panginoon
Ang endowment sa templo ay isang mahalagang hakbang tungo sa kaligtasan at pagbalik sa Ama sa Langit. Ito rin ay isang pagkakataon para mas mapalapit kay Jesucristo—mas makilala Siya at sundan ang Kanyang halimbawa. Mangyari pa, lahat ng ipinangakong mga pagpapala ng endowment ay nakasalalay sa ating katapatan.
Matapos ninyong matanggap ang sariling endowment, bumalik kayo nang madalas sa templo hangga’t kaya ninyo. Kapag ginagawa ninyo ito, maaari kayong makibahagi sa initiatory at sa mga ordenansa ng endowment para sa inyong mga ninuno at sa iba pang tao na namatay na. Tulad ng lahat ng iba pang ordenansa na isinasagawa sa templo, alam ng mga namatay ang paglilingkod ninyo at maaari nilang piliing tanggapin o hindi tanggapin ang ginawa ninyo para sa kanila.
Ang paglahok ninyo ay nagbibigay rin ng pagkakataon sa inyo na muling marinig ang mga pagpapala, tagubilin, at tipan. Sa inyong pagdalo sa templo, mas makikita ninyo kung paano nauugnay ang endowment sa plano ng kaligtasan at pinagpapala ang inyong buhay. Ang natututuhan at nadarama ninyo ay magiging mas malinaw at mas mahalaga sa inyo sa paglipas ng panahon. Sa inyong pagbisita, madarama ninyo ang pagmamahal ng Diyos at mapapaalalahanan kayo sa mga bagay na pinakamahalaga.