Sa dispensasyong ito, ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsalita nang maraming beses tungkol sa mga ordenansa at tipan sa templo. Nasa ibaba ang ilang sipi, na nakaayos ayon sa paksa, na naglalarawan kung paano tinalakay ang mga sagradong paksa na ito sa iba’t ibang pagkakataon. Pindutin upang palakihin ang isang bahagi. Kung available, may link na ibibigay upang ma-access ang orihinal na dokumento.
Binyag at Kumpirmasyon
Pangulong Russell M. Nelson
“Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag [at mga ordenansa] sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple.”
Pag-asa ng Israel pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018
Pangulong Thomas S. Monson
“Ngayon, mga kaibigan kong kabataan na mga tinedyer na ngayon, laging ituon ang inyong tingin sa templo. Huwag gumawa ng anumang hahadlang sa pagpasok ninyo sa mga pintuan nito at sa pagtanggap ng sagrado at walang hanggang mga pagpapala roon. Pinupuri ko kayo na regular na pumapasok sa templo para magsagawa ng mga binyag para sa mga patay, na gumigising nang maaga upang makabahagi kayo sa gayong mga binyag bago magsimula ang klase sa eskuwela. Wala akong maisip na mas mabuting paraan para simulan ang araw ninyo.”
Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo, pangkalahatang kumperensya ng Abril 2011
Elder David A. Bednar
“Inaanyayahan ko ang mga kabataan ng Simbahan na matutuhan at maranasan ang Diwa ni Elias. Hinihikayat ko kayong mag-aral, na saliksikin ang inyong mga ninuno, at ihanda ang inyong sarili na magpabinyag sa bahay ng Panginoon para sa inyong mga namatay na kaanak [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:28–36]. At hinihimok ko kayong tulungan ang ibang tao na matukoy ang kanilang family history. Sa pagtugon ninyo nang may pananampalataya sa paanyayang ito, ang inyong puso ay babaling sa mga ama. ... Ang inyong patotoo at pananalig sa Tagapagligtas ay lalalim at mananatili. At ipinapangako ko na mapoprotektahan kayo laban sa tumitinding impluwensya ng kaaway. Sa pakikibahagi at pagmamahal ninyo sa banal na gawaing ito, kayo ay pangangalagaan sa inyong kabataan at habambuhay.”
Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2011
Elder Quentin L. Cook
“Ang magkahalong pagdami ng mga templo at makabagong teknolohiya upang magampanan ang mga sagradong responsibilidad natin sa family history para sa ating mga ninuno ang dahilan kaya lubos na pinagpala ang panahong ito sa buong kasaysayan. Nagagalak ako sa kakaibang katapatan ng ating mga kabataan sa indexing at paghahanap sa kanilang mga ninuno at pagkatapos ay pagsasagawa ng binyag at kumpirmasyon sa templo. Kayo ay literal na kabilang sa ipinopresiyang mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion.”
Tingnan ang Inyong Sarili sa Templo, pangkalahatang kumperensya ng Abril 2016
Elder Gary E. Stevenson
“Inanyayahan ng Unang Panguluhan ang ‘mga miyembrong nasa wastong gulang na magkaroon ng current temple recommend at bumisita sa templo palagi’ kung itutulot ng panahon at pagkakataon at hinihikayat ang mga miyembro na ‘palitan ng paglilingkod sa templo ang ilang libangan.’ Hinihikayat din nila ang ‘mga bagong miyembro at mga kabataan ng Simbahan na edad 12 pataas na mamuhay nang marapat para tumulong sa dakilang gawain na ito sa pamamagitan ng paglilingkod bilang mga proxy sa mga pagbibinyag at kumpirmasyon.’ [liham ng Unang Panguluhan, Mar. 11, 2003.]”
Sagradong mga Tahanan, Sagradong mga Templo, pangkalahatang kumperensya ng Abril 2009
Elder Richard G. Scott
“Kayong mga kabataan, gusto ba ninyo ng isang tiyak na paraan para maalis ang impluwensya ng kaaway sa inyong buhay? Lubos na makibahagi sa paghahanap ng inyong mga ninuno, ihanda ang kanilang pangalan para sa mga sagradong ordenansa na maisasagawa sa templo, at magpunta sa templo para magsilbing proxy nila sa pagtanggap ng mga ordenansa ng binyag at kaloob na Espiritu Santo. Sa pagtanda ninyo, magagawa ninyong makibahagi sa pagtanggap ng iba pang mga ordenansa. Wala akong maisip na mas mainam na proteksyon laban sa impluwensya ng kaaway sa inyong buhay.”
Ang Kagalakan ng Pagtubos sa mga Patay, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2012
Mga Garment sa Templo at Kasuotan sa Seremonya
Pangulong Russell M. Nelson
“May malalim at mahalagang [i]sinasagisag ang pagsusuot ng garment sa templo. Sumasagisag ito sa patuloy na pangangako. Gaya ng pagpapakita ng Tagapagligtas ng pangangailangan sa pagtitiis hanggang wakas, matapat nating isinusuot ang garment na ito bilang bahagi ng nananatiling baluti ng Diyos. Sa gayon ipinakikita natin ang ating pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang mga walang hanggang tipan sa atin.”
Paghahanda ng Sarili para sa mga Pagpapala ng Templo, pangkalahatang kumperensya ng Abril 2001
Pangulong Russell M. Nelson
“Kung talagang gusto ninyong malaman ang iba pa tungkol sa sinaunang kasaysayan ng kasuotan sa templo, alamin ito para sa inyong sarili sa Lumang Tipan. Ang Lumang Tipan ay puno ng mga sanggunian tungkol sa espesyal na kasuotan sa templo.”
Teachings of Russell M. Nelson, 372
Pangulong Boyd K. Packer
“Kaugnay ng mga ordenansang ito, sa loob ng templo kayo ay opisyal na susuotan ng garment at pinapangakuan ng kagila-gilalas na mga pagpapala kaugnay nito. Mahalaga na makinig kayong mabuti habang isinasagawa ang mga ordenansang ito at subukan ninyong tandaan ang mga pagpapalang ipinangako at ang mga kundisyon kung paano matutupad ang mga ito.”
Sagradong Kasuotan sa Templo
“Ang mga kasuotan sa templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na kilala bilang mga kasuotan ng banal na priesthood, ay isinusuot lamang sa loob ng mga templo ng mga Banal sa mga Huling Araw at nakalaan para sa pinakamatataas na sakramento ng pananampalataya. Ang puti ay sumisimbolo sa kadalisayan. Walang insigniya o ranggo. Hindi makikita ang pagkakaiba sa pagitan ng apostol na pinakamatagal nang nanunungkulan at ng pinakabagong miyembro kapag nakadamit sa parehong paraan. Ang mga kalalakihan at kababaihan ay magkatulad ng kasuotan. Isinasama ng mga simpleng damit ang simbolismong panrelihiyon sa mga sinaunang gawi at alituntunin na ipinakita sa sinaunang kasulatan mula sa aklat ng Exodo.”
Sagradong Kasuotan sa Templo
“Maraming matatapat na Banal sa mga Huling Araw ang nagsusuot ng garment sa ilalim ng kanilang damit na may malalim na kahalagahang panrelihiyon. Natutulad ang disenyo sa karaniwang disenteng panloob na damit, ito ay binubuo ng dalawang piraso at karaniwang tinatawag na ‘garment sa templo.’ ... Ang mga garment sa templo ay isinusuot ng mga nasa hustong gulang na miyembro ng Simbahan na gumawa ng mga sagradong pangako ng katapatan sa mga kautusan ng Diyos at sa ebanghelyo ni Jesucristo sa mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa mga miyembro ng Simbahan, ang disenteng garment sa templo, na isinusuot sa ilalim ng normal na damit, kasama ng mga simbolikong damit na isinusuot sa pagsamba sa templo, ay kumakatawan sa sagrado at personal na aspekto ng kanilang ugnayan sa Diyos at sa kanilang pangakong mamuhay nang mabuti at marangal.”
Panimula sa Endowment – Paghuhugas at Pagpapahid ng Langis
Pangulong Gordon B. Hinckley
“[M]ay mithiing higit pa sa Pagkabuhay na Mag-uli. Iyon ay ang kadakilaan sa kaharian ng ating Ama. Maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Magsisimula ito sa pagtanggap sa kanya bilang ating Walang Hanggang Ama at sa [K]anyang anak bilang ating buhay na Manunubos. Kabibilangan ito ng pakikilahok sa iba’t ibang ordenansa, [at] ang bawat isa ay mahalaga at kinakailangan. Ang pinakauna sa mga ito ay binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, na kung wala, ayon sa Tagapagligtas, hindi makakapasok ang isang tao sa kaharian ng Diyos. Kailangang sumunod ang pagsilang ng Espiritu, ang kaloob na Espiritu Santo. Pagkatapos ay susunod sa mga darating na taon, para sa mga kalalakihan, ang ordinasyon sa priesthood, na susundan ng mga pagpapala sa templo kapwa para sa mga kalalakihan at kababaihan na karapat-dapat pumasok doon. Kabilang sa mga pagpapalang ito sa templo ang paghuhugas at pagpapahid ng langis sa atin upang maging malinis tayo sa harapan ng Panginoon. Kabilang sa mga ito ang pagtatagubilin kung saan binibigyan tayo ng endowment ng mga obligasyon at pagpapala na naghihikayat sa atin na kumilos alinsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Kabilang sa mga ito ang mga ordenansa ng pagbubuklod na anuman ang ibuklod sa lupa ay ibubuklod sa langit, na naglalaan ng pagpapatuloy ng mag-anak.”
Temples and Temple Work, Ensign, Pebrero 1982
Pangulong Spencer W. Kimball
“Ipinagkaloob ni Joseph Smith sa labindalawang apostol ang lahat ng susi at awtoridad at kapangyarihan na tinaglay niya mismo at na natanggap niya mula sa Panginoon. Ibinigay niya sa kanila ang bawat endowment, ang bawat paghuhugas at pagpapahid ng langis, at pinangasiwaan niya sa kanila ang mga ordenansa ng pagbubuklod.”
We Thank Thee, O God, for a Prophet, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1972
Pangulong Boyd K. Packer
“Ang mga ordenansa ng paghuhugas at pagpapahid ng langis ay karaniwang tinatawag sa templo bilang mga panimulang ordenansa. Sasapat na para sa ating mga layunin na sabihin lamang ang sumusunod: Kaugnay ng mga endowment ang mga paghuhugas at pagpapahid ng langis—na karamihan ay may simbolikong katangian, ngunit nangangako ng mga tiyak at agarang pagpapala gayundin ng mga pagpapala sa hinaharap.”
Paghahanda ng Pumasok sa Banal na Templo
Elder James E. Talmage
“Sa hilaga ng binyagan ay may mga malalawak at maluluwag na silid na ginagamit sa pagpapalit ng damit ng mga kalalakihan, at sa timog naman ay may mga kapwa naaangkop na silid na ginagamit sa pagpapalit ng damit ng mga kababaihan. May inilaan din na mga silid kung saan isinasagawa ang mga partikular na ordenansa ng pagpapahid ng langis. Sa mga seremonyang ito, tanging mga kababaihan lamang ang nangangasiwa sa mga kababaihan, at mga kalalakihan sa mga kalalakihan.”
The House of the Lord [1976], 83
Elder Robert D. Hales
“Sa templo, ang plano ng kaligtasan ay ipinapaliwanag at ang mga sagradong tipan ay ginagawa. Ang mga tipang ito, kasama ang pagsusuot ng mga sagradong garment sa templo, ay nagpapalakas at nagpoprotekta sa taong tumanggap ng endowment laban sa kapangyarihan ng kaaway. Matapos tanggapin ang sarili nilang mga endowment, and bata pang lalaki o babae ay maaaring dumalo sa templo at magsagawa ng mga ordenansa para sa iba upang gawing available ang mga pagpapala ng priesthood sa mga namatay nang walang pagkakataong matanggap ang mga pagpapalang ito sa mortalidad.”
Blessings of the Priesthood, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1995
Pangkalahatang Ideya sa Endowment
Pangulong Russell M. Nelson
“Ang templo ay literal na puno ng katotohanan. Ang mga katotohanan tungkol sa plano ng Ama ay hayagang inilatag sa atin nang may kalinawagan at kapangyarihan. Ang mga salita ng katotohanan tungkol sa ating Ama, sa Kanyang Anak, at sa Kanilang ugnayan sa atin ay inihahayag sa mga tipan at ordenansa sa templo. Ang templo ay isang bahay ng paghahayag kung saan ang katotohanan ay nagpapadalisay sa ating mga kaluluwa at nagpapaliwanag sa ating pang-unawa [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:15]. Natututuhan natin ang tungkol sa ating banal na pagkatao at layunin at sa mga kamangha-manghang pangako ng Panginoon. Ang mga pangakong iyon ay totoo, sapagkat ang ating Diyos ay Diyos ng katotohanan at hindi maaaring magsinungaling [tingnan sa Eter 3:12]. ... Kung ang ating mga kapatid na lalaki at babae ay pumupunta sa templo na naghahangad ng lakas at pang-unawa, tuturuan sila ng Panginoon Mismo tungkol sa mga katotohanang pinakamahalaga sa kanila sa panahon ng kanilang pangangailangan.”
Teachings of Russell M. Nelson, 373
Pangulong Ezra Taft Benson
“Ang mga selestiyal na batas, na kinakatawan sa mga partikular na ordenansa na kabilang sa Simbahan ni Jesucristo, ay sinusunod sa pamamagitan ng mga kusang-loob na tipan. Ang mga batas ay espirituwal. Samakatuwid, inordena ng ating Ama sa Langit ang mga partikular na banal na santuwaryo, na tinatawag na mga templo, kung saan ang mga batas na ito ay maaaring ipaliwanag nang lubos. Kabilang sa mga batas ang batas ng pagsunod at sakripisyo, ang batas ng ebanghelyo, ang batas ng kalinisang-puri, at ang batas ng paglalaan.”
A Vision and a Hope for the Youth of Zion, debosyonal sa Brigham Young University, Abril 12, 1977
Pangulong Boyd K. Packer
“Doon ang mga miyembro ng Simbahan na nagiging karapat-dapat ay maaaring makilahok sa pinakadakila at sagradong nakatutubos na mga ordenansa na naihayag sa sangkatauhan. Doon maaari tayong mahugasan at mapahiran ng langis sa ulo at maturuan at [makatanggap ng] endowment at mabuklod. At kung matanggap natin ang mga pagpapalang ito para sa ating sarili, maaari tayong magsagawa ng mga ordenansa para sa mga namatay na hindi nagkaroon ng katulad na pagkakataon.”
Pumunta sa Templo, Liahona, Oktubre 2007
Elder Robert D. Hales
“Bukod pa sa pakikibahagi sa sakramento, ang ating hangaring bumalik sa Ama sa Langit ay nag-iibayo kapag naging karapat-dapat tayong magtamo ng temple recommend. ... Pagkatapos, bilang mga na-endow na temple recommend holder, nagtatakda tayo ng mga huwaran ng pamumuhay na tulad ni Cristo. Kabilang dito ang pagsunod, pagsasakripisyo para masunod ang mga kautusan, pagmamahalan, pagiging malinis sa isip at gawa, at paglalaan ng sarili sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sa pagsunod sa mahahalagang huwarang ito ng katapatan, tumatanggap tayo ng ‘kapangyarihan mula sa itaas’ sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Higit kailanman ay kailangan natin ang kapangyarihang ito ngayon. Ito ang kapangyarihang natatanggap lang natin sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo.”
Pagkilala sa Ating Sarili: Ang Sakramento, ang Templo, at Sakripisyo sa Paglilingkod, pangkalahatang kumperensya ng Abril 2012
Elder James E. Talmage
“Ang endowment sa templo, na isinasagawa sa mga makabagong templo, ay binubuo ng mga tagubilin na may kaugnayan sa kahalagahan at pagkakasunud-sunod ng mga nakaraang dispensasyon. ... Ang pagtatagubiling ito ay kinabibilangan ng pagsasalaysay ng pinakamahahalagang pangyayari sa panahon ng paglikha, ang kalagayan ng ating mga unang magulang sa Halamanan ng Eden, ang kanilang pagsuway at ang kinahinatnan nitong pagpapaalis mula sa masayang tirahan na iyon, ang kanilang kalagayan sa nag-iisa at malungkot na mundo nang mapilitang mamuhay sa paggawa at paghihirap, ang plano ng pagtubos kung saan ay mababayaran ang malaking paglabag.”
The House of the Lord [1976], 84
Elder James E. Talmage
“Ang mga ordenansa ng endowment ay kumakatawan sa mga partikular na obligasyon sa bahagi ng indibiduwal, tulad ng tipan at pangako na sundin ang batas ng mahigpit na kabutihan at kalinisang-puri, maging mapagmahal sa kapwa-tao, mapagkawanggawa, mapagparaya at dalisay; ialay kapwa ang talino at yaman sa pagpapalaganap ng katotohanan at pag-aangat ng lahi [ng tao]; panatilihin ang katapatan sa layunin ng katotohanan; at hangarin sa bawat paraan na tumulong sa malaking paghahanda upang ang daigdig ay maihanda sa pagtanggap sa kanyang Hari—ang Panginoong Jesucristo. Sa pagtanggap ng bawat tipan at pagtupad ng bawat obligasyon ay may isang pagpapala na iginagawad, na nakasalalay sa matapat na pagsunod sa mga kondisyon.”
The House of the Lord, 100
Batas ng Pagsunod
Pangulong Thomas S. Monson
“Mga kapatid, ang pinakamalaking pagsubok sa buhay na ito ay pagsunod. ‘Susubukin natin sila,’ wika ng Panginoon, ‘upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.’ Sinabi ng Tagapagligtas, ‘Sapagkat lahat ng magkakaroon ng pagpapala sa aking mga kamay ay susunod sa batas na itinakda para sa pagpapalang yaon, at ang mga batayan nito, gaya ng pinasimulan bago pa ang pagkakatatag ng daigdig.’ Wala nang mas dakila pang pagsunod kaysa yaong ipinakita ng ating Tagapagligtas. Sinabi ni Pablo tungkol sa Kanya: ‘Bagama’t siya’y Anak, gayon ma’y natuto ng pagtalima sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis; at nang siya’y mapaging sakdal, ay siya ang gumawa ng walang hanggang kaligtasan ng lahat na mga nagsisitalima sa kaniya.’”
Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala, pangkalahatang kumperensya ng Abril 2013
Pangulong Gordon B. Hinckley
“Pinatototohanan ko sa inyo na ang kaligayahan ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang kapayapaan ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang pagsulong ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang pag-unlad ng mga Banal sa mga Huling Araw, at ang walang-hanggang kaligtasan at kadakilaan ng mga taong ito ay nakasalalay sa pagsunod sa mga payo ng priesthood ng Diyos.”
If Ye Be Willing and Obedient, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1971
Pangulong James E. Faust
“Ang pagsunod ay humahantong sa tunay na kalayaan. Kapag higit tayong sumunod sa inihayag na katotohanan, higit tayong nagiging malaya. ... Tulad ng ang kaayusan ay nagbigay ng buhay at kagandahan sa mundo noong madilim at hungkag ito, gayundin ang ginagawa nito sa atin. Ang pagsunod ay tumutulong sa atin na maabot ang lubos na potensyal na hinahangad ng ating Ama sa Langit para sa atin sa pagiging mga selestiyal na nilalang na karapat-dapat balang araw na mamuhay sa Kanyang kinaroroonan.”
Obedience: The Path to Freedom, pangkalahatang kumperensya ng Abril 1999
Elder Jeffrey R. Holland
“Ang pagsunod ay hindi lamang ang unang batas ng langit. Ang pagsunod ay ang unang batas ng lahat. Ang lahat ng bagay na alam kong mahalaga ay nangangailangan ng panimulang pangakong iyon na sundin ang salita at kalooban ng Panginoon. Ito ang unang tipan na ginagawa natin sa loob ng templo.”
Elder Jeffrey R. Holland Visits Philippines, Shares Message on Love, Newsroom.ChurchofJesusChrist.org
Elder L. Tom Perry
“Una, kailangan nating maging masunurin sa mga batas ng Panginoon. Ito ay isa sa mga unang aral na itinuro kina Adan at Eva: ang pagsunod ay nagdudulot ng pananampalataya. Nagdudulot ito ng mga pagpapala ng langit. Ang pagsuway ay nagdudulot ng pighati at kalungkutan. Sa pagtalima sa batas ng pagsunod ay kailangang ilaan natin ang ating mga sarili sa paglilingkod sa mga anak ng ating Ama sa Langit. Ang pagsasakripisyo ng kung ano ang mayroon tayo para sa kapakinabangan ng ating mga kapatid na lalaki at babae ay ang pinakamahalagang pagsubok ng ebanghelyo. Ang isa sa mga layunin ng karanasan sa mortalidad ay makita kung susundin natin ang payo ng Tagapagligtas na ‘hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo’ [tingnan sa Mateo 6:33].”
Behold, the Lord Hath Shown unto Me Great and Marvelous Things, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1992
Elder Joseph B. Wirthlin
“Gusto naming lahat na magtagumpay kayo sa buhay na ito at maging karapat-dapat para sa pinakadakilang kaloob ng Diyos—buhay na walang hanggan sa selestiyal na kaharian. Upang makamit ang inyong mga mithiin sa mortal na buhay na ito at mapatunayang karapat-dapat kayo sa mga walang hanggang pagpapala, matutong sumunod. Wala nang ibang paraan. Ang pagsunod ay nagdudulot ng matinding lakas at kapangyarihan sa inyong mga buhay.”
Live in Obedience, pangkalahatang kumperensya ng Abril 1994
Batas ng Sakripisyo
Pangulong Russell M. Nelson
“Iniuutos pa rin sa ating magsakripisyo, ngunit hindi sa pagpadanak ng dugo ng mga hayop. Ang pinakamataas na uri ng sakripisyo ay natatamo kapag ginawa nating mas sagrado o banal ang ating mga sarili. Ginagawa natin ito sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Sa gayon, laging magkaugnay ang mga batas ng pagsunod at sakripisyo. Isaalang-alang ang mga utos na sundin ang Salita ng Karunungan, panatilihing banal ang araw ng Sabbath, magbayad ng tapat na ikapu. Kapag sinunod natin ang mga ito at iba pang mga utos, may magandang nangyayari sa atin. Nagiging disiplinado tayo! Nagiging mga disipulo tayo! Tayo ay nagiging mas sagrado at banal—katulad ng ating Panginoon!”
Lessons from Eve, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1987
Pangulong Harold B. Lee
“Ang ating kasalukuyang planong pangkawanggawa ay maaaring maging ‘pagbubuo’ ng mga pagsasanay upang makita kung gaano kahanda ang simbahang ito na isabuhay ang planong ito, nang sa gayon, tulad ng masayang natanto ng isang grupo ng mga tao sa kontinenteng ito, tulad ng nakatala sa sinaunang banal na kasulatan na tinatawag nating Aklat ni Mormon, matapos silang magbalik-loob sa Panginoon, ‘walang mayaman at mahirap, alipin at malaya, kundi silang lahat ay … magkasalo sa makalangit na handog’ at ‘tunay na wala nang mas maliligayang tao pa’ sa balat ng lupa (4 Ne. 1:3, 16) sa pamamagitan ng lubos na pagsasabuhay ng batas ng sakripisyo at paglalaan.”
Teach the Gospel of Salvation, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1972
Pangulong M. Russell Ballard
“Kadalasan, ang unang bagay na naiisip ng tao kapag naririnig nila ang ‘batas ni Moises’ ay pag-aalay ng hayop. Ang tila nakahihilakbot na katangian ng pag-aalay ng dugo ay naging dahilan para itanong ng ilan, ‘Paano nagkaroon ng kinalaman ang gayong gawain sa ebanghelyo ng pagmamahal?’ Higit nating mauunawaan ang sagot sa tanong na iyan kapag naunawaan natin ang dalawang pangunahing layunin ng batas ng pagsasakripisyo. Naaangkop ang mga layuning ito [kina] Adan, Abraham, Moises, at sa mga Apostol ng Bagong Tipan, at angkop ito sa atin ngayon kapag tinatanggap at ipinamumuhay natin ang batas ng pagsasakripisyo. Ang dalawang pangunahing layunin nito ay ang subukin at tulungan tayong lumapit kay Cristo.”
Ang Batas ng Pagsasakripisyo, Liahona, Marso 2002
Elder L. Tom Perry
“Nakapagtataka pa ba na ang Panginoon, mula sa pinakasimula, ay nagnais na itatak nang maigi ang kanyang plano sa mga isipan ng kanyang mga anak dito sa lupa? Sa mga batas na ibinigay kina Adan at Eva, ang batas ng sakripisyo ay itinatag upang ipaalala sa kanila ang dakilang kaganapan na mangyayari sa kalagitnaan ng panahon. ... Mula sa panahong iyon hanggang sa dumating sa mundo ang Tagapagligtas, sa tuwing naroroon ang priesthood, ang tao ay nag-aalay ng mga handog upang ipaalala sa kanya ang panahon kung saan ang Anak ng Tao ay darating sa mundo upang gawin ang pinakadakilang handog para sa ating lahat.”
Sacrament of the Lord’s Supper, pangkalahatang kumperensya ng Abril 1996
Elder Neal A. Maxwell
“[A]ng tunay at personal na sakripisyo ay hindi kailanman ang paglalagay ng hayop sa dambana. Sa halip, ito ay ang kahandaang ialay sa dambana ang ating masamang pag-uugali at hayaan itong matupok! Ang gayong ‘hain sa Panginoon … [nang] may bagbag na puso at nagsisising espiritu,’ (Doktrina at mga Tipan 59:8), na kinakailangan sa pagpasan ng krus, habang tinatalikuran ‘ang lahat ng [ating] mga kasalanan’ nang sa gayon ay ‘makilala [ang Diyos]’ (Alma 22:18) para sa pagkakait sa sarili ay nauuna sa lubos na pagtanggap sa Kanya.”
Deny Yourselves of All Ungodliness, pangkalahatang kumperensya ng Abril 1995
Batas ng Ebanghelyo
Pangulong Russell M. Nelson
“Bilang mga indibiduwal na miyembro ng Simbahan, kayo at ako ay nakikilahok sa ‘sariling paraan’ ng Panginoon. Hindi bababa sa isang beses sa isang buwan, tayo ay nag-aayuno at nananalangin at nag-aambag ng mga bukas-palad na handog sa mga pondo na nagtutulot sa mga bishop na mamahagi ng tulong. Ito ay bahagi ng batas ng ebanghelyo. Ang bawat isa sa atin ay tunay na maaaring makatulong sa maralita at nangangailangan, ngayon, at kung nasaan man sila. At tayo rin ay mapagpapala at mapoprotektahan mula sa apostasiya sa pamamagitan ng paggawa nito.”
In the Lord’s Own Way, pangkalahatang kumperensya ng Abril 1986
Pangulong Ezra Taft Benson
“Nakikipagtipan tayo na isabuhay ang batas ng ebanghelyo. Ang batas ng ebanghelyo ay sumasaklaw sa lahat ng batas, alituntunin, at ordenansang kailangan para sa ating kadakilaan. Sumasang-ayon tayo na manampalataya kay Jesucristo at taos-pusong magsisisi na buhat ng bagbag na puso at nagsisising espiritu. Habang tayo ay tumatalima sa mga ordenansa ng binyag at kumpirmasyon, at nagpapatuloy sa pananampalataya at panalangin, ang kapangyarihan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ang sumasagot sa ating mga kasalanan at tayo ay nalilinis mula sa lahat ng kasamaan. ... Ang batas ng ebanghelyo ay higit pa sa pag-unawa sa plano ng kaligtasan. Binubuo ito ng pakikibahagi sa mga ordenansa at sa mga kapangyarihang magbuklod na humahantong sa pagkakabuklod ng isang tao hanggang sa buhay na walang hanggan. ‘Ang pagkapanganak na muli’ sabi ni Propetang Joseph Smith, ‘ay ipinararating ng Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa.’”
Teachings of Ezra Taft Benson, 337
Pangulong John Taylor
“Ngunit kinailangan na si Adan ay sumunod, tumalima, at tumupad sa batas ng ebanghelyo, at kinailangan din na ang kanyang salinlahi, na magtataglay ng parehong kadakilaan at mga pagpapala, ay tumupad at sumunod rin sa parehong batas.”
The Gospel Kingdom, 279
Pangulong Wilford W. Woodruff
“Ang lahat ng tumatanggap sa mga alituntunin ng ebanghelyo ni Cristo ay maliligtas ng mga ito. Siya na sumusunod sa isang batas ay mapangangalagaan nito. Ang sinumang tao na sumusunod sa batas ng ebanghelyo ay maliligtas at makatatanggap ng kadakilaan sa pamamagitan nito.”
The Discourses of Wilford Woodruff, 22
Elder Bruce R. McConkie
“Sa huling pagsusuri, ang ebanghelyo ng Diyos ay nakasulat, hindi sa mga napaglipasan na ng panahon na tala ng banal na kasulatan, kundi sa mga buhay ng mga Banal. Hindi ito isinulat gamit ang panulat at tinta sa papel na likha ng tao, kundi gamit ang mga kilos at gawa sa aklat ng buhay ng bawat naniniwala at sumusunod na tao. Nakaukit ito sa mga laman at buto at litid ng mga nagsasabuhay ng selestiyal na batas, na siyang batas ng ebanghelyo. Nariyan ito upang mabasa ng iba, una, ng mga tumutugon sa pamamagitan ng pagluluwalhati sa ating Ama sa langit, dahil nakikita ang mabubuting gawa ng mga Banal (tingnan sa Mat. 5:16) at sa huli, ng Dakilang Hukom na kung kanino ay bukas na aklat ang buhay ng bawat tao.”
Our Gospel Came Not Unto You in Word Only…, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1968
Batas ng Kalinisang-Puri
Pangulong Russell M. Nelson
“Ang paraan ng pamumuhay ng Tagapagligtas ay mabuti. Kabilang sa Kanyang pamamaraan ang kadalisayan ng puri bago ikasal at ganap na katapatan sa loob ng bigkis ng kasal. Ang pamamaraan ng Panginoon ang tanging paraan upang maranasan natin ang walang hanggang kaligayahan. Ang Kanyang pamamaraan ay nagdudulot ng kapanatagan sa ating kaluluwa at patuloy na kapayapan sa tahanan. At higit sa lahat, ang Kanyang pamamaraan ay umaakay sa atin pabalik sa Kanya at sa ating Ama sa Langit, sa walang hanggang buhay at kadakilaan. Ito ang pinakamahalagang bahagi ng gawain at kaluwalhatian ng Diyos.”
Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2013
Pangulong Dallin H. Oaks
“Ang kapangyarihang lumikha ng buhay ang pinakadakilang kapangyarihang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ang paggamit nito ay itinulot ng unang utos ng Diyos kina Eva at Adan (tingnan sa Genesis 1:28), ngunit ang iba pang mahahalagang utos ay ibinigay upang pagbawalan ang maling paggamit nito (tingnan sa Exodo 20:14; 1 Tesalonica 4:3).Ang pagbibigay-diin natin sa batas ng kalinisang-puri ay ipinaliliwanag [ng] pag-unawa natin sa layunin ng kapangyarihan nating lumikha sa pagsasakatuparan ng plano ng Diyos.Kung wala ang bigkis ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, lahat ng paggamit ng ating kapangyarihang lumikha ng buhay sa anumang antas nito ay kasalanan at salungat sa plano ng Diyos para sa kadakilaan ng Kanyang mga anak.”
Walang Ibang mga Diyos, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2013
Elder David A. Bednar
“Ipinapangako ko na ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay magdaragdag sa ating kaligayahan sa mortalidad at gagawin nitong posible ang ating pag-unlad sa kawalang-hanggan. Ang kalinisang-puri at kabanalan ay magiging ‘pinakamahal at pinakamahalaga sa ibabaw ng lahat ng bagay’ (Moroni 9:9).”
Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis, pangkalahatang kumperensya ng Abril 2013
Elder Neil L. Andersen
“Maraming single adult sa Simbahan na may edad nang talaga. Samantalang nakikita nilang kaiba ang buhay nila ngayon kaysa inasam nila noon, sinusunod nila ang batas ng kalinisang-puri. Maaaring isang pagsubok ito sa kanilang pananampalataya. Ipinaaabot ko ang matinding paggalang at paghanga sa mga disipulong ito ni Cristo.”
Pagsubok sa Inyong Pananampalataya, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2012
Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo
“Ang unang kautusan na ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ay tungkol sa kanilang potensiyal na maging magulang bilang mag-asawa. Ipinapahayag namin na ang kautusan ng Diyos sa Kanyang mga anak na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa. Ipinapahayag din namin na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas. Ipinapahayag namin na ang paraan ng paglikha ng buhay na mortal ay itinakda ng Diyos. Pinagtitibay namin ang kabanalan ng buhay at ang kahalagahan nito sa walang hanggang plano ng Diyos.”
Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo
Para sa Lakas ng mga Kabataan
“Kapag malinis ang inyong puri, inihahanda ninyo ang inyong sarili sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa templo. Naihahanda ninyo ang sarili sa pagbuo ng matatag na samahan ng mag-asawa at sa pagluluwal ng mga sanggol sa mundo bilang bahagi ng walang hanggan at mapagmahal na pamilya. Napapangalagaan ninyo ang inyong sarili mula sa espirituwal at emosyonal na pinsalang laging kaakibat ng pakikipagtalik sa hindi ninyo asawa. Pinoprotektahan din ninyo ang sarili mula sa mga nakapipinsalang sakit. Ang pananatiling malinis ang puri ay makatutulong sa inyo na maging tiwala at tunay na maligaya at nagpapalakas sa inyong kakayahang gumawa ng mabubuting desisyon ngayon at sa hinaharap. Ang mga pama[n]tayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri ay malinaw at hindi nagbabago. Huwag magkaroon ng anumang pakikipagtalik bago ikasal, at maging ganap na matapat sa inyong asawa matapos ang kasal. … Huwag makisali sa mga usapan o gawaing pumupukaw sa damdaming seksuwal. Huwag makisali sa anumang uri ng pornograpiya.”
Batas ng Paglalaan
Pangulong Ezra Taft Benson
“Tayo ay nakikipagtipan na isabuhay ang batas ng paglalaan. Ang ibig sabihin ng batas na ito ay ilalaan natin ang ating panahon, mga talento, lakas, pag-aari, at pera para sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa mundong ito at sa pagtatatag ng Sion. Hanggang sa ang isang tao ay tumalima sa mga batas ng pagsunod, sakripisyo, ebanghelyo, at kalinisang-puri, hindi siya makatatalima sa batas ng paglalaan, na siyang batas na nauukol sa kahariang selestiyal. “Sapagkat kung inyong nanaisin na bigyan ko kayo ng isang lugar sa selestiyal na daigdig, kailangan ninyong ihanda ang inyong sarili sa paggawa ng mga bagay na aking iniuutos sa inyo at hinihingi sa inyo (D at T 78:7).”
Teachings of Ezra Taft Benson, 121
Pangulong Spencer W. Kimball
“[I]nilalaan natin ang ating panahon, talento, at kabuhayan sa paraan kung paano ito ipinagagamit ng ating mga lider at kapag hinikayat ng mga bulong ng Espiritu. Sa Simbahan, gayundin sa Welfare system, maaari nating ipahayag ang bawat kakayahan, ang bawat mabuting hangarin, ang bawat maalalahaning udyok. Isa mang boluntaryo, ama, home teacher, bishop, o kapitbahay, isa mang visiting teacher, ina, maybahay, o kaibigan—maraming pagkakataon na ibigay ang ating lahat. At kapag nagbigay tayo, matutuklasan natin na ang ‘biyaya’y bunga ng pagpapasakit!’ (Mga Himno, blg. [21]) At sa huli, malalaman natin na hindi naman talaga ito pagpapasakit.”
Becoming the Pure in Heart, pangkalahatang kumperensya ng Abril 1978
Elder D. Todd Christofferson
“Ang ating buhay sa mundo ay isang pangangasiwa sa panahon at mga pagpili na ipinagkaloob ng ating Tagapaglikha. Ang salitang pangangasiwa ay panawagan sa pagsunod sa batas ng paglalaan ng Panginoon (halimbawa, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:32, 53), na may papel na ginagampanan sa kabuhayan, ngunit, higit pa riyan, ito ay [pamu]muhay ng selestiyal na batas sa buhay na ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 105:5). Ang paglalaan ay pagtatalaga sa isang bagay bilang sagrado, na inilaan para sa mga banal na layunin. Ang tunay na tagumpay sa buhay na ito ay nagmumula sa paglalaan ng ating buhay—iyon ay, ang ating panahon at mga pagpili—sa mga layunin ng Diyos (tingnan sa Juan 17:1, 4; Doktrina at mga Tipan 19:19). Sa paggawa nito, tinutulutan natin Siya na iangat tayo sa pinakamaluwalhati nating tadhana.”
Larawan ng Isang Buhay na Inilaan, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2010
Elder Neal A. Maxwell
“Iniisip natin minsan na ang paglalaan ay pagbibigay ng ating materyal na ari-arian, kapag ito ay ipinag-utos ng Diyos. Ngunit ang tunay na paglalaan ay ang pagpapasailalim natin sa Diyos. Puso, kaluluwa, at isipan ang mga bagay na binanggit ni Cristo sa paglalarawan ng unang kautusan, na umiiral sa tuwina at di lamang sa pana-panahon (tingnan sa Mat. 22:37). Kung ito’y tutuparin natin, ang ating mga gawain ay ganap na mailalaan para sa walang hanggang kapakanan ng ating kaluluwa (tingnan sa 2 Ne. 32:9).”
Ilaan ang Inyong Gawain, pangkalahatang kumperensya ng Abril 2002
Pangulong Henry B. Eyring
“Pinakikinggan ng Ama sa Langit ang mga panalangin ng Kanyang mga anak sa buong mundo... Nakarating na ang mga pagsusumamong iyon sa Kanya mula pa noong ilagay [N]iya ang mga lalaki at babae sa mundo.
Dahil naririnig ng Panginoon ang kanilang pagtangis at ramdam ang habag ninyo sa kanila, sa simula pa lamang ay naglaan na Siya ng mga paraan para makatulong ang Kanyang mga disipulo. Inanyayahan Niya ang Kanyang mga anak na maglaan ng panahon, kabuhayan, at kanilang sarili upang tulungan Siyang maglingkod sa iba. Ang paraan Niya ng pagtulong ay tinatawag kung minsan na pagsasabuhay ng batas ng lubos na paglalaan.”
Mga Pagkakataong Gumawa ng Mabuti, pangkalahatang kumperensya ng Abril 2011
Elder David A. Bednar
“Ang paglalaan ay may kaugnayan sa pananampalataya at nakasalig sa sakripisyo. Ang ibig sabihin ng salitang ilaan ay paunlarin at ‘ialay sa isang sagradong layunin.’ Ang sakripisyo ay ang bagay na ating ihahandog, isusuko, ipauubaya, o ibibigay. Ang paglalaan, sa kabilang banda, ay ang lubusang pagpapaunlad at pag-aalay sa isang sagradong layunin. … Habang isinasabuhay natin ang batas ng paglalaan, [hindi lamang tayo handa] na ialay ang anumang bagay at lahat ng bagay na pag-aari natin para sa kapakanan ng ebanghelyo—kundi nangangako rin tayong pauunlarin at iaalay ang ating pinakamabuting sarili—ating panahon, ating mga talento, at ating patuloy na lumalaking kakayahan—sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa. Ang pangako natin ay: Ibibigay ko ang aking sarili at ang lahat ng maaari kong kahinatnan, at mamumuhay ako para sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang alituntunin ng sakripisyo ay isang mas mababang batas ng paghahanda para sa alituntunin ng paglalaan. Kasama at saklaw ng paglalaan ang sakripisyo at higit pa rito. … Ang tunay na paglalaan ay ginaganyak ng pag-ibig sa kapwa-tao at lumilikha ng dagdag na hangaring maglingkod. Sa mga huling araw na ito, higit pa ang kailangan sa atin bilang mga anak ng tipan bukod sa ating pera, kabuhayan, at panahon. Kailangan nating ilaan sa Panginoon ang ating mga buong kaluluwa.”
Iniangkop mula sa isang mensahe na ibinigay sa debosyonal sa BYU-Idaho, “Your Whole Souls as an Offering Unto Him,” David A. Bednar, Enero 5, 1999
Pagbubuklod
Pangulong Russell M. Nelson
“Mga kapatid, di tumatagal ang mga materyal na pag-aari at pagkilala ng mundo. Ang pagsasama ng mag-asawa at pamilya lamang. Ang [tanging tagal ng] buhay-pamilya na nagbibigay-kasiyahan sa pinakamatayog na pagnanais ng kaluluwa ng tao ay magpakailanman. Walang [sakripisyo ang napakalaki] para matamo ang mga pagpapala ng walang-hanggang kasal. Upang maging marapat, kailangan lang iwaksi sa sarili ang kasamaan at igalang ang mga ordenansa sa templo. Sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong ordenansa sa templo, pinatutunayan natin ang ating pagmamahal sa Diyos, sa ating asawa, at ang tunay na pagtatangi sa ating angkan—maging yaong di pa isinisilang. Ang ating pamilya ang pokus ng ating pinakadakilang gawain at kagalakan sa buhay na ito; gayon din sa buong walang hanggan, kung kailan tayo ay ‘magmamana ng mga trono, kaharian, pamunuan, … kapangyarihan, mga sakop, … kadakilaan at kaluwalhatian.’ Mapapasaatin ang mahahalagang pagpapalang ito kung isasaayos natin ngayon ang ating sambahayan at tapat na kakapit sa ebanghelyo.”
Isaayos ang Iyong Sambahayan, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2001
Pangulong Dallin H. Oaks
“Ang layunin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tulungan ang lahat ng anak ng Diyos na maunawaan ang kanilang potensyal at makamit ang kanilang pinakadakilang tadhana. Narito ang simbahang ito upang maglaan sa mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos ng mga paraan para makapasok sa at magtamo ng kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ito ay isang simbahang nakasentro sa pamilya sa doktrina at mga gawain. Ang ating pag-unawa sa katangian at layunin ng Diyos na Amang Walang Hanggan ay nagpapaliwanag sa ating tadhana at ating ugnayan sa [K]anyang walang hanggang pamilya. Ang ating teolohiya ay nagsisimula sa mga magulang sa langit. Ang pinakadakilang hangarin natin ay maging katulad [N]ila. Sa ilalim ng maawaing plano ng Ama, ang lahat ng ito ay posible sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ng Bugtong na Anak ng Ama, ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Bilang mga magulang sa mundo, nakikibahagi tayo sa plano ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga mortal na katawan sa mga espiritung anak ng Diyos. Ang kabuuan ng walang hanggang kaligtasan ay nasa pamilya.”
Apostasy and Restoration, pangkalahatang kumperensya ng Abril 1995
Pangulong Henry B. Eyring
“Selestiyal na kasal dapat ang tuon at layunin ng lahat ng ginagawa natin. Ibig sabihin niyan, kailangan tayong magsumikap na mabuklod nang walang hanggan sa isang kabiyak sa templo ng Diyos. Kailangan din nating hikayatin ang iba na gumawa at tumupad ng mga tipan na nagbibigkis sa isang mag-asawa, sa kanilang pamilya, sa buhay na ito at sa kabilang-buhay.”
Mga Walang-Hanggang Pamilya, pangkalahatang kumperensya ng Abril 2016
Pangulong Boyd K. Packer
“Ang mahalagang mithiin ng lahat ng aktibidad sa Simbahan ay na ang isang lalaki at ang kanyang asawa at kanilang mga anak ay maging maligaya sa tahanan, protektado ng mga alituntunin at batas ng ebanghelyo, ligtas na ibinuklod sa mga tipan ng walang hanggang priesthood.”
Papatnubayan Sila ng Munting Bata, pangkalahatang kumperensya ng Abril 2012
Pangulong Dieter F. Uchtdorf
“Nagpapasalamat ako na kabilang ako sa isang simbahan na nagpapahalaga sa kasal at pamilya. Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kilala sa buong mundo na may ilan sa pinakamatiwasay na mga pagsasama ng mag-asawa at pamilya na inyong makikita. Naniniwala ako na bahagi ng dahilan ang mahalagang katotohanang ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith na ang pagsasama ng mga mag-asawa at pamilya ay nilayong maging walang hanggan. Ang mga pamilya ay hindi lamang kailangang mabuhay nang mas maayos dito sa lupa at itapon pagdating natin sa langit. Bagkus, ito ang patakaran ng langit. Ito ay halimbawa ng isang selestiyal na huwaran at kahalintulad ng walang-hanggang pamilya ng Diyos.”
Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas, pangkalahatang kumperensya ng Abril 2016
“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”
“Ang plano ng kaligayahan ng Diyos ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang buhay. Ang mga banal na ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang hanggan.”
Mga Pagpapala ng Gawain sa Templo
Pangulong Russell M. Nelson
“Bawat nilalang na isinilang sa mundong ito ay bunga ng mga henerasyon ng mga magulang. Likas sa atin ang hangaring makaugnay ang ating mga ninuno. Nananahan sa ating mga puso ang hangaring ito, anuman ang ating edad. Pag-isipan ninyo ang espirituwal na ugnayang nabubuo kapag tinutulungan ng isang [dalagita] ang kanyang lola na magpasok sa kompyuter ng impormasyon tungkol sa pamilya o kapag nakita ng isang [binatilyo] ang pangalan ng kanyang lolo-sa-tuhod sa rekord ng census. Kapag bumabaling ang ating mga puso sa ating mga ninuno, may nababago sa ating kalooban. Nadarama nating bahagi tayo ng isang bagay na nakahihigit sa ating sarili. Ang likas na hangarin nating makaugnay ang ating pamilya ay natutupad kapag nakabigkis tayo sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng sagradong mga ordenansa sa templo.”
Mga Henerasyong Nabigkis ng Pagmamahal, pangkalahatang kumperensya ng Abril 2010
Pangulong Thomas S. Monson
“Bakit napakaraming handang magbigay nang napakalaki upang matanggap ang mga pagpapala ng templo? Alam ng mga nakauunawa sa walang hanggang mga pagpapalang nagmumula sa templo na walang sakripisyong napakalaki, walang kapalit na napakabigat, walang pagsisikap na napakahirap upang matanggap ang mga pagpapalang iyon. Walang paglalakbay na napakalayo, walang maraming balakid na hindi malalagpasan, o napakaraming hirap na hindi mapagtitiisan. Nauunawaan nila na ang nakapagliligtas na mga ordenansang natanggap sa templo na nagtutulot sa atin na makabalik balang araw sa ating Ama sa Langit sa ugnayan ng pamilyang walang hanggan at mapagkalooban ng mga pagpapala at kapangyarihan mula sa itaas ay sulit sa lahat ng sakripisyo at pagsisikap.”
Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo, pangkalahatang kumperensya ng Abril 2011
Pangulong Gordon B. Hinckley
“Naniniwala ako na hindi pa natatanggap ng isang miyembro ng Simbahan ang pinakamaringal na bagay na maibibigay ng Simbahang ito hangga’t hindi niya natatanggap ang kanyang mga pagpapala ng templo sa bahay ng Panginoon.”
Some Thoughts on Temples, Retention of Converts, and Missionary Service, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1997
Pangulong Howard W. Hunter
“Sa diwang iyan ko inaanyayahan ang mga Banal sa mga Huling Araw na asamin ang templo ng Panginoon bilang dakilang simbolo ng pagiging miyembro ninyo. Pinakamarubdob na hangarin ng puso ko ang maging karapat-dapat ang bawat miyembro ng Simbahan na pumasok sa templo. Malulugod ang Panginoon kung bawat miyembrong nasa hustong gulang ay maging karapat-dapat sa—at magkaroon ng—current temple recommend. Ang mga bagay na dapat at hindi natin dapat gawin para maging karapat-dapat sa temple recommend ang mismong mga bagay na titiyak na tayo ay magiging maligaya bilang mga indibiduwal at pamilya. Maging mga tao tayong mapagdalo sa templo. Dumalo sa templo nang madalas kung ipahihintulot ng ating mga personal na sitwasyon. Maglagay ng larawan ng templo sa bahay ninyo nang makita ito ng inyong mga anak. Ituro sa kanila ang mga layunin ng bahay ng Panginoon. Pagplanuhin sila habang bata pa na makapunta roon at manatiling marapat sa pagpapalang iyon.”
Exceeding Great and Precious Promises, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1994
Elder David A. Bednar
“Ang Diwa ni Elias ay umaapekto sa mga miyembro at hindi miyembro ng Simbahan. Gayunman, bilang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo, may responsibilidad tayo sa ating tipan na saliksikin ang ating mga ninuno at magsagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo para sa kanila. ‘[Hindi sila magiging sakdal kung wala tayo]’ (Mga Hebreo 11:40; tingnan din sa Mga Turo: Joseph Smith, 557). At ‘ni tayo kung wala ang ating mga patay ay hindi magagawang ganap’ (Doktrina at mga Tipan 128:15). Dahil dito nagsasaliksik tayo ng kasaysayan ng ating pamilya, nagtatayo ng mga templo, at nagsasagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa para sa mga patay. Dahil dito isinugo si Elias upang ipanumbalik ang awtoridad na magbuklod na may bisa sa lupa at sa langit. Tayo ay mga lingkod ng Panginoon sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan nang ‘ang buong mundo ay [hindi] bagabagin ng isang sumpa’ (Doktrina at mga Tipan 110:15) sa Kanyang muling pagparito. Ito ay ating tungkulin at dakilang pagpapala.”
Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob, pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2011
Elder Quentin L. Cook
“Malinaw ang doktrina ng pamilya kaugnay ng gawain sa family history at sa templo. Tinukoy ng Panginoon sa paunang inihayag na mga tagubilin ang ‘pagbibinyag para sa inyong mga patay.’ Ang obligasyon natin ayon sa doktrina ay sa sarili nating mga ninuno. Ito ay dahil ang selestiyal na organisasyon ng langit ay nakabatay sa mga pamilya. Hinikayat ng Unang Panguluhan ang mga miyembro, lalo na ang mga kabataan at young single adult, na bigyang-diin ang gawain sa family history at mga ordenansa para sa mga pangalan ng sarili nilang pamilya o mga pangalan ng mga ninuno ng mga miyembro ng kanilang ward at stake. Kailangan nating makakonekta kapwa sa ating mga ugat at mga sanga. Ang ideyang magkakaugnay tayo sa walang-hanggang kaharian ay talagang maluwalhati.”
Mga Ugat at mga Sanga, pangkalahatang kumperensya ng Abril 2014
Pangulong Boyd K. Packer
“Anuman ang pagkamamamayan o lahi, lalaki man o babae, anuman ang trabaho, anuman ang edukasyon, hindi alintana ang henerasyon kung saan nabubuhay ang isang tao, ang buhay ay isang paglalakbay pauwi para sa ating lahat, pabalik sa kinaroroonan ng Diyos sa kanyang kahariang selestiyal. Ang mga ordenansa at tipan ay nagiging mga kredensyal natin sa pagpasok sa Kanyang kinaroroonan. Ang karapat-dapat na pagtanggap sa mga ito ay isang panghabambuhay na mithiin; ang pagiging tapat sa mga ito pagkatapos ang hamon ng mortalidad. Kapag natanggap na natin ang mga ito para sa ating mga sarili at para sa ating mga pamilya, may obligasyon tayong gawin ang mga ordenansang ito para sa ating mga kamag-anak na namatay na, tunay ngang para sa buong pamilya ng mga tao.”
Covenants, Ensign, Mayo 1987