Simula pa noong sinaunang panahon, tanggap na ng kalalakihan at kababaihan ang mga sagradong musika, iba’t ibang uri ng panalangin, kasuotang panrelihiyon na puno ng mga simbolo, kilos, at seremonya upang maipadama ang kanilang buong katapatan sa Diyos.
Ang iba’t ibang uri ng ekspresiyon na ito ay tulad ng malawak at magkakaiba tulad ng sangkatauhan. Gayunman, iisa ang pinakalayunin ng lahat ng ito: ang iugnay ang taong nananampalataya sa pinaglalaanan ng kanilang katapatan sa pinakapersonal na paraan—para mapalapit sa Diyos.
Sa mga hindi kabilang sa isang partikular na relihiyon, ang mga seremonya at kasuotan ay maaaring hindi pamilyar. Pero para sa mga participant, maaaring maantig ng mga ito ang kaibuturan ng kaluluwa, mahikayat silang gumawa ng mabuti, at mahubog ang buong buhay nila sa paglilingkod.
Ang abito ng isang madre. Ang sutana ng isang pari. Ang balabal na gamit ng mga Judio kapag nagdarasal. Ang skullcap o takip sa ulo ng mga Muslim. Ang kasuotang safron ng mongheng Buddhist. Lahat ay bahagi ng isang mayamang tapiserya ng debosyon ng sangkatauhan sa Diyos.
Hindi lahat ng kasuotang pangrelihiyon ay nakikita sa publiko. Ang ilang kasuotan ay nakikita lamang sa mga espesyal na lugar ng pagsamba. Halimbawa, ang mga kasuotan sa templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na tinatawag na mga balabal ng banal na priesthood, ay isinusuot lamang sa loob ng mga templo ng mga Banal sa mga Huling Araw at nakalaan para sa mga pinakasagradong seremonya ng kanilang pananampalataya. Ang simpleng puting damit ay simbolo ng kadalisayan at pagkakapantay-pantay. Ang pinaka-senior na lider ng Simbahan at ang pinakabagong miyembro ay hindi makikilala kapag pare-pareho ang damit. Ang kalalakihan at kababaihan ay nagsusuot ng pare-parehong kasuotan, na nagpapakita ng mga simbolo ng relihiyon na nagpapaalala sa mga ginagawa sa templo na inilarawan sa Lumang Tipan.
Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, walang espesyal na panlabas na kasuotang panrelihiyon sa regular na pagsamba sa araw ng Linggo.
Gayunman, maraming matatapat na Banal sa mga Huling Araw ang nagsusuot ng garment sa loob ng kanilang damit na may malalim na kahalagahan sa relihiyon. Ang simpleng panloob na damit na ito ay dalawang piraso at karaniwang tinatawag na “temple garment.”
Nagkakamali ang ilang tao sa pagtukoy sa mga temple garment bilang mahiwaga o “mahiwagang panloob.” Ang mga salitang ito ay hindi lamang mali, ito rin ay nakasasakit sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Walang anumang mahiwaga o kamangha-mangha sa mga temple garment, at ang mga miyembro ng Simbahan ay humihingi ng pantay na paggalang at pang-unawa na maaaring ibigay sa alinmang relihiyon ng mga taong may mabubuting kalooban.
Ang mga temple garment ay isinusuot ng mga adult na miyembro ng Simbahan na gumawa ng mga sagradong pangako sa templo na susunod sila sa mga kautusan ng Diyos at ipamumuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Sa mga miyembro ng Simbahan, ang simpleng temple garment na isinusuot na panloob sa karaniwang kasuotan at ang simbolikong damit na isinusuot sa pagsamba sa templo ay sumasagisag sa isang sagrado at personal na aspeto ng kanilang kaugnayan sa Diyos at sa kanilang tapat na pangakong mamumuhay nang mabuti at marangal.