2018
Isang Mapagmalasakit at Matapang na Propeta
Sa Alaala: Pangulong Thomas S. Monson


Isang Mapagmalasakit at Matapang na Propeta

hand holding funeral program

Ikinararangal ko na naanyayahan akong magsalita sa libing ng isang magiting na propeta ng Diyos, si Pangulong Thomas S. Monson. Nakikiramay ako sa kanyang pamilya at sa lahat ng nagdadalamhati sa kanyang pagpanaw. Milyun-milyong tao sa iba’t ibang dako ng mundo ang nagdadalamhati rin. Siya ay minahal ng mga taong nakakakilala sa kanya mula sa kanyang mga nakaaantig at nagbibigay-inspirasyong mensahe at pamumuno. Ang Diyos lamang, na nagsugo sa kanya para pangalagaan sila, ang nakakaalam sa bilang ng mga taong nagmahal sa kanya dahil sa kanyang kabaitan.

Ang pagmamalasakit sa kapwa ay madalas mangyari noon sa paglilingkod ni Pangulong Monson. Dadalawin niya ang isang taong nangangailangan, at habang naroon ay makadarama siya ng impresyon na puntahan ang isa pang tao, at pagkatapos ang isa pa. Maraming beses na sinabi ng mga taong ito, “Alam kong darating ka.” Maaaring alam ng taong iyon, maaaring alam ng Panginoon, ngunit hindi ito alam ni Pangulong Monson nang gawin niya ito. Gayunpaman, ang mga taong alam na darating siya ay nabatid rin na mahal sila ng Panginoon kaya ipinadala Niya ang Kanyang tagapaglingkod sa kanila.Nadama nila ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng kabaitan ni Pangulong Monson sa kanila. Puspos ng pagmamahal sa Diyos, at pagmamahal sa mga anak ng Diyos ang kanyang buhay.

Ang pagmamahal na iyon ay nagsimula nang maaga at nanatili sa kanya hanggang sa wakas ng kanyang buhay. Sa kanyang personal na paglilingkod at sa pamumuno niya sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, itinuring niya ang mga salitang ito ni Isaias bilang salita ng Diyos. Nagsulat si Isaias tungkol sa batas ng pag-aayuno, na nakatuon sa pangangalaga sa mga nangangailangan:

“Hindi baga [ang batas na ito] ang magbahagi ng iyong tinapay sa gutom, at dalhin mo sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan? pagka nakakakita ka ng hubad, na iyong bihisan; at huwag kang magkubli sa iyong kapuwa-tao?

“Kung magkagayo’y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay likod.

“Kung magkagayo’y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya’y magsasabi, Narito ako. …

“At papatnubayan ka ng Panginoon na palagi, at sisiyahan ng loob ang iyong kaluluwa sa mga tuyong dako, … at ikaw ay magiging parang halamang nadilig, at parang bukal ng tubig, na ang tubig ay hindi naglilikat” (Isaias 58:7–9, 11).

Sa paglilingkod sa Panginoon sa buong buhay niya, pinangalagaan ni Pangulong Monson ang mga taong may temporal at espirituwal na pangangailangan, at natanggap niya ang mga ipinangakong pagpapala na iyon. Nang tumawag siya sa Panginoon sa panalangin, sumagot ang Panginoon. At dumating ang katiyakan kay Thomas Monson na naroon ang Panginoon.

Madalas banggitin ni Pangulong Monson ang pangako ng Panginoon na makakasama natin Siya sa ating matapat na paglilingkod sa Kanya. Ang mga pangakong iyon ay natupad ayon sa kanyang mga karanasan.

Paborito rin niya ang Doktrina at mga Tipan 84:88: “At sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.”

Dahil alam niya na totoo ang pangakong iyon, hindi madaling masiraan ng loob si Pangulong Monson. Naging malakas din ang kanyang loob dahil dito. Nang kailangan niyang gumawa ng mahihirap at mahahalagang pagpapasiya, umasa siya na sasagutin ng Panginoon ang kanyang panalangin at ipapakita sa kanya ang dapat gawin. Nang tawagin siyang magtungo sa tila mapanganib o delikadong mga sitwasyon, ang iba ay natakot, ngunit siya ay hindi natakot. Naniniwala siya na magpapauna ang Panginoon sa kanyang harapan at paliligiran siya ng mga anghel upang tulungan siya. Iyan ay napatunayang totoo. Ang kanyang anak na si Ann, na madamdaming nagsalita ngayon, ay nasa tabi niya ilang oras bago siya pumanaw. Mapalad ako na naroon din ako. Nang masdan ko ang kanyang mukha, naisip ko na natupad ang pangako ng Panginoon. Siya ay napaliligiran at sinusuportahan ng mga anghel na tao—at marahil ng iba pa.

Nakaramdam ako ng katiyakan na ang buhay na muling Panginoon, na naunang pumaroon sa kanya sa daigdig ng mga espiritu, ay naghintay na nakaunat ang mga bisig. Nakadama ako ng taimtim na patotoo, na ibabahagi ko sa inyo ngayon, na kilala ni Pangulong Monson ang Panginoon, na siya ay nalinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala habang ibinigay niya ang lahat ng kanyang makakaya sa paglilingkod sa Panginoon at sa mga anak ng Ama. Nakilala niya ang Panginoon. Minahal niya ang Panginoon. At sinabi niya na alam niya na minahal siya ng Panginoon.

Ipinamuhay ni Pangulong Monson ang tagubilin ni Haring Benjamin sa ating lahat:

“Sinasabi ko sa inyo, nais kong inyong pakatandaan na panatilihing laging nakasulat ang pangalan sa inyong mga puso, nang kayo ay hindi matagpuan sa kaliwang kamay ng Diyos, kundi inyong marinig at makilala ang tinig ng tatawag sa inyo, at gayundin, ang pangalang kanyang itatawag sa inyo.

“Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso? …

“Sa gayon, nais kong kayo ay maging matatag at huwag matitinag, laging nananagana sa mabubuting gawa, upang si Cristo, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan, ay matatakan kayong kanya, upang kayo ay madala sa langit, upang kayo ay magkaroon ng walang hanggang kaligtasan at buhay na walang hanggan” (Mosias 5:12–13, 15).

Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo. Taimtim kong pinatototohanan na, sa pamamagitan ng Kanyang buhay na walang kasalanan at sa Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, lahat ng mga anak ng Ama sa Langit na pumaparito sa mortalidad ay mabubuhay na mag-uli. Sa pamamagitan ng pagmiministeryo ng mga anghel kay Joseph Smith, ang propeta ng Panunumbalik, naipanumbalik ang lahat ng susi ng priesthood. Ang mga susing iyon ay patuloy na ipinasa hanggang kay Pangulong Monson. Kabilang dito ang kapangyarihang magbuklod ng mga pamilya para magkasama sa buong kawalang-hanggan. Alam iyon ni Pangulong Monson at pinatotohanan niya iyon. Ang kapangyarihang iyon ng priesthood ay magpapatuloy sa Simbahan ng Tagapagligtas sa mundo hanggang sa muli Niyang pagdating.

Sina Pangulo at Sister Monson ay ibinuklod sa pamamagitan ng kapangyarihang iyon. Dalangin ko na pagpalain ang lahat ng kanilang inapo upang magkaroon sila ng katiyakan na pinangangalagaan sila ng Panginoon at makaaasa sila sa isang maluwalhati at walang-hanggang pagsasamang muli ng pamilya. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.