Sa Alaala ni
Pangulong Thomas S. Monson: Propeta at Kaibigan
“Huwag matakot. Magalak. Ang hinaharap ay kasingliwanag ng inyong pananampalataya.”1
Tila handa nang lumabas ang pasyente mula sa emergency room, subalit nag-alangan ang isang doktor sa Salt Lake City at ang kanyang mga tauhan. Bagama’t mukhang kumpleto na ang panggagamot at paggaling ng lalaki, ang kanyang hindi maayos na hitsura at magulong pamumuhay ay nagdulot ng mga alalahanin. “Mayroon ka bang mga kapamilya, mga kaibigan na makakatulong sa pagpapagamot mo?” tanong ng doktor. “Wala naman,” sagot ng pasyente, hanggang sa may maalala siya: “Sa totoo lang, may kaibigan ako na nag-aalaga sa akin kung minsan. Ang pangalan niya ay Tom Monson.”2
Si Pangulong Thomas Spencer Monson ay “isang espesyal na kaibigan ng inaapi” at ng “mga maralita,” gaya ng sinabi ng isang matagal nang kaibigan.3 Sa buong buhay niya, kabilang ang mahigit sa tatlong dekada ng matitinding responsibilidad bilang miyembro ng Unang Panguluhan, ginawa niyang napakalaking priyoridad ang personal na pagbisita sa matatandang kaibigan at mga di-kakilala at, kapag may pahiwatig ng Espiritu, lumiliban pa sa mahahalagang pulong para magbigay ng basbas ng priesthood sa mga batang maysakit. Kapag dumadalo siya sa mga kaganapan ng propesyonal na isports, sa halip na anyayahan ang kilalang mga kasamahan o opisyal ng pamahalaan na sumama sa kanya, isinasama niya ang mga kaibigan mula sa kanyang pagkabata sa isang abang komunidad. Dumalo siya sa bawat West High School reunion na suot ang kanyang “Tom Monson” na name badge. Ang Thomas Monson ding ito, ayon sa isa sa kanyang mga anak na lalaki, ay “lubos na di-nagtatangi ayon sa katayuan sa lipunan, pagkatao, o iba pang natatanging nagawa ng isang tao: ang isang mapagpakumbabang kaibigan mula noong 50 taong nakararaan ay makatatanggap ng kapareho—o higit—na atensyon tulad ng isang gobernador, senador, o kilalang negosyante.”4
Ang mga taong nasa mataas at mababang katayuan, kasama ang milyun-milyong kaibigan at mga tagasunod sa loob at labas ng Simbahan, ay nawalan ng isang matapat na kaibigan sa pagpanaw ng ika-16 na Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa pagsasabing “palagi kong kinailangan ang tulong ng Panginoon, at palagi kong hinihiling ito,”5 nag-iwan si Pangulong Monson ng isang pangangasiwang nakilala sa buong mundo sa pamamagitan ng humanitarian aid, mga web page ng Simbahan na lumikha ng mas malaking transparency at tumulong sa mga miyembro ng Simbahan na maunawaan ang masasalimuot na isyu, mga kampanya sa public relations na naglayong tumulong sa mundo na maunawaan ang Simbahan, at iba’t ibang inobasyong tumutok sa pagsusulong ng gawain ng kaligtasan. Kabilang sa mga ito ang pagbaba ng edad kung kailan makapaglilingkod ang mga kabataang lalaki at kabataang babae sa mga full-time mission, pagpapalawak sa mga paraan na maaabot ng mga missionary ang iba pa (kabilang ang paggamit ng teknolohiya), at mga online forum kung saan nagsasama-sama ang mga lider ng Simbahan at mga miyembro sa mga virtual face-to-face na talakayan. Sa kanyang pamamahala, nagawa ang isang bagong hanbuk ng Simbahan na nagbigay-diin sa kung paano maging mabuting disipulo ni Cristo. Ginawang simple ang gawain sa family history, na nagpadali sa pagsasaliksik at pagsusumite ng mga pangalan sa templo para makatanggap ang mga patay ng binyag sa pamamagitan ng ibang tao at iba pang mga ordenansa ng kaligtasan.
Sa kabila ng kanyang maraming makabuluhang nagawa, masasabi ng ilan na ang pinakamahalagang pamana ni Pangulong Monson ay binubuo ng kanyang makapangyarihang personal na halimbawa. Isa sa kanyang mga paboritong banal na kasulatan, na makikita sa Mga Gawa 10:38, ay naglalarawan kay Jesus ng Nazaret bilang isang tao “na naglilibot na gumagawa ng mabuti.” Palaging makikita si Pangulong Monson na gumagawa ng mabuti sa mga paraang hinimok tayo ng Panginoon na gawin: pagbibigay ng pagkain sa nagugutom, pagtanggap sa di-kilala, pagdadamit sa hubad, pagbisita sa maysakit, at pagpasok sa mga kulungan ng kalungkutan at kabiguan na madalas bumibilanggo sa mapanglaw (tingnan sa Mateo 25:34–40). Ang kanyang pagiging makatao, pagtuon sa mga tao sa halip na sa mga programa, at dedikasyon sa pagsunod sa Espiritu ay naging daan para isulat ng isang reporter na natalaga kay Pangulong Monson nang ilang dekada na, “Kaunti lang ang nakilala kong mga tao na lubos na nagsisikap na mapasigla at makapagpadama ng kapanatagan, ginhawa at galak sa iba.”6 Isang buhay na puspos ng pamilya, paghihirap, at mangyari pa, paglilingkod na tumulong na lumikha sa kapuri-puring pamana ng personal na paglilingkod ni Thomas S. Monson na katulad ng kay Cristo.
Isang Bukas-palad na Tahanan
Sa kanto ng 500 South at 200 West, hindi kalayuan sa mga riles ng tren na tumatakbo sa kabuuan ng Salt Lake City, bumuo sina George Spencer at Glady Condie Monson ng isang pamilya noong Great Depression na napaliligiran ng mga kamag-anak ni Gladys, na mga inapo ng mga pioneer mula sa Scotland. Ang mga lolo’t lola ni George ay sumapi sa Simbahan sa Sweden at England bago lumipat sa Amerika at nanirahan sa Salt Lake City. Noong Agosto 21, 1927, ang unang anak na lalaki at pangalawang anak nina George at Gladys ay isinilang, si Thomas Spencer Monson, na ipinangalan sa kanyang lolo-sa-ina, si Thomas Sharp Condie, at sa kanyang ama.
Ibinabahagi rin ng mga Monson ang kanilang pagmamahal sa iba habang napalilibutan sila ng kanilang pamilya. Ang pagbisita ng mga gutom na manlalakbay na dumadaan sa bayan ay karaniwan na sa komunidad, at tinatanggap at pinapakain ni Gladys Monson ang mga ito na “parang mga imbitadong panauhin,” paggunita kalaunan ni Pangulong Monson.7 Pinapahatiran din ni Gladys ng pagkain tuwing Linggo si “Old Bob” na nakatira malapit sa kanila, na laging gustong magbigay ng pera kay Tom dahil sa paghahatid nito ng pagkain sa kanya. “Hindi ko po matatanggap ang pera,” matapat na sagot ni Tom. “Papaluin po ako ni Inay.”8 Tuwing Linggo, binubuhat ng ama ni Tom si Uncle Elias, ang kapatid nito na nalumpo dahil sa rayuma, at kasama si Tom ay isinasakay ito sa kanyang 1928 Oldsmobile, para ilibot sa lungsod.
“Sa panahong ito ng aking buhay ay sobrang namangha ako sa mga kilos ng aking ina at ama,” ang sabi ni Pangulong Monson. “Hindi ko napansin na bihira silang magsimba.”9 Naalala rin niya ang isang kapaligiran ng pagtitimpi at kabutihang-loob: “Kailanman ay hindi ko narinig ang aking ama na bumigkas ng isang negatibong salita sa ibang tao. Sa katunayan, hindi siya mananatili sa isang kuwarto kung may isang taong nagsalita nang walang-paggalang o nang negatibo sa ibang tao.”10
Hindi nakakagulat na tumatak ang mga pag-uugali at kilos na ito kay Tom. Isang Pasko sa katuwaang makatanggap ng isang electric train set, gayunpaman ay nagmakaawa siya sa kanyang ina para—at nakatanggap—ng karagdagang bagon mula sa isang di-gaanong magandang train set na ireregalo sa anak na lalaki ng balo na nakatira sa kalye nila. Kalaunan, nang dalhin ni Tom at ng kanyang ina ang regalo at nakita ni Tom ang sobrang kasiyahan ng batang lalaki para sa simpleng train set, nakadama siya ng matinding kirot sa puso. Siya ay tumakbong pabalik sa bahay hindi lang para sa bagon na kinuha niya mula sa set, kundi kinuha ang isa pa mula sa kanyang sariling set.11 Kalaunan ay inihandog ni Tom ang kanyang dalawang alagang kuneho bilang Christmas dinner para sa pamilya ng kanyang kaibigan na hindi pa nakatikim ng pabo o manok.12 At nang mayamot ang isang babae kay Tom at sa mga kasama niya dahil napupunta ang bola ng baseball sa kanyang bakuran kapag naglalaro sila (madalas na inaagaw ng babae ang mga bola at itinatago ang mga ito), ipinasiya ni Tom na ayusin ang sitwasyon. Nang walang anumang napag-usapan, regular na diniligan ni Tom ang mga halaman nito sa bakuran tuwing tag-init at kinalaykay ang mga dahon sa bakuran nito tuwing taglagas. Isang araw inanyayahan nito si Tom para uminom ng gatas at kumain ng cookies—at iniabot sa kanya ang isang kahon na puno ng mga baseball.13
Gayunman, madalas aminin ni Pangulong Monson na ang kanyang mabubuting gawa noong bata pa siya ay nahaluan ng kakulitan kaya napapagalitan siya kung minsan. Minsan ay tinipon niya at ng isang pinsan ang mga ligaw na aso sa kanilang komunidad at inilagay ang mga ito sa isang kubol sa bakuran na nilalagyan ng uling, anim sa mga ito ang nakipaghabulan pa sa ama ni Tom noong buksan niya ang pinto.14 Isang hapon ay tinawag ng isang Primary president si Tom at sinabi kay Tom na nalulungkot siya dahil sa kalikutan ng marami sa mga batang lalaki sa opening exercises ng Primary. Nag-alok na tumulong si Tom. “Ang mga problema sa disiplina ng Primary,” naalala niya, “ay tumigil simula noong sandaling iyon.”15 Gayunman, nagpatuloy ang mga tukso. Isang beses ay nakumbinsi niya ang isang kaibigan na huwag silang pumasok sa isang panghapong klase ng Primary. Sila ay tatakas pagkatapos kumuha ni Tom ng isang sentimo mula sa kanyang bulsa at ihulog ito sa kahon ng donasyon para sa Primary Children’s Hospital. Pagkatapos ay gagamitin nila ang sampung sentimo na nasa bulsa niya para pumunta sa Hatch Dairy para bumili ng mga Fudgsicle. Gayunman, nasira ang plano nang malaman ng mga batang lalaki na naibigay nang di-sinasadya ni Tom ang sampung sentimo sa halip na ibigay ang isang sentimo. Kaya bumalik ang dalawa, kung saan nalulungkot na ibinigay din ni Tom bilang donasyon ang isang sentimo. “Matagal na panahon,” sinabi niya kalaunan, “nadama ko na ako, marahil, ang may pinakamalaking investment sa Primary Children’s Hospital.”16
Ang madalas na pagbisita sa isang cabin ng pamilya sa Provo Canyon ay nagpasimula ng habambuhay na pagkahilig sa pangangaso ng mga pato, pagkakamping, pangingisda, at paglangoy sa ilog.17 Ikinuwento niya ang isang karanasan kung kailan buong kahangalang sinindihan niya at ng isang kaibigan ang ilang damo malapit sa cabin ng pamilya. Tulad ng dati, ginamit niya ang kuwentong ito bilang suporta sa pagbabahagi ng mahalagang alituntunin ng ebanghelyo.18
Ang mga pagbisita nang ilang beses bawat linggo mula sa kanyang tahanan sa Salt Lake City patungo sa Chapman public library ay nagpasimula ng pagmamahal sa mga aklat at mga manunulat, na kalaunan ay nagbigay kakayahan sa kanya na magawang magsipi nang mahahaba mula sa mga paboritong makatang tulad nina Wordsworth, Longfellow, Bryant, Tennyson, at Shakespeare.19
Ang isang partikular na hilig, ang pag-aalaga ng mga kalapati, na nagsimula noong kabataan at nagpatuloy hanggang sa pagtanda, ay nagturo sa batang Tom tungkol sa responsibilidad noong may Aaronic Priesthood quorum adviser na nagbigay sa kanya ng isang kalapati na kalaunan ay bumalik sa tahanan ng adviser, na nagbigay ng pagkakataon para sa lingguhang interbyu sa priesthood kasama ang batang lalaki.20 Gayunman, ang minamahal na Sunday School teacher, si Lucy Gertsch, ang tinukoy ni Tom na nagbigay sa kanya ng saligan ng kanyang patotoo kay Jesucristo. Binago ng kanyang pagmamahal sa makukulit na batang lalaki ang kanilang magulong asal habang pinakikinggan nila ang mga lesson ni Sister Gertsch tungkol sa Biblia na puspos ng Espiritu.21
Pagtanda
Ang mga kahirapan sa ekonomiya ng Great Depression ang pumilit kay Tom na magsimulang magtrabaho sa edad na 12 para sa kanyang ama, na namahala sa isang printing company.22 Gayunman, ang anino ng World War II ay mas nagbadya kaysa sa Depression noong mag-aaral na sa high school si Tom. “Alam ng lahat ng binata na kung magpapatuloy [ang giyera], magiging bahagi sila ng militar,” sabi ni Pangulong Monson tungkol sa kanyang pagiging tinedyer.23 Isang mahusay na estudyante na may pagmamahal sa kasaysayan, nag-enrol siya sa University of Utah sa edad na 17.24 Seryoso niyang inisip na maging titser ng kasaysayan, subalit sa halip ay nagsikap na magkaroon ng degree sa business, habang nasisiyahan din sa mga klase sa institute na itinuro nina Dr. Lowell Bennion at Dr. T. Edgar Lyon.25
Habang nasa unibersidad ay nakilala niya ang kanyang pinakamamahal. Matapos ipakilala kay Frances Johnson sa isang Hello Day dance, tumawag si Tom sa kanya pagkatapos. Napag-isip niya kalaunan na “hindi ako handa para sa dignidad at katahimikan na nanaig sa [kanyang tahanan],” inihahambing ang mas magulong tahanan niya kaysa sa tahanan ng mga Johnson.26 Napansin ng ama ni Frances ang pangalang Monson at, may luha sa kanyang mga mata, niyakap si Tom matapos malaman ng bawat isa na ang tiyo-sa-tuhod ni Tom na si Elias ang nagpakilala sa pamilyang Johnson sa ebanghelyo sa Sweden.27 Kapwa mahilig sina Tom at Frances sa malalaking banda at madalas pumunta sa mga sayawan ng mga lider ng mga banda tulad nina Tommy Dorsey at Glenn Miller.28
Noong 1945, sumali si Tom sa U.S. Naval Reserve. Noong unang tatlong linggo ng boot camp, sinabi niya nang pabiro kalaunan, “Napaniwala ako na nasa panganib ang buhay ko. Hindi ako sinusubukang sanayin ng navy; sinusubukan ako nitong patayin.” Subalit sinamahan ng espirituwal na mga karanasan ang mahihirap na panahon. Pagkatapos papilahin ng isang opisyal ang lahat isang araw ng Linggo at itinuro sa mga Katoliko, mga Judio, at mga Protestante kung saan sila magtitipon, lumapit siya kay Tom at nagtanong, “At ano ang tawag ninyong mga kalalakihan sa inyong sarili?”
“Nang sandaling iyon,” sinabi ni Pangulong Monson kalaunan, “ko lamang nalaman na may iba pa palang nakatayo sa aking likuran sa training ground na iyon. Halos magkakasabay naming sinabi, ‘Mga Mormon!’”29
Isang gabi bago sumapit ang Pasko, ang Banal sa Huling Araw na kaibigan ni Tom na si Leland Merrill, na nasa kabilang kama sa barrack, ay nagsimulang dumaing sa sakit. Nanlulumong bumulong siya, “Monson, Monson, hindi ba’t elder ka?” at humiling ng basbas ng priesthood—na hindi pa nagawa ni Tom kailanman. Habang tahimik na nagdarasal para humingi ng tulong, nakatanggap si Tom ng sagot: “Tingnan mo ang ilalim ng iyong sea bag,” na nang alas-2:00 n.u. ay natagpuan niya ang isang missionary handbook, na nagbigay ng mga tagubilin kung paano magbasbas ng maysakit. “Habang nakamasid ang mga 60 usiserong marino, itinuloy ko ang pagbabasbas,” sinabi niya kalaunan. “Bago ko naibalik ang lahat ng gamit sa bag ko, tulog nang parang bata si Leland Merrill.”30 Natuto rin si Tom mula sa iba habang nasa militar at hinangaan ang isang Katolikong binata na lumuluhod para manalangin gabi-gabi habang “kaming mga Mormon ay nananalangin habang nakahiga sa aming mga kama.”31
Si Tom ay naglingkod nang isang taon hanggang sa matapos ang digmaan at umuwi upang makapagtapos nang may karangalan mula sa University of Utah. Nagtrabaho siya bilang advertising executive ng Deseret News na pag-aari ng Simbahan. Ilang buwan pagkatapos maka-graduate, pinakasalan niya si Frances Johnson sa Salt Lake Temple noong Oktubre 7, 1948. “Maaga akong natutong tumayo sa aking sariling mga paa,” sabi ni Sister Monson tungkol sa kanilang unang mga taon ng pagsasama.32 Halos agad-agad, hiniling ng Panginoon sa mga batang Brother at Sister Monson na simulan ang kanilang walang-pagod na pakikibahagi sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Personal na Ministeryo
Noong Mayo 1950, ang bishop nina Tom at Frances, si John R. Burt, ay tinawag sa stake presidency. Nang tanungin kung sino ang dapat maglingkod na bishop bilang kapalit niya, tumigil nang ilang minuto si Bishop Burt: “Sinusubukan kong isipin kung paano ipaliliwanag sa [stake president] kung bakit naisip ko na isang 22-taong gulang na bata ang dapat pumalit sa akin bilang bishop.”33 Sa ganito nagsimula ang ministeryo ng batang si Thomas S. Monson sa Temple View Sixth-Seventh Ward, na may 85 balo at may pinakamalaking pangangailangan para sa welfare services sa Simbahan noong panahong iyon. Ang paglilingkod bilang bishop sa partikular na ward na ito ay nagpatibay at nagpatindi sa malakas nang mapagkawanggawang damdamin ni Tom. Binisita niya ang lahat ng balo sa Kapaskuhan, nagdadala ng mga regalong kendi, mga aklat, o nag-iihaw ng mga manok.34 Naging napakalapit niya sa “kanyang mga balo” kaya’t bumisita siya bawat taon sa marami sa kanila matapos siyang i-release bilang bishop, at nagawang magsalita sa lahat ng 85 libing noong panunungkulan niya bilang General Authority.35 “Nakadama ako ng pagpapakumbaba sa aking kakulangan,” paggunita niya tungkol sa limang taong paglilingkod niya bilang bishop; subalit nalulugod siya na “nagkaroon ako habang napakabata pa ng diwa ng habag para sa iba na maaaring nangangailangan, anuman ang edad o kalagayan.”36 Nagministeryo siya para sa lahat ng nasa hangganan ng kanyang ward, kabilang ang mga miyembro ng ibang relihiyon, at hinanap ang mga di-gaanong aktibong miyembro kahit ang ibig sabihin nito ay pagpunta sa isang gasolinahan isang Linggo ng umaga kung saan hinikayat niya ang isang binatilyong nagtatrabaho sa grease pit na bumalik sa kanyang mga miting ng korum.37
Ang tungkuling ito ay nagbigay rin ng isang mahirap na aral. Habang dumadalo sa isang stake leadership meeting, nakadama si Bishop Monson ng malakas na pahiwatig na umalis agad at bumisita sa isang matandang miyembro ng ward na ginagamot sa isang ospital para sa mga beterano. Sa kasamaang-palad, nagsasalita ang stake president, kaya inip na naghintay ang batang bishop hanggang sa matapos ang stake president bago siya humangos papunta sa ospital. Nang tumakbo siya papunta sa kuwarto ng lalaki, pinigilan siya ng isang nars. Itinanong niya, “Kayo po ba si Bishop Monson?” at pagkatapos ay sinabi sa kanya na “hinahanap po kayo ng pasyente bago siya namatay.”38 Si Bishop Monson ay nagmaneho pauwi noong gabing iyon na sumusumpang hindi na muling mabibigo na kumilos ayon sa pahiwatig ng Espiritu Santo, isang pangakong sinalamin nang paulit-ulit sa nalabi niyang paglilingkod sa Simbahan.
Patuloy siyang naglingkod bilang tagapayo sa stake presidency sa edad na 27 at bilang mission president sa Canada noong 1959, sa edad na 31. Naalala ng mga missionary sa ilalim ng kanyang patnubay ang isang lider na labis na nakaayon sa Espiritu kaya madalas niyang sinusunod noon ang mga pahiwatig na bumisita sa isang apartment ng missionary bago gumawa ng mali ang missionary na iyon.39 Nagtuon siya ng pansin sa mga missionary sa pamamagitan ng pag-alam sa kanilang mga pangalan, pagpapayo sa kanila tungkol sa kanilang mga problema at alalahanin, at tunay na paggawa ng lahat sa abot ng makakaya niya upang maiwasan ang maagang pag-uwi at mga disciplinary council. Sa panahong ito, lumaki na ang pamilyang Monson kasama ang dalawang maliliit na bata, sina Thomas Lee at Ann Frances. Ang pangatlong anak, si Clark Spencer, ay ipinanganak sa Canada. Ang pamilya ay mas maraming oras na nagsaya nang sama-sama sa mission assignment na ito kaysa sa nakasanayan nila, at nagkaroon si Tom ng katapatan sa Canada na napansin pa rin hanggang noong 2010, nang, bilang Pangulo ng Simbahan, inilaan niya ang Canada Vancouver Temple nang may watawat ng Canada sa kanyang lapel at binago ang pambungad na awitin at ginawang “O Canada.”40
Nang makauwi sa Salt Lake City, si Tom ang naging general manager ng Deseret Press, at naging lubhang abala si Frances sa pagpapalaki ng mga anak, paglilingkod sa mga tungkulin sa ward, at pagsuporta sa kanyang asawa habang naglilingkod siya sa iba’t ibang mga priesthood committee ng Simbahan.
Ang malawak na pakikibahagi sa mga komite ng Simbahan tulad ng Adult Correlation, Missionary, o Genealogy, sa katotohanan, ang naging daan kaya naniwala siya na ang paanyaya sa opisina ni Pangulong David O. McKay ay magkakaroon kahit paano ng kaugnayan sa kanyang tungkulin noong panahong iyon. Hindi ito nangyari. Ipinaabot ni Pangulong McKay ang tawag na maglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, na kapalit ni Elder N. Eldon Tanner, na tinawag bilang tagapayo sa Unang Panguluhan. Nadama ni Tom ang bigat ng tungkulin at nagulat kaya hindi siya nakapagsalita. Sa huli, tiniyak niya kay Pangulong McKay na “anumang talento na maaaring ipinagkaloob sa akin ay gagamitin sa paglilingkod sa Panginoon at ibibigay ang mismong buhay ko kung kinakailangan.”41
Sumang-ayon si Pangulong Monson na panatilihing sikreto ang banal na pagtawag na iyon sa lahat ng tao maliban sa kanyang asawa at hindi siya nakatulog nang buong gabi bago ang pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 4, 1963. Pagdating sa kumperensya, umupo siya kasama ng mga miyembro ng Priesthood Home Teaching committee kung saan siya naglilingkod. Isang kaibigang katabi niya, si Hugh Smith, ang nagkuwento sa kanya tungkol sa isang kakaibang pagkakataon: sa huling dalawang beses na tinawag ang isang General Authority, ang lalaking iyon ay nakaupo sa tabi ni Hugh.42 Matapos tawagin ang pangalan ni Thomas Monson, “Tumingin sa akin si Hugh Smith at sinabi na lang, ‘Tumama ang kidlat sa ikatlong pagkakataon.’ Sa palagay ko, ang paglalakad mula sa audience patungo sa pulpito ang pinakamahabang nilakad ko sa aking buhay.”43
Paglilingkod Bilang Miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol
Si Thomas S. Monson, sa edad na 36, ang naging pinakabatang tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol simula noong 1910, noong nakasama si Joseph Fielding Smith sa Korum sa edad na 33. Ang kanyang paglilingkod sa Labindalawa ay tumagal nang 22 taon, simula 1963 hanggang sa tawagin siya sa Unang Panguluhan sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ezra Taft Benson noong 1985, at kinabilangan ng paglilingkod sa lahat ng pangunahing komite ng Simbahan, kadalasan bilang chair o puno.44 Sa panahong ito, nagbago ang mga miyembro ng Simbahan mula sa iisang grupo na nakasentro sa kanlurang Estados Unidos tungo sa isang pandaigdigan at lubos na magkakaibang komunidad.45 Tinawag siya sa pagkaapostol ni Pangulong David O. McKay subalit naglingkod sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Joseph Fielding Smith mula 1970 hanggang 1972 at pagkatapos ay sa ilalim ng pamumuno ni Harold B. Lee mula 1972 hanggang 1973. Noong panunungkulan ni Pangulong Spencer W. Kimball, mula 1973 hanggang 1985, pinamunuan ni Pangulong Monson ang scripture publications committee na noong 1979 ay naglabas ng 2,400-pahinang edisyon ng King James Version ng Biblia na may kalakip na Topical Guide, Bible Dictionary, at nagbunsod ng sistema ng mga footnote. Nakibahagi rin si Pangulong Monson kasama si Pangulong Kimball sa mahalagang paghahayag na lahat ng karapat-dapat na lalaking miyembro ay matatanggap ang priesthood.46
Subalit para sa mga miyembro na nakakulong sa likod ng Iron Curtain sa kabuuan ng mga taon matapos ang World War II, ang pinakamalaking nagawa ni Pangulong Monson bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay ang kanyang pagsubaybay sa mga Banal sa Silangang Europa. “Ang tunay na mga pagpapalang dinala niya sa aming bansa at sa Europa,” ang sabi ng German na miyembro ng Unang Panguluhan na si Dieter F. Uchtdorf, “ay talagang totoo at mahalaga at labis na natatangi sa kahalagahan ang mga ito kaya naniniwala talaga ako na inihanda siya ng Panginoon na maging kasangkapan sa pagpapabago sa kasaysayan ng Germany.”47 Labis na pinigil ng gobyernong Komunista ng German Democratic Republic ang gawaing pangrelihiyon, gayunman nagpatuloy ang mga miyembro ng Simbahan na maging matapat sa kabila ng diskriminasyon, pagkawala ng trabaho at mga pagkakataong mag-aral, at madalas na pagmamatyag kapag nagpupulong sila. Madalas dumalaw noon si Pangulong Monson sa kanila, isang beses upang aralin ang buong hanbuk ng Simbahan sa layuning i-type muli ang buong aklat matapos tumawid sa Silangang Germany, dahil hindi pinahihintulutan ang mga materyal ng Simbahan na madala sa bansa. Pumunta siya sa opisina ng branch at sinimulan ang gawaing ito, at matapos ang ilang pahina ay tumingin siya sa paligid niya at nakita ang isang kopya ng hanbuk sa istante sa likod niya.48 Walang-pagod siyang nakipagtulungan sa mga opisyal ng Silangang Germany para payagan kahit man lang ang ilang mga Banal na makadalo sa pangkalahatang kumperensya at mabisita ang templo sa labas ng bansa, subalit naghintay pa rin ang mga Banal sa Silangang Germany para sa mga pagkakataong tulad ng sa ibang mga miyembro sa buong mundo.
Pagkatapos, noong 1978, ipinangako ni Pangulong Kimball kay Pangulong Monson na “hindi ipagkakait ng Panginoon ang mga pagpapala ng templo sa mga karapat-dapat na miyembro [sa Silangang Germany]” at idinagdag nang nakangiti, “Ikaw ang gumawa ng paraan.”49 Habang nagpapatuloy si Pangulong Monson at ang isang lider ng Simbahan sa Silangang Germany na si Henry Burkhardt sa paghingi ng pahintulot sa gobyerno para payagan ang anim na mag-asawa na bumisita sa Swiss Temple, nakatanggap sila ng kamangha-manghang mungkahi mula sa mga pinuno ng pamahalaan: “Bakit hindi na lang kayo magtayo ng templo dito?” Noong Oktubre 1982, ibinalita ng Unang Panguluhan na isang templo ang itatayo sa Freiberg, German Democratic Republic, ang kauna-unahang templong itatayo sa isang Komunistang bansa. Ang pahayag na ito ay halos di-kapani-paniwalang tulad ng mahimalang pakikipagkasunduan ni Pangulong Monson, ng noo’y si Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ng mga lider ng Simbahan sa Silangang Germany na ginawa kalaunan sa mga opisyal ng pamahalaan at sa pinuno ng estado na si Erich Honecker na payagan ang mga missionary na pumasok at lumabas ng bansa bago pa man gumuho ang Berlin Wall.50 “Ako ay isang buhay na saksi,” pagsulat ni Pangulong Monson, “kung paano naipakita ang kamay ng Panginoon sa pagbabantay sa mga miyembro ng Simbahan sa noo’y mga bansang pinamumunuan ng mga Komunista.”51
Gayunman, sa gitna ng mga pangyayaring nagpapabago sa mundo at mabibigat na tungkulin sa pamamahala, ang ministeryo ni Pangulong Monson ay patuloy na nakatuon sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo at sa pagtulong sa isang tao. Matapos magbigay ng basbas sa isang kaibigang nasa ospital para sa mga beterano, nadama ni Pangulong Monson na “nakagawa siya ng mas malaking kabutihan sa pagbisitang iyon kaysa sa isang linggong mga pagpupulong sa headquarters ng Simbahan.”52 Laganap ang mga kuwento tungkol sa mga detour na ginawa mula sa mga tungkulin bilang General Authority nang magpunta si Pangulong Monson sa mga kuwarto ng ospital, mga bahay-kalinga, at mga kama ng mga taong nag-iisa upang bisitahin ang maysakit at nalulungkot na naghihintay sa kanya. Noong dahil sa mga iskedyul ng miting sa stake sa Shreveport, Louisiana, ay hindi magawang bisitahin ni Pangulong Monson ang isang batang babaeng may malubhang karamdaman na humiling ng basbas mula sa kanya, gayunpaman ay handa siya nang, sa leadership session sa Sabado nang gabi, “narinig ko ang isang tinig na nangusap sa aking espiritu,” sabi niya. “Ang mensahe ay maikli, pamilyar ang mga salita: ‘Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata; huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka’t sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios’ (Marcos 10:14).’”53 Naglakbay siya ng 80-milya papunta sa tahanan ni Christal Methvin nang sumunod na umaga, binasbasan siya sa isang pagtitipon ng pamilya na napuspos ng Espiritu bago siya namatay pagkaraan ng apat na araw.
Kapag nakikipagkita sa mahihirap na miyembro na taga-Silangang Germany, ipinamimigay ni Pangulong Monson ang kanyang mga amerikana, sapatos, calculator, at maging ang isang set ng minarkahang mga banal na kasulatan.54 At hindi niya kailanman nalimutan ang mga kapwa miyembro mula sa Sixth-Seventh Ward, nangangalaga sa tumatanda at mahihirap na kaibigang tulad ni Ed Erikson, na inanyayahan ni Pangulong Monson sa mga pagtitipon ng pamilya at pinaghandaan ang pagdiriwang ng kaarawan nito. Sa isang mensahe noong 2009, itinuro niya: “Magkaroon kayo ng lakas ng loob na iwasang husgahan at batikusin ang mga nakapaligid sa inyo, at magkaroon din ng lakas ng loob na tiyaking lahat ay kasali at damang mahal sila at pinahahalagahan.”55
Ang katapatan at pagiging palakaibigan ni Pangulong Monson ay nagbunga ng pakikipag-ugnayan at kabutihang-loob ng Simbahan sa iba’t ibang relihiyon, organisasyong sibiko, at mga lider ng komunidad. Siya ay lumaki sa isang komunidad na maraming iba’t ibang uri ng tao, naging malapit sa mga kamag-anak na iba ang relihiyon, at tapat na nagsabing, “sa palagay ko ay may mabubuting tao sa lahat ng dako.”56 Handa siyang makisalamuha sa iba, “karamihan sa mga iyon ay hindi naman mga miyembro ng Simbahan,” sabi niya, “ngunit mga taong matulungin sa komunidad at mapagmalasakit sa kapwa.”57 Ipinarating ng mga lider sa komunidad tulad ng isang dating publisher ng Salt Lake Tribune, na isang Katoliko, ang kanyang pasasalamat: “Kapag nakilala ka niya, kaibigan mo si Tom Monson. … Ang Simbahan ay nagbigay sa komunidad na ito ng espesyal na pagkakaisa sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan simula noong iniangat nito si Tom Monson sa Unang Panguluhan.”58 Napansin ng isang advocate mula sa komunidad ng Salt Lake, “Hindi ko alam kung alam ng mga tao kung gaano nakikibahagi ang Simbahang LDS sa nonprofit organization. Alam na alam ni Pangulong Monson kung ano ang mga pangangailangan.”59 Isa pang lider ng ibang relihiyon ang sumulat kay Pangulong Monson: “Palaging bukas ang iyong puso para matugunan ang mga pangangailangan at hiling ng Salvation Army. Tunay na kami ay napuspos mo at ng iyong mga kasamahan sa pamamagitan ng inyong pagmamahal at magiliw na mga espiritu.”60 Siya ay dumalo at nagsalita sa mga aktibidad na ginanap kaugnay ng 1993 na paglalaan ng ipinanumbalik na Cathedral of the Madeleine sa Salt Lake City at nagsalita rin sa mga pang-Katolikong libing ng malalapit na kaibigan61
Ang mga libangang tulad ng pag-aalaga ng mga kalapati ay naging oras ng pahinga mula sa mga hamong dulot ng mga katungkulan ni Pangulong Monson at nagbigay-inspirasyon sa kanyang mga kaapu-apuhan para tawagin siyang “Grandpa Birdie.” Ang kanyang hilig sa pag-aalaga ng mga kalapati ay ipinakita ng isang merit badge sa pag-aalaga ng kalapati na ipinagkaloob ng Boy Scouts of America nang ilang taon. Nagsimula ang kanyang paglilingkod sa National Executive Board ng mga Scout noong 1969 at nagpatuloy hanggang sa mga taong natanggap niya ang Silver Beaver Award, ang Silver Buffalo Award, at ang pinakamataas na gantimpala sa Scouting, ang Bronze Wolf, noong 1993. Gayunman, nagbiro ang isang dating chief Scout executive na si Roy Williams na hindi talaga makalimutan ni Pangulong Monson ang desisyon ng mga Scout na itigil ang merit badge para sa pag-aalaga ng kalapati.62
Maraming iba’t ibang interes si Pangulong Monson. Habang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, nagkamit siya ng master’s degree sa business administration, at sa kanyang mga paglalakbay ay nahilig siyang bumisita sa mga sementeryo para sa mga militar—banal na mga lugar na pumupukaw, sabi niya, ng mga saloobin tungkol sa mga “nasirang mga pangarap, di-nakamit na mga pag-asa, mga pusong puspos ng dalamhati at mga buhay na pinutol ng matalim na karit ng digmaan.”63 Mahilig siyang mag-aral tungkol sa World War II at, sa mas magaan na usapan, nasiyahan sa mga Perry Mason na palabas sa telebisyon sa gabi, bagama’t minsan ay nakakatulog siya at hindi napapanood ang katapusan.64 Mahilig din siya sa mga musical. “Sabi ng asawa kong si Frances ako raw ay isang ‘show-a-holic,’” sinabi niya minsan sa mga tao sa pangkalahatang kumperensya.65 Nagalak din siya sa panonood ng mga New Year’s Day football na laro kung saan “kaya kong magsimula nang walang kinakampihan sa panonood ng dalawang football team, subalit sa loob ng ilang minuto ay nakapili na ako ng team na sa palagay ko ay dapat manalo.”66 Kaya niyang makipag-usap sa isang katabi sa eroplano tungkol sa mga manok sa buong flight, at sa isang Boy Scouts of America prayer breakfast sa White House noong 1989, ay natuklasan na pareho nilang mahal ng pangulo ng Estados Unidos noon na si George Bush ang English springer spaniels.67
Ang kanyang pinakamalalim na interes, mangyari pa, ay ang kanyang pamilya, na kinabibilangan ng 8 apo at 12 apo-sa-tuhod. Bagama’t limitado ang kanyang oras sa tahanan, naaalala ng kanyang mga anak ang paglalaro, pangingisda, pangangaso ng mga pato, pagtatabas ng damo sa hardin, panonood ng sine, paglangoy, at pagsakay sa sleigh o paragos kasama ang kanilang ama.68 Dalawang partikular na alaala ang namukod-tangi para sa kanyang anak na si Tom: paglalaro ng checkers noong bata pa siya kasama ang kanyang ama at pagpunta ng kanyang ama sa Louisville, Kentucky, upang bigyan siya ng basbas ng priesthood dahil nagkasakit siya ng pulmonya habang nasa military basic training.69 Nasiyahan ang kanyang anak na babaeng si Ann sa mga ulat kapag Linggo ng gabi na ibinahagi ng kanyang ama sa pamilya matapos bumalik mula sa mga tungkulin sa Simbahan. At lubos na pinahahalagahan ni Clark ang araw kung kailan nagmaneho ang kanyang ama nang 40 milya na wala sa plano niya upang masuri niya at ni Clark ang isang pugad ng lawin malapit sa Randolph, Utah.70 Masaya si Pangulong Monson sa pagtatabas ng damo sa kanilang bakuran at pagsali sa mga Ping-Pong tournament ng pamilya sa basement ng kanilang tahanan.71
Miyembro ng Unang Panguluhan
Si Thomas S. Monson ay naglingkod nang 22 taon sa Unang Panguluhan, simula noong 1985 bilang Pangalawang Tagapayo kay Pangulong Ezra Taft Benson at pagkatapos ay nagpatuloy sa tungkuling iyon para kay Pangulong Howard W. Hunter noong 1994. Labintatlo sa mga taong iyon, mula 1995 hanggang 2008, ay kasama niyang naglingkod si Pangulong Gordon B. Hinckley, na tumawag kay Pangulong Monson upang maging kanyang Unang Tagapayo.72 Ang panunungkulan ni Pangulong Monson sa Unang Panguluhan ay sanhi ng kanyang iba’t ibang karanasan sa pamamahala sa Simbahan na nag-iwan sa kanya ng mabigat na gawain kaya naging mahirap para sa kanya na iwanan ang opisina. Si Pangulong Hinckley ang Pangulo na pinakamadalas na naglakbay sa kasaysayan ng Simbahan, at laging abala sa napakaraming gawaing administratibo. Dahil sa paggawa ng maliliit na templo, napabilis lalo ang pagtatayo ng mga templo; itinayo ang isang napakalaking bagong Conference Center ng Simbahan upang makadalo ang libu-libong miyembro sa pangkalahatang kumperensya at iba pang mga gawain; nagsimula ang mga worldwide training meeting gamit ang satellite broadcast; at ipinagdiwang ang isang Day of Celebration sa Rice-Eccles Stadium sa University of Utah bilang paggunita sa ika-200 kaarawan ni Propetang Joseph Smith, na may 42,000 kabataan mula sa Salt Lake Valley at Wyoming na nagtanghal.73
Tulad ng dati, gayunman, sa mga salita ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol, si Pangulong Monson ay “laging may oras para sa mga tao,”74 at noong taglamig ng 2000, ang isang taong pinagtuunan niya ng oras ay ang kanyang asawa. Matapos ang matinding pagkahulog ng kanyang asawa, gumugol siya ng ilang linggo sa pagsasaayos ng kanyang mga paperwork sa kuwarto sa ospital ng asawa niya hanggang, sa huli, naging sapat ang pagkaalerto ni Frances para sabihin ang kanyang mga unang salita: “Nalimutan kong ipadala ang quarterly tax payment.”75 Isa pang tumanggap ng kanyang kabaitan ang Church News reporter na si Gerry Avant, na madalas mag-cover sa mga paglalakbay ni Pangulong Monson at isang araw ay inanyayahan siyang sumama sa pamamasyal ng mga Monson dahil, tulad ng sinabi sa kanya ni Pangulong Monson, “napakasipag mo.”76
Pangulo ng Simbahan
Si Pangulong Gordon B. Hinckley ay pumanaw noong Enero 27, 2008. Binuwag ang Unang Panguluhan at si Pangulong Monson ay bumalik sa kanyang katungkulan bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Hindi nagtagal, ang lalaking lumaki malapit sa mga riles ng tren, nagpasimula ng mga pilyong gawain noong bata sa Primary, at buong-pusong nagbahagi ng kanyang kaunting pag-aari noong Great Depression ay magiging lider ng milyun-milyong mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo. “Hindi ko kailanman inisip kung ano ang naghihintay sa akin habang daan para sa anumang bagay sa aking buhay,” sinabi niya sa isang interbyu matapos siyang sang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan sa isang sagradong pagtitipon sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2008. “Iniisip ko na baka mas tumagal pa ang buhay ni Pangulong Hinckley kaysa sa akin.” Sabi niya, “Palagi kong sinusunod ang pilosopiya na, ‘Maglingkod kung saan ka tinawag, hindi sa kung nasaan ka dati o kung maaaring nasaan ka. Maglingkod kung saan ka tinawag.’”77
Si Thomas S. Monson ay itinalaga at inordenan bilang ika-16 na Pangulo ng Simbahan noong Pebrero 3, 2008, pinili niya si Pangulong Henry B. Eyring na maglingkod bilang kanyang Unang Tagapayo. Para sa kanyang Pangalawang Tagapayo, pinili niya si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, isang multilingual na German convert sa Simbahan at miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol mula noong 2004. Ang bagong Unang Panguluhan ay sumisimbolo sa pandaigdigang katangian ng lumalawak na Simbahan.78 Sa isang press conference noong Pebrero 4, 2008, sinabi ni Pangulong Monson sa mga reporter, “Bilang isang Simbahan ay tumutulong tayo hindi lamang sa ating sariling mga tao, subalit pati na rin sa mga taong may mabuting kalooban sa buong mundo sa diwang iyon ng kapatiran na nagmumula sa Panginoong Jesucristo.”79
Ang diwa ng kapatiran at pagtulong sa iba ay naging natatanging katangian ng pamamahala ni Pangulong Monson. Ang mga lider ng Simbahan ay regular na nakipagtulungan sa mga Katoliko, Evangelical Christian, at iba pang grupong panrelihiyon at panlipunan na sumusuporta sa mabubuting adhikain. Inanyayahan ng mga lider ng Simbahan ang mga lider ng ibang relihiyon na magsalita sa mga paaralan ng LDS at sinuportahan ang kalayaan sa relihiyon gamit ang online resources.80 Hinikayat din ni Pangulong Monson at ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga miyembro ng Simbahan na tulungan ang ibang mga relihiyon sa pamamagitan ng paglilingkod at pagpapaunlad ng komunidad at paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa iba pang institusyon upang matugunan ang napakalaking pangangailangan ng mga taong apektado ng mga kalamidad, kapwa likas at gawa ng tao, sa buong mundo. Noong unang pitong taon ng panunungkulan ni Pangulong Monson, ang Simbahan ay nag-ambag sa mga pagtulong sa idinulot ng mga lindol sa Haiti at Nepal, ng tsunami sa Japan, at mga pagbaha sa Thailand. Nag-alok din ito ng tulong sa pagbabakuna ng mga tao sa di-mauunlad na bansa, pagbibigay ng malinis ng tubig sa mga liblib na nayon, pagpapagaan sa mga krisis sa pagkain sa iba’t ibang bansa, at paghahandog ng tulong sa mga dumanas ng sakuna o kalamidad sa Estados Unidos. Ang pandaigdigang tulong at impluwensyang ito ay napansin ng Slate.com, na noong 2009 ay iniranggo si Pangulong Monson bilang una sa listahan ng 80 pinaka-makapangyarihang octogenarian sa Amerika, “ang tanging tao sa listahan,” ayon sa artikulo, “na namumuno sa milyun-milyong tao bilang isang propeta ng Diyos.”81
Sa ilalim din ng pamumuno ni Pangulong Monson, ang public relations ng Simbahan ay nagsimulang magpaabot ng tulong sa iba upang mas maunawaan ang iba’t ibang katangian at gawain ng mga Banal sa mga Huling Araw. Itinampok ng kampanyang “I’m a Mormon” ang mga Banal sa mga Huling Araw na kabilang sa mga kilalang organisasyon tulad ng Harley Davidson, Library of Congress, at mga rock band. Ang headquarters ng Simbahan ay naglunsad din ng mga website para sa kabataan at iba pa, at nagsimula ang pagmamay-ari ng Simbahan na BYUtv channel at website sa paggawa ng mga programang mahuhusay ang pagkakagawa upang maakit ang mas maraming tao. Sa website ng Simbahan, nagsimulang lumabas ang mga high-quality video, nagpapakita ng mga eksena mula sa Bagong Tipan na magugustuhan ng mga tao mula sa maraming relihiyon. Kabilang sa iba pang online resources ang paglalathala ng ilang sanaysay tungkol sa Gospel Topics, nilayong talakayin ang masasalimuot na isyu sa tuwiran at matalinong paraan, at ang website na Mormon and Gay, na nagbibigay ng nauugnay na mga turo sa Simbahan at nagtatampok sa mga personal na kuwento ng homoseksuwal na mga Banal sa mga Huling Araw at kanilang mga pamilya.
Gayunman, marahil ang pinakamalaking pagbabago na naganap noong panunungkulan ni Pangulong Monson ay naganap sa makasaysayang pagpapabuti ng pamumuno. Ang mahahalagang pagbabago ay nakaapekto sa paraan ng Simbahan sa pamumuno, pagpapatakbo, pagtuturo, at paghahanap ng mga taong matuturuan. Noong 2009, namahagi ang Simbahan ng DVD at polyeto tungkol sa mga alituntunin ukol sa welfare at noong 2010 ay naglabas ng isang bagong hanbuk ng mga tagubilin para sa mga lider ng Simbahan, na sinamahan ng dalawang pandaigdigang brodkast ng pagsasanay. Binigyang-diin ng bagong hanbuk ang pagtutulungan sa mga council sa pamamagitan ng bukas at tapat na talakayan, pagpapagaan ng pasanin ng bishop sa pamamagitan ng pagtatalaga o pagpapakatawan ng gawain, at pinakamahalaga, ang pagtulong sa mga miyembro ng Simbahan na maging tunay na mga disipulo ni Jesucristo. Noong 2010 din, ang pandaigdigang pagsasanay ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsimulang magpatupad ng mga priesthood leadership conference at area review na kinabibilangan ng komprehensibong pagbubuod ng humanitarian na paglilingkod, pangangailangan sa welfare, gawaing misyonero, at gawain sa templo.
Isa sa mga pinakamakabuluhang pagbabagong naganap sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Monson ay ibinalita sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2012 kung kailan ipinahayag ni Pangulong Monson na makapagsisimula ang kalalakihan sa paglilingkod sa full-time mission sa edad na 18 at ang kababaihan sa edad na 19. Ang hindi pa nagagawang pagbabago sa patakarang ito ng pagbaba sa edad ay nagpasimula ng kasigasigan para sa gawaing misyonero na nagdulot ng makasaysayang pagtaas ng bilang ng kalalakihan at lalo na ng kababaihang naglilingkod sa mga full-time mission. Ang paglikha ng bagong mga missionary training center at bagong mga mission ay sinamahan ng pagdami ng bilang ng mga missionary, na umabot sa 85,000 noong katapusan ng 2014. Ang mga miyembro ay naging bahagi rin ng “pagpapabilis ng gawain,” na mas nakapaghanda sa mga anak na lalaki at mga babae para sa mga misyon sa loob ng mga tahanan at pakikibahagi nang mas ganap sa kanilang lokal na programa para sa mga missionary. Ang teknolohiya at online proselyting, gayundin ang paglikha ng “mga sister training leader”—isang tungkulin sa pamumuno para sa mga sister missionary—ay nakadagdag din sa napakasayang damdamin ng pag-unlad at pagbabago na nilikha ng anunsiyo tungkol sa pagbabago ng edad sa pagmimisyon.
Ang pagbibigay-kakayahan sa mga kabataang babae na maglingkod sa misyon sa mas batang edad ay naangkop sa patuloy na pagsisikap noong panunungkulan ni Pangulong Monson na mas maisali ang kababaihan sa mga tungkulin sa pamumuno, pagpapasiya, at partisipasyon sa ward at stake council. Upang mas matulungan ang mga Banal sa mga Huling Araw na kababaihan at kalalakihan na mapahalagahan ang mahalagang tungkuling ginagampanan ng mga kababaihan sa ebanghelyo sa bawat dispensasyon—lalo na noong ministeryo ng Tagapagligtas at noong panahon ng Pagpapanumbalik mula 1830 hanggang sa ngayon—inilathala ng Simbahan ang Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian at hinikayat ang paggamit nito sa tahanan, sa Relief Society at Young Women, at sa mga korum. Noong 2014, ang pangkalahatang sesyon ng kababaihan ng pangkalahatang kumperensya ay pumalit sa pangkalahatang pulong ng Relief Society at Young Women, na lahat ng mga babaeng edad 8 pataas ay inanyayahang dumalo sa dalawang beses sa isang-taon na pulong na ito.
Ang mas mabuti at mas interaktibong pamamaraan sa pagtuturo, lalo na sa pagtulong sa kabataan na maging lubos na kalahok sa ebanghelyo, ay naging priyoridad din ng pagbabago sa pamamahala ni Pangulong Monson. Ang 2013 na pagpapatupad ng Come, Follow Me, isang kurikulum ng kabataan na nilayong “pagpalain ang mga kabataan sa kanilang pagsisikap na lubusang magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo,”82 ay nag-alok sa mga guro at pati na rin sa mga kabataan ng mas mabubuting paraan ng patuturo tulad ng ginawa ni Jesucristo. Gumagamit ito ng online resources, partisipasyon ng mga kabataan, at mga talakayang binigyang-inspirasyon ng Espiritu sa pagpapatibay ng pananampalataya at pag-unawa sa ebanghelyo. Dumating noong 2016 ang kaparehong pagsisikap na pagbutihin ang lahat ng pagtuturo sa Simbahan gamit ang bagong sanggunian na Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas at ang pagpapasimula ng buwanang mga teacher council meeting sa mga ward.
Noong pamumuno rin ni Pangulong Monson, nagpatuloy ang pag-aanunsiyo ng bagong mga templo na itatayo sa buong mundo. Dahil sa mga paglalaan at muling paglalaan ng mga templo naglakbay si Pangulong Monson sa mga lugar sa buong mundo, kabilang ang Cebu City, Philippines; Curitiba, Brazil; Kyiv, Ukraine; Panama City, Panama; at Kansas City, Missouri. Noong 2013, ang pagpapasimula ng online resources na tutulong sa mga miyembro na mahanap ang kanilang mga ninuno ay nagdulot ng 11 porsiyentong pagdagdag sa mga isinumiteng pangalan ng pamilya ng mga miyembro para sa mga ordenansa sa templo sa tinawag na “isang napakagandang taon para sa family history.”83
Gayunman, sa kabila ng mabibigat na hinihingi ng kanyang panahon, si Pangulong Monson ay nanatiling si Thomas Monson, ang lider ng Simbahan na, ayon sa mga salita ni Elder Jeffrey R. Hollad ng Korum ng Labindalawang Apostol, “ay pupunta, marahil nang walang pasabi, sa libing ng isang karaniwang empleyado. Wala na akong maisip pang kahit ano na mas nagpapakita sa ministeryo ni Pangulong Monson kaysa sa ganoong uri ng atensyon sa bawat indibiduwal.”84
Noong Mayo 23, 2013, siya ang nangulo sa burol ng kanyang pinakamamahal na asawang si Frances, matapos itong pumanaw noong Mayo 17 sa isang ospital sa Salt Lake. “Sinuportahan niya ako simula sa araw na nagpakasal kami,” sabi ni Pangulong Monson sa serbisyong iyon, na tinatawag si Frances na “ang ulirang asawa at ina.”85 Tinapos niya ang nalalabing bahagi ng kanyang pagkapangulo bilang isang balo, na madalas na sinasamahan sa mahahalagang kaganapan ng kanyang anak na si Ann.
Sa panunungkulan ni Pangulong Monson, binigyang-diin ang pagpapahusay sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath bilang isang paraan ng pagpapaibayo ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Simula noong 2015, isang magkatugma at pinagtibay na pagsisikap sa lahat ng lebel ng Simbahan at sa tahanan ang naghimok sa mga miyembro na “gawing kaluguran ang Sabbath” (tingnan sa Isaias 58:13) sa pamamagitan ng pagtutuon sa Panginoon at sa kanilang mga tipan sa Kanya upang makamtan ang mga pagpapalang ipinangako sa matatapat.
Nagpatuloy rin si Pangulong Monson sa pagkakaroon ng kabatiran tungkol sa mga nahiwalay sa Simbahan at hindi niya itinuring sila bilang di-nababagay sa kaharian. Nang lumapit ang isang matandang lalaki na hindi aktibo sa Simbahan sa loob ng 20 taon sa isang General Authority upang humingi na payo tungkol sa pagbabalik, kinuha niya ang liham na naghikayat sa kanyang sariling pagnanais na bumalik: “Matagal ka nang nawala, at oras na para bumalik. Tom.”86 Ayon kay Pangulong Monson, “Natuklasan ko na may kaunting bahid ng pagiging banal sa lahat ng tao, at hinahanap ko ito.”87
Kahit Pangulo ng Simbahan, nanatili sa kanya ang diwa ng pakikipagkaibigan sa iba, sabi ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Makikipag-usap siya tungkol sa laro ng BYU o ng Jazz; isa siyang malaking sports fan. At pagkatapos noon ay magpapakaseryoso na kami.”88 At napapanatili niya ang kanyang pagiging masayahin. Sa isang pagtitipon noong 2009 kasama ang mga miyembro ng Mormon Tabernacle Choir, umupo siya sa may malaking organ at inialay ang kanyang rendisyon ng “To a Birthday Party” mula sa isang beginner’s piano na aklat.89 Noong 2013, ipinagdiwang ng Simbahan ang “100 Years of Scouting” nito gamit ang isang programa na nagbigay-pitagan din sa buong buhay na suporta ni Pangulong Monson sa Scouting—isa lang sa maraming kinawiwilihan na nagpanatili sa ugnayan sa kanyang mga kapwa, na nais niyang panatagin at gawing mas masaya, inaanyayahan ang lahat ng mga Scouter, anuman ang kanilang kinaaanibang relihiyon, na makibahagi.
“Ang pagkadama sa pagkalabit ng Panginoon, sa mga pahiwatig,” sinabi ni Pangulong Monson sa isang interbyu noong 1997, ay nagdulot sa kanya ng labis na kagalakan, lalo na sa mga pagkakataong tulad noong binisita niya ang kanyang ama sa ospital at, pagkatapos ay nagmamadaling makapunta sa kanyang susunod na miting, gayunpaman ay nakadama siya na dapat siyang maghintay malapit sa elevator. Hiniling sa kanya ng isang pamilya na magbigay ng basbas sa kanilang ina, na nag-aagaw-buhay noon, at pumayag siya. Kalaunan noong araw na iyon, nakatanggap siya ng mensahe na lahat ng miyembro ng pamilya ay humalik sa ina at namaalam nang mapayapa pagkatapos ng basbas at bago ito namatay.90
“Nangyayari ang ganyan sa akin sa buong buhay ko kaya sinisikap kong panatilihing nakataas ang antena,” pagpuna ni Pangulong Monson. At di-mabibilang na mga tao—ilan sa kanilang mga kuwento ay nasabi, subalit marami pa ang mga taong nakasalamuha ni Thomas Monson na nananatiling hindi batid—ang makapagpapatunay sa kahanga-hangang ugnayan ng lalaking ito sa langit. “Makadarama ka ng pasasalamat na alam ng Ama sa Langit kung sino ka,” naisip ni Pangulong Monson. “Sasabihin Niya, ‘Eto, gawin mo ito para sa akin.’ Palagi ko siyang pinasasalamatan.”91
At ang kanyang pagsaksi sa mundo ay walang-maliw. “Buong puso at sigla ng aking kaluluwa,” sabi ni Pangulong Monson, “na itinataas ko ang aking tinig sa pagpapatotoo bilang natatanging saksi at ipinahahayag na talagang buhay ang Diyos. Si Jesus ay Kanyang Anak, ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman. Siya ang ating Manunubos; Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama. Siya yaong namatay sa krus para pagbayaran ang ating mga kasalanan. Siya ang naging unang bunga ng Pagkabuhay na Mag-uli. Dahil Siya ay namatay, lahat ay muling mabubuhay. ‘Ligayang aking matalos: “Buhay ang aking Manunubos!”’ [Mga Himno blg. 78]. Nawa’y malaman ito ng buong mundo at mamuhay ayon sa kaalamang iyan.”92