2018
Isang Pamana ng Pagmamahal at Paglilingkod
Sa Alaala: Pangulong Thomas S. Monson


Isang Pamana ng Pagmamahal at Paglilingkod

funeral for Thomas S. Monson

Isang public viewing para kay Pangulong Thomas S. Monson ang ginanap sa Conference Center noong Enero 11, 2018. Ang funeral service ay ginanap nang sumunod na araw sa Conference Center. Isang pribadong libing ang ginanap nang hapong iyon sa Salt Lake City Cemetery

Isang pagpapala sa akin ang tumayo sa inyong harapan ngayon at magsalita bilang paggunita sa aking amang si Pangulong Thomas Spencer Monson, na ika-16 na Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ngayon, ang Conference Center na ito ay puno ng inyong pagmamahal at mga dasal. Salamat sa inyong pagdalo at suporta.

Bilang isang pamilya, nais naming pasalamatan ang mga taong nagpala sa aming ama sa kanilang paglilingkod at malasakit. Taos-puso kaming nagpapasalamat kina Pangulong Henry B. Eyring at Pangulong Dieter F. Uchtdorf. Salamat sa bawat miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol Salamat din sa iba pang mga General Authority at mga Opisyal ng Simbahan. Ang mga tauhan sa opisina ni Pangulong Monson at iba pang mga empleyado ay walang katulad. Ang security team ng aking ama, lalo na sina Tracy Monson at Dan Stephens, sa kanilang propesyonalismo at malasakit ay nagbigay ng pambihirang serbisyo. Espesyal na pasasalamat din sa kanyang mga narses, lalo na si Sister Aleese Walker. Salamat sa matatapat na mga physical therapist, dentista, at mga doktor ng aking ama, pati na ang kanyang internist, si Dr. Russell Maxwell. Kakaiba kayong lahat sa walang-maliw na magiliw na pangangalaga.

Salamat sa asawa kong si Roger, at sa mga anak namin sa pagsuporta sa akin habang pinaglilingkuran ko ang aking ama at kanilang lolo.

Mahal kong Ama, isang sagradong pagpapala at karangalan ang bantayan ka gaya ng hiling ng aking matapat na ina. Alam kong may mga anghel na “nasa paligid [namin], upang dalhin [kami].”1

Sa huli, gusto kong pasalamatan kayo, na mga miyembro ng Simbahan. Ang inyong 54 na taon ng araw-araw na mga panalangin, na inalay habang naglilingkod ang aking ama bilang Apostol at bilang Pangulo ng Simbahan, ay gumawa ng kaibhan.

Ngayon ay lubos ang pasasalamat ko sa aking ama at sa kanyang pamana—pamana ng pagmamahal at paglilingkod. Bagama’t siya ay propeta, alam ni Itay na hindi siya perpekto. Buong puso, mapagpakumbaba siyang umasa at sinikap na maging tulad ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Mga isang taon na ang nakalipas, nasa kanyang opisina siya noon. Isang kopya ng Ensign ang nakabuklat, naroon ang kanyang retrato. Itinuro ni Itay ang retrato at sinabing, “Kilala ko ang lalaking iyan. Ginawa niya ang lahat sa abot-kaya niya.”

Isang Pamana ng Pagmamahal

Si Pangulong Monson, sa “paggawa ng makakaya niya,” ay nag-iwan ng di-malilimutang pamana ng pagmamahal. Minahal niya ang Panginoon at ang mga tao. Nakita niya ang ating potensyal at taos-pusong naniwala sa ating kakayahang magbago at umunlad sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Minahal niya ang kanyang mga magulang, mga kapatid, at kamag-anak. Minahal niya ang kanyang walang-hanggang kabiyak—ang maganda, tahimik, matapat niyang tagasuportang si Frances. Minahal niya ang kanyang pamilya at ang bawat isa sa kanyang mga missionary sa silanganang Canada. Minahal niya lalo ang kanyang mga apo. Sa kabila ng kanyang abalang iskedyul, lumikha siya ng maraming di-malilimutang mga alaala kasama nila. Talagang may malasakit siya sa buhay ng bawat isa.

Nadama rin ng mga taong hindi kakilala ni Pangulong Monson ang kanyang pagmamahal.Minsan, habang binibisita ang isang lokal na bahay-kalinga, kinamayan niya ang isang lalaking naka-wheelchair. Tumingala ang lalaki at nahihiyang sinabi, “Pangulong Monson, kinamayan mo ako, pero kailangan ko ng yakap.” Walang pag-aatubiling yumuko si Itay at magiliw na niyakap ang lalaking ito.

Madalas bigkasin ni Itay ang dakilang utos ng Tagapagligtas:

“Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.

“Ito ang dakila at pangunang utos.

“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”2

Pinili din niyang ipamuhay ang utos na ito sa bawat araw.

Isang Pamana ng Paglilingkod

Sa The Two Gentlemen of Verona, matalinong isinulat ni William Shakespeare, “Hindi nagmamahal ang hindi nagpapakita ng pagmamahal.”3 Naunawaan itong mabuti ni Itay at ipinakita ang kanyang pagmamahal sa iba sa pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas: “[Siya ay] naglilibot na gumagawa ng mabuti, … sapagka’t sumasa kaniya ang Dios.”4 Ang aking ama ay buong buhay na naglingkod sa mga tao.

May pribilehiyo akong makasama ng tatay ko sa kanyang mga personal na pagbisita. Lagi naming binibisita noon ang matagal nang kaibigan, ang 98-anyos na si Elder Glen Rudd. Minsan, medyo natagalan bago kami muling nakabisita. Isang araw sinagot ng secretary sa opisina ng tatay ko ang tawag mula kay Elder Rudd. Tanong niya, “Lumabas ba si Pangulong Monson para bisitahin ang maysakit, nahihirapan, at may edad? Kung oo, dapat bisitahin rin niya ako!” Kaagad kaming bumisita sa kanyang tahanan. Pagkatapos bumisita, lumingon si Itay na nakangiti at sinabing, “Ann, pakiramdam ko may nagawa tayong kabutihan ngayon.”

Ang hangarin ni Itay na maglingkod sa iba ay madalas lampas sa kakayahan niyang gawin iyon, dahil sa marami niyang responsibilidad. Matapang niyang hinarap ito at humanap ng solusyon: kakausap siya ng ibang tao na magbibigay ng kinakailangang serbisyo para sa kanya. Maingat siyang pumipili ng mga taong tatawagan at magsasabing, “Ito ba ang kaibigan kong si Mac? Si Tom ito. Gusto mo bang gawing makulay ang buhay mo ngayon?” Kung isasalin, kailangan ni Pangulong Monson ng pabor mula sa iyo para maglingkod ka sa iba. Si “Mac” ay masaya namang sumunod.

Hindi natin kailangang maging Pangulo ng Simbahan para makita ang pangangailangan ng iba at “gawing makulay ang ating buhay.” Kumikilos si Itay ayon sa madalas niyang madama, “Mabuting gawin iyan,” pagkatapos ay malalaman na iyon pala ay sagot sa dasal ng isang tao. Sa pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu, ang ating simpleng paglilingkod ay maaaring sagot sa mga dasal, at maaari nating ituloy ang pamanang ito sa paglilingkod sa iba.

Mahigit isang taon na ang nakalipas, dinalaw namin ni Itay ang isa pang matagal nang kaibigan, na 94 anyos at may malubhang sakit. Sa masiglang tinig, sinabi ni Itay, “Siya ba ang kaibigan kong si Brent Goates?” Nagmulat si Brother Goates at kahit hirap ay madamdaming sinabing, “Tom, dumating ka. Mabuti. Mabuti.”

Paliwanag ni Itay, “Brent, wala akong ibang gustong puntahan kundi dito sa tabi mo. Dito ako gustong pumunta ng Panginoon.” Kinausap siya ng aking Itay na parang nagbalik sila sa kanilang kabataan at si Brent ay isang masaya, masiglang tao; at binigyan niya si Brother Goates ng basbas ng priesthood. Pag-alis namin at habang naglalakad papunta sa kotse, sinabi ni Itay, “Ibinigay sa atin ng Panginoon ang priesthood para paglingkuran at basbasan ang iba. Malaking pagpapala ang mabisita ang kaibigan ko at ipaalam sa kanya na may nakakaalala sa kanya. Pakiramdam ko ay may mabuti tayong nagawa ngayon, Ann.” Noong araw na iyon hindi mapigil ni Itay ang pagngiti. Sumisipol siya. Masaya siya.

Sa pagmamasid sa kanya, natanto ko na alam ng tatay ko kung paano magkaroon ng tunay na kaligayahan. Sa kanyang tapat na paglilingkod, natutuhan niya na ang galak ay nagmumula sa pagmamahal sa Panginoon at paglilingkod sa iyong kapwa. Ang kagalakang ito ay maaaring matanggap ng bawat isa sa atin. Wala nang mas mainam na paraan para parangalan ang aking ama, ang propeta, at ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo maliban sa mamuhay bawat araw upang pagkatapos ng maghapon ay masabi nating, “Pakiramdam ko ay may nagawa akong mabuti ngayon.”

Ako ay may patotoo. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay totoo. Alam kong buhay ang Diyos at mahal ang Kanyang mga anak. Salamat sa lahat ng nagmahal at gumalang sa aking amang si Pangulong Thomas S. Monson. Nawa’y patuloy nating sundin ang propeta ng Panginoon. Nawa’y tumingin tayo kay Cristo, na ating perpektong Panginoon at Manunubos, bilang ating halimbawa sa walang-hanggan. Taos-puso kong ipinagdarasal na ang mahal kong ama, at balang-araw tayong lahat, ay marinig ang mga salitang ito: “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: … pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.”5

Sinasabi ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.