2018
Isang Propeta para sa Ating Panahon
Sa Alaala: Pangulong Thomas S. Monson


Isang Propeta para sa Ating Panahon

Lubos kong ikinararangal at pinasasalamatan ang pribilehiyo na magbigay-pugay kay Pangulong Thomas S. Monson, isang propeta ng Diyos at minamahal kong kaibigan.

Sa madamdaming sandaling ito, hindi sapat ang mga salita at nasa isipan ko para mailarawan ang aking pagmamahal, pasasalamat, at kalungkutan.

Nais naming ipaabot ni Harriet ang aming taos-pusong pakikidalamhati, pakikiramay, at pasasalamat sa pamilya, sa lahat ng nagmamahal sa kanya, at sa maraming nagmamalasakit sa kanya. Pinasasalamatan namin lalo na si Ann Monson Dibb, anak ni Pangulong Monson. Mula nang pumanaw ang pinakamamahal na maybahay ni Pangulong Monson na si Frances, ang matapat na paglilingkod ni Ann, na sinuportahan ng kanyang mga kapatid at pamilya, ay napakalaking pagpapala kay Pangulong Monson sa dapit-hapon ng kanyang buhay.

family members at funeral

Nagkabit ng dilaw na rosas ang mga miyembro ng pamilya ni Pangulong Monson bilang pag-alala sa paborito niyang kulay.

Lagi ko siyang maaalala! Itinuring ko na siyang kaibigan bago pa man kami personal na nagkakilala. Naniniwala ako na lahat ng nakakilala sa kanya, o nakakita sa kanya, kahit sa malayo man lang, ay itinuring na ang sarili nila na mga kaibigan niya.

Sa paglalakbay namin ni Sister Uchtdorf sa iba’t ibang panig ng mundo, ipinapahayag ng mga tao angkanilang pagmamahal, pasasalamat, at mga dasal para sa kanilang minamahal na propeta. Ang taimtim na mga pagbating ito ay nagmula sa mga bata, kabataan, at matatanda.

Si Thomas S. Monson ay matagumpay sa lahat ng aspeto ng buhay, isang taong kaylakas ng espirituwalidad. Punung-puno siya ng karunungan, pananampalataya, pagmamahal, pang-unawa, patotoo, lakas-ng-loob, at habag—namuno at naglingkod hindi mula sa pedestal, kundi nang personal. Sa puso niya ay may espesyal na puwang ang mga maralita at nangangailangan. Maaalala natin lagi ang kanyang tinig, ang kanyang katatagan, kanyang tiwala sa Panginoon, ang kanyang ngiti, talas ng isip, sigla, positibong pananaw, at ang kanyang mga kuwento, na itinuturing ko na mga parabula ng propeta ng Diyos sa ating panahon.

Dalawampu’t apat na taon na ang nakalipas mula nang kami ni Harriet ay anyayahan ni Pangulong Monson sa kanyang opisina at tinawag akong maglingkod bilang General Authority ng Simbahan. Hindi namin malaman ni Harriet kung ano ang nararamdaman namin noong sandaling iyon at ang magiging epekto nito sa aming buhay.

Gayunpaman, dahil sa pagmamahal, pagmamalasakit, panghihikayat, kasiglahan sa gawain, at dignidad ni Pangulong Monson bilang propeta, napanatag at napayapa kami. Nadama naming kasama namin ang isang taong nakakikilala sa Tagapagligtas, at Kanyang tagapaglingkod, isang taong kilala ng ating Ama sa Langit.

Ang Germany at ang mga mamamayan nito ay lubos na napagpala dahil kay Pangulong Monson. Ang kanyang matibay na pananampalataya ay nagpalakas din sa aming pananampalataya noong panahon ng Cold War. Hindi lamang siya nagdala ng mga maleta na puno ng mga damit para sa mga miyembro ng Simbahan sa East Germany, kundi nangako rin ng mga pagpapala na tila imposibleng matupad sa makapangyarihang panalanging ibinigay niya bilang apostol noong 1975. Bumalik si Pangulong Monson kasama ang noo’y si Elder Russell M. Nelson at inalam kung natupad na ang mga dakilang pangakong ito. Natupad ang mga ito nang paunti-unti. Isang propeta ng Diyos ang nagsalita, at kinilala ng Diyos ang pananampalataya at gawa ng Kanyang tagapaglingkod.

Noong samahan namin ni Harriet si Pangulong Monson sa isang kumperensya sa Hamburg, nagtanong siya tungkol kay Michael Panitsch, dating stake president at patriarch, at isa sa matatatag na pioneer ng Simbahan sa Germany. Si Brother Panitsch ay may malubhang sakit, nakaratay sa banig ng karamdaman, at hindi makadalo sa aming mga miting. Gayunpaman, gusto pa rin siyang bisitahin ni Pangulong Monson.

Bago iyon, naoperahan sa paa si Pangulong Monson at hindi makalakad nang hindi nasasaktan. Ipinaliwanag ko na nakatira si Brother Panitsch sa ikalimang palapag ng isang gusaling walang elevator. Kakailanganin naming umakyat sa mataas na hagdan. Ngunit mapilit si Pangulong Monson, kaya umakyat nga kami.

Nahirapan si Pangulong Monson sa pag-akyat, pero masaya pa rin siyang nagpatuloy. Nakarating kami sa maysakit na kapatid, at binigyan ito ni Pangulong Monson ng napakagandang priesthood blessing, pinasalamatan ito sa matapat na paglilingkod, at pinasaya ito sa isang ngiti.

Sa tuwing maiisip ko ang karanasang ito, naaalala ko ang sinabi ni Apostol Pedro tungkol kay Jesus, ang kanyang kaibigan at guro: “[Siya ay] naglilibot na gumagawa ng mabuti,”1

Masasabi rin iyan sa taong ating minamahal, iginagalang, at sinasang-ayunan bilang propeta ng Diyos, ating kaibigan at kaibigan ng Diyos, si Thomas Spencer Monson.

Lubos na kasiya-siya at mapagpalang karanasan ang maglingkod bilang isa sa mga tagapayo ni Pangulong Monson sa Unang Panguluhan ng Simbahan. Kinapalooban ito ng saya at pighati, tawanan at kalungkutan, masinsinang mga pag-uusap, at maraming magagandang sandali kasama ang propeta.

Kamakailan, nang papaalis na kami ni Pangulong Eyring matapos bumisita sa bahay ng propeta, pinahinto kami ni Pangulong Monson at sinabi, “Mahal ko ang Tagapagligtas na si Jesucristo. At alam ko na mahal Niya ako.” Isang nakaaantig at napakalakas na patotoo mula sa propeta ng Diyos.

Si Pangulong Monson ay tunay na propeta para sa ating panahon. Siya ay matagumpay sa lahat ng aspeto ng buhay. Lahat ng ating nalalaman at minamahal tungkol kay Pangulong Thomas S. Monson ay magpapatuloy. Ang kanyang espiritu ay umuwi na sa piling ng Diyos, ang ating Ama sa Langit, na nagbigay sa kanya ng buhay. Saanman ako magtungo sa magandang mundong ito, lagi kong maaalala ang aking mahal na kaibigan.

Isang pamamaalam na puno ng pagmamahal ang alay ko sa ating pinakamamahal na propeta: Salamat, Pangulong Thomas S. Monson. Patnubayan ka nawa ng Diyos hanggang sa muli nating pagkikita. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas at ating Manunubos, amen.