Tayo ay mas Bumuti Dahil sa Kanya
Mahal na pamilya, mga kapatid, at mga kaibigan, karangalan ko na magsalita tungkol sa aking lider, mentor, at mahal na kaibigan na si Pangulong Thomas S. Monson.
Nalulungkot ako sa pagpanaw ng taong ito na kilala at minahal ko nang mahigit 50 taon. Sa ngalan ng lahat ng mga General Authority at mga Pangkalahatang Opisyal, ipinapahayag namin ang aming pagmamahal at pasasalamat kay Pangulong Monson. Sa kanyang pamilya—Thomas, Ann, at Clark, pati sa kanilang mga asawa, anak, at apo—ipinapaabot namin ang aming malalim na pagmamahal at pakikiramay. Lubos naming pinasasalamatan ang nakaaantig na mensahe nina Ann M. Dibb, Pangulong Dieter F. Uchtdorf, at Pangulong Henry B. Eyring at ang magandang pag-awit ng Mormon Tabernacle Choir.
Kahanga-hanga ang buhay ni Pangulong Monson. Hindi kailanman magkakaroon ng isa pang katulad niya! Marami na tayong iniluha at marami pa tayong iluluha sa pagkawalay natin sa kanya. Talagang lagi natin siyang maaalala! Ngunit ang ating kalungkutan ay pinagaan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Dahil sa Kanyang mapait na saro makakayanan natin ang ating pagdadalamhati. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala nagkaroon ng Pagkabuhay na Mag-uli. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaaring magsama ang mga pamilya nang walang-hanggan sa plano ng Ama sa Langit. Nagagalak tayo na alam natin na kapiling na muli ni Pangulong Monson ang kanyang mahal na si Frances at balang-araw ay muli natin silang makakasama.
Mula nang pumanaw si Pangulong Monson, ang mga alaala ng kanyang buhay ay naihandang mabuti at inilahad ng media. Ikinatuwa ko ito. Bukod pa rito, ang matataas na lider at mga kaibigan sa iba’t ibang dako ng mundo ay nagpaabot ng kanilang pakikiramay at nagpahayag ng malaking paghanga.
Inaasahan na ito para sa isang tao na nakaimpluwensya sa buhay at humubog sa tadhana ng milyun-milyong tao sa buong mundo. Lahat tayo ay mas bumuti dahil sa kanya. At ang Simbahan ay mas bumuti dahil sa kanya. Nag-iwan siya ng isang pamana ng pag-unlad. Mula nang maordenan siya bilang Apostol noong 1963, ang mga miyembro ng Simbahan ay dumami, mula 2.1 milyon ay umabot nang halos 16 na milyon. Ang bilang ng mga missionary na kasalukuyang naglilingkod ay tumaas, mula 5,700 sa mahigit 70,000. At ang mga templo—na noo’y 12 lamang—ay 159 na ngayon, at marami pa ang itatayo.
Ngunit sa lahat ng ito, si Pangulong Monson ay palaging nakatuon sa indibiduwal. Nagpaalala siya sa atin sa mga pahayag na gaya nito, “[Mag]padala [ng] sulat sa inyong kaibigan na nakaligtaan ninyo,” “Yakapin ang inyong anak,” Sabihing ‘Mahal kita’ nang madalas,” “Laging magpasalamat,” at “Huwag gawing mas mahalaga kailanman ang problemang lulutasin kaysa taong kailangang mahalin.”
Hindi hinangad kailanman ni Pangulong Monson ang kasikatan. Sa mundong puno ng “selfies,” naging halimbawa siya ng pagiging di-makasarili. Sinunod niya ang pahayag ng Panginoon, na nagsabing, “Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo.”1 Ibinigay niya ang kanyang sariling oras upang bisitahin, pagpalain, at mahalin ang iba. Kahit sa dapit-hapon ng kanyang buhay, patuloy siyang naglingkod, madalas na dumadalaw sa mga ospital at senior center.
Sa paglipas ng mga taon, marami kaming magagandang karanasan ni Pangulong Monson. Hayaang ikuwento ko ang isang karanasan na nagpakita kung paano niya ginamit ang paghihikayat, mahabang pagtitiis, kahinahunan, kaamuan, at hindi pakunwaring pag-ibig upang maisagawa ang napakalaking mga mithiin.2
Noong 1985, nabigyan ako ng tungkulin para sa Simbahan sa Europa, isang tungkuling ginampanan ni Pangulong Monson sa loob ng maraming taon. Ako ang kanyang junior companion sa karamihan ng mga mahirap na gawaing iyon. Sa likod ng tinatawag noon na Iron Curtain, halos dalawang dekadang pinagsikapan ni Pangulong Monson na magkaroon ng tiwala sa Simbahan ang mga lider ng pamahalaan ng German Democratic Republic.
Noong 1988, nagpunta kami kasama ang isang maliit na grupo ng ating lokal na mga lider ng Simbahan patungo sa East Berlin na kabisera nito. Sa bansang ito na isinara sa gawaing misyonero nang mahigit 50 taon, nakadama kami ng impresyon na humingi ng pahintulot na makapaglingkod ang mga missionary roon. Humingi rin kami ng pahintulot para ang mga karapat-dapat na elder mula sa bansang iyon ay magkaroon ng pagkakataon na maglingkod sa Panginoon bilang mga missionary sa ibang lugar.
Ang mahalagang pulong na ito ay idinaos sa makulimlim at matamlay na araw noong Oktubre 28, 1988. Nakipagpulong kami kay Erich Honecker, chairman ng state council para sa German Democratic Republic, at kanyang mga tauhan. Nagsimula siya sa isang mahabang mensahe tungkol sa kabutihan ng komunismo. (Wala kaming nagawa kundi ang makinig.)
Pagkatapos, sa ilalim ng mga nagkikislapang ilaw ng maraming kamera, naanyayahan si Pangulong Monson na magsalita. Buong tapang ngunit magiliw niyang inilahad ang kanyang mensahe kung paano at bakit makabubuti ang ating mga missionary sa bansang iyon.
Matapos ang kahilingan ni Pangulong Monson, lahat ay kabadong naghintay sa sagot ni Chairman Honecker. Hindi ko kailanman malilimutan ang kanyang sagot: “Pangulong Monson, kilala ka namin! Minasdan ka namin nang maraming taon! Nagtitiwala kami sa iyo! Ang iyong kahilingan hinggil sa mga missionary ay aprubado!”
Nang lisanin namin ang pulong na iyon, nahawi pansamantala ang mga ulap at maningning na nagliwanag ang araw sa amin. Tila nagpakita ng pagsang-ayon ang langit sa nangyaring iyon.
Ngayon, sa pagwawakas ng mortal na buhay ni Pangulong Monson, nadarama natin na ang pagpapala ng Panginoon sa Kanyang propeta na si Nephi ay angkop din sa ating minamahal at pumanaw na pinuno:
“Pinagpala ka, [Pangulong Thomas S. Monson], dahil sa mga yaong bagay na ginawa mo; sapagkat namasdan ko kung paano mo ipinahayag nang walang kapaguran ang salita, na ibinigay ko sa iyo, para sa mga taong ito. At hindi ka natakot sa kanila, at hindi mo inalintana ang sarili mong buhay, kundi sinunod ang aking kalooban, at sinunod ang aking mga kautusan.
“At ngayon, sapagkat ginawa mo ito nang walang kapaguran, masdan, pagpapalain kita [at ang iyong pamilya] magpakailanman.”3
Taos-puso kong ipinapahayag na si Pangulong Thomas S. Monson ay propeta ng Diyos. Nagturo siya bilang isang propeta at nagpatotoo bilang isang propeta. Taglay niya ang kagitingan ng isang propeta at ang kabutihan ng isang propeta. Nakatanggap siya ng paghahayag bilang propeta at tumugon bilang propeta. Nabuhay siya bilang isang propeta at namatay bilang isang propeta, tinatakan ng kanyang buhay ang kanyang patotoo na buhay ang Diyos, na si Jesus ang Cristo, na ang Kanyang Simbahan ay ipinanumbalik sa lupa, at ang sagradong gawaing ito ay totoo. Sa patotoo na maraming beses niyang ipinahayag mula sa pulpitong ito, mapagpakumbaba kong idinaragdag ang aking patotoo, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.