“Pambungad sa Aklat ni Mormon: Ang Saligang Bato ng Ating Relihiyon,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“Pambungad sa Aklat ni Mormon,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
Mga Pambungad na Pahina ng Aklat ni Mormon
Pambungad sa Aklat ni Mormon
Ang Saligang Bato ng Ating Relihiyon
Tinawag ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon na saligang bato ng ating relihiyon. Sa loob ng aklat ay ang isang paanyaya na itanong sa Diyos kung ito ay totoo. Milyun-milyong tao ang sumunod sa paanyayang ito at nakatanggap ng patotoo mula sa Espiritu Santo tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang madagdagan ang iyong hangaring pag-aralan ang Aklat ni Mormon araw-araw upang mapalakas ang iyong patotoo tungkol sa pagiging totoo nito.
Mga Pagpapala mula sa Aklat ni Mormon
-
Sa iyong palagay, alin sa mga sumusunod na pagpapala ang makaiimpluwensya nang malaki sa iyong buhay sa araw? Ano ang handa mong gawin upang matanggap ang mga ito?
-
higit na kakayahang marinig ang tinig ng Espiritu
-
mga sagot sa mga tanong at patnubay para sa iyong buhay
-
higit na kakayahang mapaglabanan ang tukso at kasamaan
-
Ang mga ito ay ilan sa mga pagpapalang maaaring magmula sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon.
Basahin at maaari mong markahan ang pahayag ni Joseph Smith sa talata 6 ng pambungad sa Aklat ni Mormon.
-
Ano ang pinakamahalaga para sa iyo mula sa pahayag ni Joseph Smith?
Ang saligang bato ng ating relihiyon
-
Bakit napakahalaga ng bato sa gitna sa itaas ng arko (ang saligang bato)? Ano ang mangyayari sa arko kung aalisin ito?
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):
Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato sa ating patotoo kay Jesucristo, na Siya mismong batong panulok ng lahat ng ginagawa natin. Pinatototohanan nito nang may kapangyarihan at kalinawan na totoong Siya ay buhay. …
… Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng patotoo. Tulad ng arko na babagsak kung aalisin ang saligang bato, gayon din naman na ang buong Simbahan ay tatayo o babagsak ayon sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. (Ezra Taft Benson, “Ang Aklat ni Mormon—Saligang Bato ng Ating Relihiyon,” , Okt. 2011, 54, 55)
Ang saligang bato ng ating patotoo kay Jesucristo
-
Sa iyong palagay, ano ang ibig sabihin ng ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating patotoo kay Jesucristo?
Palaging nagpapatotoo ang mga manunulat sa Aklat ni Mormon tungkol kay Jesucristo.
Isipin kung paano ka mapagpapala sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas malakas na patotoo tungkol kay Jesucristo. Habang pinag-aaralan mo ang Aklat ni Mormon, hanapin ang mga reperensya tungkol kay Jesucristo at ang natutuhan mo tungkol sa Kanya. Kapag ginawa mo ito, lalago ang iyong kaalaman at patotoo tungkol sa Tagapagligtas.
Ang saligang bato ng ating patotoo
-
Alin sa mga sumusunod na pahayag ang pinakamahusay na naglalarawan sa iyong mga nadarama tungkol sa Aklat ni Mormon?
-
Nagtitiwala ako sa iba na nakatanggap ng kanilang sariling personal na patotoo at tiniyak sa akin na totoo ang Aklat ni Mormon.
-
Hindi ako sigurado kung alam kong totoo ang Aklat ni Mormon.
-
Nakatanggap ako ng patotoo mula sa Espiritu Santo na totoo ang Aklat ni Mormon.
-
-
Sa iyong palagay, bakit nais ng Ama sa Langit na malaman mo na totoo ang Aklat ni Mormon?
Basahin ang pangalawa sa huling talata sa pambungad, pati na rin ang Moroni 10:3–5, at alamin kung ano ang magagawa mo upang malaman kung totoo ang Aklat ni Mormon.
-
Ayon sa nabasa mo, ano ang kailangang gawin ng isang tao upang malaman kung totoo ang Aklat ni Mormon?
Ibinahagi ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano lumago ang kanyang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon habang patuloy siyang dumadalo sa seminary. Maaari mong panoorin ang “Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon,” na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org, mula sa time code na 12:03 hanggang 14:12.
Basahin ang huling talata sa pambungad sa Aklat ni Mormon, at alamin ang iba pang kaalaman na darating kasama ng patotoo sa Aklat ni Mormon.
-
Paano makakaimpluwensya sa iyong buhay ang pagkakaroon ng patotoo sa Aklat ni Mormon?
Pag-aralan ang Aklat ni Mormon araw-araw
Si Pangulong Russell M. Nelson ay nangako sa ating lahat kung pag-aaralan natin ang Aklat ni Mormon araw-araw. Basahin ang sumusunod na pahayag, o panoorin ang video na “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” sa SimbahanniJesucristo.org mula sa time code na 11:52 hanggang 13:05.
Ipinangangako ko na sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw. Ipinangangako ko na habang pinagninilayan ninyo ang inyong pinag-aaralan, ang mga durungawan ng langit ay mabubuksan, at tatanggap kayo ng mga sagot sa inyong sariling mga tanong at patnubay sa inyong buhay. Ipinangangako ko na sa araw-araw ninyong dibdibang pag-aaral ng Aklat ni Mormon, mapoprotektahan kayo laban sa mga kasamaan ngayon, pati na sa laganap na salot ng pornograpiya at ng iba pang nakamamanhid na mga adiksyon.
Sa tuwing maririnig ko ang sinuman, pati na ang sarili ko, na nagsasabing, “Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo,” gusto kong isigaw na, “Maganda ’yan, pero hindi sapat!” Kailangan nating madama, sa “kaibuturan” ng ating puso [Alma 13:27], na ang Aklat ni Mormon ay di-maikakailang salita ng Diyos. Kailangang madama natin itong mabuti upang hindi natin naising mabuhay kahit isang araw nang wala ito. (Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?,” Liahona, Nob. 2017, 62–63)
Kung hindi mo pa ito nagagawa, planuhing palakasin ang iyong patotoo kay Jesucristo sa araw-araw na pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Halimbawa, maaari mong tukuyin kung ilang minuto ka mag-aaral sa isang araw. Maaari mong planuhin kung paano ka makatutuon sa itinuturo ng Aklat ni Mormon tungkol sa Tagapagligtas. Isipin ang anumang mga balakid na maaari mong harapin sa iyong araw-araw na pag-aaral at kung ano ang maaari mong gawin upang madaig ang mga ito.