Seminary
Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 2: “Suriin ang mga Konsepto at Tanong nang may Walang-hanggang Pananaw”


“Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 2: ‘Suriin ang mga Konsepto at Tanong nang may Walang-hanggang Pananaw,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 2,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

Mga Pambungad na Pahina ng Aklat ni Mormon

Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 2

Suriin ang mga Konsepto at Tanong nang may Walang-hanggang Pananaw

mga estudyanteng nag-uusap

Ang isa sa mga layunin ng doctrinal mastery ay tulungan kang matutuhan at maipamuhay ang mga alituntunin para sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman upang maging higit na katulad ni Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw at mas makita ang mga ito nang katulad ng pagtingin ng Tagapagligtas.

Mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman

Kapag dumaranas tayo ng mga hamon sa buhay o nahaharap tayo sa mga tanong na hindi nasagot, matutulungan tayo ng mga sumusunod na alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman:

  1. Kumilos nang may pananampalataya.

  2. Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw.

  3. Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos.

Sa lesson na ito, pagtutuunan natin ang pagsuri sa mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw.

Limitadong pananaw

Humanap ng straw na gamit sa pag-inom o magrolyo ng papel nang mahigpit hangga’t kaya mo, at sumilip sa butas nito. Isipin kung ganito mo palaging nakikita ang mundo. Anong mga hamon ang makakaharap mo? Aling mga gawain ang magiging madali, at alin ang magiging mahirap o imposible?

  • Paano ito maitutulad sa paggawa ng mga desisyong nagpapabago ng buhay o pagsagot sa mahahalagang tanong nang may limitadong pag-unawa sa plano ng kaligtasan?

Ang pagkakaroon ng mas kumpletong pananaw ay makatutulong kapag nakikipag-ugnayan sa mundong ginagalawan natin. Gayundin, ang walang-hanggang pananaw ay makatutulong sa atin habang nagtatamo tayo ng espirituwal na kaalaman.

Maaari mong markahan ang sumusunod na pangungusap mula sa talata 8 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022): Upang masuri ang mga konsepto ng doktrina, tanong, at isyung panlipunan nang may walang-hanggang pananaw, isinasaalang-alang natin ang mga ito sa konteksto ng plano ng kaligtasan at ng mga turo ng Tagapagligtas.

Pag-aralan ang talata 8–10, at alamin kung ano ang makatutulong sa iyo para masuri ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw.

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Ano ang ilang isyu at tanong kung saan sa palagay mo ay iba ang pananaw ng Tagapagligtas sa pananaw ng maraming tao sa mundo?

    • Paano nakatutulong sa atin ang pagsuri sa mga konsepto at tanong sa konteksto ng plano ng kaligtasan upang makita natin ang mga bagay-bagay nang higit na katulad ng pagtingin dito ng Ama sa Langit at ni Jesucristo? (tingnan sa Mosias 4:9).

    • Bakit maaaring maging mahalagang kasanayan ito na dapat mong matutuhan, sanayin, at gamitin sa iyong buhay?

Isang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan

Ipinakita sa atin ng Nakababatang Alma kung paano tingnan ang mga bagay nang may walang-hanggang pananaw nang sagutin niya ang mabibigat na tanong na ikinababalisa ng kanyang anak na si Corianton.

Basahin ang Alma 40:1; 42:1, at alamin ang dalawa sa mga alalahanin ni Corianton. Maaari mong i-paraphrase ang kanyang mga alalahanin sa sarili mong mga salita.

Ngayon ay basahin ang mga chapter heading para sa Alma 40; 4142 para makita ang buod ng itinuro ni Alma kay Corianton nang tugunin niya ang kanyang mga alalahanin. Hanapin ang mga elemento ng plano ng kaligtasan na itinuro ni Alma.

  • Anong mga elemento ng plano ang nakita mo?

  • Paano kaya ito nakatulong kay Corianton na makita ang kanyang mga alalahanin nang may walang-hanggang pananaw?

Tingnan sa Ibang Paraan

babaeng gumagawa ng frame gamit ang kanyang mga daliri

Gumawa ng hugis frame gamit ang iyong mga hintuturo at hinlalaki. Pumili ng anumang bagay sa silid bilang tema ng iyong larawan.

  • Ano ang napagpasyahan mong isama sa iyong frame? Bakit?

  • Ano ang hindi mo isinama sa iyong larawan? Bakit?

Tulad ng mga larawan, may frame o konteksto rin ang mga tanong. Ang frame ay maaaring kumatawan sa mga paniniwala at palagay ng isang tao na nagtutulak sa kanyang tingnan ang mga tanong sa partikular na paraan. Kung minsan, ang mga paniniwala at palagay na iyon ay batay sa maling pagkaunawa o isang bagay na hindi totoo. Sa mga ganoong sitwasyon, makatutulong na tingnan sa ibang paraan ang mga ito. Tinitingnan natin sa ibang paraan kapag sinusuri natin ang mga paniniwala o palagay na iyon sa konteksto ng plano ng kaligtasan at mga turo ng Tagapagligtas.

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Dahil sa ating kaalaman sa planong ito at sa iba pang katotohanang inihayag ng Diyos, nagsisimula tayo sa mga palagay na kaiba sa mga taong hindi nakakaalam ng alam natin. Dahil dito, nagkakaroon tayo ng iba’t ibang konklusyon sa maraming mahalagang paksa na hinuhusgahan lang ng iba batay sa kanilang mga opinyon tungkol sa buhay sa mundo. (Dallin H. Oaks, “As He Thinketh in His Heart” [evening with a General Authority, Peb. 8, 2013], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)

Kunwari ay may kaibigan kang nagngangalang Adry na nagtanong, “Kung talagang may mapagmahal na Diyos, bakit Niya hahayaang magdusa ang mga tao?”

Upang maiba ang konsepto ng tanong ni Adry, tukuyin muna ang mga palagay o paniniwala na maaaring naging dahilan kung bakit niya itinanong ito.

2:58

Pagsuri sa mga Tanong nang may Walang-hanggang Pananaw

Ipinakikita ng isang kabataang babae kung paano hinihimay ang isang mahirap na tanong sa konteksto ng plano ng kaligtasan.

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Sa palagay mo, bakit kaya makatutulong kung pag-iisipan ang mga paniniwala o palagay na maaaring nakaimpluwensya sa tanong ni Adry tungkol sa Diyos?

    • Paano tayo natutulungan ng nalalaman natin tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano para makita nang naiiba ang tanong?

    • Ano ang masasabi mo sa kakayahan mong lumutas ng mahihirap na tanong sa pamamagitan ng pagtingin dito sa ibang paraan? Anong mga tanong o alalahanin ang mayroon ka tungkol dito, kung mayroon man?

Magkakaroon ka ng maraming pagkakataong magsanay na tingnan ang mga bagay-bagay sa ibang paraan sa seminary at sa iyong buhay. Kapag hinihingi mo ang tulong ng Espiritu Santo at pinapalawak mo ang iyong pag-unawa sa plano ng kaligtasan at sa doktrina ni Cristo, huhusay ang kakayahan mong suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw. Palalakasin din nito ang iyong loob sa pagbabahagi ng nalalaman mo at pagtulong sa iba sa mahihirap na tanong at alalahanin.