Seminary
1 Nephi 1: “Nagkaroon ng Maraming Propeta”


“1 Nephi 1: ‘Nagkaroon ng Maraming Propeta,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“1 Nephi 1: ‘Nagkaroon ng Maraming Propeta,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

1 Nephi 1

“Nagkaroon ng Maraming Propeta”

Nangangaral si Lehi sa Jerusalem

Hindi palaging nagbabahagi ang mga propeta ng mga mensaheng tanggap ng karamihan, ngunit ang kanilang mga turo at babala ay nagpapakita ng pagmamahal ng Panginoon sa Kanyang mga tao. Si Lehi ay tinawag ng Diyos upang mangaral ng pagsisisi sa mga tao ng Jerusalem. Sa kabila ng kanyang mga pakiusap at babala, hindi nila tinanggap ang kanyang mga salita at hinangad nilang patayin siya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong madama ang kahalagahan ng pagtanggap at pagsunod sa mga propeta ng Diyos.

Mga Babala

Isipin kunwari na nagkaroon ka ng pagkakataong maglayag o mamangka sa ilog na ito.

  • Magkakaroon ka ba ng anumang alalahanin? Bakit oo o bakit hindi?

isang payapang ilog

Nang magsisimula ka na sa pamamasyal, may nagbabala sa iyo na payapa kung tingnan ang ilog ngunit may bahagi ito na delikado at nakamamatay.

  • Magtitiwala ka ba sa taong nagbabala sa iyo? Bakit oo o bakit hindi?

Ang sumusunod na larawan ay ang ilog ding ito na may bahagi na nakita mong nakabalangkas kanina:

isang payapang ilog bago ang talon
  • Ano ang malalaman at madarama mo ngayon tungkol sa taong nagbigay ng babala?

  • Ano kaya ang maituturo sa atin ng kunwa-kunwariang sitwasyong ito tungkol sa tungkulin ng mga propeta ng Diyos?

Tumigil sandali at pag-isipan ang mga sumusunod:

  • Mga panganib kung saan nagbabala sa atin ang mga propeta tungkol sa ating panahon

  • Ang mga pagpapala ng pagsunod at mga posibleng bunga ng pagbalewala sa kanilang mga babala

  • Ang nadarama mo tungkol sa pagsunod sa kanilang mga babala

  • Dahilan kung bakit kailangan mo ang mga babala ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta

Sa iyong pag-aaral, maghanap ng mga katotohanan na makatutulong sa iyo na makadama ng mas matinding hangaring sundin ang mga propeta ng Diyos.

“Nagkaroon ng Maraming Propeta”

Ang aklat ng 1 Nephi ay nagsimula noong mga 600 BC sa Jerusalem. Noong panahong iyon, marami sa mga Judio ang tumalikod sa Diyos at sumamba sa huwad na diyos na si Baal, nagtiwala sa mga salita ng mga sinungaling na propeta, at gumawa ng masama tulad ng pagnanakaw, pagpaslang, at matinding imoralidad (tingnan sa Jeremias 27). Isipin kung paano maihahalintulad ang mga sitwasyong ito sa mundo sa kasalukuyan.

Basahin ang 1 Nephi 1:1–4, at alamin kung paano sinimulan ni Nephi ang kanyang talaan.

  • Ano sa palagay mo ang mahalagang maunawaan mula sa mga talatang ito? Bakit?

Maaaring kabilang sa mga propetang tinukoy sa talata 4 ang mga propeta sa Lumang Tipan na sina Jeremias, Habacuc, Obadias, Nahum, Sefanias, at iba pa.

Basahin ang 1 Nephi 1:5–15 at alamin ang mga detalye tungkol sa pagtawag kay Lehi na maging propeta. Maaari mong panoorin ang “Iniutos ng Panginoon sa Pamilya ni Lehi na Lisanin ang Jerusalem” mula sa time code na 0:39 hanggang 5:53, na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org.

18:14
  • Ano ang pinakamahalaga para sa iyo tungkol sa karanasan ni Lehi? Bakit?

  • Ano ang natutuhan ni Lehi tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa nakita niya?

  • Bakit magiging mahalagang malaman ang mga katotohanang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa iyong kalagayan?

Basahin ang 1 Nephi 1:18–20 para malaman kung ano ang itinuro ni Lehi at kung paano tumugon ang mga tao ng Jerusalem. Maaari mong panoorin ang “Iniutos ng Panginoon sa Pamilya ni Lehi na Lisanin ang Jerusalem” mula sa time code na 5:53 hanggang 7:26.

18:14
  • Sa kanyang mga ginawa, paano naging kahalintulad ni Jesucristo si Lehi?

  • Ano ang nalaman mo tungkol sa mga propeta mula sa mga karanasan ni Lehi?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa halimbawa ni Lehi ay tumatawag ang Diyos ng mga propeta upang magbabala tungkol sa mga bunga ng kasalanan at upang magpatotoo tungkol kay Jesucristo.

  • Paano mo nakitang ginagawa ng mga propeta ang mga responsibilidad na ito sa ating panahon?

  • Sa paanong paraan nagpapakita ng galit ang ilang tao ngayon sa mga propeta o paano nila hindi tinatanggap ang kanilang mga salita? Sa iyong palagay, bakit ganito ang reaksyon nila?

Ipinaliwanag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng itinuturo ng mga propeta ng Diyos:

Elder Neil L. Andersen

Ang pag-angkla ng ating mga kaluluwa sa Panginoong Jesucristo ay nangangailangan ng pakikinig sa Kanyang mga isinusugo. …

Ang tinig ng propeta, bagama’t magiliw kung bumigkas, ay kadalasang isang tinig na humihikayat sa atin na magbago, magsisi at magbalik sa Panginoon. Kung kinakailangan ng pagtatama, huwag natin itong ipagpaliban. At huwag tayong mabahala kung ang nagbababalang tinig ng propeta ay taliwas sa mga popular na opinyon ng ating panahon. Ang mga pangungutya ng nayayamot na mga taong hindi sumasampalataya ay palaging kaagad na ibinabato matapos na magsalita ang propeta. Kapag mapagpakumbaba ninyong sinunod ang mga payo at turo ng propeta ng Panginoon, ipinapangako ko sa inyo ang dagdag na pagpapala ng kaligtasan at kapayapaan. …

… Ang pinakamalaking responsibilidad at ang pinakamahalagang kaloob sa atin ng propeta ay ang kanyang tapat na patotoo, ang kanyang tiyak na kaalaman, na si Jesus ang Cristo. (Neil L. Andersen, “Ang Propeta ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 26–27)

  • Sa iyong palagay, bakit ang pinakamalaking responsibilidad ng propeta ay ibahagi ang kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo?

  • Ano ang makatutulong sa iyo na tapat na tumugon sa payo at mga babala ng mga propeta ng Diyos sa ating panahon?

Ang tungkulin ng mga propeta at ang kahalagahan ng pagsunod sa mga ito

icon, isulat
  1. Gawin ang sumusunod:

    Kunwari ay ipinadala sa iyo ng kaibigan mong hindi miyembro ng Simbahan ang sumusunod na text message:

    “Naaalala ko na sinabi mo na may mga propeta ang inyong simbahan. Totoo ba talaga iyon? Ano ang ginagawa ng mga propeta ninyo? Katulad ba sila ng mga propeta sa Biblia?”

    Gusto mong tiyakin na masasagot nang malinaw ang kanyang mga tanong. Maghanda ng sagot gamit ang bawat isa sa mga sumusunod:

    1. Mga scripture passage at halimbawa mula sa 1 Nephi 1 (at iba pang mga scripture passage tungkol sa mga propeta na maaaring alam mo) na makatutulong sa kanya na maunawaan ang tungkulin ng propeta.

    2. Mga halimbawa kung paano ka natulungan ng mga makabagong propeta na mas mapalapit kay Jesucristo. Maaari kang magbahagi ng mga halimbawa kung saan naimpluwensyahan ka ng mga propeta mula sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan, mga artikulo sa magasin ng Simbahan, o sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan.

    3. Mga halimbawa mula sa iyong buhay o sa buhay ng iba na nagpapakita ng mga positibong bunga ng pakikinig sa mga propeta. Maaari mong idagdag ang iyong personal na patotoo tungkol sa mga propeta.

Pag-isipan kung paano ka tumugon sa mga babala ng mga propeta kamakailan. Hingin ang tulong ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo para matukoy ang mga paraan kung paano mo mas masusunod ang kanilang payo. Isulat ang mga ideyang iyon sa iyong study journal at mapanalanging pumili ng isang ideyang maipapamuhay mo.