“1 Nephi 4–5: ‘Ako ay Pinatnubayan ng Espiritu,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“1 Nephi 4–5: ‘Ako ay Pinatnubayan ng Espiritu,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
1 Nephi 4–5
“Ako ay Pinatnubayan ng Espiritu”
Matapos ang dalawang bigong pagtatangkang kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban, si Nephi ay maingat na pumasok sa Jerusalem sa gabi nang may pananampalataya sa Panginoon. Gayunman, wala siyang gaanong ideya kung paano isasakatuparan ang iniutos sa kanya. Tulad ni Nephi, nakadama ka na ba ng matinding kagustuhang gawin ang isang bagay ngunit hindi ka sigurado kung paano ito isasagawa? Layunin ng lesson na ito na palakasin ang iyong tiwala sa Ama sa Langit at sa Kanyang kahandaang gabayan ka.
Pagtanggap ng patnubay mula sa Ama sa Langit
Si Pangulong Russell M. Nelson ay nagbahagi ng mahalagang payo tungkol sa pagtanggap ng personal na paghahayag. Habang pinag-aaralan mo ang kanyang pahayag, isipin kung paano ito naaangkop sa iyo.
Maaari tayong manalangin sa ating Ama sa Langit at tumanggap ng patnubay at direksyon, mabalaan sa panganib at ligalig, at mabigyan ng kakayahan na gumawa ng mga bagay na hindi natin kakayanin nang mag-isa. Kung talagang tatanggapin natin ang Espiritu Santo at matututuhang makilala at maunawaan ang Kanyang mga pahiwatig, magagabayan tayo sa malalaki at maliliit na bagay. (Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 94)
-
Ano ang ilang sitwasyon sa iyong buhay, malaki man o maliit, kung saan makatutulong ang pagtanggap ng patnubay ng Ama sa Langit? (Maaari mong isulat ang iyong mga sagot.)
Piliin ang sagot na pinakamainam na naglalarawan sa nadarama mo tungkol sa mga sumusunod na pahayag.
-
Masigasig akong humihingi ng patnubay at payo sa Ama sa Langit upang tulungan ako sa aking mga pagsubok, tanong, at desisyon.
-
Madalas
-
Kung Minsan
-
Bihira
-
-
Nagtitiwala ako sa kakayahan at hangarin ng Ama sa Langit na gabayan ang buhay ko sa pamamagitan ng Espiritu.
-
Madalas
-
Kung Minsan
-
Bihira
-
-
Humahayo ako nang may pananampalataya at kumikilos ako ayon sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo, kahit hindi ko alam ang gagawin ko.
-
Madalas
-
Kung Minsan
-
Bihira
-
Habang pinag-aaralan mo ang isang sitwasyon kung saan hindi sigurado si Nephi kung ano ang gagawin, maghanap ng mga katotohanang nagpapalakas ng iyong tiwala sa Ama sa Langit at sa Kanyang kahandaang gabayan ka.
“Umahon na tayo”
Alalahanin na nagkaroon ng dalawang hindi matagumpay na pagtatangka ang mga anak ni Lehi na kunin ang mga laminang tanso mula kay Laban at natakot sila para sa kanilang buhay (tingnan sa 1 Nephi 3:11–27). Ano kaya ang madarama mo kung nalagay ka sa katulad na sitwasyon? Ano kaya ang mga magiging alalahanin mo? Kahit nakakita ng isang anghel, nag-alala sina Laman at Lemuel at may mga tanong sila kung paano isasakatuparan ang iniutos sa kanila (tingnan sa 1 Nephi 3:31).
Basahin ang 1 Nephi 4:1–3, at alamin ang naging sagot ni Nephi sa mga alalahanin ng kanyang mga kapatid.
-
Ano ang tumimo sa iyo mula sa mga talatang ito?
-
Anong halimbawa mula sa mga banal na kasulatan ang ginamit ni Nephi upang magpatotoo tungkol sa lakas ng Panginoon at mahikayat ang kanyang mga kapatid? Anong mga salaysay mula sa mga banal na kasulatan ang nagbigay sa iyo ng tapang at lakas sa iyong buhay?
-
Paano naaangkop ang pariralang “Umahon na tayo” sa mga sitwasyon at hamon sa iyong buhay? (Maaari mong markahan ang pariralang ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tuwing mababasa ito sa talata 1–3.)
Basahin ang 1 Nephi 4:4–8, at alamin ang ginawa ni Nephi sa pangatlong pagtatangkang kunin ang mga laminang tanso. Maaari mo ring panoorin ang “Iniutos ng Espiritu kay Nephi na Patayin si Laban” (3:26), na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org, bilang bahagi ng iyong pag-aaral.
-
Ano ang alam ni Nephi at ano ang hindi niya alam nang simulan niya ang pangatlong pagtatangkang ito?
-
Ano ang napansin mo sa pariralang “Gayunman, ako ay yumaon” sa 1 Nephi 4:7?
-
Anong katotohanan ang matututuhan mo mula sa mga salita ni Nephi?
Narito ang isang alituntunin ng ebanghelyo na maaaring naisip mo: sa mga panahon ng kawalang-katiyakan, makatatanggap tayo ng patnubay mula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu kapag humayo tayo nang may pananampalataya.
Maaari mong isulat ang alituntuning ito o ang isang alituntuning naisip mo sa iyong mga banal na kasulatan.
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang kahalagahan ng ating pagkilos kapag humihingi tayo ng paghahayag at patnubay:
Sa aking pag-aaral ng mga banal na kasulatan napansin ko na karamihan sa paghahayag sa mga anak ng Diyos ay dumarating kapag sila ay kumilos, hindi habang sila ay nagpapahinga sa kanilang tirahan at naghihintay na sabihin sa kanila ng Panginoon ang unang hakbang na gagawin. …
Kaya gagawin natin ang lahat ng makakaya natin. Pagkatapos ay hihintayin natin ang paghahayag mula sa Panginoon. (Dallin H. Oaks, “Sa Kanyang Sariling Panahon, sa Kanyang Sariling Paraan,” Liahona, Ago. 2013, 22–24)
Isipin kung paano nauugnay ang katotohanang ito at ang pahayag ni Pangulong Oaks sa mga sitwasyong natukoy mo kanina.
-
Sa iyong palagay, bakit gusto ng Panginoon na magpatuloy ka nang may pananampalataya sa mga panahon ng kawalang-katiyakan?
Naghahanda ng paraan ang Panginoon
Iniutos ng Panginoon kay Nephi na patayin si Laban. Nabagabag siya sa ideya na pagkitil ng buhay, ngunit patuloy siyang hinikayat ng Espiritu na magpatuloy. Sinunod ni Nephi “ang tinig ng Espiritu” (1 Nephi 4:18), nagpanggap siya bilang si Laban habang suot ang mga damit nito, at nakumbinsi niya si Zoram, ang tagapagsilbi ni Laban, na kunin ang mga laminang tanso mula sa kabang-yaman.
Maaari mong basahin ang salaysay na ito sa 1 Nephi 4:9–24 at markahan ang mga salita o parirala na makabuluhan sa iyo. Maaari mo ring panoorin ang “Nakuha ni Nephi ang mga Sagradong Talaan” (4:20), na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org.
Paano nauugnay ang karanasan ni Nephi sa pagkuha ng mga lamina sa patotoong ibinahagi niya sa 1 Nephi 3:7?