“Pahina ng Pamagat: Ang Layunin ng Aklat ni Mormon,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“Pahina ng Pamagat,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
Mga Pambungad na Pahina ng Aklat ni Mormon
Pahina ng Pamagat
Ang Layunin ng Aklat ni Mormon
Bakit natin kailangan ang Aklat ni Mormon samantalang mayroon na tayong salita ng Diyos sa Biblia? Sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon, tinulungan tayo ng propetang si Moroni na maunawaan kung bakit napakahalaga ng Aklat ni Mormon. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang maunawaan at maipaliwanag ang mga layunin ng Aklat ni Mormon.
Ang kahalagahan ng kaalaman tungkol sa layunin ng isang bagay
Nakakita ka na ba ng kagamitan tulad ng nasa sumusunod na larawan? Ipagpalagay na kailangang ipaliwanag ang layunin at kahalagahan ng isang hindi pamilyar na kagamitan sa iba.
-
Bakit nakatutulong na malaman at maunawaan ang layunin o kahalagahan ng isang bagay bago ito gamitin o ibahagi sa iba?
-
Paano ito maiuugnay sa pag-unawa sa layunin at kahalagahan ng Aklat ni Mormon?
Isipin kung gaano kalaki ang kumpiyansa mo sa pagpapaliwanag ng layunin at kahalagahan ng Aklat ni Mormon sa isang taong walang kaalaman tungkol dito. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, alamin kung ano ang nakatutulong sa iyo para maunawaan ang layunin at kahalagahan ng Aklat ni Mormon at kung paano mo maibabahagi sa iba ang naunawaan mo.
Pag-unawa sa layunin at kahalagahan ng Aklat ni Mormon
Kopyahin ang sumusunod na hindi kumpletong pangungusap sa iyong study journal.
Ang Aklat ni Mormon ay isinulat upang …
Ang pahina ng pamagat ay naglalaman ng mga huling salitang isinulat ni Moroni sa huling pahina ng mga laminang ginto. Basahin ang pahina ng pamagat at ang unang tatlong talata ng pambungad sa Aklat ni Mormon. Maghanap ng mga paraan upang makumpleto ang pangungusap sa itaas. Makatutulong sa iyo ang mga sumusunod na tanong habang ginagawa mo ito.
-
Para kanino isinulat ang Aklat ni Mormon?
-
Tungkol kanino ang Aklat ni Mormon?
-
Bakit isinulat ang Aklat ni Mormon?
(Para sa karagdagang impormasyon, tingnan sa “Maikling Paliwanag tungkol sa Ang Aklat ni Mormon” sa mga pambungad na pahina.)
Nagpatotoo si Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga layunin ng Aklat ni Mormon.
Pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon ay kasangkapan ng Diyos upang maisagawa ang pagtitipon ng Israel sa ating panahon at maipakilala sa mga tao ang Kanyang Anak na si Jesucristo. (Ulisses Soares, “Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon,” Liahona, Mayo 2020, 35)
-
Ano ang natutuhan mo mula sa iyong sariling pag-aaral at sa pahayag ni Elder Soares tungkol sa mga layunin ng Aklat ni Mormon?
Ang isang katotohanan na maaaring natukoy mo ay ang Aklat ni Mormon ay isinulat upang makatulong sa pagtitipon ng Israel at hikayatin ang lahat ng tao na si Jesus ang Cristo.
-
Anong katibayan ang nakikita mo tungkol dito sa pangalawang talata ng pahina ng pamagat?
Pumili ng isa sa mga sumusunod na aktibidad na gagawin.
Aktibidad A: Layunin ng Aklat ni Mormon na makatulong sa pagtitipon ng Israel
Ang Aklat ni Mormon ay madalas tumutukoy sa tipang ginawa ng Panginoon upang tipunin ang Israel. Basahin ang pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson at ang dalawa o tatlo sa mga reperensyang banal na kasulatan sa ibaba.
[Sa] Aklat ni Mormon, matututuhan ninyo ang doktrina ng pagtitipon, mga katotohanan tungkol kay Jesucristo, Kanyang Pagbabayad-sala, at ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo na hindi makikita sa Biblia. Ang Aklat ni Mormon ay sentro [o mahalaga] sa pagtitipon ng Israel. Sa katunayan, kung wala ang Aklat ni Mormon, ang pangakong pagtitipon ng Israel ay hindi magaganap. (Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018],” suplemento sa Liahona, 13, SimbahanniJesucristo.org)
-
Sa iyong palagay, paano makatutulong ang Aklat ni Mormon sa pagtitipon ng Israel?
Isipin kung paano nakatulong ang Aklat ni Mormon sa iyo o sa iba na matipon sa totoong Simbahan ni Jesucristo. Maaari mong isulat ang mga pagpapalang dumating dahil sa pagtitipon na ito.
-
Paano kaya maiiba ang iyong buhay kung wala ang Aklat ni Mormon?
-
Kanino mo maibabahagi ang Aklat ni Mormon?
Aktibidad B: Layunin ng Aklat ni Mormon na hikayatin ang lahat ng tao na si Jesus ang Cristo
Pagnilayan kung ano ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo at kung paano nakaimpluwensya ang Aklat ni Mormon sa kaugnayan mo sa Kanya. Pagkatapos ay ilista sandali ang dalawa o tatlong banal na kasulatan mula sa Aklat ni Mormon na nagtuturo sa iyo tungkol kay Jesucristo. Kung kailangan mo ng tulong, tingnan ang entry na “Jesucristo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
-
Ano ang ipinauunawa sa iyo ng mga talatang ito tungkol kay Jesucristo?