“1 Nephi 8:19–38: Humawak nang Mahigpit sa Salita ng Diyos” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“1 Nephi 8:19–38: Humawak nang Mahigpit sa Salita ng Diyos” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
1 Nephi 8:19–38
Humawak nang Mahigpit sa Salita ng Diyos
Maraming tao sa mundo ang gustong makadama ng kagalakan at pagmamahal ngunit hindi alam kung saan ito matatagpuan. Sa kanyang pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay, nalaman ni Lehi ang tungkol sa landas na dapat nating tahakin at kung paano manatili rito upang matamasa ang mga pagpapala ng pagmamahal ng Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong sundin ang salita ng Diyos na gagabay sa iyo patungo sa Kanyang mga pinakadakilang pagpapala.
Pangitain ni Lehi
Tingnan sandali ang ipinintang larawan ng pangitain ni Lehi. Kabilang dito ang punungkahoy, na kumakatawan sa pag-ibig ng Diyos, at ang bunga nito, na sumisimbolo sa mga pagpapalang ibinibigay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa David A. Bednar, “Panaginip ni Lehi: Paghawak nang Mahigpit sa Gabay,” Liahona, Okt. 2011, 32–37). Kabilang din dito ang ilang karagdagang elemento.
-
Ano ang mahalaga para sa iyo sa ipinintang larawang ito?
-
Ano ang matututuhan mo sa naobserbahan mo?
Ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Maaaring isipin ninyo na ang panaginip o pangitain ni Lehi ay walang mahalagang kahulugan para sa inyo, ngunit may mahalagang kahulugan ito. Kasama kayo rito; lahat tayo ay kasama rito. (Boyd K. Packer, “Makita ang Ating mga Sarili sa Panaginip ni Lehi,” Liahona, Ago. 2010, 22)
Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, humingi ng patnubay mula sa Ama sa Langit upang maunawaan kung paano maaaring nauugnay ang pangitain ni Lehi sa iyong buhay. Maghanap ng mga katotohanan na maaaring makatulong sa iyo na matanggap ang ipinangakong kagalakan sa pamamagitan ng Tagapagligtas, gayundin ang mga balakid na maaaring kailangan mong iwasan o daigin.
Maraming tao ang sumusulong
Sa kanyang panaginip, nakita ni Lehi ang “di mabilang na lipumpon ng mga tao” (1 Nephi 8:21) na nagsisikap na marating ang punungkahoy ng buhay. Nakakita sila ng ilang elemento na nakaapekto sa kakayahan nilang pumunta sa punungkahoy: abu-abo ng kadiliman, gabay na bakal, at mga tao sa isang malaki at maluwang na gusali. Makikita mo ang tatlong elementong ito sa ipinintang larawan sa itaas.
Habang binabasa mo ang 1 Nephi 8:22–34, hanapin ang mga elementong ito at kung ano sa palagay mo ang isinisimbolo ng mga ito. Maaari mo ring panoorin ang “Nakakita si Lehi ng Gabay na Bakal at ng mga Taong Nagsilayo” (3:30), na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org.
Isipin ang mga tuksong kinakaharap mo at ang mga paraan kung paano posibleng makaapekto sa iyo ang kapalaluan. Isipin kung paano ito maaaring makagambala sa iyo o makahadlang sa kakayahan mong lumapit kay Cristo at madama ang pag-ibig o pagmamahal ng Diyos.
Ang tulong na ibinibigay sa atin ng Diyos
Sa pangitain ni Lehi, naghanda rin ang Diyos ng mga paraan upang matulungan ang Kanyang mga anak na makarating sa punungkahoy. May “makipot at makitid na landas” (1 Nephi 8:20) na patungo sa punungkahoy. Sa pagtahak sa landas, naglaan Siya ng “gabay na bakal” na gumabay sa mga tao (1 Nephi 8:19, 24, 30).
-
Ano sa palagay mo ang maaaring dahilan kung bakit mahalaga na gawa sa bakal ang gabay?
Basahin ang 1 Nephi 15:23–25 upang malaman ang itinuro ni Nephi tungkol sa kahulugan ng gabay at ng kanyang mga pangako tungkol dito.
-
Ano ang mahalaga para sa iyo sa mga talatang ito?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin ay kung tayo ay makikinig at hahawak nang mahigpit sa salita ng Panginoon, hindi tayo madadaig ng mga tukso ng kaaway.
-
Paano makapagbibigay ng kaligtasan at lakas ang mga salita ng Panginoon sa mga banal na kasulatan at ang mga sinabi ng Kanyang mga propeta sa panahong tinutukso ka?
-
Ano ang ilang halimbawa kung paano tayo maaakay ng salita ng Diyos upang matanggap ang mga pagpapala at kagalakang ibinibigay ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala?
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng katotohanang ito tungkol sa Panginoon?
Sa pagtatapos ng lesson na ito, pagnilayan kung nasaan ka sa pangitaing iyon. Paano ka lumapit sa Tagapagligtas, at paano ka patuloy na nagsisikap na lumapit sa Kanya? Anong mga panggagambala at tukso ang nararanasan mo? Paano ka tinutulungan ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang salita?
Maaari mong suriin ang iyong mithiin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at kung paano ito nakatutulong sa iyo, gayundin ang anumang pagpapabuti o pagbabagong gusto mong gawin. Kung wala kang mithiin sa pag-aaral, mag-ukol ng ilang sandali na magtakda ng mithiin.