“2 Nephi 31:14–21: ‘Kinakailangan Kayong Magpatuloy sa Paglakad,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“2 Nephi 31:14–21,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
2 Nephi 31:14–21
“Kinakailangan Kayong Magpatuloy sa Paglakad”
Kung minsan ang paglalakbay patungo sa buhay na walang hanggan ay tila mahirap. Hindi tayo iniwang mag-isa ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo sa paglalakbay na ito; nais Nila na tulungan tayo sa paglalakbay. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maragdagan ang iyong hangaring magpatuloy at magtiis hanggang wakas upang balang-araw ay makarating ka sa iyong huling destinasyon: ang buhay na walang hanggan sa piling ng iyong Ama sa Langit.
Ang ating mahabang paglalakbay
-
Sa isang pangmalayuang karera, anong mga bagay ang maaaring maging sanhi kung bakit nanaising sumuko ng isang mananakbo?
-
Ano ang maaaring makahikayat sa isang mananakbo na tapusin ang karera kapag naging mahirap ito?
ChurchofJesusChrist.org
Ihambing ang iyong paglalakbay pabalik sa piling ng Ama sa Langit sa isang pangmalayuang karera. Pag-isipan ang mga sumusunod:
-
Ano ang naghihikayat sa iyo, o makahihikayat sa iyo, na magpatuloy sa iyong paglalakbay pabalik sa Ama sa Langit?
-
Anong mga hamon ang kinakaharap mo?
Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, maghanap ng mga katotohanan o kaalaman na maaaring makatulong sa iyo na madaig ang iyong mga hamon at magsikap na makabalik sa iyong Ama sa Langit.
Isang banal na paanyaya
Matapos ituro ni Nephi ang tungkol sa binyag at pagtanggap ng Espiritu Santo, itinuro niya ang isa pang mahalagang aspeto ng doktrina ni Cristo gamit ang isang direktang pahayag mula sa Ama sa Langit. Basahin ang 2 Nephi 31:15 at alamin ang itinuro ng Ama sa Langit.
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng magtiis hanggang wakas?
-
Ano sa palagay mo ang pagkakaiba ng simpleng pagtitiis, at pagtitiis sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawa ng Tagapagligtas?
Gumamit si Nephi ng mga paglalarawan upang tulungan tayo na mailarawan sa isipan ang ating paglalakbay pabalik sa Ama sa Langit. Basahin ang 2 Nephi 31:17–20 at magdrowing ng simpleng larawan ng landas na inilarawan ni Nephi. Lagyan ng label kung ano ang kinakatawan ng iba’t ibang aspeto sa landas.
-
Paano mo ibubuod ang natutuhan mo?
Ang isang bagay na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas at nagtiis tayo hanggang wakas, tatanggap tayo ng buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.
-
Bakit mo gustong tumanggap ng buhay na walang hanggan sa piling ng iyong Ama sa Langit?
Pagpapatuloy sa paglakad
Sa mga talata 19–20, itinala ni Nephi ang iba’t ibang pag-uugali at kilos na kinakailangan upang magpatuloy sa pagtahak sa landas tungo sa buhay na walang hanggan. Pag-aralan ang mga talatang ito at isulat sa landas na idinrowing mo ang mga pag-uugali at kilos na makikita mo. Kung gusto mong mapanood ang isang video na itinuturo ni Nephi ang mga ito, panoorin ang “Itinuro ni Nephi ang Doktrina ni Cristo,” mula sa time code na 2:55 hanggang 3:47, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, at sumabay sa pagbabasa sa iyong mga banal na kasulatan.
Maglaan ng ilang sandali upang i-rate ang iyong sarili mula 1–5 (1 ang mababa; 5 ang mataas) tungkol sa kung gaano kahusay mong nauunawaan at pinagsisikapang taglayin ang mga pag-uugali at gawin ang mga gawaing ito.
Pumili ng isa sa mga pariralang gusto mong maunawaan o ipamuhay nang mas mabuti. Maghanap ng isang talata o sipi sa banal na kasulatan na makatutulong para maragdagan ang iyong pag-unawa. Maaari mong gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Gospel Library app, mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, o iba pang mapagkakatiwalaang resources.
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa pag-uugali o kilos na pinili mo?
-
Ano kaya ang mangyayari kung ipinapakita ng isang tao ang ugali o kilos na pinili mo?
-
Kailan mo nadama na pinagpapala ka o ang isang taong kakilala mo ng Ama sa Langit dahil sa isa sa mga pag-uugali o kilos na ito?
Ang iyong sariling paglalakbay
Isipin ang iyong buhay at ang iyong kasalukuyang paglalakbay pabalik sa Ama sa Langit. Pag-isipan kung kumusta na ang pagtitiis mo hanggang wakas.
Basahin ang sumusunod na pahayag mula kay Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at pag-isipan ang isinulat mo. Maaari kang manood ng isang clip mula sa kanyang mensaheng “Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo” mula sa time code na 15:12 hanggang 16:20, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Kung ibibigay natin ang ating puso sa Diyos, mamahalin ang Panginoong Jesucristo, at gagawin ang lahat ng ating makakaya upang ipamuhay ang ebanghelyo, kung gayon ang bukas—at ang bawat araw—ay magiging napakaganda, hindi man natin ito napapansin sa tuwina. Bakit? Dahil iyon ang nais ng ating Ama sa Langit! Nais Niya tayong pagpalain. Ang maganda, masagana, at walang hanggang buhay ang pinakalayunin ng Kanyang maawaing plano para sa Kanyang mga anak! Ito ay isang plano na nakabatay sa katotohanan “na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios.” Kaya patuloy na magmahal. Patuloy na magsikap. Patuloy na magtiwala. Patuloy na manalig. Patuloy na umunlad. Palalakasin ng langit ang inyong loob ngayon, bukas, at magpakailanman. (Jeffrey R. Holland, “Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo,” Liahona, Mayo 2016, 127)