“Alma 15: Ang Nagpapagaling na Kapangyarihan ni Jesucristo,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 15,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 15
Ang Nagpapagaling na Kapangyarihan ni Jesucristo
Nakatuon ang mortal na ministeryo ni Jesucristo sa pagtulong sa mga nahihirapan. Iyon din ang pinagtuunan nina Alma at Amulek matapos silang mahimalang mapalaya mula sa bilangguan ng kamay ng Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matamo ang nagpapagaling na kapangyarihan na makukuha sa pamamagitan ni Jesucristo.
Pisikal at espirituwal na sakit
Suriin ang sumusunod na listahan ng mga sakit. Pag-isipan ang kanilang mga sintomas pati na rin ang anumang paggamot na ginagamit para lunasan o gamutin ang mga ito.
-
Sakit sa puso
-
Kanser
-
Nabaling buto
-
Ano ang mangyayari kung ginamot lang ng isang tao ang mga sintomas ng mga sakit na ito nang hindi pinagsisikapang maunawaan ang mga sanhi ng mga problema?
Tulad ng mga pisikal na sakit, ang kasalanan—o espirituwal na sakit—ay may mga sintomas din. Pag-isipan kung ano ang maaaring maging ilan sa mga sintomas ng kasalanan, at pag-isipan sandali ang kundisyon ng iyong espirituwal na kalusugan. Maaaring makatulong sa iyo ang mga sumusunod na tanong para magawa ito.
-
Ayon sa artikulo na “Kasalanan” sa Mga Paksa ng Ebanghelyo (topics.ChurchofJesusChrist.org), ano ang mga epekto ng kasalanan?
-
Paano maaaring makaapekto ang kasalanan sa nadarama natin tungkol sa ating sarili at paano ito makaiimpluwensya sa ating ugnayan sa iba?
Habang nag-aaral ka, pakinggan ang Espiritu Santo na magtuturo sa iyo kung paano mo mas matatamo ang nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo upang mapabuti ang iyong espirituwal na kapakanan.
Kalagayan ni Zisrom
Matapos mahimalang mapalaya mula sa bilangguan sa Ammonihas ng kamay ng Diyos, naglakbay sina Alma at Amulek patungong Sidom (tingnan sa Alma 15:1–2). Habang nasa Sidom, naglingkod sila sa mga itinaboy palabas ng Ammonihas dahil sa paniniwala sa kanilang mensahe tungkol kay Jesucristo. Ang isang taong pinaglingkuran nila ay si Zisrom.
Basahin ang mga banal na kasulatan na nakalista sa ilalim ng “Mga Sintomas.” Sa ibaba ng mga ito, ilista ang anumang salita o parirala na naglalarawan sa kalagayan ni Zisrom.
-
Paano mo ilalarawan ang kalagayan ni Zisrom, kabilang ang kanyang espirituwal na kapakanan?
-
Ano ang naaalala mo tungkol kay Zisrom na magiging dahilan para madama niya ito?
Ang pisikal na sakit ay hindi palaging nauugnay sa kasalanan (tingnan sa Juan 9:2–3). Pansinin ang pagkabagabag ng budhi na naramdaman ni Zisrom sa Alma 14:6. Bagama’t hindi kasiya-siya ang makadama ng pagkabagabag ng budhi, ito ay may layunin. Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang maaaring layunin ng damdaming ito. Panoorin ang video na “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis” mula sa time code na 13:15 hanggang 13:49, matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, o basahin ang teksto sa ibaba.
Lahat tayo ay nakaranas na ng sakit kapag nasusugatan ang ating katawan. Kapag nasasaktan tayo, karaniwang naghahanap tayo ng lunas at nagpapasalamat sa gamot na tumutulong para maibsan ang ating paghihirap. Isipin ang kasalanan bilang espirituwal na sugat na nagdudulot ng pagkabagabag ng konsiyensya o, gaya ng inilarawan ni Alma, “paggigiyagis ng budhi” (Alma 42:18). Ang nababagabag na budhi sa ating espiritu ang katumbas ng sakit na nadarama ng ating katawan—isang babala ng panganib at proteksyon mula sa karagdagang pinsala. (David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 44)
-
Ayon kay Elder Bednar, ano ang ilang layunin ng pagkabagabag ng budhi?
-
Paano nito mababago ang ating ideya o pananaw sa pagkabagabag ng budhi matapos magkamali?
-
Sa iyong palagay, sa anong mga paraan natutulad ang mga sintomas ni Zisrom sa “isang babala ng panganib at proteksyon mula sa karagdagang pinsala”?
Paggaling sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo
Basahing mabuti ang tungkol sa pagpapagaling kay Zisrom sa Alma 15:4–12. Maaari mong panoorin ang video na “Si Zisrom ay Gumaling at Nagpabinyag” (2:42), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Habang nagbabasa ka, bigyang-pansin ang mga detalye na nakatulong sa paggaling ni Zisrom. Maaari mong isulat ang mga detalyeng ito sa ilalim ng bahaging “Reseta” ng iyong tala ng doktor.
-
Anong mga alituntunin o katotohanan ang matututuhan natin mula sa pagpapagaling kay Zisrom?
Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, tayo ay mapapagaling.
-
Anong katibayan ang nakita mo sa mga talatang ito tungkol sa pananampalataya ni Zisrom kay Jesucristo bago at matapos siyang gumaling?
-
Paano tayo mananampalataya kay Jesucristo sa gayon ding paraan?
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar kung paano tayo maaaring manampalataya. Panoorin ang video na “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis” mula sa time code na 13:49 hanggang 14:17, matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, o basahin ang teksto sa ibaba.
Ang Tagapagligtas ay kadalasang tinutukoy na Dakilang Tagapagpagaling, at ang titulong ito ay kapwa may simbolo at may literal na kahulugan. … Mula sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay dumadaloy ang lunas na nakapagpapagaling sa ating mga espirituwal na sugat at nag-aalis ng pagkabagabag ng budhi. Gayunman, ang lunas na ito ay magagamit lamang sa pamamagitan ng mga alituntunin ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, at patuloy na pagsunod. Ang mga bunga ng taos-pusong pagsisisi ay kapayapaan ng budhi, kapanatagan, at paggaling sa espirituwal at panibagong sigla. (David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 44)
-
Ano ang ilang paraan na matatamo natin ang mga nagpapagaling na kapangyarihan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?
-
Sa palagay mo, bakit angkop na titulo sa Tagapagligtas ang “Dakilang Tagapagpagaling”? Sa iyong palagay, bakit Niya tayo napagagaling?
-
Kailan mo naranasan (o kailan naranasan ng isang taong kakilala mo) ang pagpapagaling ng Tagapagligtas?