“Alma 14: ‘Ito ay Alinsunod sa Kalooban ng Panginoon,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 14,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 14
“Ito ay Alinsunod sa Kalooban ng Panginoon”
Dahil nabubuhay tayo sa mundong puno ng kasamaan, maraming tao ang tinatrato nang malupit at hindi makatarungan. Nang ituro nina Alma at Amulek ang ebanghelyo ni Jesucristo sa lunsod ng Ammonihas, pinahirapan ng masasamang tao ang mga mananampalataya at pinatay sila sa pamamagitan ng pagtapon sa kanila sa apoy. Pagkatapos ay ibinilanggo at labis na inusig sina Alma at Amulek. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang magtiwala sa Panginoon kapag nahaharap ka sa hirap, pagdurusa, at kawalang-katarungan.
Mga hamon sa buhay
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Anthony D. Perkins ng Pitumpu:
Saanman kayo nakatira, ang pisikal o emosyonal na pagdurusa dahil sa iba’t ibang uri ng mga pagsubok at mga kahinaang mortal ay naging bahagi, kasalukuyang bahagi, o magiging bahagi ng inyong buhay. (Anthony D. Perkins, “Alalahanin ang Inyong mga Nagdurusang Banal, O Aming Diyos,” Liahona, Nob. 2021, 103)
-
Ano ang ilang iba’t ibang paraan na makatutugon tayo sa mga pagsubok?
Ang Alma 14 ay salaysay tungkol sa mga matwid na tao na nakaranas ng matitinding pagsubok. Karamihan sa mga pagsubok na ito ay kagagawan ng mga taong ginamit nang mali ang kanilang kalayaang pumili. Habang nag-aaral ka, isipin kung paano makatutulong sa iyo ang mga katotohanang natuklasan mo mula sa mga halimbawa nina Alma, Amulek, at ng iba pang mga matwid na tao na tumugon sa mga pagsubok ngayon at sa hinaharap.
-
Alma at Amulek
-
Zisrom
-
Mga mananampalataya sa salita ng Diyos
Basahin ang Alma 14:1–9, at alamin ang mga halimbawa ng mga pagdurusang naranasan ng iba’t ibang tao. Maaari mo ring panoorin ang video na “Naniwala si Zisrom, at ang Mabubuti ay Inusig” (3:51), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
-
Ano kaya ang mga tanong mo kung nakaranas ka ng mga pagsubok na tulad ng ilan sa mga pagsubok ng mga taong ito?
Pagtitiwala sa Panginoon
Makatutugon tayo sa maraming paraan kapag dumaranas tayo ng pagdurusa o nasasaksihan natin ang pagdurusa ng iba. Basahin ang Alma 14:10–11, at alamin kung paano tumugon sina Amulek at Alma sa pagdurusa ng mga mananampalataya.
-
Ninais mo na bang iligtas ang iyong sarili o ang ibang tao mula sa pasakit ng pagsubok, tulad ng ginawa ni Amulek? Bakit?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Diyos mula sa tugon ni Alma sa talata 11?
Basahin ang Alma 14:12–13, at alamin ang katotohanang itinuro ni Alma tungkol sa kung paano tutugon kapag dumaranas tayo ng pagdurusa.
-
Paano naipakita ng mga salita ni Alma na nagtitiwala siya sa Panginoon?
-
Anong alituntunin ang maaari nating matutuhan mula sa halimbawa ni Alma?
Ang isang alituntunin na matututuhan natin ay kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok at pagdurusa, mapipili nating magtiwala sa Panginoon anuman ang mangyari. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong study journal at markahan ang pariralang “Ito ay alinsunod sa kalooban ng Panginoon” sa iyong mga banal na kasulatan.
-
Sa iyong palagay, sa anong mga paraan na isang pagpili ang pagtitiwala sa Panginoon?
-
Paano mo maipamumuhay ang pariralang “Ito ay alinsunod sa kalooban ng Panginoon” sa isang bagay na nararanasan mo ngayon?
Pag-isipan ang iyong buhay at kalagayan. Ano ang ginagawa mo kapag ikaw o ang mga mahal mo sa buhay ay nakararanas ng pag-uusig, mga pagsubok, o kawalan ng katarungan? Sagutin ang mga sumusunod na pahayag gamit ang palagi, minsan, o hindi kailanman.
-
Nagtitiwala ako sa kalooban at takdang panahon ng Panginoon kapag nagdarasal ako na mapagaan ang aking mga pagsubok.
-
Tapat kong sinisikap na magtiis at umunawa kapag tila hindi makatarungan ang buhay.
-
Itinutuon ko ang aking pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga walang-hanggang pangako sa halip na sa isang partikular na resulta na inaasam ko.
Nagbahagi si Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ng isang pananaw na makatutulong sa atin na magtiwala sa Panginoon sa panahong sinusubok tayo. Panoorin ang video na “Kapayapaan sa Sarili: Ang Gantimpala ng Kabutihan” mula sa time code na 9:02 hanggang 9:33, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, o basahin ang sumusunod:
Lahat tayo ay nakibahagi sa mga kapulungan ng langit na naglaan ng kalayaang pumili, batid na magkakaroon ng pasakit sa mundo at maging ng napakatinding trahedya dahil sa maling paggamit ng kalayaan. Naunawaan natin na tayo ay magagalit, malilito, walang kalaban-laban, at manghihina dahil dito. Ngunit alam din natin na dadaigin at tutumbasan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang lahat ng kawalang-katarungan sa buhay na ito at maghahatid sa atin ng kapayapaan. (Quentin L. Cook, “Kapayapaan sa Sarili: Ang Gantimpala ng Kabutihan,” Liahona, Mayo 2013, 33–34)
-
Ano ang natutuhan mo na makatutulong sa iyo kapag dumaranas ka ng pagdurusa o nalalaman mo ang pagdurusa ng iba?
Mahalagang tandaan na kung ikaw ay sinasaktan o inaabuso sa anumang paraan, dapat kang humingi ng tulong mula sa isang magulang o lider ng Simbahan upang matulungan ka nilang malutas ang problema. Mahal ka ng Panginoon at gusto Niyang makaramdam ka ng kapayapaan at kaligayahan.
Magpatuloy nang may pananampalataya at tiwala sa Panginoon
Matapos puwersahin sina Alma at Amulek na saksihan ang pagsunog sa mga matwid na mananampalataya, sila ay kinutya, binugbog, at ibinilanggo ng mga pinuno ng Ammonihas (tingnan sa Alma 14:14–17).
Basahin ang Alma 14:18–29, at alamin kung paano nagtiwala sina Alma at Amulek sa Panginoon sa panahong sila ay nagdurusa. Maaari mo ring panoorin ang video na “Sina Alma at Amulek ay Mahimalang Naligtas mula sa Bilangguan” (2:45), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
-
Paano patuloy na nagtiwala sa Panginoon sina Alma at Amulek sa panahong nahihirapan sila?