Seminary
3 Nephi 11:18–41: Ipinahayag ni Jesucristo ang Kanyang Doktrina


“3 Nephi 11:18–41: Ipinahayag ni Jesucristo ang Kanyang Doktrina,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“3 Nephi 11:18–41,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

3 Nephi 11:18–41

Ipinahayag ni Jesucristo ang Kanyang Doktrina

Si Cristo na nagtuturo sa lupain ng Amerika

Naiisip mo ba kung anong mga katotohanan ang ibinabahagi ng mga missionary sa mga tinuturuan nila? Ang isa sa pinakamahahalagang mensahe nila ay nauugnay sa dapat nating gawin upang matanggap ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. Tinatawag kung minsan ang mensaheng ito na doktrina ni Cristo (tingnan sa 2 Nephi 31:21). Itinuro ng Tagapagligtas ang doktrinang ito sa mga Nephita matapos Siyang magpakita sa kanila sa templo. Matutulungan ka ng lesson na ito na mas maunawaan at maipaliwanag ang doktrina nni Jesucristo.

Pagiging tagasunod ni Jesucristo

Halimbawa ay may kaibigan ka na interesado sa Simbahan. Sinabi sa iyo ng kaibigan mo na maganda ang pakiramdam niya tungkol sa natutuhan at naranasan niya. Gusto niyang malaman kung ano ang susunod na dapat niyang gawin upang mas lubos na masunod ang Tagapagligtas.

  • Ano ang ipapayo mong gawin ng kaibigan mo? Bakit?

“Ito ang aking doktrina”

Hindi nagtagal matapos magpakita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga Nephita sa lupaing Masagana, itinuro Niya sa kanila ang Kanyang doktrina. Ang doktrinang ito, na tinatawag kung minsan na “ang doktrina ni Cristo” (2 Nephi 31:21), ay tumutulong sa atin na maunawaan kung paano natin masusunod si Jesucristo at matatanggap ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. Ngayon ay magkakaroon ka ng pagkakataong mas maunawaan ang doktrina ni Cristo at maipaliwanag ito gamit ang sarili mong mga salita.

  1. Gawin ang sumusunod na aktibidad:

  1. Pag-aralan ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang doktrina sa 3 Nephi 11:31–41.

  2. Kung gusto mo, pag-aralan ang mga karagdagang turo tungkol sa doktrina o ebanghelyo ni Jesucristo, tulad ng 2 Nephi 31:17–21 o 3 Nephi 27:19–22. Maaari mo ring hanapin ang “doktrina ni Cristo” sa Gospel Library app sa ChurchofJesusChrist.org.

  3. Maghanda ng tatlo hanggang limang minutong lesson tungkol sa doktrina ni Cristo. Gamitin ang template na nasa ibaba para matulungan kang ihanda ang outline mo. Maaari mong isipin na kunwari ay isa kang missionary na naghahanda ng lesson na ito para sa isang taong tinuturuan mo. O maaari kang mag-isip ng isang taong kakilala mo at maghanda na kunwari ay ibabahagi mo sa kanya ang lesson.

Lesson Plan ng Ang Doktrina ni Cristo

Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)—“3 Nephi 11:18–41: Ipinahayag ni Jesucristo ang Kanyang Doktrina”

  1. Mula sa natutuhan at napag-aralan mo, sumulat ng buod ng doktrina ni Cristo.

  2. Maglista ng dalawa o tatlong tanong na maaari mong itanong para matulungan ang mga tinuturuan mo na maunawaan at pag-isipan nang mas malalim ang tungkol sa doktrina ni Cristo.

  3. Ilarawan kung bakit sa palagay mo ay mahalagang sundin ang mga turong ito ng Tagapagligtas. Kung maaari, isama ang mga karanasan mo na nagpapakita kung paano napagpala ng mga turong ito ang iyong buhay.

  4. Maglista ng isa o dalawang paanyaya na maaari mong ibigay upang matulungan ang mga tinuturuan mo na ipamuhay ang natutuhan nila tungkol sa doktrina ni Cristo.

  5. (Opsiyonal) Mag-isip ng isang bagay o aktibidad na makatutulong sa mga tinuturuan mo na mas maunawaan ang doktrina ni Cristo.

Pag-assess ng sarili

Sa pagtatapos mo ng lesson, maglaan ng oras para pag-isipan kung paano mo maipamumuhay ang doktrina ni Cristo sa bawat araw. Ang sumusunod na pag-assess sa sarili ay makatutulong sa iyo na matukoy ang mga paraan kung paano mo kasalukuyang ipinamumuhay ang doktrina ng Tagapagligtas, pati na rin ang mga paraan kung paano ka magpapakabuti pa.

Sagutin ang bawat isa sa mga sumusunod na pahayag gamit ang isa sa mga sagot na ito: “regular,” “minsan,” o “bihira.”

  1. Sumasampalataya ako kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsisikap na sundin ang mga kautusan at nagtitiwala ako na matutulungan Niya ako na malampasan ang mga hamong kinakaharap ko.

  2. Nagsisisi ako araw-araw para sa aking mga pagkakamali at hinahangad ko ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na tulungan ako na maging higit na katulad Niya.

  3. Sinisikap kong tuparin ang aking mga tipan sa binyag at linggo-linggong pinapanibago ang pagsisikap na iyon sa pamamagitan ng pagiging karapat-dapat na tumanggap ng sakramento.

  4. Inaanyayahan ko ang Espiritu Santo sa aking buhay sa pamamagitan ng regular na panalangin sa Ama sa Langit at pag-aaral at pagsisikap na kumilos ayon sa mga espirituwal na pahiwatig.