“3 Nephi 11:1–11: ‘Ako Si Jesucristo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“3 Nephi 11:1–11,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
3 Nephi 11:1–11
“Ako Si Jesucristo”
Habang ang mga Nephita ay nagtitipon sa paligid ng templo at nag-uusap tungkol sa mga palatandaan ng kamatayan ni Jesucristo, ang Tagapagligtas ay “bumaba at tumayo sa gitna nila” (3 Nephi 11:8). Itinuro Niya sa kanila ang Kanyang misyon at lahat ng ginawa Niya para sa kanila. Ang lesson na ito ay makatutulong na madagdagan ang pagmamahal at pasasalamat mo kay Jesucristo dahil sa kung sino Siya at kung ano ang ginawa Niya para sa iyo.
Pag-asam, Paghihintay
-
Kailan mo lubos na inaasam ang isang bagay na hindi ka na makapaghintay na mangyari ito? Gaano katagal kang naghintay? Ano ang pakiramdam ng maranasan mo ito sa wakas?
Sa Aklat ni Mormon, nalaman natin na ang isang kaganapan na inasam at hinintay ng mga Nephita sa maraming henerasyon ay ang pagparito ng Anak ng Diyos sa lupa. Mula sa panahong dinala nina Lehi at Saria ang kanilang mga anak sa ilang sa labas ng Jerusalem, alam nila na sa loob ng 600 taon ay isusugo ng Diyos ang Kanyang Anak bilang “isang Tagapagligtas ng sanlibutan” (1 Nephi 10:4).
Naunawaan din nila na darating si Jesucristo balang-araw sa mga Nephita sa lupang pangako (tingnan sa 1 Nephi 12:6; 2 Nephi 26:1; Alma 45:9–10). Sa 3 Nephi 11, mababasa natin ang tungkol sa pinakahihintay na pagpapakitang ito.
Hindi lahat ng tao sa mga Nephita at Lamanita ay may tamang pagkaunawa tungkol kay Jesucristo. Gayon din naman, may mga maling pagkaunawa ang mga tao sa panahon ngayon tungkol kay Jesucristo, at itinatatwa pa nga ng ilan na Siya ay nariyan at buhay. Naniniwala ang ilan na si Jesus ay isang dakilang pinuno ngunit hindi nila tinatanggap na Siya ang Anak ng Diyos.
-
Sa palagay mo, bakit mahalaga na tama ang pagkaunawa natin sa kung sino si Jesucristo?
-
Ano ang makatutulong sa atin para mas maunawaan kung sino si Jesucristo at kung ano ang ginawa Niya para sa atin?
Nang magpakita si Jesucristo sa mga Nephita, Siya at ang Ama sa Langit ay nagbigay ng mahahalagang pahayag tungkol sa kung sino Siya. Sa iyong pag-aaral ngayon, bigyang-pansin kung ano ang nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na malaman mo tungkol sa kung sino ang Tagapagligtas at kung ano ang ginawa Niya para sa iyo.
Sa nakaraang lesson, maaaring nagsimula kang gumawa ng listahan ng mga bagay na natututuhan mo tungkol kay Jesucristo sa iyong pag-aaral ng ikatlong Nephi. Kung hindi ka pa nakakapagsimula ng listahan, simulan ito sa iyong study journal, at magdagdag dito sa buong lesson.
Nagpakita si Jesucristo sa mga Nephita
Basahin ang 3 Nephi 11:1–11, at alamin ang mga detalye tungkol sa pagpapakita ni Jesucristo sa isang grupo ng mga tao na nagtipon sa templo sa lupaing Masagana. Maaari mo ring panoorin ang “Nagpakita si Jesucristo sa Lumang Amerika” mula sa time code na 11:19–13:29. Matatagpuan ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.
-
Ano ang pinakanapansin mo sa pag-aaral mo ng mga talatang ito?
-
Kung naroon ka, ano ang ilang salita na gagamitin mo para ilarawan ang maiisip o madarama mo? Bakit?
Inilarawan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagpapakita ni Jesucristo at ang sinabi Niya sa mga tao sa ganitong paraan:
Ang pagpapakita at pahayag na iyon ang pinakamahalagang bahagi, ang pinakadakilang sandali, sa buong kasaysayan ng Aklat ni Mormon. …
Lahat ay nangusap tungkol sa kanya, nagsiawit tungkol sa kanya, umasam sa kanya, at nanalangin para sa kanyang pagpapakita—ngunit narito siya talaga. Ang araw na pinakahihintay! Ang Diyos na pinagliliwanag na parang umaga ang bawat gabing madilim ay dumating na. (Jeffrey R. Holland, Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 250–51)
Ang mga unang salitang sinabi ni Jesucristo sa mga Nephita ay nakatutulong sa atin na maunawaan kung sino Siya at kung ano ang ginawa Niya para sa atin.
Basahing muli ang 3 Nephi 11:10–11, at bigyang-pansin ang mga salita at parirala na ginamit ni Jesucristo para ilarawan ang Kanyang sarili at ang ginawa Niya para sa atin. Tiyaking idagdag ang mga katotohanang ito sa listahan sa iyong study journal.
Ginawa ni Jesucristo ang kalooban ng Ama
Ang isa sa mga katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay ginawa ni Jesucristo ang kalooban ng Ama sa pag-ako ng mga kasalanan ng sanlibutan.
Mapapalalim natin ang ating pag-unawa sa katotohanang ito sa pamamagitan ng pagtuon nang mas mabuti sa mga pariralang ginamit ni Jesucristo para ilarawan ang ginawa Niya. Kopyahin ang mga sumusunod na parirala mula sa 3 Nephi 11:11 sa iyong study journal na may espasyo sa tabi o sa ibaba ng mga ito na mapagsusulatan.
-
Ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin.
-
Niluwalhati [ko] ang Ama sa pagdadala ko ng mga kasalanan ng sanlibutan.
-
Aking binata ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay magbuhat pa sa simula.
Pag-aralan ang kahit tatlo sa mga sumusunod na reperensya, at maghanap ng mga turo na makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang ginawa ni Jesucristo para sa atin. Isulat sa tabi ng mga parirala kung aling mga banal na kasulatan ang nakatulong sa iyo at ang natutuhan mo.