Seminary
3 Nephi 8–10: Ang Tinig ng Tagapagligtas sa Kadiliman


“3 Nephi 8-10: Ang Tinig ng Tagapagligtas sa Kadiliman,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“3 Nephi 8–10,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

3 Nephi 8–10

Ang Tinig ng Tagapagligtas sa Kadiliman

pamilya na may kasamang isang bulag na batang babae na nadarama ang init ng araw sa unang pagkakataon mula noong tatlong araw ng kadiliman matapos ipako sa krus si Jesucristo

Sa lupain ng Amerika, ang matinding pagkawasak at kadiliman ay tanda ng pagpapako sa krus sa Tagapagligtas. Sa loob ng tatlong araw ng makapal na kadiliman, nangusap si Jesucristo sa mga tao. Noon at ngayon, ang mga kalamidad, pagdurusa, at pagsubok ay maaaring maging mga pagkakataon para matuto tungkol kay Jesucristo at bumaling sa Kanya. Ang lesson na ito ay tutukoy sa mga katangian ni Jesucristo na makatutulong sa iyo na makadama ng higit na pagmamahal at pagtitiwala sa Kanya.

“Isang malakas na bagyo”

buhawi na dumaraan sa bukid
mga kidlat
malakas na ulan at hangin na dala ng bagyo ang nanalasa sa isang bayan

Isipin ang mga pagkakataon na nakaranas ka ng matitinding bagyo o kalamidad tulad ng mga lindol, bagyo, o buhawi. Ano ang naramdaman mo sa mga naranasan mong ito?

Nang ipako sa krus si Jesucristo sa Jerusalem, isang kakila-kilabot na bagyo at lindol sa lupain ng Amerika ang nagdulot ng matinding pagkawasak. Tinupad ng mga pangyayaring ito ang mga propesiya ni Samuel, ang Lamanita, tungkol sa mga palatandaan ng kamatayan ng Tagapagligtas (tingnan sa Helaman 14:20–27).

Para malaman ang mga detalye ng mga mapaminsalang pangyayaring ito, basahin ang 3 Nephi 8:5–22. Maaari mo ring panoorin ang video na, “Nagpakita si Jesucristo sa Lumang Amerika,” mula sa time code na 0:00–3:19. Matatagpuan ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.

16:42
  • Ano kaya ang maiisip o madarama mo kung naranasan mo ang mga bagay na ito?

Sa mga taon bago ang pagkawasak na ito, ang karamihan sa mga Nephita ay tumalikod sa Panginoon at itinaboy ang mga propeta na isinugo ng Diyos upang mangaral sa kanila (tingnan sa 3 Nephi 7:7–8, 14, 21).

Basahin ang 3 Nephi 8:23–25, at alamin kung ano ang naging reaksyon ng mga nakaligtas matapos maranasan ang mga mapaminsalang pangyayaring ito.

  • Paano mo ilalarawan ang kanilang mga damdamin?

Mga katotohanan tungkol kay Jesucristo

Habang nagdadalamhati ang mga tao sa kadiliman, narinig nila ang tinig ni Jesucristo na nangungusap sa kanila. Nagbanggit Siya ng maraming lunsod at ipinaliwanag Niya na ang mga lunsod at mga tao na iyon ay nalipol dahil sa kanilang kasamaan. Pagkatapos ay itinuro Niya sa mga tao ang maraming mahahalagang katotohanan tungkol sa Kanyang sarili.

Para matulungan kang isaayos ang mga katotohanang ito, gumawa ng heading sa iyong study journal na pinamagatang: Pag-aaral tungkol kay Jesucristo sa 3 Nephi. Maaari kang maglaan ng maraming pahina sa iyong study journal para makapagdagdag ka pa ng mga katotohanan sa listahang ito sa iyong pag-aaral ng tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita sa susunod na ilang linggo.

Basahin ang 3 Nephi 9:13–22 at 10:4–12, at alamin ang itinuro ni Jesucristo sa mga taong ito tungkol sa Kanyang sarili. Isulat ang mga katotohanang ito sa ilalim ng heading sa iyong study journal.

  1. Ilista ang mga katotohanang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo sa iyong pag-aaral ng 3 Nephi 9–10. Pagkatapos ay sagutin ang kahit dalawa sa mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang sarili na napakahalaga sa iyo? Bakit?

  • Paano maiimpluwensyahan ng mga katotohanang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo ang iyong pagmamahal at tiwala sa Kanya?

  • Anong mga sitwasyon ang naranasan mo, o maaaring nararanasan mo, kung saan magiging mahalaga ang pag-alala sa isa o mahigit pa sa mga katotohanang ito?