Seminary
3 Nephi 23: Masigasig na Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan


“3 Nephi 23: Masigasig na Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“3 Nephi 23,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

3 Nephi 23

Masigasig na Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan

Si Cristo at ang mga tao sa Amerika na tinitingnan ang mga laminang ginto

Kumusta na ang iyong personal na pag-aaral ng banal na kasulatan? Ano ang kaibhang nagagawa nito sa iyong buhay? Sa 3 Nephi 23, binigyang-diin ni Jesus ang kahalagahan ng pag-iingat at pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga propeta. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ka na mas masigasig na pag-aralan ang mga salita ng Panginoon.

Ang iyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan

Sa susunod na minuto, tingnan kung ilan sa mga sumusunod ang mahahanap at makikita mo sa iyong silid o bahay: telepono, aklat, larawan, tasa, unan, at sapatos.

  • Ano ang ibig sabihin ng maghanap o magsaliksik?

  • Ano ang interesante o kapana-panabik tungkol sa paghahanap o pagsasaliksik?

  • Ano ang maaaring maging mahirap o nakapanghihina ng loob tungkol dito?

Ang paanyaya ng Tagapagligtas

Basahin ang 3 Nephi 23:1–5, at alamin ang iniutos sa atin ng Tagapagligtas na saliksikin at ang mga dahilan kung bakit.

Sa mga nakaraang kabanata, madalas banggitin ng Tagapagligtas ang mga salita ni Isaias upang tulungan at pagpalain ang mga Nephita. (Tingnan sa 3 Nephi 16:18–20; 20:32, 34–45; 21:8; 22:1–17.)

  • Anong mga dahilan ang ibinigay ng Panginoon para saliksikin natin ang mga salita ni Isaias? (tingnan sa 3 Nephi 23:1–3).

  • Ayon sa 3 Nephi 23:5, bakit dapat tayong makinig sa mga salita ng Panginoon at sa mga salita ng mga propeta?

Isa sa mahahalagang alituntunin na natutuhan natin sa lesson na ito ay iniuutos sa atin ng Tagapagligtas na sundin ang Kanyang mga salita at masigasig na saliksikin ang mga salita ng mga propeta.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan?

Pag-isipan sandali ang iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaaring kabilang dito ang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya gayundin ang pag-aaral sa simbahan at seminary. Sa palagay mo ba ay masigasig mong sinasaliksik ang mga banal na kasulatan? Bakit oo o bakit hindi?

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring maging mahirap na masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan?

    • Sa kabila ng mga problemang ito, ano ang ilang bagay na nagawa mo na, o magagawa mo, para magkaroon ng makabuluhang karanasan sa pag-aaral ng banal na kasulatan?

Narito ang ilang halimbawa:

  • Manalangin bago ka mag-aral.

  • Markahan ang mahahalagang salita at parirala, lalo na ang mga salita at pariralang tumutulong sa iyo na mas makilala ang Tagapagligtas.

  • Hanapin ang kahulugan ng mga salita o pariralang mahirap maunawaan.

  • Huminto at ibuod ang nabasa mo.

  • Gumamit ng mga cross-reference para mas maunawaan ang isang paksa o doktrina.

kinakausap ni Cristo si Nephi tungkol sa mga talaan

Para masanay sa paggawa ng dalawa sa mga kasanayang ito, basahin ang 3 Nephi 23:6–14 at gawin ang mga sumusunod:

  • Ibuod ang nabasa mo gamit ang sarili mong mga salita.

  • Markahan ang anumang salita o parirala na tumutulong sa iyo na mas maunawaan ang Tagapagligtas.

  • Anong mga salita ang naglilinaw na mahalaga sa Tagapagligtas kung ano ang nakasulat sa banal na kasulatan?

  • Paano maaaring makaapekto ang kaalamang ito tungkol sa Tagapagligtas sa pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan?

Pagsasagawa ng epektibong pag-aaral ng mga banal na kasulatan

Maglaan ng ilang minuto na masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan. Maaari mong piliing pag-aralan ang isang kabanata o saliksikin ang mga talata tungkol sa isang paksang gusto mo pang malaman. Gumamit ng kahit isang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na naisip o natuklasan mo sa listahan sa itaas.

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Anong paraan sa pag-aaral ang ginamit mo? Bakit maaaring makatulong ito sa iyo para mas masigasig kang mag-aral?

    • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas na hindi mo pa naunawaan noon?

    • Alin sa mga kasanayang ito ang gagamitin mo sa iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa hinaharap? Paano mo ito gagawin?

Sa darating na linggo, pagnilayan ang natutuhan mo ngayon sa araw na ito. Pumili ng isang paraan na mapagsisikapan mong mas masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan. Isipin kung paano ito makatutulong sa iyo sa buhay mo.