“Mormon 8:27–41; 9:1–6, 27–37: Isinulat para sa Ating Panahon,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Mormon 8:27–41; 9:1–6, 27–37,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Mormon 8:27–41; 9:1–6, 27–37
Isinulat para sa Ating Panahon
Ipagpalagay na nabuhay ka daan-daang taon na ang nakalipas ngunit alam mo kung ano ang pakiramdam ng mabuhay sa ating panahon. Naranasan ito ni Moroni; ipinakita sa kanya ng Panginoon ang ating panahon. Inilarawan ni Moroni ang mga kasalanan at pag-uugali na magiging laganap sa mga huling araw. Inanyayahan niya tayong “bumaling … sa Panginoon” (Mormon 9:6) at nagbigay siya ng iba pang payo na tutulong sa atin na sundin si Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan na ang Aklat ni Mormon ay isinulat upang tulungan tayo, sa mga huling araw, na bumaling sa Panginoon.
Sumulat si Moroni sa atin
Ipagpalagay na nabuhay ka noong unang panahon at hiniling sa iyong sumulat ng mensaheng ilalagay sa isang time capsule na bubuksan sa ating panahon.
-
Anong babala, payo, o panghihikayat ang ibibigay mo para tulungan ang isang tao na harapin ang mga hamon ngayon?
Bago namatay si Mormon, ipinagkatiwala niya sa kanyang anak na si Moroni ang mga laminang ginto (tingnan sa Mormon 8:1). Inilarawan ni Moroni ang isang paraan na tinulungan siya ng Panginoon na malaman kung ano ang isusulat sa mga tao sa ating panahon. Basahin ang Mormon 8:34–35; 9:30, at alamin ang mga paraan na pinagpala ng Panginoon si Moroni sa kanyang sagradong responsibilidad.
-
Ano ang ipinakita ng Panginoon kay Moroni?
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula rito?
Ang isang katotohanan na natutuhan natin ay binigyang-inspirasyon ni Jesucristo ang mga propeta sa Aklat ni Mormon na magsulat na isinasaisip ang ating panahon.
-
Paano maaaring makaimpluwensya sa paraan ng pagbabasa natin ng Aklat ni Mormon ang kaalamang nakita ng mga propeta sa Aklat ni Mormon ang ating panahon?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) tungkol sa mga propeta sa Aklat ni Mormon:
Kung nakita nila ang ating panahon, at pinili ang mga bagay na iyon na magiging malaki ang kahalagahan sa atin, hindi ba iyon ang dapat na paraan ng pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon? Dapat nating palaging itanong sa ating sarili, “Bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Mormon (o si Moroni o si Alma) na isama iyon sa kanyang talaan? Anong aral ang matututuhan ko mula roon na tutulong sa akin na mamuhay sa panahong ito?” (Ezra Taft Benson, “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 6)
Ang pagtatanong sa iyong sarili ng tulad ng mga iminungkahi ni Pangulong Benson ay isang epektibong kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na makatutulong sa iyo na makahanap ng higit na kahulugan at kaugnayan sa iyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Maaari mong isulat ang mga tanong na ito para magamit mo sa iyong pag-aaral.
-
Sa iyong palagay, paano mapahuhusay ang pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan ng pagtatanong ng mga ito?
Basahin ang Mormon 8:27–33 o Mormon 8:36–41, at alamin kung paano inilarawan ni Moroni ang espirituwal na kalagayan ng mga tao sa ating panahon.
-
Alin sa mga kalagayang inilarawan ni Moroni ang nakikita mo sa ating lipunan?
-
Paano nakakaapekto ang mga pag-uugali at gawing ito sa ating paniniwala kay Jesucristo?
Mga espirituwal na solusyon sa ating panahon
Basahin ang Mormon 9:6, 27–31, at alamin ang isinulat ni Moroni na binigyang-inspirasyon ng Panginoon para tulungan tayong madaig ang mga negatibong espirituwal na kalagayan.
Mga turo sa Aklat ni Mormon
Ang Aklat ni Mormon ay isinulat upang tulungan tayong maniwala at bumaling kay Jesucristo (tingnan sa 1 Nephi 6:4; Mormon 7:5; Moroni 10:30, 32).