“Mormon 8:1–26: Isang Talaan na Malaki ang Kahalagahan,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Mormon 8:1–26,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Mormon 8:1–26
Isang Talaan na Malaki ang Kahalagahan
Ano ang gagawin mo kung ipinagkatiwala sa iyo ang isang bagay na kasinghalaga ng mga laminang ginto? Nang matanggap ni Moroni ang mga lamina, ginawa niya ang lahat ng makakaya niya para protektahan ang mga ito. Kalaunan ay ibinaon niya ang mga ito sa lupa, nang nagtitiwala na ang mga ito ay “ikinubli ayon sa Panginoon” (pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon), na ilalabas balang-araw “ng kamay ng Panginoon” (Mormon 8:26). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na madama ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon sa iyong buhay.
Isang mahalagang regalo
Ipagpalagay na may nagbigay sa iyo ng isang supot na puno ng mga diyamante at rubi bilang regalo.
-
Paano ka tutugon? Paano mapagpapala ng regalong ito ang iyong buhay?
Nagbigay si Pangulong Russell M. Nelson ng kopya ng Aklat ni Mormon sa isang hari ng tribo sa Africa at ipinaliwanag niya kung paanong ito ay isa pang tipan ni Jesucristo. Sumagot ang hari:
“Maaari mo akong bigyan ng mga diyamante o rubi, ngunit wala nang mas mahalaga sa akin kaysa sa dagdag na kaalamang ito tungkol sa Panginoong Jesucristo.” (Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?,” Liahona, Nob. 2017, 60–61)
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit ganito ang nadama ng hari?
Isipin kung paano mo sasagutin ang mga sumusunod na tanong ni Pangulong Nelson:
Mahal kong mga kapatid, gaano kahalaga sa inyo ang Aklat ni Mormon? Kung aalukin kayo ng mga diyamante o mga rubi o ng Aklat ni Mormon, alin ang pipiliin ninyo? Ang totoo, alin ang mas mahalaga sa inyo? (Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?,” Liahona, Nob. 2017, 61)
Habang pinag-aaralan mo ang Mormon 8, pag-isipan ang iyong personal na patotoo sa Aklat ni Mormon. Alamin ang mga dahilan kung bakit pinakamahalaga ang patotoo tungkol kay Jesucristo sa Aklat ni Mormon at kung paano nito mapagpapala ang iyong buhay.
Pagtuklas sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon
Bahagi 1. Isang nakatagong kayamanan
Matapos mamatay si Mormon sa digmaan (tingnan sa Mormon 8:3), iningatan at sinulatan pa ni Moroni ang talaang ginawa ng kanyang ama sa mga laminang ginto.
Basahin ang Mormon 8:1–5 at ang pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon, at alamin kung bakit isinulat at iningatan ang Aklat ni Mormon.
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa layunin ng Aklat ni Mormon?
Isulat ang iyong sagot sa tabi ng isa sa mga tuldok sa mapa.
Ang isang katotohanan na matututuhan natin ay iningatan ang Aklat ni Mormon para sa ating panahon upang hikayatin tayo na si Jesus ang Cristo.
-
Paano naimpluwensyahan ng Aklat ni Mormon ang iyong hangaring sundin si Jesucristo?
Bahagi 2. Ang kahalagahan ng talaan
Isipin ang nalalaman mo tungkol sa mga laminang ginto at kung ano sa palagay mo ang kahalagahan ng mga ito. Basahin ang naranasan ni Joseph Smith nang una niyang matanggap ang mga laminang ginto mula kay Moroni.
Matapos maiuwi ni Joseph ang mga gintong lamina, ilang linggong pinagtangkaang nakawin ng mga naghahanap ng kayamanan ang mga ito. Upang manatiling ligtas ang talaan, kailangan niyang ilipat-lipat ito ng lugar, itinatago ang mga lamina sa ilalim ng dapugan, sa ilalim ng sahig ng gawaan ng kanyang ama, at sa mga ilalim ng bungkos ng butil. Hindi siya dapat maging kampante. (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 49)
-
Ano ang pinakamahalaga para sa iyo mula sa salaysay na ito?
Basahin ang Mormon 8:14, at alamin ang sinabi ni Moroni tungkol sa mga lamina.
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Moroni nang sabihin niya na ang mga lamina ay “walang halaga” ngunit “ang nakatala roon ay malaki ang kahalagahan”? Ano ang matututuhan natin mula rito?
Isulat ang iyong sagot sa tabi ng isa sa mga tuldok sa mapa.
Ang isang katotohanan na matututuhan natin ay ang talaan ng Aklat ni Mormon ay malaki ang kahalagahan.
Maglista ng ilang talata, turo, o kuwento mula sa Aklat ni Mormon na sa palagay mo ay malaki ang kahalagahan. Ipaliwanag kung bakit mahalaga ang mga ito sa iyo o sa iba.
Bahagi 3. Isang kaloob mula sa Diyos
Pag-isipan ang nalalaman mo tungkol kay Joseph Smith noong siya ay binatilyo. May naiisip ka bang mga dahilan kung bakit kaya pinili ng Diyos si Joseph Smith para isalin ang Aklat ni Mormon?
Basahin ang Mormon 8:15–16, 26, at alamin ang itinuro ni Moroni tungkol kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon.
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa kung paano lumabas ang Aklat ni Mormon?
Isulat ang iyong sagot sa tabi ng isa sa mga tuldok sa mapa.
Ang isang katotohanan na matututuhan natin ay ibinigay ng Diyos kay Joseph Smith ang kapangyarihang ilabas ang Aklat ni Mormon.
Sumulat ng isa o dalawang bagay na alam mo tungkol sa pagsasalin ni Joseph Smith ng Aklat ni Mormon. (Tingnan sa Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Pagsasalin ng Aklat ni Mormon,” history.ChurchofJesusChrist.org o Gospel Topics, “Book of Mormon Translation,” history.ChurchofJesusChrist.org.)
Bahagi 4. Ang pinahahalagahan ko tungkol sa Aklat ni Mormon
Batay sa pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon sa tahanan, sa simbahan, at sa seminary, isulat kung ano ang pinakamahalaga sa iyo tungkol sa Aklat ni Mormon. Maaaring makatulong ang mga sumusunod na tanong.
Isulat ang sagot sa kahit isa sa mga sumusunod na tanong sa tabi ng X sa iyong mapa:
-
Bakit ka nagpapasalamat na naingatan ang Aklat ni Mormon?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa mga propetang tinawag ng Panginoon na ihatid sa atin ang Aklat ni Mormon?
-
Ano ang gagawin mo para maipakita sa Panginoon kung gaano mo pinahahalagahan ang Aklat ni Mormon?