Seminary
Mormon 9:7–27: “Isang Diyos ng mga Himala”


“Mormon 9:7–27: ‘Isang Diyos ng mga Himala,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mormon 9:7–27,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mormon 9:7–27

“Isang Diyos ng mga Himala”

si Cristo na pinagagaling ang isang lalaking bulag

Kung minsan kapag binabasa natin ang tungkol sa mga himala sa mga banal na kasulatan, maaaring iniisip natin kung bakit wala tayong gayong mga himala sa ating panahon. Alam ni Moroni na may mga taong magtatanong nito sa mga huling araw. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano makagagawa ang Diyos ng mga himala sa iyong buhay kapag may pananampalataya ka sa Kanya.

Isang Diyos ng mga himala

Maaari nating isipin na mahimala ang maraming pangyayari sa ating buhay. Gayunpaman, maaaring ang tingin ng ilan sa mga ito ay nagkataon lamang. Mag-isip ng ilang halimbawa ng mga himala na maaaring mapagkamalan ng ilan na nagkataon lamang.

  • Ano sa palagay mo ang nagiging dahilan para mapagkamalan ng mga tao na nagkataon lamang ang mga himala?

  • Bakit mahalaga para sa isang tao na magkaroon ng pananampalataya na gumagawa ng mga himala ang Diyos sa ating buhay ngayon?

Pagnilayan ang iyong pananampalataya na makagagawa ng mga himala ang Diyos. Gaano kalakas ang paniniwala mo sa mga himala sa mga banal na kasulatan, sa buhay ng iba, at sa sarili mong buhay?

Nagpatotoo si Moroni tungkol sa mga himala ng Diyos

Si Moroni, na nakita ang ating panahon, ay sumulat ng mensahe sa mga taong nagtatatwa na maaari pa ring mangyari ang mga himala.

Basahin ang Mormon 9:7–11, at alamin ang itinuro ni Moroni tungkol sa Diyos.

  • Ano ang pinakamahalaga para sa iyo mula sa mga talatang ito?

  • Anong mga katotohanan ang matutukoy mo?

Ang dalawang katotohanan na itinuro ni Moroni ay ang Diyos ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman at ang Diyos ay Diyos ng mga himala.

  • Paano nakakaimpluwensya sa ating pananampalataya sa Diyos ang pag-unawa sa mga katotohanang ito?

Ipagpalagay na natulungan mo si Moroni na ibahagi ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng paghahanda ng isang presentasyon na nagpapaliwanag sa mga katotohanang ito.

Magagamit mo ang sumusunod na outline para gumawa ng polyeto. Maaari mo ring iakma ito para makagawa ng digital na presentasyon o iba pang uri ng presentasyon na pipiliin mo.

Gumawa ng isang polyeto sa pamamagitan ng pagtutupi ng isang papel sa kalahati, sa paggawa nito mayroon kang pabalat, dalawang bahagi sa loob, at likod. Para maisaayos ang iyong polyeto, lagyan ng label ang bawat bahagi at maglagay ng larawan o paglalarawan sa pabalat.

  • Unang bahagi (pabalat): “Ang Diyos ay Diyos ng mga himala.”

  • Pangalawang bahagi: “Mga halimbawa ng mga himala.”

  • Pangatlong bahagi: “Mga himalang nangyayari ngayon.”

  • Pang-apat na bahagi: “Paano aanyayahan ang Diyos na gumawa ng mga himala.”

Sa buong lesson, idagdag ang iyong mga naisip, nadama, impresyon, at natutuhan habang nag-aaral ka.

Mga halimbawa ng mga himala

Basahin ang Mormon 9:11–18, at alamin ang mga himalang nais ni Moroni na malaman natin. Ilista sa pangalawang pahina ng iyong polyeto ang natuklasan mo.

Matapos mong matukoy ang ilang himalang binanggit ni Moroni, ilista ang iba pang mga himala mula sa mga banal na kasulatan na maiisip mo.

  • Ano ang naunawaan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa tulong ng mga himalang ito?

Mga himalang nangyayari ngayon

Basahin ang Mormon 9:19, at alamin ang itinuro ni Moroni tungkol sa mga himala ngayon.

Itinuro ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano natin matutukoy ang mga himala sa ating panahon.

Sagana ang mga himala, tanda, at kababalaghan sa mga alagad ni Jesucristo ngayon, sa inyong buhay at sa akin. Ang mga himala ay mga banal na gawa, pagpapakita, at pagpapahayag ng walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos at isang pagpapatibay na Siya “rin ang kahapon, ngayon, at magpakailanman.” …

Marami sa inyo ang nakasaksi na ng mga himala, nang higit kaysa inaakala ninyo. Maaaring tila maliit ang mga ito kumpara sa pagpapabangon ni Jesus sa patay. Ngunit hindi natutukoy ang himala sa laki, kundi na ito ay nagmula lamang sa Diyos. (Ronald A. Rasband, “Masdan! Ako ay Diyos ng mga Himala,” Liahona, Mayo 2021, 109–10)

  • Ano ang ipinapaunawa sa iyo ng pahayag na ito tungkol sa mga himala?

  • Ano ang ilang malalaki at maliliit na himala na nagmumula sa Diyos ngayon?

Sa pangatlong pahina ng iyong polyeto na may label na “Mga himalang nangyayari ngayon,” isulat ang mga himalang nasaksihan mo o ng mga kakilala mo.

Maaari kang makinabang sa paghiling sa isang magulang o kaibigan na ibahagi ang mga himalang naranasan nila at idagdag ang mga ito sa iyong listahan.

Para makakita ng halimbawa ng isang himala, panoorin ang video na “Sa Banal na Plano” mula sa time code na 7:16 hanggang 8:19.

2:3

Paano aanyayahan ang Diyos na gumawa ng mga himala

Isipin ang ilang himala na sa palagay mo ay pinakakailangan o pinakainaasam ngayon.

Basahin ang Mormon 9:20–28, at alamin ang ipinagagawa sa atin ng Diyos para mabiyayaan Niya tayo ng mga himala.

  • Paano natin maaanyayahan ang Diyos na gumawa ng mga himala sa ating buhay?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson o panoorin ang video na “Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” mula sa time code na 13:30 hanggang 14:05, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

17:18

Pagpapalain kayo ng Panginoon ng mga himala kung maniniwala kayo sa Kanya, “nang walang pag-aalinlangan.” Gawin ang espirituwal na gawain sa paghahanap ng mga himala. Hilingin sa Diyos sa panalangin na tulungan kayong magpakita ng ganoong uri ng pananampalataya. Ipinapangako ko na mararanasan ninyo na si Jesucristo ay “nagbibigay ng lakas sa mahina; at sa kanya na walang kapangyarihan ay dinadagdagan niya ng kalakasan.” (Russell M. Nelson, “Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 100)

  • Ano ang pinakamalahaga para sa iyo sa mga salita ni Pangulong Nelson?

  • Anong espirituwal na gawain ang maaaring kailangan nating gawin para makahanap ng mga himala?

Sa likod na pahina ng iyong polyeto, isulat kung ano ang magagawa mo para maanyayahan ang mga himala ng Diyos sa iyong buhay.

Tingnan ang iyong polyeto at pag-isipan ang lahat ng natutuhan mo tungkol sa Diyos at sa Kanyang kakayahang gumawa ng mga himala sa iyong buhay.

icon, isulat
  1.  Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Ano ang natutuhan at nadama mo tungkol sa Diyos habang pinag-aaralan mo ang Mormon 9?

    • Ano ang magagawa mo para maanyayahan ang Kanyang mga himala sa iyong buhay?