Seminary
Eter 6: Naglakbay ang mga Jaredita Patungo sa Lupang Pangako


“Eter 6: Naglakbay ang mga Jaredita Patungo sa Lupang Pangako,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Eter 6,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Eter 6

Naglakbay ang mga Jaredita Patungo sa Lupang Pangako

Mga gabara ng mga Jaredita na hinahampas ng mga alon

Isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng mga Jaredita nang pumasok sila sa kanilang mga gabara at tumawid sa malawak na tubig habang naglalakbay sila patungo sa lupang pangako. Bagama’t mahaba at mahirap ang kanilang paglalakbay, natanto ng mga Jaredita na tinutulungan sila ng Panginoon habang naglalakbay. Matutulungan din tayo ng Panginoon sa ating paglalakbay sa mortalidad at pabalik sa piling ng Ama sa Langit. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na ihalintulad ang mga banal na kasulatan upang malaman ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo sa iyong paglalakbay sa buhay.

Ang paglalakbay sa buhay

Ang ating mortal na buhay ay maikukumpara sa isang mahabang paglalakbay, kung saan ang buhay na walang hanggan ang nais na patunguhan. Sa iyong study journal, isulat ang “Ako” sa isang bahagi ng pahina at “Buhay na Walang Hanggan” sa kabila. Sa espasyo sa pagitan ng dalawang heading na ito, isulat ang ilan sa mga balakid na maaaring maranasan sa ating paglalakbay na magpapahirap sa atin na makabalik nang karapat-dapat sa Ama sa Langit. Pagkatapos ay isipin ang kalagayan ng iyong paglalakbay tungo sa buhay na walang hanggan at kung alin sa mga natukoy na balakid ang kinakaharap mo sa kasalukuyan.

Pag-aaralan mo ngayon ang tungkol sa paglalakbay na ginawa ng mga Jaredita sa lupang pangako matapos nilang magawa ang kanilang mga gabara. Sa iyong pag-aaral, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na malampasan ang mga balakid na kinakaharap mo sa iyong paglalakbay pabalik sa kinaroroonan ng Diyos.

Paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa iyong buhay

Ang mga sumusunod na hakbang ay makatutulong sa iyo na ikumpara, o ihalintulad, kung ano ang babasahin mo sa mga banal na kasulatan sa iyong mga personal na kalagayan. Sa iyong study journal, isulat ang heading na “Mga paraan para maihalintulad ang mga banal na kasulatan sa aking buhay.” Isulat ang mga hakbang na ito sa ibaba ng heading.

  1. Maghanap ng mahahalagang detalye.

  2. Gumawa ng mga pagkukumpara.

  3. Tumuklas ng mahahalagang aral.

  4. Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral.

Hakbang 1: Maghanap ng mahahalagang detalye

Basahin ang Eter 6:1–3, at alamin ang mahahalagang detalye. Maaaring kabilang sa mga detalyeng ito ang mga tao, lugar, bagay, o kilos na binibigyang-diin.

Ang isang mahalagang detalye na maaaring napansin mo ay na pinagliwanag ng Panginoon ang mga bato na dinala ng kapatid ni Jared sa Kanya (tingnan sa Eter 3:1–6) para magkaroon ng liwanag ang mga Jaredita sa kanilang mga gabara.

Hakbang 2: Gumawa ng mga pagkukumpara

Isipin kung paano maikukumpara ang mga detalyeng natukoy mo sa unang hakbang sa isang bagay na espirituwal o sa mga sitwasyon sa iyong buhay.

  • Anong mga pagkukumpara ang magagawa mo sa mga detalyeng natukoy mo sa unang hakbang?

Halimbawa, maaari mong ikumpara ang maningning na mga bato sa mga pinagmumulan ng espirituwal na liwanag na ipinagkaloob sa atin ng Ama sa Langit, tulad ng mga turo at halimbawa ni Jesucristo, ng Espiritu Santo, ng mga banal na kasulatan, at mga buhay na propeta. (Tingnan sa Mga Awit 119:105; Juan 8:12; at 1 Nephi 17:13. Maaari mong i-cross reference ang mga talatang ito sa Eter 6:3.)

Hakbang 3: Tumuklas ng mahahalagang aral

Isipin kung anong mga aral o katotohanan ang natutuhan mo habang ikinukumpara mo ang mga talatang ito sa iyong buhay o sa isang bagay na espirituwal. Isipin din ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  • Ano ang ilang aral o katotohanan na natutuhan mo mula sa mga talatang ito? Ano ang nakita mo na makatutulong sa iyong buhay sa araw-araw?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin ay binibigyan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ng patnubay at liwanag na tutulong sa atin sa ating paglalakbay sa mortalidad.

Hakbang 4: Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral

Pag-isipan kung paano mo maipamumuhay ang mga aral na natukoy mo sa naunang hakbang.

  • Ano ang magagawa mo para makasunod o makatanggap ng higit pang liwanag ng Diyos sa iyong buhay?

Maaaring naisip mong gawin ang tulad ng pag-aaral nang mabuti ng mga banal na kasulatan, mapanalanging paghingi ng patnubay mula sa Ama sa Langit sa iyong mga desisyon sa araw-araw, o mas masigasig na pagsisikap na panatilihing kasama mo ang Espiritu Santo.

Sanayin ang paghahalintulad ng iba pang talata mula sa salaysay na ito

mga gabara ng mga Jaredita

Pag-aralan ang natitirang bahagi ng salaysay tungkol sa paglalakbay ng mga Jaredita patungo sa lupang pangako sa pamamagitan ng pagbabasa ng Eter 6:4–12. Alamin ang iba pang mga paraan na maiuugnay ang paglalakbay ng mga Jaredita sa iyong paglalakbay sa buhay. Habang nag-aaral ka, sanaying gamitin ang apat na hakbang para sa paghahalintulad ng mga banal na kasulatan.

Bigyang-pansin ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Anong mahahalagang detalye ang natukoy mo mula sa pinag-aralan mo?

    • Ano ang ilang pagkukumparang ginawa mo sa pagitan ng mga detalyeng iyon at mga aspeto ng iyong buhay?

    • Ano ang isa o mahigit pang aral na natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa mga talatang ito?

    • Ano ang isang bagay mula sa mga talatang ito na pagsisikapan mong ipamuhay?