“Eter 7–11: ‘Tunay na ang Bagay na Ito ay Hahantong sa Pagkabihag,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Eter 7–11,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Eter 7–11
“Tunay na ang Bagay na Ito ay Hahantong sa Pagkabihag”
Dahil mahal tayo ng Diyos, tumatawag Siya ng mga propeta para balaan tayo tungkol sa kasamaan at hikayatin tayong sundin ang mga kautusan. Hindi nakinig ang mga Jaredita sa babala ng kapatid ni Jared, at nagresulta ito ng matitinding bunga sa maraming henerasyon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na madama ang kahalagahan ng pagsunod sa mga propeta ng Panginoon.
Pagkabihag
Tingnan ang sumusunod na larawan. Ano kaya ang iniisip o nadarama ng taong ito?
Isipin kung anong mga naunang pagpili ang unti-unting humantong sa mga sitwasyong ito at kung bakit pinili ng taong ito ang mga iyon.
Ang paggawa ng masamang gawain ay maaaring mag-akay sa mga tao patungo sa espirituwal at pisikal na pagkabihag.
Pag-aaralan mo ngayon ang isang salaysay na makatutulong sa iyo na maunawaan ang isang mahalagang paraan para maiwasan ang espirituwal na pagkabihag. Sa iyong pag-aaral, bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu na makatutulong sa iyo na makita kung paano ipamumuhay ang natutuhan mo.
“Tunay na ang bagay na ito ay hahantong sa pagkabihag”
Nang makarating ang mga Jaredita sa lupang pangako, matapat nilang pinaglingkuran ang Panginoon at sila ay dumami at lumakas sa lupain (tingnan sa Eter 6:17–18). Nang malapit nang magwakas ang buhay ni Jared at ng kanyang kapatid, tinipon nila ang kanilang mga tao upang kausapin ang mga ito.
Basahin ang Eter 6:19–23, at alamin ang ninanais ng mga tao.
-
Anong babala ang ibinigay ng kapatid ni Jared sa mga tao sa talata 23?
Isipin na kunwari ay naroon ka nang ibigay ang babalang ito. Pag-isipan kung paano ka tutugon sa mga sitwasyong ito. Isipin kung ano ang nalalaman mo tungkol sa Diyos at sa Kanyang mga propeta at kung paano ito maaaring nakaimpluwensya sa iyong desisyon.
Natupad ang mga babala
Sa kabila ng babala ng kapatid ni Jared, pinili pa rin ng mga tao na magkaroon ng hari. Matapos tumanggi ang ilan sa kanilang mga anak na lalaki, sa huli ay pumayag ang anak ni Jared na si Orihas na maging hari at naghari siya nang may kabutihan sa buong buhay niya (tingnan sa Eter 6:24–29; 7:1). Gayunman, ang propesiya ng kapatid ni Jared na ang pagkakaroon ng hari ay hahantong sa pagkabihag ay natupad nang maraming beses sa buong kasaysayan ng mga Jaredita.
Basahin ang mga sumusunod na talata, at hanapin ang mga halimbawa kung paano natupad ang propesiya ng kapatid ni Jared. Maaari mong isulat ang mga reference na ito sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng Eter 6:23.
-
Ano ang pinakanapansin mo sa mga talatang ito?
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa salaysay na ito tungkol sa mga ibubunga ng hindi pagtanggap sa mga propeta ng Panginoon?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa salaysay na ito ay ang hindi pagtanggap sa mga propeta ng Panginoon ay maaaring humantong sa pagkabihag.
-
Ano ang ilang halimbawa ng kung paano maaaring makaranas ng pagkabihag ang isang tao sa pamamagitan ng pagbabalewala o pagtanggi sa mga propeta ng Panginoon?
-
Sa iyong palagay, bakit pinipili ng mga tao na balewalain ang payo at mga babala na ibinibigay ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta?
Payo sa makabagong panahon mula sa mga propeta ng Panginoon
Humanap ng mga payo o babala mula sa mga makabagong propeta at apostol. Maaaring magmula ang mga ito sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2022), o sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan. Tingnan kung makakakita ka ng mga partikular na salita o parirala na naglalarawan kung paano tayo pagpapalain kapag sinunod natin ang payong ito, gayundin ang mga ibubunga na maaari nating maranasan kapag binalewala natin ito.
Pagsasabuhay nito
Isipin kung paano ka tumutugon sa payo at mga babala ng mga propeta ng Panginoon, sa mga pagpapalang natanggap mo sa pagsunod sa mga ito, at sa payo na maaaring kailanganin mong sundin nang mas tapat.
Maaaring pinanghihinaan ng loob ang ilan kapag nakararanas sila ng mga bunga ng pagbalewala sa payo at mga babala ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Ngunit kahit nakagawa tayo ng mga pagkakamali, maililigtas tayo ng Tagapagligtas mula sa ating pagkabihag kapag bumaling tayo sa Kanya. Halimbawa, basahin ang Eter 7:25–27, at pansinin ang nangyari nang magsisi ang mga tao at bumalik sa Diyos.
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng passage na ito tungkol sa Panginoon? (tingnan din sa Mosias 7:33).
Para makakita ng isang halimbawa kung paano naranasan ng isang tao ang kaligtasan mula sa Panginoon matapos maranasan ang espirituwal na pagkabihag, maaari mong panoorin ang “Ang Kagyat na Kabutihan ng Diyos,” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 3:37 hanggang 6:33.