Seminary
Eter 12:1–22: Pagtanggap ng Patotoo sa Katotohanan


“Eter 12:1–22: Pagtanggap ng Patotoo sa Katotohanan,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Eter 12:1–22,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Eter 12:1–22

Pagtanggap ng Patotoo sa Katotohanan

mga dalagitang nag-aaral ng ebanghelyo

Ano ang nakatulong sa iyong mga pagsisikap na matutuhan ang espirituwal na katotohanan? Matapos isalaysay ang maraming taon ng kasaysayan ng mga Jaredita, ipinabatid ni Moroni ang paglilingkod ng propetang si Eter. Pagkatapos ay ibinahagi ni Moroni ang ilan sa mga pagpapalang nagmumula sa pagsampalataya kay Jesucristo, pati na kung paano tayo matutulungan ng pagsubok sa ating pananampalataya na makatanggap ng patotoo sa katotohanan. Layunin ng lesson na ito na matulungan kang sumampalataya upang makatanggap ng espirituwal na patotoo sa katotohanan.

“Paano mo nalaman?”

Ibinahagi ni Sister Rebecca L. Craven, Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency, ang sumusunod na karanasan niya habang kausap ang isang dalagita:

10:46
Sister Rebecca L. Craven

Nagkaroon ako ng magandang karanasan sa isang magiliw na dalagita na tapat na nagtanong: “Sister Craven, paano mo po nalaman na anumang tungkol sa Simbahan ay totoo? Kasi po wala akong nararamdaman.”

Bago ko siya sinagot, tinanong ko muna siya ng ilang bagay. “Ikuwento mo sa akin ang personal na pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan.”

Sagot niya, “Hindi po ako nagbabasa ng mga banal na kasulatan.”

Tanong ko, “Eh ang pamilya mo? “Nagbabasa ba kayo ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin nang sama-sama?”

Sabi niya, “Hindi po.”

Nagtanong ako tungkol sa pagdarasal niya: “Ano ang nadarama mo kapag nagdarasal ka?”

Sagot niya: “Hindi po ako nagdarasal.” (Rebecca L. Craven, “Gawin ang Pinakamahalaga,” Liahona, Mayo 2022, 62)

  • Batay sa iyong mga karanasan, ano ang maaari mong sabihin para matulungan ang dalagitang ito?

Isipin ang mga espirituwal na katotohanan na gusto mong makatanggap ka ng espirituwal na patotoo o ng mas malakas na patotoo tungkol dito. Maaari mong isulat ang mga ito sa iyong study journal. Sa pag-aaral mo ngayong araw, maghanap ng mga turo na makatutulong sa iyo na magkaroon ng espirituwal na patotoo o mapalakas ang iyong patotoo.

“Ang pagsubok sa inyong pananampalataya”

Habang patuloy na pinaiikli ni Moroni ang talaan ng mga Jaredita, ipinabatid niya ang paglilingkod ng propetang si Eter. Kahit isinilang si Eter sa pagkabihag at namuhay sa kalipunan ng mga taong hindi tumanggap sa mga propeta (tingnan sa Eter 11:20–23), siya ay namuhay nang matwid at tinawag siya ng Diyos na maging propeta.

Basahin ang Eter 12:2–5, at alamin kung paano tinanggap ng mga Jaredita ang pangangaral ni Eter.

  • Bakit ayaw paniwalaan ng mga tao ang mga salita ni Eter?

Basahin ang Eter 12:6, at alamin ang itinuro ni Moroni tungkol sa kung paano tayo magtatamo ng espirituwal na patotoo sa katotohanan.

icon ng doctrinal mastery Ang Eter 12:6 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa paraang madali mong mahahanap ang mga ito. Magkakaroon ka ng pagkakataon sa susunod na lesson na magsanay na gamitin ang doktrinang itinuturo sa passage na ito sa isang tanong o sitwasyon.

Ibinahagi ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang kahulugan ng pariralang pagsubok sa inyong pananampalataya:

2:3
Elder Richard G. Scott

Mas mabisa ninyong magagamit ang pananampalataya sa pagsunod sa alituntuning itinuro ni Moroni: “Ang pananampalataya ay mga bagay na inaasahan at hindi nakikita; kaya nga, huwag magtalu-talo dahil sa hindi ninyo nakikita, sapagkat wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya” [Eter 12:6; idinagdag ang pagbibigay-diin]. Sa gayon, sa tuwing susubukin ninyo ang inyong pananampalataya, ibig sabihin kikilos kayo nang marapat sa isang impresyon, tatanggapin ninyo ang nagpapatibay na patunay ng Espiritu. Ang mga damdaming iyon ang magpapalakas sa inyong pananampalataya. Kapag paulit-ulit ninyong ginagawa ang huwarang iyon, lalakas ang inyong pananampalataya. (Richard G. Scott, “The Sustaining Power of Faith in Times of Uncertainty and Testing,” Liahona, Mayo 2003, 76)

  • Ano ang natutuhan mo mula sa Eter 12:6 at sa pahayag na ito na makatutulong sa isang taong nagnanais na magkaroon ng espirituwal na patotoo o mas malakas na patotoo sa katotohanan?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa Eter 12:6 ay kung nais nating magkaroon ng espirituwal na patotoo, dapat muna tayong manampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Isinalaysay ni Sister Rebecca L. Craven kung paano siya sumagot sa dalagitang kausap niya:

10:46
Sister Rebecca L. Craven

Simple lang ang tugon ko sa kanya: “Kung may gusto kang malaman, mayroon kang kailangang gawin.”

Hindi ba totoo iyan sa anumang gusto nating matutuhan o malaman? Inanyayahan ko ang bago kong kaibigan na simulang gawin ang turo ng ebanghelyo ni Jesucristo: pagdarasal, pag-aaral, paglilingkod sa iba, at pagtitiwala sa Panginoon. Hindi darating ang pagbabalik-loob nang wala tayong ginagawa. Dumarating ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo habang sadya tayong nagsisikap na makaalam sa pamamagitan ng pagtatanong, paghahanap, at pagkatok. Dumarating ito sa pamamagitan ng paggawa. (Rebecca L. Craven, “Gawin ang Pinakamahalaga,” Liahona, Mayo 2022, 62)

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Sa iyong palagay, bakit ang pagsampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng ating paggawa ay mahalagang aspeto ng pagtanggap ng espirituwal na patotoo tungkol sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo?

    • Paano maaapektuhan ng pagpapamuhay ng ebanghelyo ng Tagapagligtas ang ating damdamin para sa Kanya?

Mga halimbawa ng pananampalataya

Isipin ang mga karanasan kung saan nakatanggap ka o ang iba ng espirituwal na patotoo dahil ipinamuhay mo ang ebanghelyo ng Tagapagligtas at sumampalataya ka sa Kanya.

Para makakita ng halimbawa ng isang taong napalakas dahil sa pananampalataya sa Tagapagligtas, panoorin ang “Pure and Simple Faith” (5:21), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

2:3

Sa patuloy na pagtuturo ni Moroni, nagbahagi siya ng maraming halimbawa ng mga taong pinagpala nang manampalataya ang mga ito kay Jesucristo.

Basahin ang Eter 12:7–22, at alamin kung paano pinagpala ng Panginoon ang mga taong ito na nanampalataya sa Kanya. Maaari mong markahan ang anumang halimbawa na kapansin-pansin para sa iyo.

icon, isulat
  1. Sagutin ang kahit isa sa mga sumusunod na tanong:

    • Alin sa mga halimbawang ito ng pananampalataya ang lubos na nagpahanga sa iyo? Bakit?

    • Paano makatutulong sa iyong personal na kalagayan ang isa o mahigit pang halimbawang pinag-aralan mo?

Isipin kung paano mo maipamumuhay ang natutuhan mo ngayon. Magsulat ng dalawa o tatlong gawain na magagawa mo para sumampalataya kay Jesucristo at matanggap o mapalakas ang iyong patotoo sa ebanghelyo ng Tagapagligtas.