“Moroni 2–3: Awtoridad ng Priesthood,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Moroni 2–3,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Moroni 2–3
Awtoridad ng Priesthood
Ang tunay na awtoridad ng priesthood mula sa Diyos ay mahalaga sa Simbahan ng Tagapagligtas. Sa ilan sa mga huling salita ni Moroni sa mga darating na henerasyon, nagturo siya tungkol sa awtoridad sa pagsasagawa ng mga ordenansa ng priesthood. Sa paggawa nito iningatan niya ang mahahalagang katotohanan kung paano ginagamit ang priesthood. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang awtoridad ng priesthood sa Simbahan ng Tagapagligtas.
May nawala ka na bang anumang mahalaga sa iyo? Noong panahon ng Malawakang Apostasiya, maraming malinaw at mahahalagang katotohanan ang nawala (tingnan sa 1 Nephi 13:26–29, 32). Ang Aklat ni Mormon ay tumutulong na maipanumbalik ang marami sa mga katotohanang iyon.
“Mahalaga”
Si Moroni ay isa sa mga huling maytaglay ng priesthood ng kanyang dispensasyon sa kontinente ng Amerika. Alam niya na kapag siya ay namatay, ang mahalagang kaalaman tungkol sa Simbahan ng Tagapagligtas at sa Kanyang awtoridad ng priesthood ay mawawala. Sa ilan sa kanyang huling salita, isinulat ni Moroni ang sa palagay niya ay “magiging mahalaga“ sa mga darating na salinlahi (Moroni 1:4). Sumulat siya tungkol sa awtoridad at mga ordenansa ng priesthood na makukuha lamang sa Simbahan ng Tagapagligtas.
Noong dalawin ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang mga Nephita, “hinawakan niya ng kanyang kamay ang mga disipulo na kanyang pinili” at “ibinigay sa kanila ang kapangyarihan na magkaloob ng Espiritu Santo” (3 Nephi 18:36–37). Isinama ni Moroni sa kanyang talaan ang ilan sa mga tagubilin ng Tagapagligtas sa labindalawang Nephitang disipulo hinggil sa pagbibigay ng kaloob na Espiritu Santo.
Awtoridad na ipagkaloob ang kaloob na Espiritu Santo
Basahin ang Moroni 2:1–3, at alamin ang itinuro ni Moroni na mahalaga.
-
Ano ang nakita mo sa mga talatang ito na sa palagay mo ay mahalaga?
-
Mula sa nalalaman mo na, anong awtoridad ng priesthood ang kailangan para maipagkaloob ang kaloob na Espiritu Santo?
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa Moroni 2?
Ang isang katotohanan ay ipinagkakaloob ng mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang kaloob na Espiritu Santo sa mga nabinyagang miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.
Pag-oorden sa iba sa mga katungkulan sa priesthood
Ang kasunod na ipinaliwanag ni Moroni ay kung paano mag-orden ng mga priest at teacher.
Basahin ang Moroni 3:1–4, at alamin kung paano inoorden ang mga indibiduwal sa mga katungkulan sa priesthood.
-
Ano ang napansin mo sa kung paano inoorden ang mga indibiduwal sa mga katungkulan sa priesthood?
Bagama’t partikular na binanggit sa Moroni 3 ang ordenasyon sa mga katungkulan sa priesthood ng mga saserdote at guro [priest at teacher], ang awtoridad ay para din sa lahat ng may tungkulin sa Simbahan ng Tagapagligtas.
-
Bakit mahalaga para sa mga taong naglilingkod sa Simbahan ng Tagapagligtas na magkaroon ng Kanyang awtoridad?
Ang awtoridad ng priesthood ay nagmumula kay Jesucristo. Bagama’t lahat ng may tungkulin sa Simbahan ay may awtoridad ng priesthood, ang mga inordenan sa mga katungkulan sa Aaronic o Melchizedek Priesthood ay may priesthood line of authority. Tinutunton sa line of authority na ito ang awtoridad ng isang maytaglay ng priesthood pabalik kay Jesucristo. Ang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay maaaring humiling ng rekord ng kanilang line of authority sa ChurchofJesusChrist.org. Hindi nagbibigay ang Simbahan ng rekord ng line of authority para sa mga maytaglay ng Aaronic Priesthood. Gayunman, kung ang isang maytaglay ng Aaronic Priesthood ay inorden ng isang maytaglay ng Melchizedek Priesthood, maaaring malaman niya ang line of authority ng taong nag-orden sa kanya.
Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang paggawa nang may banal na awtoridad ay nangangailangan ng higit pa sa simpleng kasunduan ng kalalakihan. Hindi ito malilikha ng pagsasanay na panrelihiyon o pagbibigay-karapatan ng kongregasyon. Hindi, sa awtorisadong gawain ng Diyos dapat mayroong kapangyarihan na mas mataas kaysa sa taglay na ng mga tao sa mga kongregasyon o sa kalye o sa seminaryo—isang katotohanan na alam na at hayagang inamin ng maraming matatapat na nagsaliksik sa relihiyon sa loob ng maraming henerasyon na nagbigay-daan sa Pagpapanumbalik. …
… [Ang linya ng awtoridad ng priesthood ng bawat maytaglay ng priesthood sa Simbahan] ay matutunton pabalik sa tuloy-tuloy na kawing sa mga nagministeryong anghel na galing sa Anak ng Diyos mismo, dala ang di-matatawarang kaloob na ito mula sa langit. (Jeffrey R. Holland, “Ang Ating Natatanging Katangian,” Liahona, Mayo 2005, 44)