“2 Nephi 27: ‘Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“2 Nephi 27,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
2 Nephi 27
“Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain”
Mag-isip ng mga pangyayaring ituturing mong kagila-gilalas at kung paano nakaapekto sa iyo at sa mga tao sa paligid mo ang mga pangyayaring ito. Nangako si Jesucristo na isasagawa ang kagila-gilalas na gawain ng pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo sa mundo, kabilang na ang Aklat ni Mormon, sa mga huling araw. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makadama ng higit na pasasalamat sa Panginoon para sa pagpapanumbalik ng Aklat ni Mormon sa mundo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Isang kagila-gilalas na bagay
Mag-isip ng isang taong gumawa ng isang bagay na kagila-gilalas para sa iyo o para sa isang taong kakilala mo.
-
Ano ang ginawa ng taong ito?
-
Ano ang nadama mo tungkol sa taong gumawa nito? Bakit?
Sa 2 Nephi 27, nagpatotoo ang Panginoon tungkol sa isang kagila-gilalas na bagay na gagawin Niya upang tulungan tayong madaig ang kasamaan at apostasiya sa mga huling araw. Habang nag-aaral ka, isipin kung paano nakaapekto ang natututuhan mo sa nadarama mo tungkol sa Panginoon.
Basahin ang 2 Nephi 27:25–26, at alamin ang ipinangako ng Panginoon na gagawin Niya.
Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson na “kasama sa kagila-gilalas na gawaing iyon ang paglabas ng Aklat ni Mormon at Pagpapanumbalik ng ebanghelyo” (“Mga Saksi sa mga Banal na Kasulatan,” Liahona, Nob. 2007, 46).
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa propesiyang ito ay isinagawa ng Panginoon ang isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain sa pamamagitan ng paglabas ng Aklat ni Mormon at Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo.
-
Ano ang nalalaman mo tungkol sa Aklat ni Mormon at sa ipinanumbalik na ebanghelyo na maaaring maging dahilan upang tukuyin mo ang mga ito bilang “kagila-gilalas”?
Ang Aklat ni Mormon: Isang kagilas-gilas at kamangha-manghang gawain
Malaking bahagi ng 2 Nephi 27 ay nakatuon sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Bago pag-aralan nang lubos ang kabanatang ito, isipin sandali ang sarili mong nadarama tungkol sa Aklat ni Mormon. Kagila-gilalas ba ito para sa iyo? Bakit oo o bakit hindi? Ano ang mga tanong mo? Sa iyong pag-aaral, maghanap ng mga turo na makatutulong sa iyo na mas malinaw na makita ang Aklat ni Mormon bilang isang “kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain.”
Ipinropesiya ni Nephi na darating ang Aklat ni Mormon upang tumulong sa paglutas sa mga problema sa mga huling araw (tingnan sa 2 Nephi 27:6). Isinulat din niya na pahihintulutan ng Diyos ang ilang saksi na makita ang mga lamina ng Aklat ni Mormon, at patotohanan ang katotohanan ng aklat sa mundo (tingnan sa 2 Nephi 27:12–14). Pagkatapos ay nagbahagi si Nephi ng isang propesiya tungkol sa ilan sa mga detalyeng nauugnay sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon.
Propesiya tungkol sa dapat gawin ng lalaki (2 Nephi 27:15–19) |
Ang pangalan ng lalaking tumupad sa propesiya (Joseph Smith—Kasaysayan 1:63–65) | |
---|---|---|
Unang lalaki (“hindi marunong”) | ||
Pangalawang lalaki (“ibang tao”) | ||
Pangatlong lalaki (“marunong”) |
-
Sa iyong palagay, bakit ginamit ng Panginoon si Joseph Smith, na isang taong hindi marunong, upang ilabas ang Aklat ni Mormon?
Basahin ang 2 Nephi 27:20–23, at alamin ang mga dahilan kung bakit pinili ng Diyos ang isang taong hindi marunong upang isalin ang Aklat ni Mormon.
-
Ano ang nalaman mo tungkol sa Panginoon mula sa mga talatang ito? Paano makakaimpluwensya sa iyo ang mga bagay na ito na nalaman mo tungkol sa Kanya?
-
Paanong naging katibayan ang paglabas ng Aklat ni Mormon sa pahayag ng Panginoon na “May kakayahan akong gawin ang aking sariling gawain”? (talata 21).
Si Emma Smith (1804–1879), ang asawa ng Propeta, ay nagpatotoo tungkol sa banal na tulong na natanggap ni Joseph sa kanyang pagsasalin ng Aklat ni Mormon:
Si Joseph ay hindi makasulat ni makadikta ng malinaw at maayos na liham; lalo na ang makadikta ng isang aklat na gaya ng Aklat ni Mormon. At, bagama’t naging bahagi ako ng mga nangyari, … kagila-gilalas ito sa akin, “kagila-gilalas at kamangha-mangha.” …
Naniniwala ako na ang Aklat ni Mormon ay totoong galing sa Diyos—wala ako ni katiting na pagdududa tungkol dito. … Imposible itong magawa ng isang taong may pinag-aralan; at, para sa isang taong napakaignorante at walang pinag-aralan na tulad niya, imposible talaga. (Emma Smith, sa “Last Testimony of Sister Emma,” The Saints’ Herald, Okt. 1, 1879, 290)
-
Batay sa natutuhan mo ngayon, paano naging “kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain” ang paglabas ng Aklat ni Mormon?
-
Paano nakakaapekto sa nadarama mo tungkol sa Panginoon ang kaalamang binigyan Niya tayo ng pagpapalang ito?
-
Ano ang mga naranasan mo o ng ibang tao na nagpapakita kung gaano kagila-gilalas ang Aklat ni Mormon?
Upang makita kung gaano kagila-gilalas ang Aklat ni Mormon, maaari mong panoorin ang “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” mula sa time code na 5:38 hanggang 11:26. Ang video na ito ay matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Sa simula ng lesson, hiniling sa iyo na isipin ang nadarama mo tungkol sa Aklat ni Mormon. Isipin kung naapektuhan ng alinman sa mga katotohanang napag-aralan mo ngayon ang iyong patotoo tungkol sa sagradong aklat na ito. Sa iyong study journal, itala ang anumang saloobin o impresyon na natanggap mo, gayundin ang mga gagawin mo sa hinaharap na nadama mong dapat mong gawin.