Seminary
2 Nephi 28:1–26: Pagtukoy at Pagdaig sa mga Taktika ni Satanas


“2 Nephi 28:1–26: Pagtukoy at Pagdaig sa mga Taktika ni Satanas,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“2 Nephi 28:1–26,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 28:1–26

Pagtukoy at Pagdaig sa mga Taktika ni Satanas

kabataang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

May tiwala ka ba sa kakayahan mong matukoy ang mga pag-uudyok ni Satanas na ilayo ka sa Tagapagligtas? Tinukoy ni Nephi ang ilan sa mga maling ideya at istratehiya na gagamitin ni Satanas upang tangkaing ilayo ang mga tao sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa mga huling araw. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang matukoy ang mga tusong taktika ni Satanas at hingin ang tulong ng Tagapagligtas upang madaig ang mga ito.

Paghikayat sa mga mag-aaral na magtiwala kay Jesucristo. Gamitin ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na si Jesucristo ay may kapangyarihang tulungan sila. Maaari silang manampalataya sa Kanya upang madaig ang mga tukso, magsisi sa kasalanan, at magtiis sa mga pagsubok.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang bahaging “Mga Cheetah at Topi” ng mensaheng “Maging Alisto at Patuloy na Manalangin” ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol (Liahona, Nob. 2019, 32). O maaaring anyayahan ang mga estudyante na panoorin ang “Maging Alisto at Patuloy na Manalangin” mula sa time code na 1:27 hanggang 5:00, at alamin kung paano makapagtuturo ng mahahalagang katotohanan tungkol sa mga taktika ni Satanas ang nalalaman mo tungkol sa mababangis na hayop. Ang video na ito ay mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org.

8:19
2:3

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga layunin ni Satanas

Maaari mong simulan ang lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na pahayag:

Patuloy tayong nakikidigma laban sa kasamaan. Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) kung paano tayo matutulungan ng Aklat ni Mormon sa digmaang ito:

Inilalantad ng Aklat ni Mormon ang mga kaaway ni Cristo. Nililito nito ang mga maling doktrina at inaalis ang pagtatalo. (Tingnan sa 2 Nephi 3:12.) Pinatitibay nito ang mapagkumbabang mga disipulo ni Cristo laban sa masasamang balak, mga estratehiya, at mga doktrina ng diyablo sa ating panahon. (Ezra Taft Benson, “The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Ene. 1988, 3)

  • Sa anong mga paraan mo nakikita na ginagawa ng Aklat ni Mormon ang ilan sa mga bagay na ito na itinuro ni Pangulong Benson?

Sa iyong pag-aaral, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na mas makilala at madaig ang mga tusong taktika ni Satanas.

Mga maling turo at estratehiya ni Satanas

Depende sa mga pangangailangan at kakayahan ng mga estudyante, maaaring makatulong na bigyan ng oras ang mga estudyante na basahin nang mag-isa ang buong 2 Nephi 28 bago talakayin ang kabanata bilang isang klase. Maaaring ilista ng mga estudyante ang sumusunod habang pinag-aaralan nila ang: mga estratehiya at maling turo ni Satanas, mga halimbawa ng mga estratehiya at maling turong iyon sa ating panahon, at mga turo na makatutulong sa atin na mapaglabanan ang mga tukso ni Satanas. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila mula sa kanilang pagbabasa. Kung pipiliin mo ang opsiyong ito, maaari mong iangkop ang sumusunod na materyal ng lesson upang matulungan ang mga estudyante na maproseso at maipamuhay ang natutuhan nila.

Sa 2 Nephi 28, ipinagpatuloy ni Nephi ang kanyang propesiya sa mga huling araw. Basahin ang 2 Nephi 28:5–9, at alamin ang ilan sa mga turo at pag-uugali na nakita ni Nephi na iiral sa ating panahon.

  • Anong katibayan ng mga turo at pag-uugaling ito ang nakikita mo sa ating panahon?

  • Paano naging panganib sa espirituwal ang masasamang turo sa mga talatang ito at ang pag-uugali ng mga taong naniniwala sa mga ito?

Ang mga talatang ito ay kumakatawan sa ilan sa mga pag-uugali at paniniwala na bunga ng mga panlilinlang ni Satanas. Ipinagpatuloy ni Nephi ang kanyang mga turo sa pamamagitan ng pagtukoy sa partikular na mga estratehiyang gagamitin ni Satanas upang tangkaing hawakan tayo gamit ang kanyang kapangyarihan.

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Hangad ni Satanas na hawakan tayo gamit ang kanyang mga walang hanggang tanikala sa pamamagitan ng …

Basahin ang 2 Nephi 28:19–22, at alamin ang mga turo na makatutulong sa iyo para makumpleto ang pahayag na ito:

  • Batay sa natutuhan mo mula sa mga talatang ito, ano ang ilang paraan na makukumpleto mo ang pahayag na: Hangad ni Satanas na hawakan tayo gamit ang kanyang mga walang hanggang tanikala sa pamamagitan ng …?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang mga parirala na maaaring kumumpleto sa pahayag na: Hangad ni Satanas na hawakan tayo gamit ang kanyang mga walang hanggang tanikala sa pamamagitan ng … Narito ang ilan sa mga turo na maaaring natukoy ng mga estudyante:

  • pagpukaw sa mga tao na magalit laban sa yaong bagay na mabuti,

  • pagpapayapa at pag-akay sa mga indibiduwal tungo sa mahalay na katiwasayan, at

  • pagsasabi sa mga tao na walang impiyerno at walang diyablo.

Maaaring makatulong na malaman na ang pariralang “dahan-dahan silang aakayin tungo sa mahalay na katiwasayan” (talata 21) ay tumutukoy sa mga ginagawa ni Satanas na gawing komportable ang mga tao sa kanilang makasalanang kalagayan at na hindi na nila kailangang magbago.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan pa kung ano ang mangyayari kapag ginamit ni Satanas ang bawat isa sa mga estratehiyang ito ngayon. Maaari mong ibahagi ang mga sumusunod na sitwasyon at sabihin sa mga estudyante na tukuyin kung alin sa mga taktika ni Satanas mula sa mga talata 20–22 ang inilalarawan sa bawat sitwasyon.

  1. Nagdesisyon si Maria na mandaya sa kanyang assignment sa paaralan upang makakuha siya ng mataas na puntos. Noong una ay nakonsensiya siya, ngunit napag-isip-isip niya na hindi naman siya nahuli at sa huli ay nandaya na rin siya sa iba pang assignment. Ngayon, sa palagay niya, ang pagiging hindi tapat ay makatutulong sa kanya na makuha ang gusto niya sa buhay.

  2. Napansin ni Jude na kapag nagbabasa siya ng mga post sa social media tungkol kay Jesucristo o sa Simbahan, kadalasan ay maraming negatibong komento na umaatake sa Simbahan o sa mga taong naniniwala sa Tagapagligtas.

  3. Si Skye ay may ilang kaibigan na sinusubukang hikayatin siya na ibaba ang kanyang mga pamantayan. Ikinatwiran nila na dahil walang buhay pagkatapos ng kamatayan, walang katuturan ang mag-alala tungkol sa isang lugar kung saan pupunta ang mga tao upang managot sa tinatawag nila na mga kasalanan.

  • Ano ang iba pang mga halimbawa na maiisip mo na nagpapakita ng mga estratehiya ni Satanas na nakalista sa mga talata 20–22?

Isipin ang sarili mong buhay. Pakiramdam mo ba ay naaapektuhan ka ng alinman sa mga estratehiya ni Satanas na nalaman mo? Maaari mong isulat sa iyong study journal ang mga saloobin mo. Habang patuloy kang nag-aaral, alamin kung paano ka matutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na madaig ang mga panlilinlang ni Satanas sa iyong buhay.

Pagbaling sa Ama sa Langit at kay Jesucristo upang madaig si Satanas

Madaraig natin si Satanas at ang kanyang mga panlilinlang kapag umasa tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Isulat ang sumusunod na heading sa iyong study journal: “Paano ako tinutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na madaig si Satanas.”

Maaari mong isulat sa pisara ang pariralang ito. Matapos makumpleto ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral, maaari nilang isulat sa pisara ang isa o mahigit pa sa mga reperensyang banal na kasulatan na nahanap nila. Maaari ninyong basahin ang ilan sa mga scripture passage na ito bilang isang klase at sabihin sa mga estudyante na i-update ang sarili nilang listahan batay sa natutuhan nila mula sa kanilang mga kaklase.

Maghanap ng mga scripture passage o turo mula sa mga lider ng Simbahan na makatutulong sa iyong mga pagsisikap na madaig si Satanas. Isulat ang mga nalaman mo sa iyong study journal.

Maaari mong pag-aralan ang ilan sa mga reperensyang banal na kasulatan na nakalista sa ilalim ng “Tukso, Panunukso” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Maaari mo ring pag-aralan ang mga turo ni Nephi sa 2 Nephi 28:17, 26–32. Kabilang sa iba pang makatutulong na scripture passage ang 1 Nephi 15:24; Helaman 5:12; at 3 Nephi 18:15, 18.

  • Paano makatutulong sa iyo ang mga turo mula sa mga lider ng Simbahan at mga scripture passage na nalaman mo upang madaig ang mga estratehiya ni Satanas na natukoy mo kanina sa lesson?

Pagnilayan ang iyong mga karanasan sa pag-aaral ngayon. Maglaan ng ilang sandali upang gumawa ng plano batay sa nadarama mo na nais ng Panginoon na gawin mo upang mas maprotektahan ang iyong sarili laban sa mga taktika ni Satanas. Isulat ang planong ito sa iyong study journal. Magkakaroon ka ng pagkakataong gawing reperensya ang planong ito sa susunod na lesson na “I-assess ang Iyong Pagkatuto.”