Seminary
Doctrinal Mastery: 2 Nephi 28:30—“Taludtod sa Taludtod, ng Tuntunin sa Tuntunin”


“Doctrinal Mastery: 2 Nephi 28:30—‘Taludtod sa Taludtod, ng Tuntunin sa Tuntunin,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“Doctrinal Mastery: 2 Nephi 28:30,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

Doctrinal Mastery: 2 Nephi 28:30

“Taludtod sa Taludtod, ng Tuntunin sa Tuntunin”

kabataang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Sa nakaraang lesson, “2 Nephi 28:27–32,” napag-aralan mo ang 2 Nephi 28:30 at natutuhan mo na inihahayag ng Diyos ang katotohanan nang taludtod sa taludtod sa mga taong handang tanggapin ito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa 2 Nephi 28:30, maipaliwanag ang doktrina, at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga makatotohanang sitwasyon.

Pagtulong sa mga estudyante na maunawaan at maisaulo ang mga doctrinal mastery scripture passage. Tiyakin na alam ng mga estudyante ang resources na makatutulong sa kanila na maunawaan at maisaulo ang mga doctrinal mastery scripture passage. Kabilang sa resources na ito ang Doctrinal Mastery mobile app at ang Doctrinal Mastery Core Document (2022), na naglalaman ng listahan ng mga doctrinal mastery reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong ipasaulo sa mga estudyante ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan na “2 Nephi 28:30: Ang Diyos ay ‘magbibigay sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin.’”

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang doctrinal mastery passage lesson na ito ay ginawa upang maituro pagkatapos ng lesson na “2 Nephi 28:27–32,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na 2 Nephi 28:30. Kung kailangang ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggong iyon.

Isaulo at ipaliwanag

Gamitin ang mga sumusunod na aktibidad o iba pang epektibong paraan upang matulungan ang mga estudyante na maisaulo ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa 2 Nephi 28:30 at maipaliwanag ang mga katotohanang matatagpuan sa scripture passage na ito.

Sa pisara, gumuhit ng apat na pahalang na linya na mukhang hagdanan.

mga hiwa-hiwalay na linya

Sabihin sa apat na estudyante na magsulat sa pisara ng tig-isang bahagi ng parirala ng banal na kasulatan tulad ng nakikita sa ibaba. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang hagdanan ay makapagpapaalala sa atin kung paano tayo tinuturuan ng Diyos nang “taludtod sa taludtod.”

mga hiwa-hiwalay na linya na may teksto

Sabihin sa mga estudyante na ulitin ang reperensya at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan kasama ang kapartner hanggang sa mabigkas nila ang mga ito nang walang kopya. Habang nagsasanay ang mga estudyante, maaari kang magbura ng mga parirala sa pisara upang matulungan silang magsaulo.

Sa nakaraang lesson na “2 Nephi 28:27–32,” natutuhan mo na inihahayag ng Diyos ang katotohanan nang taludtod sa taludtod sa mga taong tatanggap nito. Upang matulungan kang maghandang ipaliwanag ang katotohanang ito, pagnilayan ang mga sumusunod na tanong at pagkatapos ay kumpletuhin ang sumusunod na aktibidad sa pagsusulat:

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “taludtod sa taludtod”?

  • Sa iyong palagay, paano tayo inihahanda ng pagtanggap ng katotohanang ibinigay na sa atin ng Diyos upang makatanggap pa tayo ng katotohanan?

Pumili ng isa sa mga sitwasyong ito kung saan maaaring kailanganin ng isang tao ng tulong mula sa Diyos:

  1. Nangangailangan ng payo tungkol sa isang hamon na kinakaharap nila.

  2. Nagnanais magkaroon ng mas matibay na ugnayan sa Tagapagligtas.

  3. Nagnanais na maunawaan ang kanilang patriarchal blessing.

Magsulat ng maikling paliwanag tungkol sa natutuhan mo mula sa 2 Nephi 28:30 na makatutulong sa sitwasyong pinili mo.

Sabihin sa mga estudyante na gumawa nang magkakapartner o sa maliliit na grupo at talakayin ang kanilang paliwanag sa mga sitwasyong pinili nila.

Lumibot sa klase at magbigay ng tulong kung kinakailangan. Pagkatapos ng aktibidad na ito, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga paliwanag nila sa klase.

Pagsasanay ng pagsasabuhay

Tulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Maaari mong ipaalala sa kanila ang unang alituntunin (kumilos nang may pananampalataya) at sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng mga salita o parirala na naglalarawan ng natutuhan natin mula sa alituntuning iyon. Ulitin ito sa dalawa pang alituntunin. Kung kinakailangan, rebyuhin ang mga alituntuning ito sa mga talata 5–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022).

Basahin ang sumusunod na dalawang sitwasyon tungkol sa mga kabataan mula sa iisang ward na dumalo sa isang pulong sa pag-aayuno at pagpapatotoo. Ang bawat isa ay may iba’t ibang saloobin sa pagpupulong.

Hatiin sa dalawang grupo ang klase at i-assign ang isang sitwasyon sa bawat grupo. Ipakita ang mga sitwasyon at ang mga tanong sa ilalim ng bawat isa sa mga sumusunod na alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman, o bigyan ang bawat grupo ng kopya ng mga ito na gagamitin sa kanilang talakayan.

Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng ibang sitwasyong nauugnay sa 2 Nephi 28:30. Sabihin sa kanila na gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ang doktrina mula sa 2 Nephi 28:30 upang makatulong sa sitwasyong ginawa nila.

  1. Nagsimulang mag-isip si Thomas kung ano ang mali sa kanya. Naniniwala siya sa Diyos at naniniwala siya na totoo Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ngunit pakiramdam niya ay mahina ang kanyang patotoo kumpara sa iba pang mga miyembro ng ward. Iniisip niya kung posible pang malaman niya ang lahat ng bagay na pinapatotohanan ng iba.

  2. Sa kalagitnaan ng pulong, huminto si Liz sa pagtutuon ng pansin sa mga patotoo. Iniisip niya, “Narinig ko na ang lahat ng sinasabi nila, at alam ko nang totoo ang lahat ng ito.” Hindi rin niya gaanong hinangad na basahin ang mga banal na kasulatan at dumalo sa seminary dahil pakiramdam niya ay sapat na ang kanyang patotoo.

Ilarawan kung paano mo gagamitin ang bawat isa sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman upang tulungan si Thomas o Liz sa kanilang sitwasyon. Kung kinakailangan, ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa iyo.

Kumilos nang may pananampalataya

Basahin ang talata 7 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document.

  • Ano ang maibabahagi mo mula sa talatang ito upang matulungan si Thomas o Liz na kumilos nang may pananampalataya?

  • Paano makatutulong kay Thomas o Liz ang mga katotohanan mula sa 2 Nephi 28:30 sa pagkilos nila nang may pananampalataya?

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

  • Gamit ang natutuhan mo mula sa 2 Nephi 28:30, ano ang maibabahagi mo upang matulungan si Thomas o Liz na makita ang kanilang sitwasyon nang higit na katulad ng nakikita ng Panginoon?

  • Ano pang mga katotohanan ang maibabahagi mo upang matulungan silang makita ang kanilang mga alalahanin nang may walang-hanggang pananaw?

  • Ano ang nalalaman mo tungkol sa Diyos na makatutulong sa kanila na makita ang kanilang sarili tulad ng kung paano Niya sila nakikita?

Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos

  • Bakit makatutulong kay Thomas o Liz na kausapin ang kanilang mga magulang o lider ng simbahan tungkol sa kanilang mga saloobin?

  • Anong mga talata o kuwento sa banal na kasulatan ang maiisip mo na makatutulong sa kanila?

Pagkaraan ng ilang sandali, sabihin sa mga estudyante na lumibot sa silid-aralan, maghanap ng isang taong nag-aral ng ibang sitwasyon, at ibahagi ang natutuhan nila. Pagkatapos ay sabihin sa ilang boluntaryo na ibahagi sa klase ang isinulat nila.

Pagrerebyu ng doctrinal mastery

Sa darating na mga lesson, tulungan ang mga estudyante na pag-aralan sandali ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa 2 Nephi 28:30. Ang isang paraan upang magawa ito ay ulitin ang aktibidad mula sa lesson na ito, gumuhit ng apat na pahalang na linya sa pisara at sabihin sa mga estudyante na isulat ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan nang walang kopya. Tulungan ang mga estudyante kung kinakailangan. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ulitin ang reperensya at mahalagang parirala nang ilang beses hanggang sa maisaulo nila ito.