Seminary
Enos: Ang Pananampalataya kay Jesucristo ay Makapagdudulot ng Kapatawaran sa mga Kasalanan


“Enos: Ang Pananampalataya kay Jesucristo ay Makapagdudulot ng Kapatawaran sa mga Kasalanan,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“Enos,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

Enos

Ang Pananampalataya kay Jesucristo ay Makapagdudulot ng Kapatawaran sa mga Kasalanan

Larawan
Nananalangin si Enos

Naisip mo na ba kung paano makatatanggap ng kapatawaran sa iyong mga kasalanan? Si Enos, na anak ni Jacob at apo ni Lehi, ay nanalangin sa Diyos “sa mataimtim na panalangin” (Enos 1:4) para sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang manampalataya kay Jesucristo at magsisi upang makatanggap ng kapatawaran.

Panalangin. Bilang bahagi ng paghahandang magturo ng mga lesson, maaari kang manalangin sa Ama sa Langit, at humiling sa Kanya na tulungan ang iyong mga estudyante. Angkop na ipagdasal na malaman nila kung ano ang gagawin upang mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at tulungan silang makinig sa mga impresyong mula sa Espiritu Santo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Enos 1:1–8 bago magklase, at pagnilayan ang nadama ni Enos at ang natutuhan niya tungkol sa Panginoon at nang mapatawad siya sa kanyang mga kasalanan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano kaya nabago ng karanasang ito ang buhay ni Enos.

Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pag-isipan kung ano ang kahulugan ng pagpapatawad para sa iyo

Maaari mong gawin ang sumusunod na aktibidad upang matulungan ang mga estudyante na maghandang pag-aralan ang tungkol kay Enos at sa pagpapatawad.

Kunwari ay may kaibigan ka na nagtatanong sa iyo tungkol sa pagsisisi at pagpapatawad. Isipin kung paano mo sasagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano mo malalaman kung kailangan mong mapatawad para sa isang bagay?

  • Paano ka makatatanggap ng kapatawaran para sa mga kasalanan?

  • Paano malalaman ng isang tao kung napatawad na sila matapos nilang sikaping magsisi?

Isipin kung ano ang sasabihin mo sa iyong kaibigan. Isipin ang nalalaman mo at naranasan mo nang humingi ka ng kapatawaran, gayundin ang gusto mong mas malaman.

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang maaaring sabihin nila.

Sa pag-aaral mo ng salaysay ni Enos sa lesson na ito, alamin kung ano ang ginawa niya upang matamo ang kapatawaran ng kanyang mga kasalanan at kung paano ito maiaangkop sa iyong buhay.

Ang pagpapatawad ay nagsisimula sa taimtim na pakikipag-usap mo sa Diyos

Si Enos, ang anak ni Jacob at apo ni Lehi, ay nanalangin sa Diyos “sa mataimtim na panalangin” para sa kapatawaran ng mga kasalanan.

Basahin ang Enos 1:1–8 at markahan ang mga salita at parirala na tutulong sa iyo na mas maunawaan kung paano humingi at magtamo ng kapatawaran.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang mga parirala na nakatawag ng pansin nila.

Ang pag-uukol ng oras upang pagnilayan ang mahahalagang parirala ay maaaring makatulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Nagbibigay-daan ito sa Espiritu Santo na bigyang-inspirasyon ka nang may higit na pang-unawa. Sa pagninilay, maaari mong isipin kung ano ang kahulugan ng parirala at hanapin ang anumang salita na gusto mong mas maunawaan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Maaari mong pagnilayan kung bakit ginamit ni Enos ang isang parirala at kung nakaranas ka na ng anumang bagay na katulad nito.

Pumili ng ilan sa mga sumusunod na parirala o iba pang natukoy mo at maglaan ng oras upang pagnilayan kung ano ang matututuhan mo mula sa mga ito.

Maaari mong idagdag sa pisara ang alinman sa mga sumusunod na parirala. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang mga pariralang ito, maaari kang magbigay ng mga follow-up na tanong na tulad ng “Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Enos sa pariralang ‘ang aking kaluluwa ay nagutom’?” “Bakit ang pagninilay sa mga turo hinggil sa buhay na walang hanggan at kagalakan ng mga Banal ay maaaring maging dahilan upang magutom ang kaluluwa ng isang tao?” “Bakit nakadarama tayo ng espirituwal na kahungkagan dahil sa kasalanan?” “Bakit ang salitang pakikipagtunggali ay magandang salita upang ilarawan ang ating pagsisikap na magsisi?”

  • “Ang pakikipagtunggaling aking ginawa sa harapan ng Diyos” (talata 2)

  • “Tumimo nang malalim sa aking puso” (talata 3)

  • “Ang aking kaluluwa ay nagutom” (talata 4)

  • “Mataimtim na panalangin at hinaing” (talata 4)

  • “Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na” (talata 5)

  • “Ang aking pagkakasala ay napalis” (talata 6)

  • “Panginoon, paano ito nangyari?” (talata 7)

  • “Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo” (talata 8)

Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante at anyayahan sila na ibahagi ang natututuhan nila. Maaari nilang sagutin nang magkasama ang mga sumusunod na tanong:

  • Anong mga salita o parirala ang nakatawag sa inyong pansin? Bakit?

  • Ano ang natutuhan ninyo nang pagnilayan ninyo ang mga pariralang ito?

  • Ano sa palagay ninyo ang itinuturo ng Diyos sa inyo mula sa karanasan ni Enos?

Kung sinagot ng mga estudyante ang mga tanong na ito sa maliliit na grupo, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang natutuhan nila o kung ano ang nagustuhan nila na narinig nila mula sa kanilang kapartner. Habang nagbabahagi sila ng mga totoong alituntunin, maaari mong isulat ang mga ito sa pisara.

Kung nahihirapan ang mga estudyante na magbahagi ng mga katotohanan, maaari kang magtanong ng tulad ng sumusunod: “Anong dahilan ang ibinigay ni Enos kaya napalis ang kanyang pagkakasala?” “Ano ang natutuhan ni Enos mula sa Panginoon tungkol sa dahilan kung bakit siya pinatawad sa kanyang mga kasalanan?”

Ang isang mahalagang alituntunin na natutuhan natin kay Enos ay kapag nagsisi tayo at nanampalataya kay Jesucristo, mapapatawad tayo sa ating mga kasalanan, at mapapagaling tayo. Maaari mong isulat sa iyong study journal ang alituntuning ito.

Basahin ang sumusunod na pahayag mula kay Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Kapag tunay tayong nagsisi, aalisin ni Cristo ang bigat ng pang-uusig ng budhi dahil sa ating mga kasalanan. Malalaman natin sa sarili natin na napatawad na tayo at naging malinis. Pagtitibayin ito sa atin ng Espiritu Santo; Siya ang Tagapagdalisay. Wala nang patotoo tungkol sa pagpapatawad ang hihigit pa rito. (Dieter F. Uchtdorf, “Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Liahona, Mayo 2007, 101)

Kung isinulat ng mga estudyante ang alituntunin sa kanilang study journal, maaari mong sabihin sa kanila na bilugan ang bahagi ng alituntunin na gusto nilang mas maunawaan. Pagkatapos ay ipabahagi sa kanila ang binilugan nila. Sabihin sa iba pang mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila na maaaring makatulong sa kanilang mga kaklase. Maaari silang gumamit ng mga banal na kasulatan, karanasan, o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan upang tumulong. Maaari ding makatulong ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano sa palagay ninyo ang mangyayari kung susubukan ng isang tao na humingi ng kapatawaran nang hindi nagsisisi at nananampalataya kay Jesucristo? Bakit?

  • Ano ang ilang paraan kung paano sinikap ni Enos na magsisi at manampalataya kay Jesucristo?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mapagaling?

Maaaring makatulong na makita kung anong mga tanong mula sa sitwasyon sa simula ng lesson ang masasagot mo gamit ang salaysay ni Enos.

Maaari tayong magkaroon ngayon ng mga karanasan tulad ni Enos

Karamihan sa mga tao ay hindi nakatatanggap ng kapatawaran sa gayong agaran o nakaaantig na paraan tulad ni Enos. Gayunman, kapag hinangad nating manampalataya kay Jesucristo at magsisi tulad ng ginawa ni Enos, tayo ay makatatanggap din ng kapatawaran at mapapagaling.

Tulungan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano sila mananampalataya kay Jesucristo at magsisisi. Maaari mong ipakita ang mga ideyang ito o ang iba pang maiisip mo upang matulungan ang mga estudyante.

  • Isipin kung ano ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo at sa hangarin Niyang magpatawad at tumulong sa iyo. Ano sa palagay mo ang nais Niyang gawin mo upang manampalataya ka sa Kanya at magsisi?

  • Isipin ang huling pagkakataon na nadama mong nanampalataya ka kay Jesucristo at nagsisi. Nangyari ba ito kamakailan? Bakit oo o bakit hindi?

  • Isiping magplano ng oras upang manalangin nang may mas malaking pananampalataya kay Jesucristo. Paano mo gagawing mas taimtim ang pagdarasal mo kaysa sa karaniwang ginagawa mo? Paano mo maipapakita na ninanais mong mapatawad ka ng Panginoon tulad ni Enos?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga impresyon at patotoo tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo at kung ano ang natutuhan nila mula kay Enos. Maaari mo ring ibahagi ang iyong mga saloobin at patotoo.

Print