Seminary
Mga Salita ni Mormon: “Para sa Isang Matalinong Layunin”


“Mga Salita ni Mormon: ‘Para sa Isang Matalinong Layunin,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“Mga Salita ni Mormon,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

Mga Salita ni Mormon

“Para sa Isang Matalinong Layunin”

isang lalaking nagsusulat sa mga laminang ginto

Napagpala ka na ba ng maagang paghahanda ng ibang tao? Paano nakaapekto ang kanyang paghahanda sa iyong karanasan? Natuklasan ni Mormon ang maliliit na lamina ni Nephi matapos siyang makagawa ng pinaikling bahagi ng mga talaan ng mga Nephita. Sa patnubay ng Espiritu ng Panginoon, isinama ni Mormon ang maliliit na lamina “para sa isang matalinong layunin,” ayon sa kalooban ng Panginoon (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:3–7). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makadama ng katiyakan na alam ng Panginoon ang lahat ng bagay at ang Kanyang gawain ay maisasakatuparan.

Magtanong ng mga bagay na nag-aanyaya ng pakikilahok. Ang mga epektibong tanong ay makatutulong sa mga estudyante na makibahagi sa lesson at makipag-ugnayan sa isa’t isa. Ang mabisang pagtatanong ay maaari ding makahikayat sa mga estudyante na anyayahan ang Espiritu Santo sa kanilang karanasan sa pagkatuto habang ginagamit nila ang kanilang kalayaang pumili at ginagawa nila ang kanilang responsibilidad sa proseso ng pagkatuto. Magtanong ng mga bagay na aantig sa puso’t isipan.

Paghahanda ng estudyante: Maaaring itanong ng mga estudyante sa isang magulang o lider ng Simbahan kung paano sila ginabayan o pinagpala sa pagtugon sa isang espirituwal na impresyon o pahiwatig.

Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga paniniwala tungkol sa Diyos

Maaari mong ipasagot sa mga estudyante ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal o maaari kang gumamit ng isang anonymous digital polling app upang matipon ang mga sagot ng mga estudyante.

Gamit ang scale na 0–5 (0 = Hindi ako naniniwala, 5 = Lubos akong naniniwala), maglaan ng ilang sandali para i-rate nang buong katapatan ang antas ng iyong paniniwala para sa bawat isa sa mga sumusunod na pahayag:

  • Naniniwala ako sa Diyos.

  • Naniniwala ako na alam Niya ang lahat ng bagay at nasa Kanya ang lahat ng kapangyarihan.

  • Naniniwala ako na naghahanda Siya ng paraan upang magtagumpay ako sa buhay ko.

  • Pakiramdam ko ay mapagkakatiwalaan ko ang mga payo at pahiwatig na ibinibigay Niya sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Maaaring makatulong na pagnilayan kung bakit gayon ang iyong paniniwala.

Sa pag-aaral mo ngayon, alamin ang mga katotohanan na maaaring makadagdag o makatiyak sa iyo sa iyong paniniwala at tiwala sa Diyos, sa Kanyang kapangyarihan, at kung paano Niya isinasakatuparan ang Kanyang gawain.

Pagpapaikli ni Mormon sa mga lamina

si Mormon na nagsusulat sa mga laminang ginto

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na impormasyon sa sarili mong mga salita:

Isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng maging propetang si Mormon, na nabuhay halos 1,000 taon matapos lisanin ng pamilya ni Lehi ang Jerusalem. Isa siya sa mga huling tagapag-ingat ng mga talaan ng mga Nephita at pinaikli niya ang isang milenyo ng kasaysayan ng mga Nephita sa iisang set ng mga lamina. Paano kayo magpapasya kung aling mga pangyayari ang isasama at alin ang hindi isasama?

Nang ang kanyang gawain sa pinaikling talaan ng mga lamina ng mga Nephita ay nakarating sa panahon ni Haring Benjamin, may mahalagang natuklasan si Mormon. Naglagay siya ng maikling paliwanag tungkol sa kanyang karanasan sa aklat na may pamagat na Mga Salita ni Mormon.

Basahin ang Mga Salita ni Mormon 1:3–6, at hanapin ang nalaman ni Mormon at kung ano ang ginawa niya dahil dito.

Maaaring makatulong na malaman na ang pariralang “ang mga laminang ito” (Mga Salita ni Mormon 1:3–4) ay tumutukoy sa maliliit na lamina na ipinagawa kay Nephi (tingnan sa 1 Nephi 9:2–4). Isinasalaysay ng maliliit na lamina ang marami sa parehong panahon ng malalaking lamina ni Nephi na napaikli na ni Mormon, ngunit nakatuon ang mga ito sa mga espirituwal na pangyayaring naganap. Kung gusto mong maunawaan pa ang tungkol sa mga talaang ito, maaari mong basahin ang “Maikling Paliwanag tungkol sa Ang Aklat ni Mormon,” na makikita sa simula ng Aklat ni Mormon.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahin ang mga sumusunod na talata sa banal na kasulatan at talakayin ang mga kasamang tanong bilang magkakapartner.

Kapwa nakatanggap sina Mormon at Nephi ng mga partikular na pahiwatig mula sa Panginoon tungkol sa maliliit na lamina. Basahin ang 1 Nephi 9:5–6 at Mga Salita ni Mormon 1:7–8, at alamin ang mga pagkakatulad sa mga naranasan ng dalawang propetang ito.

  • Aling mga salita o parirala ang pinakanapansin mo?

  • Ano ang sinasabi sa atin ng mga talatang ito tungkol kina Nephi at Mormon?

  • Anong mga katotohanan ang maituturo sa atin ng kanilang mga salita tungkol sa Panginoon?

Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isulat sa pisara ang mga katotohanang matutukoy nila.

Bukod sa iba pang mga katotohanan, maaaring napansin mo na alam ng Panginoon ang lahat ng bagay, taglay Niya ang lahat ng kapangyarihan, at naghahanda Siya ng paraan upang maisakatuparan ang Kanyang mga gawain.

Ang sumusunod na tanong ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na pag-isipan ang mga katangiang ito ng Panginoon. Maaaring makabuluhan para sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga naisip sa kanilang study journal.

  • Bakit mahalagang malaman mo na nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay at taglay Niya ang lahat ng kapangyarihan?

  • Paano makatutulong sa iyong buhay ang kaalamang ito?

  • Paano maaaring makaimpluwensya ang nauunawaan mo sa mga katotohanang ito sa kahandaan mong sundin ang mga pahiwatig ng Panginoon ?

Maaari mong anyayahan ang isa o mahigit pang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa isa sa mga naunang tanong. Maaari ka ring magbahagi ng personal na karanasan.

Inihanda ng Panginoon ang daan

Ang katibayan na nalalaman ng Panginoon ang lahat ng mangyayari at taglay Niya ang lahat ng kapangyarihan ay makikita sa Kanyang pag-uutos kay Nephi na ihanda ang maliliit na lamina at pagbibigay ng inspirasyon kay Mormon na isama ang mga talaang iyon sa kanyang pinaikling talaan.

Makalipas ang daan-daang taon, nang isinasalin ni Joseph Smith ang mga lamina ng Aklat ni Mormon, nagsimula siya sa pinaikling tala ni Mormon tungkol sa malalaking lamina ni Nephi. Si Martin Harris, na tumutulong bilang tagasulat ni Joseph, ay humiling nang maraming beses na ipakita ang mga naisaling pahina sa kanyang asawa at iba pang mga kamag-anak. Bagama’t tumanggi ang Panginoon sa kahilingan ni Martin, patuloy na hiningi ni Joseph ang pahintulot ng Panginoon. Sa huli, sa mahigpit na mga tagubilin at babala, pinayagan si Martin na dalhin ang 116 na pahina ng manuskrito sa kanyang tahanan sa Palmyra, New York. Nangako siyang ibabalik ang manuskrito kay Joseph sa Harmony, Pennsylvania, sa loob ng dalawang linggo.

Maaari mong anyayahan ang isang estudyante na muling ikuwento ang mga pangyayari sa pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon. Ang mahahalagang bagay tungkol sa kasaysayan na nasa ibaba ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng mga pangyayaring ito.

ChurchofJesusChrist.org O maaari mong basahin ang mga sumusunod na pangyayari na naglalarawan ng naranasan nina Joseph at Martin. (Tingnan din sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 58–61.)

13:34
  1. Isinilang ng asawa ni Joseph na si Emma ang kanilang panganay na anak, na namatay pagkaraan lang ng ilang oras. Dalawang linggong inalagaan ni Joseph si Emma, pagkatapos ay naglakbay siya patungong Palmyra nang hindi bumalik si Martin sa Harmony.

  2. Inamin ni Martin na nawala niya ang manuskrito ng Aklat ni Mormon. Kinastigo ng Panginoon si Joseph at hindi na siya pinahintulutang ipagpatuloy ang pagsasalin.

  3. Matapos ang lubos at taos-pusong pagsisisi ni Joseph at paghingi ng kapatawaran, pinahintulutan ng Panginoon si Joseph na ipagpatuloy ang pagsasalin ng mga lamina. Gayunman, iniutos sa kanya na huwag nang isaling muli ang bahaging nawala.

  4. Inihayag ng Panginoon na, sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, ninakaw ng masasamang tao ang manuskrito. Hangad nilang baguhin ang mga salita at palabasin na si Joseph ay nagkukunwari lang na nagsasalin, sa gayon ay mawawasak ang gawain ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10:10–19, 29–33).

  5. Iniutos ng Panginoon kay Joseph na isalin ang talaan ni Nephi sa maliliit na lamina, na isinama ni Mormon sa kanyang pinaikling tala at nagsalaysay ng marami sa parehong panahon at mga pangyayari sa nawalang bahagi. Ipinahayag ng Panginoon, “Ang aking karunungan ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo” (Doktrina at mga Tipan 10:43).

Talakayin ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod o iba pa na naiisip mo upang matulungan ang mga estudyante na masuri kung paano magagamit ng Panginoon ang Kanyang kaalaman at kapangyarihan upang pagpalain tayo at isakatuparan ang Kanyang gawain.

  • Sa paanong mga paraan ipinapakita ng halimbawang ito mula sa kasaysayan ng Simbahan ang kaalaman at kapangyarihan ng Panginoon?

  • Paano magbibigay ng katiyakan sa iyo ang pangyayaring ito na maghahanda ang Panginoon ng paraan sa iyong buhay?

  • Kailan nakatulong sa iyo o sa isang kakilala mo ang pagtugon sa isang espirituwal na pahiwatig upang maisakatuparan ang gawain ng Panginoon?

  • Paano maiimpluwensyahan ng mga katotohanang natutuhan mo ngayon ang iyong kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Pagsunod sa mga pahiwatig

Lahat ng isinulat na napag-aralan mo ngayong taon sa Aklat ni Mormon (1 NephiOmni) ay natanggap mo dahil naniniwala si Mormon na alam ng Panginoon ang lahat ng bagay at sinunod niya ang espirituwal na impresyon na isama ang maliliit na lamina.

Tulad ni Nephi, maaari kang gumawa ng isang bahagi ng “maliliit na lamina” sa iyong study journal upang itala ang mga karanasang sagrado sa iyo. Maaari mong pagnilayan at itala ang nalalaman at pinaniniwalaan mo tungkol sa Diyos at kung paano ka Niya matutulungang kumilos nang may pananampalataya upang maisakatuparan ang Kanyang gawain.

Kung may oras pa, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga makabuluhang scripture passage o kuwento na naaalala nila mula sa 1 NephiOmni. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo upang tapusin ang lesson.