Seminary
Enos–Mga Salita ni Mormon: Buod


“Enos–Mga Salita ni Mormon: Buod,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2023)

“Enos–Mga Salita ni Mormon,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

Enos–Mga Salita ni Mormon

Buod

Ang mga aklat mula kay Enos hanggang sa Mga Salita ni Mormon ay sumasaklaw sa daan-daang taon at nagpapakilala sa atin sa iba’t ibang propeta at inspiradong kalalakihan. Si Enos, na anak ni Jacob at apo ni Lehi, ay nanalangin sa Diyos “sa mataimtim na panalangin” para sa kanyang mga kasalanan (Enos 1:4). Ang mga aklat nina Jarom at Omni ay naglalaman ng maraming turo na magpapala sa ating buhay. Si Mormon ay binigyang-inspirasyon ng Espiritu ng Panginoon na isama ang maliliit na lamina “para sa isang matalinong layunin,” alinsunod sa kalooban ng Panginoon (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:3–7). At itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga anak na lalaki ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga banal na kasulatan sa kanilang pananampalataya.

Maghandang Magturo

Ang sumusunod na impormasyon ay nagbibigay sa mga titser ng mga ideya tungkol sa kung ano ang maaaring kailangang ihanda nang maaga para sa bawat lesson.

Enos

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay naglalayong tumulong sa mga estudyante na manampalataya kay Jesucristo at magsisi upang makatanggap ng kapatawaran.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Enos 1:1–8 bago magklase, at pagnilayan ang nadama ni Enos at ang natutuhan niya tungkol sa Panginoon at nang mapatawad siya sa kanyang mga kasalanan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano kaya nabago ng karanasang ito ang buhay ni Enos.

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Matapos anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang mahahalagang parirala mula sa Enos 1:1–8, maaari mong ipabahagi sa kanila ang mga ito gamit ang whiteboard feature. Maaaring pumili ang mga estudyante ng isa sa mga pariralang ito na gusto nilang mas maunawaan at maaari silang magdagdag ng mga tala mula sa kanilang pag-aaral sa tabi ng parirala. Pagkatapos ay maaaring hilingin sa kanila na ipaliwanag ang kanilang mga isinulat.

Jarom–Omni

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na sanayin ang pagtukoy at pagsasabuhay ng mga alituntunin mula sa mga banal na kasulatan na maaaring magpala at gumabay sa kanilang buhay.

  • Paghahanda ng estudyante: Habang ginagawa ng mga estudyante ang pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan araw-araw, sabihin sa kanila na sanayin ang pagtukoy ng mga alituntunin na makatutulong sa kanilang buhay. Hikayatin sila na dumating na handang magbahagi ng kahit isang alituntunin na nahanap nila.

  • Larawan: Isang larawan ng isang barko na may timon, na idinispley o idinrowing sa pisara

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Pag-isipang simulan ang klase sa tanong na ito: “Isipin kunwari na ang paglalakbay mo sa buhay ay parang barkong naglalayag sa karagatan. Ano ang ilang bagay na maikukumpara mo sa manibela o timon na gumagabay sa barko sa paglalakbay?” Anyayahan ang mga estudyante na sagutin ang tanong gamit ang chat feature. Basahin nang malakas ang ilan sa kanilang mga sagot bago ipakita ang pahayag ni Elder David A. Bednar.

Ang Mga Salita ni Mormon

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng katiyakan na alam ng Panginoon ang lahat ng bagay at ang Kanyang gawain ay maisasakatuparan.

  • Paghahanda ng estudyante: Maaaring itanong ng mga estudyante sa isang magulang o lider ng Simbahan kung paano sila ginabayan o pinagpala sa pagtugon sa isang espirituwal na impresyon o pahiwatig. 

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Kapag binasa ng mga estudyante ang 1 Nephi 9:5–6 at Mga Salita ni Mormon 1:7–8, maaari mong hatiin ang klase sa mga breakout room upang talakayin ang mga tanong at tukuyin ang mga alituntuning nahanap nila. Depende sa laki ng bawat grupo, maaaring ibahagi sa klase ng isang estudyante mula sa bawat grupo kung ano ang tinalakay ng kanilang grupo para sa 1 Nephi 9:5–6, at pagkatapos ay maaaring ibahagi ng ibang estudyante mula sa bawat grupo kung ano ang tinalakay ng kanilang grupo para sa Mga Salita ni Mormon 1:7–8.

Mga Salita ni Mormon 1:12–18; Mosias 1

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madagdagan ang kanilang hangaring pag-aralan ang mga banal na kasulatan.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na personal na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at pagnilayan kung paano ito nakakaapekto sa kanila, lalo na sa kanilang damdamin at pagtitiwala kay Jesucristo.

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Sa huling bahagi bago matapos ang lesson, kapag pumili ang mga estudyante ng ilang aktibidad na gagawin tungkol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pag-isipang ipagawa ang video activity nang magkakasama bilang klase. Ipa-download ang isa sa mga video at sabihin sa mga estudyante na panoorin ito at maghanap ng mga halimbawa kung paano mapagpapala ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang ating buhay at kung paano nito mapapalakas ang ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga ideya bago pumili ng dalawa sa mga natitirang aktibidad.

Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery 6

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na palalimin ang kanilang pag-unawa at magpaliwanag ng mga katotohanan mula sa isa o mahigit pa sa mga doctrinal mastery passage mula sa Aklat ni Mormon.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang mga scripture passage mula sa chart sa lesson na ito at pumili ng isa na gusto nilang mas maunawaan pa. Ipabasa sa kanila ang passage na pinili nila at sikaping mas maunawaan ito. Maaaring kabilang dito ang paghahanap ng iba pang mga sumusuportang banal na kasulatan, pagsusulat ng kanilang mga ideya tungkol dito sa kanilang journal, o pagtatanong sa iba kung ano ang nauunawaan nila mula sa talata. Anyayahan silang dumating na handang ibahagi ang ginawa nila at kung ano ang natutuhan nila.

  • Mga larawan: Mga larawan ng iba’t ibang laro o sporting event

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Maaari mong ilagay ang mga estudyante sa mga breakout room at anyayahan ang bawat grupo na magtulungan upang makagawa ng sarili nilang aktibidad na “Taludtod sa Taludtod.” Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa kanila na magsama-sama ulit upang ibahagi ang kanilang mga aktibidad sa kanilang mga kaklase.