“Mosias 2:1–18: ‘Nasa Paglilingkod ng Inyong Kapwa-Tao,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Mosias 2:1–18,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Mosias 2:1–18
“Nasa Paglilingkod ng Inyong Kapwa-Tao”
Paano nagiging mahusay ang isang lider? Sa mensahe ni Haring Benjamin, mauunawaan natin nang bahagya kung anong uri ng lider at halimbawa siya para sa kanyang mga tao. Si Haring Benjamin ay isang taong naglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanyang mga tao at pagtuturo sa kanila na paglingkuran ang isa’t isa. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang mas mapaglingkuran ang Diyos sa pamamagitan ng mas mabuting paglilingkod sa iba.
Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ano sa palagay mo ang paglilingkod?
Maglaan ng 60 segundo upang isulat ang iba’t ibang paraan na maiisip mo kung paano ka maglilingkod sa isang tao sa linggong ito.
-
Ano ang maaaring maghikayat sa isang tao na gawin ang mga bagay na ito?
-
Bakit maaaring mag-alinlangan ang isang tao na gawin ang mga bagay na ito?
Alin sa mga sumusunod ang maaaring pinakamainam na makapaglalarawan sa nararamdaman mo ngayon tungkol sa mga pagkakataong maglingkod?
-
Naghahanap ako ng mga pagkakataong maglingkod.
-
Handa akong tumulong kapag hiniling ito sa akin.
-
Gusto kong maglingkod pero nahihirapan akong unahin sa buhay ko ang paglilingkod.
-
Madalas kong isipin na may ibang tao namang maglilingkod.
-
Gusto kong maglingkod pero nag-aalala ako kung ano ang maaaring isipin sa akin ng iba.
-
Gusto kong maglingkod pero hindi ko maiwasang hangarin na pansinin o kilalanin ng iba.
-
Iba Pa:
Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, pag-isipan kung paano at bakit mo mas paglilingkuran ang mga nasa paligid mo, simula ngayon.
Halimbawa ng paglilingkod ni Haring Benjamin
Nang malapit nang magwakas ang buhay ni Haring Benjamin, hiniling niya sa kanyang anak na si Mosias na tipunin ang mga Nephita upang makausap niya sila. Nagtipon sila sa templo kasama ang kanilang mga pamilya upang makinig kay Haring Benjamin (tingnan sa Mosias 2:1–9).
Basahin ang Mosias 2:10–14, at alamin kung paano pinaglingkuran ni Haring Benjamin ang kanyang mga tao.
-
Ano ang pinakanapansin mo tungkol kay Haring Benjamin?
-
Paano maiiba ang iyong pamilya, paaralan, o komunidad kung namuhay ang mga tao gaya ni Haring Benjamin?
Bakit tayo naglilingkod
Basahin ang Mosias 2:15–18, at alamin ang itinuro ni Haring Benjamin tungkol sa paglilingkod.
-
Anong mga katotohanan ang natukoy mo?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula kay Haring Benjamin ay “kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.”
-
Paano tayo naglilingkod sa Diyos kapag naglilingkod tayo sa iba?
-
Ano ang nakikita mo sa mga talatang ito na nagpapaalala sa iyo tungkol kay Jesucristo?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), at alamin ang itinuro niya tungkol sa kaugnayan ng ating paglilingkod sa iba at ng ating kaugnayan sa Diyos:
Kapag nakatingin tayo sa langit, tiyak na malalaman natin ang ating responsibilidad na tumulong sa iba. Upang mahanap ang tunay na kaligayahan, kailangan natin itong hanapin nang hindi nakatuon sa ating sarili. Hindi malalaman ng sinuman ang kahulugan ng buhay hangga’t hindi siya nagpapakumbaba sa paglilingkod sa kanyang kapwa. … Itinuturo ng Bagong Tipan na imposibleng magkaroon ng tamang saloobin kay Cristo kung makasarili ang saloobin ng isang tao sa kanyang kapwa. …
Tinitingnan natin ang Tagapagligtas bilang ating halimbawa ng paglilingkod. Bagama’t Siya ay isinilang sa mundo bilang Anak ng Diyos, mapagpakumbaba Niyang pinaglingkuran ang mga taong nakapaligid sa Kanya. Bumaba Siya mula sa langit para mamuhay bilang isang mortal dito sa lupa at para itayo ang kaharian ng Diyos. Binago ng Kanyang maluwalhating ebanghelyo ang pananaw ng sanlibutan. Pinagaling Niya ang maysakit; pinalakad Niya ang lumpo, pinagaling ang bulag at ang bingi. Maging ang mga patay ay Kanyang binuhay. (Thomas S. Monson, “The Joy of Service,” New Era, Okt. 2009, 4, 6)
-
Paano ka nahihikayat na paglingkuran ang iba kapag iniisip mo ang tungkol sa halimbawa ng Tagapagligtas?
-
Paano ka napagpala ng paglilingkod sa iba?
-
Paano ka napagpala ng paglilingkod ng iba?
Gumawa ng plano
Ibinahagi ni Sister Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, ang mahalagang kaalamang ito tungkol sa paglilingkod. Isipin kung ano ang itinuturo niya habang naghahanda kang gumawa ng plano na paglingkuran ang iba. ChurchofJesusChrist.orgBasahin ang sumusunod na pahayag.
Kung babaguhin natin ang ating pananaw upang ang pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan ay hindi gaanong tungkol sa pagbibigay ng mga bagay-bagay kundi tungkol sa pakikipag-ugnayan sa tao, pagkakaroon ng makabuluhang pag-uusap, at pagbuo ng masaya at mabuting ugnayan, kung gayon maisusugo tayo ng Panginoon sa kung saang lugar. …
… At tandaan na, tulad ng Tagapagligtas, kayo mismo ang isa sa pinakamagagandang kaloob na maibibigay ninyo sa ibang taong nangangailangan. (Sharon Eubank, “Turning Enemies into Friends” [Forum sa Brigham Young University, Ene. 23, 2018], 6–7, speeches.byu.edu)
-
Ano ang pinakanapansin mo sa itinuro ni Sister Eubank tungkol sa paglilingkod?
Ano ang ilang paraan kung paano mo magagawa ang itinuro niya? Isipin ang iyong pamilya, mga kaibigan, o komunidad. Manalangin at hilingin sa Ama sa Langit na bigyan ka ng inspirasyon tungkol sa mga paraan kung paano ka makapaglilingkod. Sa iyong study journal, isulat ang mga pangalan ng mga taong naiisip mo at mga ideya kung paano mo sila matutulungan. Magpasiya kung kailan ka kikilos ayon sa mga impresyon sa iyo. Marahil ay may magagawa ka ngayon mismo.