Seminary
Mosias 3:1–17: Kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo


“Mosias 3:1–17: Kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mosias 3:1–17,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mosias 3:1–17

Kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo

Jesucristo

Sa buong kasaysayan, dumalaw ang mga anghel sa mundo upang magpatotoo tungkol kay Jesucristo at ipahayag ang “masayang balita ng dakilang kagalakan” (Mosias 3:3; Alma 13:22; Helaman 16:14). Nakatanggap si Haring Benjamin ng gayong pagdalaw. Ibinahagi niya sa kanyang mga tao ang patotoo ng anghel tungkol kay Jesucristo, ang mga bagay na mararanasan ng Tagapagligtas, at ang katotohanan na ang kaligtasan ay dumarating lang sa pamamagitan ng pangalan ni Cristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng ginawa ni Jesucristo upang maligtas ka.

Pagtulong sa mga estudyante na matutong magnilay. Ang ibig sabihin ng “magnilay” ay magbulay-bulay o mag-isip nang malalim tungkol sa isang bagay, at kadalasan ay may kasama itong panalangin. Habang natututuhan ng mga estudyante na magnilay sa kanilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan, ang Espiritu ay maghahayag sa kanila ng katotohanan at tutulong sa kanila na malaman kung paano sila magiging higit na katulad ni Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na talakayin sa isang kapamilya, kaibigan, o lider ng Simbahan ang mga pagpapalang posible lamang dahil kay Jesucristo.

Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Masayang balita ng dakilang kagalakan

Magpakita ng larawan ng mga anghel na nagbabalita ng pagsilang ng Tagapagligtas.

  • May naiisip ba kayong mga pagkakataon na pumarito sa lupa ang mga anghel upang magpatotoo tungkol kay Jesucristo?

Ang isang halimbawa ay nasa Lucas 2:10–12. ChurchofJesusChrist.org

2:50

Nagpakita rin ang isang anghel kay Haring Benjamin. Basahin ang Mosias 3:3–4, at alamin ang mga pagkakatulad ng sinabi ng anghel sa mga pastol at ng sinabi ng anghel kay Haring Benjamin.

  • Ano ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo na maituturing na “masayang balita ng dakilang kagalakan”?

Sa kanyang mensahe sa kanyang mga tao na kasama sa Mosias 3:1–17, ibinahagi ni Haring Benjamin ang ilan sa mensahe ng anghel. Tinalakay ng mensaheng ito ang buhay at misyon ni Jesucristo, kung paano sila makatatanggap ng kagalakan, at kung ano ang maibibigay ni Jesus na hindi maibibigay ng sinuman.

Ang tanging pangalan na magdadala ng kaligtasan

Basahin ang Mosias 3:17, at alamin kung ano ang maibibigay ni Jesucristo.

  • Anong katotohanan ang matutukoy mo sa talata 17?

Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan—halimbawa, ang kaligtasan ay dumarating lamang sa pamamagitan ni Jesucristo. Pasalamatan ang mga estudyante sa pagbabahagi ng mga katotohanang nalaman nila, at maaari mong isulat ang isa o mahigit pa sa pisara.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol at alamin kung saan tayo inililigtas ni Jesucristo:

Ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang di-masukat na kaloob na Pagbabayad-sala, ay hindi lamang tayo inililigtas mula sa kamatayan at inaalok tayo, sa pamamagitan ng pagsisisi, ng kapatawaran para sa ating mga kasalanan, kundi handa rin Siyang iligtas tayo mula sa mga kalungkutan at sakit ng ating sugatang kaluluwa. (Neil L. Andersen, “Sugatan,” Liahona, Nob. 2018, 85)

Ang mga sumusunod na tanong ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na madama na kailangan nila ang Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang kanilang mga sagot. Humingi ng patnubay mula sa Espiritu upang malaman ang iba pang mga paraan kung paano mo matutulungan ang mga estudyante na maunawaan na kailangan ng bawat isa sa kanila si Jesucristo.

Isipin kung saan mo kailangang mailigtas. May mga kasalanan ka bang sinisikap na madaig? May mga kalungkutan o pasakit ka bang nararanasan? Habang pinag-aaralan mo ang Mosias 3, maghangad ng inspirasyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang matulungan kang malaman kung paano mo matatanggap ang kaligtasang ibinibigay ni Jesucristo.

Basahin ang Mosias 3:5–10, at alamin ang ginawa ni Jesucristo upang mailigtas ka. Mag-ukol ng oras na magbasa nang dahan-dahan at magnilay. Ang pagninilay ay isang paraan upang maanyayahan ang Espiritu Santo na turuan ka. Maaari kang magsulat ng mga ideya at saloobin sa iyong mga banal na kasulatan o study journal.

Tiyakin na may sapat na oras ang mga estudyante na basahin at pagnilayan ang mga banal na kasulatan. Dahil may ilang estudyante na mas mauunang matapos sa pagbabasa kaysa sa iba, maaari mo silang anyayahang basahing muli ang ilang talata, hanapin ang mga footnote, o mag-ukol ng mas maraming oras upang magnilay.

Pagkatapos ng sapat na oras, hikayatin ang mga estudyante na ibahagi ang impresyon nila sa kanilang pinag-aralan. Isiping gamitin ang ilan o lahat ng sumusunod na tanong. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na magtanong tungkol sa mga talata.

  • Ano ang mga naging impresyon mo habang pinag-aaralan mo ang mga talatang ito?

  • Ano ang ilan sa mga parirala sa mga talatang ito ang pinakanapansin mo?

  • Ano ang nalaman mo na ikinagalak mo?

ChurchofJesusChrist.org

2:21

Maaari kang magbahagi ng personal na karanasan o patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa kaligtasang ibinibigay Niya. Anyayahan din ang mga estudyanteng handang magbahagi ng kanilang mga karanasan at patotoo.

Basahin ang Mosias 3:11–13, at alamin kung ano ang kailangan mong gawin upang makatanggap ng kagalakan at kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo. Basahin nang dahan-dahan at pagnilayan ang mga talatang ito. Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa iyong magnilay.

Gamitin ang ilan sa mga tanong sa ibaba, o iba pa na nahihikayat kang itanong, upang matulungan ang mga estudyante na talakayin ang kagalakang maaaring madama sa pamamagitan ng pagsisisi. Maaari mo ring ibahagi ang pahayag ni Elder Dale G. Renlund tungkol sa kagalakan at pagsisisi sa bahaging “Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto.”

Maaaring makatulong sa mga estudyante na tukuyin ang sumusunod na alituntunin: Kung mananampalataya tayo kay Jesucristo at magsisisi, maililigtas tayo mula sa ating mga kasalanan at magagalak nang may labis na kagalakan.

  • Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo na naghihikayat sa iyo na magsisi?

  • Sa iyong palagay, bakit nagdudulot ng kagalakan ang kapatawaran ng mga kasalanan?

Alalahanin kung saan mo kailangang mailigtas. Isipin ang napag-aralan mo sa Mosias 3 at ang mga impresyong natanggap mo mula sa Espiritu. Sikaping manampalataya, magsisi, at maniwala kay Cristo upang matanggap mo ang tulong ng Tagapagligtas at ang kagalakang nagmumula sa pagpapatawad.