Seminary
Doctrinal Mastery: Mosias 2:17—“Nasa Paglilingkod ng Inyong Diyos”


“Doctrinal Mastery: Mosias 2:17—‘Nasa Paglilingkod ng Inyong Diyos,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Doctrinal Mastery: Mosias 2:17,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Doctrinal Mastery: Mosias 2:17

“Nasa Paglilingkod ng Inyong Diyos”

mga binatilyong bumibisita sa matandang lalaki

Sa lesson na “Mosias 2:1–18,” natutuhan mo na “kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang doctrinal mastery passage at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Mosias 2:17, maipaliwanag ang doktrina, at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga sitwasyon sa tunay na buhay.

Paggamit ng mga sitwasyon. Ang pagtalakay sa mga sitwasyon o pangyayari sa tunay na buhay ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan kung paano naaangkop ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa pang-araw-araw na buhay. Hikayatin ang mga estudyante na mag-isip ng mga sitwasyon mula sa sarili nilang buhay, at pagkatapos ay anyayahan sila na ipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman upang makatuklas ng mga posibleng resolusyon sa kanilang mga tanong.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumunta sa klase na napag-isipan na ang isang pagkakataon na nagkaroon sila ng mahirap na karanasan sa paglilingkod o pagkakataong maglingkod ngunit ayaw nilang maglingkod.

Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang doctrinal mastery passage lesson na ito ay ginawa upang maituro pagkatapos ng lesson na “Mosias 2:1–18,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na Mosias 2:17. Kung kailangang ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggong iyon.

Ipaliwanag at isaulo

Basahin ang Mosias 2:17 at ang doctrinal mastery passage sa Bagong Tipan na Mateo 22:36–39, at alamin ang mga pagkakatulad.

Para magkaroon ng pagkakaiba, maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante at ipabasa sa bawat isa ang isa sa mga scripture passage. Pagkatapos, sabihin sa kanila na talakayin ang mga sumusunod na tanong.

  • Anong mga pagkakatulad ang nakita ninyo sa Mateo 22:36–39 at Mosias 2:17?

  • Paano ninyo ipaliliwanag ang doktrina ng paglilingkod gamit ang mga scripture passage na ito?

Upang matulungan ang mga estudyante na maisaulo ang mahalagang pariralang ito ng banal na kasulatan, maaari mong hatiin ang klase sa dalawa. Italaga sa kalahati ng klase ang unang bahagi ng parirala: “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao.” Italaga sa natitira sa klase ang pangalawang bahagi ng parirala: “Kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.” Ituro ang unang grupo at sabihin sa kanila na ulitin ang pariralang nakatalaga sa kanila. Ulitin sa pangalawang grupo. Matapos ulitin ang dalawang parirala, sama-samang sabihin ang “Mosias 2:17” bilang isang klase. Maaari mong ulitin ang aktibidad pero pagpalitin ang mga pariralang nakatalaga sa dalawang grupo ng klase. Ipaalala sa mga estudyante na maging mapitagan kapag nagsasalita tungkol sa Diyos.

Pagsasabuhay

Tandaan na ang layunin ng pag-aaral ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman ay tulungan ang mga estudyante na malaman nang husto ang mga ito upang magamit nila ito sa kanilang buhay kapag nahaharap sila sa mga tanong tungkol sa mga bagay na pang-espirituwal. Gamitin ang mga aktibidad na ito sa pagrerebyu upang masuri ang kaalaman ng mga estudyante tungkol sa mga alituntunin. Iakma o ulitin ang mga ito kung kinakailangan.

Hatiin ang mga estudyante sa mga grupong may tigtatatlong miyembro at italaga sa bawat estudyante ang isa sa mga sumusunod na alituntunin mula sa Doctrinal Mastery Core Document (2022): kumilos nang may pananampalataya, suriin ang mga konsepto at mga tanong nang may walang-hanggang pananaw, at hangarin na mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos. Sabihin sa bawat estudyante na tumukoy ng dalawang pangungusap mula sa bahaging nakatalaga sa kanila na sa palagay nila ay mahalagang maunawaan. Sabihin sa kanila na ibahagi ang mga pangungusap na ito sa kanilang grupo at ibahagi rin kung bakit nila pinili ang mga ito.

Ang sumusunod na aktibidad ay maaaring gawin nang mag-isa, nang may kapartner, o sa maliliit na grupo. Kung pipiliin ng mga estudyante na sumulat ng isang sitwasyon, kasama dapat sa sitwasyon ang isang hamon o problema na maaaring malutas sa pamamagitan ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na makipagpalitan ng sitwasyon. Pagkatapos ay anyayahan silang gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa pagtugon sa sitwasyong natanggap nila. Kung kinakailangan, ibigay sa mga estudyante ang mga tanong na nakalista sa bawat bahagi.

Ang paglilingkod ay karaniwang magandang karanasan para sa mga nakikibahagi at naglilingkod. Gayunpaman, may mga hamon din na maaaring maging bahagi ng paglilingkod. Pagnilayan ang mga naging oportunidad mo sa paglilingkod kamakailan. Ano ang ilan sa mga hamong dumating kaakibat ng paglilingkod? Ano ang ilang dahilan kung bakit ayaw maglingkod ng mga tao?

Magsulat ng sarili mong sitwasyon na naglalarawan ng isang hamon sa paglilingkod. Narito ang isang halimbawa: Hiniling kay Sophia ng mga lider ng kanyang Simbahan na magdala ng regalo para sa kaarawan ng isang di-gaanong aktibong batang babae sa kanyang klase sa Young Women. Nang buksan ng batang babae ang pinto, hindi ito gaanong mabait kay Sophia. Nasaktan si Sophia, kaya umalis siya na nagsisisi na ginawa niya ang paglilingkod.

Kumilos nang may pananampalataya

  • Paano naging pagpapakita ng pananampalataya ang maglingkod sa kabila ng mga hamon?

  • Paano makatutulong ang doktrinang itinuro sa Mosias 2:17 sa tao sa sitwasyong ito na kumilos nang may pananampalataya?

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

  • Ano ang nagbabago kapag nakikita mo ang sitwasyon nang may walang-hanggang pananaw?

  • Paano makatutulong ang doktrinang itinuro sa Mosias 2:17 sa taong ito na makita ang mga bagay-bagay nang may walang-hanggang pananaw?

  • Ano kaya ang gagawin ng Tagapagligtas sa sitwasyong ito?

Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos

Upang matulungan ang mga estudyante na makahanap ng pahayag, maaari kang magpakita ng mga sipi mula sa bahaging “Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto” ng lesson na “Mosias 2:1–18.”

Maghanap ng karagdagang banal na kasulatan o pahayag mula sa pangkalahatang kumperensya na maibabahagi mo upang matulungan ang isang tao na kusang-loob na maglingkod. Upang magawa ito, subukang maghanap ng tungkol sa “paglilingkod” sa Gospel Library app, at pagkatapos ay tingnan ang mga banal na kasulatan o mga mensahe sa kumperensya na lumitaw. Maaari mo ring hanapin ang “Paglilingkod” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila. Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng paghikayat sa mga estudyante na sikaping madaig ang mga balakid na humahadlang sa kanila na maglingkod. Ipaalala sa kanila ang plano sa paglilingkod na ginawa nila habang pinag-aaralan nila ang Mosias 2:1–18 at ang mga oportunidad na maglingkod sa iba sa paligid nila araw-araw.

Pagrerebyu ng doctrinal mastery

Isulat sa pisara ang scripture reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan, at sabihin sa mga estudyante na ulitin ito nang malakas bilang isang klase. Burahin ang ilang salita at sabihin sa mga estudyante na ulitin muli ang buong reference at parirala. Ulitin ang prosesong ito hanggang sa mabura ang lahat at kaya nang ulitin ng mga estudyante ang buong reference at parirala nang walang kopya.