Seminary
Mosias 5:6–15: “Taglayin Ninyo ang Pangalan ni Cristo”


“Mosiah 5:6–15: ‘Taglayin Ninyo ang Pangalan ni Cristo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mosias 5:6–15,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mosias 5:6–15

“Taglayin Ninyo ang Pangalan ni Cristo”

Jesucristo

Ang mga pangalan ay maaaring magkaroon ng mahalagang kahulugan. Ano ang ibig sabihin ng taglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo? Ang Mosias 5 ay naglalaman ng katapusan ng mensahe ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao nang tipunin niya ang mga tao upang bigyan sila ng pangalan (tingnan sa Mosias 1:11). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng pagtataglay sa iyong sarili ng pangalan ni Jesucristo.

Pagtulad sa halimbawa ni Jesucristo. Ipinakita ng Tagapagligtas ang perpektong halimbawa kung paano tayo dapat mamuhay upang maging katulad Niya. Habang tinutulungan mo ang mga estudyante na matukoy ang mga salita, kilos, at katangian ni Jesucristo, sabihin sa kanila na maghanap ng mga paraan upang matularan ang Kanyang halimbawa sa kanilang personal na buhay.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang tanong na “Ano ang ibig sabihin ng taglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo?”

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Isang bagong pangalan

Ang sumusunod na aktibidad ay isang paraan upang matulungan ang mga estudyante na maghandang matuto tungkol sa pagtataglay nila ng pangalan ni Cristo. Kung may estudyante na maaaring sensitibo sa paksa tungkol sa mga ulila o pag-aampon, maaari kang magbigay ng alternatibong aktibidad.

Isipin ang isang ulila na walang tumutulong o nagmamalasakit na kalaunan ay nakakilala ng isang mapagmahal at matatag na pamilya na nag-alok na ampunin siya.

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring gusto ng ulila na maampon at taglayin ang pangalan ng kanyang bagong pamilya?

  • Anong mga pagpapala ang maibibigay ng kanyang bagong ina at ama na hindi kayang ibigay ng ulila para sa kanyang sarili nang mag-isa?

  • Ano kaya ang madarama ng ulila tungkol sa kanyang bagong pamilya?

Sa kanyang dakilang mensahe sa kanyang mga tao, sinabi ni Haring Benjamin, “Nais kong taglayin ninyo ang pangalan ni Cristo” (Mosias 5:8) at tawagin kayong “mga anak ni Cristo” (Mosias 5:7). Ang ilan sa mga tao ni Haring Benjamin ay mga Nephita, at ang iba pa ay mga inapo ni Mulek. Nais ni Haring Benjamin na magkaisa ang lahat ng tao sa iisang pangalang tulad ng sa isang pamilya.

Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan ngayon, pagnilayan ang mga paraan kung paano ka maaaring maging katulad ng ulila sa sitwasyon sa itaas at kung paano maaaring maging katulad ng Panginoon ang bagong magulang.

Maaari mong iguhit ang sumusunod na chart sa pisara. Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante at italaga sa bawat estudyante ang isa sa mga column.

Mga pagpapala ng pagtataglay natin ng pangalan ng Tagapagligtas

Paano ko tinataglay ang pangalan ng Tagapagligtas

Alalahanin na sa Mosias 5:1–5, nagpatotoo ang mga tao na ang Espiritu ng Panginoon ay gumawa ng “malaking pagbabago” sa kanila at sila ay “nahahandang makipagtipan sa … Diyos na gawin ang kanyang kalooban” (Mosias 5:2, 5).

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Mosias 5:6–10 at isulat ang anumang makikita nila na may kaugnayan sa kanilang column. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na magbahagi sa isa’t isa, at isama ang kanilang mga sagot sa pisara. Maaaring makatulong na ipaalam sa mga estudyante na ang kanang kamay ng Diyos ay nagpapahiwatig ng pagsang-ayon at ang kaliwang kamay ay sumisimbolo sa hindi pagsang-ayon.

Kung hindi nagkukusa ang mga estudyante na magbahagi ng mga sagot sa mga sumusunod na tanong, tanungin sila:

  • Anong mga pagpapala ang gusto mo sa iyong buhay na tanging ang Tagapagligtas lang ang makapagbibigay? (Maaari mong gamitin ang mga pariralang natukoy mo mula sa mensahe ni Haring Benjamin upang sagutin ang tanong na ito.) Bakit gusto mo ang mga pagpapalang ito?

  • Paano magiging tulad ng isang mapagmahal na magulang sa atin ang Tagapagligtas?

    Maaari kang magtanong ng mga follow-up na tanong tulad ng “Sa anong mga paraan tayo pinalalaya ng Tagapagligtas?” “Bakit kapaki-pakinabang na malaman na ‘walang ibang pangalan … kung saan ang kaligtasan ay darating’?”

  • Ayon kay Haring Benjamin, paano naging mga anak ni Cristo ang mga tao, o paano nila tinaglay sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo?

Paano natin tinataglay ang pangalan ni Cristo

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula kay Haring Benjamin ay kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga sagradong tipan, tayo ay nagiging mga anak ni Cristo at tinataglay natin sa ating sarili ang Kanyang pangalan.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan upang malinaw na maunawaan kung paano natin tinataglay ang pangalan ng Tagapagligtas.

Sinusunod ang huwaran sa banal na kasulatan, ang mga taong nabinyagan ay nagpapatunay sa harapan ng Simbahan “na sila ay tunay na nagsisi ng lahat ng kanilang kasalanan, at handang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo, na may matibay na hangaring paglingkuran siya hanggang wakas.” (D&T 20:37; tingnan din sa 2 Ne. 31:13; Moro. 6:3.) Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinaninibago natin ang tipang ito at ang lahat ng iba pang mga tipang ginawa natin sa mga tubig ng binyag. (Dallin H. Oaks, “Taking upon Us the Name of Jesus Christ [Pagtataglay ng Pangalan ni Jesucristo sa Ating Sarili],” Ensign, Mayo 1985, 80)

  • Paano ka mas napalapit sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan?

Upang matulungan kang patuloy na mapalalim ang iyong pag-unawa tungkol sa pagtataglay ng pangalan ni Jesucristo, basahin ang Mosias 5:11–13, 15, at maghanap ng iba pang payo mula kay Haring Benjamin tungkol sa pagtataglay ng pangalan ni Jesucristo sa iyong sarili.

ChurchofJesusChrist.org

3:51

Maaari kang magbigay ng follow-up na tanong tulad ng sumusunod: “Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng isulat ang pangalan ni Cristo sa inyong puso?” (tingnan sa Mosias 5:11–12). “Ano ang mga pagpapalang dumarating sa mga taong nakasulat sa kanilang puso ang pangalan ni Cristo?” “Paano kayo nahihikayat ng pagtataglay ninyo ng pangalan ni Cristo sa inyong iniisip at ikinikilos araw-araw na maging mas mabuting disipulo ni Cristo?”

Mag-isip ng mga halimbawa ng mga taong nakita mo na tinaglay sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo.

  • Ano ang ginagawa nila na nagpapakita na tinaglay nila sa kanilang sarili ang Kanyang pangalan?

  • Ano ang papel na ginagampanan ng sacrament sa pagtulong sa atin na gawin ito nang mas mabuti?

Ang pangalan ni Jesucristo

Upang matulungan ang mga estudyante na masuri kung gaano nila lubos na tinataglay ang pangalan ng Panginoon sa kanilang sariling puso, maaari mo silang anyayahan na tahimik na pag-isipan ang sumusunod:

  • Ano ang ilang paraan kung paano mo maipapakita na tinataglay mo sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo?

  • Anong mga pagpapala ang dumating nang taglayin mo sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo?

Isipin ang mga ideya at impresyong natanggap mo mula sa Espiritu Santo habang nag-aaral ka ngayon. Isipin kung ano ang magagawa mo upang mas lubos na taglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo.

Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa nadarama nila na dapat nilang gawin. Maaari mong ibahagi kung paano nakaimpluwensya sa iyong buhay ang pagtataglay ng pangalan ni Cristo sa iyong sarili.